Ang Iglesya Katolika sa Espanya—Ang mga Pagkakasalungatan
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya
“Ang mga bagay ay bihirang maging gaya ng kung ano talaga ito.” Angkop na inilalarawan ng obserbasyong ito ni Sir William Gilbert ang templo ng Sagrada Familia sa Barcelona (nakalarawan sa pahina 10). Itinatago ng maharlikang mga tore nito ang interyor nito na walang laman—pagkatapos ng isang daang taon na pagtatayo, ang templo ay balangkas pa rin. Ang Katolisismo sa Espanya rin naman ay kataka-takang pinaghalong lakas at kahungkagan, gaya ng isinisiwalat ng mga komento ng sumusunod na mga Kastila:
“John XXIII? Pamilyar ang tunog ng pangalang iyan. Siya ba’y isang hari?” sabi ni Cristina, isang tin-edyer na Kastila, na hindi pa nakabalita tungkol sa kilalang papa na iyon.
Ang tsuper ng taksi sa Madrid na si José Luis at ang kaniyang maybahay, si Isabel, ay nagtungo sa parokya upang pabinyagan ang kanilang anak na lalaki. “Bakit gusto mong pabinyagan ang iyong anak?” ang tanong sa kanila. “Sapagkat kami’y mga Katoliko,” sagot ng ama. Gayunman, nang giitin, inamin niya na ang pangunahing dahilan ay upang iwasan ang mga problema sa pamilya.
ANG isang taong dumadalaw sa Espanya sa panahon ng Semana Santa ay malamang na humanga sa mga prosesyon na ginaganap sa mga lungsod sa buong bansa. Subalit ang ilang mga Kastila—lalo na ang mga kabataan—ay maaaring kaunti lamang ang nalalaman, kung mayroon man, tungkol sa relihiyong kanilang pinaniniwalaan.
Ang kawalang-alam sa relihiyon ay karaniwang kakambal ng kawalang interes sa relihiyon. Bagaman ang karamihan ng mga Kastila ay bininyagan, ikinasal, at inilibing ng simbahan—at talagang itinuturing ang kanilang mga sarili na mga Katoliko—ang pamumuhay ayon sa mga utos ng Roma ay ibang bagay naman.
Maaaring pabinyagan ng mga magulang ang kanilang mga anak subalit bihira silang makadama ng obligasyon na turuan ang mga ito ng doktrinang Katoliko. Malamang na ang mga mag-asawa ay ikinasal sa simbahan subalit bihira nilang sundin ang turo ng simbahan tungkol sa mga bagay na pangmag-asawa. At 10 porsiyento niyaong nagsasabing sila’y mga Katoliko ay hindi man lamang naniniwala sa isang personal na Diyos.
Ang kalagayang ito ay hindi naman lubhang kataka-taka, kung isasaalang-alang ang nananatili ngunit magkasalungat na kaugnayan ng Espanya sa simbahan. Inilalarawan bilang dating “liwanag [ng konseho] ng Trent, ang martilyo ng mga erehes at ang tabak ng Roma,” ginawa rin ng Espanya ang “pinakamadugong pag-uusig na dinanas ng Iglesya Katolika sa buong panahon ng pag-iral nito,” sabi ng isang propesor ng kapanahong kasaysayan sa University of Deusto, Vizcaya.
Noong ika-16 na siglo, ipinagtanggol ng salapi at hukbo ng Espanya ang Katolisismo sa Europa laban sa kilos ng Protestante, subalit noong 1527 ang Roma at ang Vaticano mismo ay walang-awang dinambong ng hukbo ng Kastilang hari at emperador ng Banal na Imperyong Romano na si Charles V.a Winalang-bahala ni Charles, gaya ng iba pang mga soberanong Kastila, ang anumang mga utos ng Vaticano na ayaw niya.
Ang malaya gayunma’y natatanging tatak ng Katolisismo ng Espanya ang pinagmulan ng mga salungatang ito sa isang walang katulad na ugnayan ng Simbahan-Estado, na pinag-isa nang ito ay kapuwa nasa tugatog ng kanilang kapangyarihan.
[Talababa]
a Pagkatapos dambungin ang Roma noong 1527, pinanatili ni Charles si Papa Clemente VII na talagang nakakulong sa bahay sa Castel Sant’ Angelo, Roma, sa loob ng pitong buwan.