Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 2/22 p. 22-23
  • Ang Kahanga-hangang “Neem”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kahanga-hangang “Neem”
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Papel Nito Bilang Isang Punungkahoy
  • Galit Dito ang mga Kulisap
  • “Ang Botika ng Nayon”
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1992
  • Isang Patpat na Nakalilinis ng mga Ngipin
    Gumising!—2003
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2005
  • Paglaban sa “Halik” ni Kamatayan
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 2/22 p. 22-23

Ang Kahanga-hangang “Neem”

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA

“ANG botika ng nayon”​—iyan ang tawag ng mga tao sa punungkahoy na neem sa India. Maraming siglo nang bumabaling ang mga tao sa bansang iyan sa neem para sa ginhawa mula sa kirot, lagnat, at mga impeksiyon. Palibhasa’y naniniwalang ang neem ay makatutulong upang linisin ang kanilang dugo, sinisimulan ng maraming Hindu ang taon sa pamamagitan ng pagkain ng ilang dahon ng neem. Ang mga tao ay naglilinis din ng kanilang mga ngipin sa pamamagitan ng maliliit na sanga ng neem, nagpapahid ng katas ng dahon ng neem sa mga sakit sa balat, at umiinom ng tsa ng neem bilang isang gamot na pampalakas.

Nitong nakalipas na mga taon ay lumaki ang interes ng mga siyentipiko sa neem. Gayunman, nagbabala ang isang siyentipikong ulat na pinamagatang Neem​—A Tree for Solving Global Problems: “Bagaman waring walang-katapusan ang mga posibilidad, wala pang natitiyak na anuman tungkol sa neem. Inaamin ng mga siyentipikong interesadung-interesado sa halaman at sa maaaring paggamitan nito na sa ngayon ay pansamantala lamang ang ebidensiya upang suhayan ang kanilang mga inaasahan.” Gayunpaman, sinabi rin ng ulat: “Ang dalawang dekada ng pananaliksik ay nagsisiwalat ng magagandang resulta sa maraming larangan anupat ang misteryosong halamang ito ay maaaring pakinabangan nang husto kapuwa ng mahihirap at mayayamang bansa. Maging ang ilan sa napakaingat na mananaliksik ay nagsasabing ‘ang neem ay karapat-dapat na tawaging isang kamangha-manghang halaman.’”

Ang Papel Nito Bilang Isang Punungkahoy

Yamang nasusumpungan sa tropikal na mga rehiyon, ang neem ay isang miyembro ng pamilya ng mga punungkahoy na mahogani. Lumalaki ito hanggang 30 metro ang taas at ang kabilugan ay maaaring umabot sa mahigit na 2.5 metro. Yamang bihira itong maubusan ng dahon, naglalaan ito ng lilim sa buong taon. Mabilis itong lumaki, hindi gaanong inaalagaan, at lumalaki kahit sa di-matabang lupa.

Dinala ito sa Kanlurang Aprika maaga ng siglong ito upang maglaan ng lilim at pigilin ang patimog na paglawak ng Sahara Desert. Itinanim din ng mga manggugubat ang punungkahoy sa Fiji, Mauritius, Saudi Arabia, Sentral at Timog Amerika, at sa mga isla ng Caribbean. Sa Estados Unidos, may mga lupang pinagtataniman bilang eksperimento sa timugang bahagi ng Arizona, California, at Florida.

Bukod sa buong-taong pagbibigay ng lilim sa maiinit na klima, ang neem ay magagamit din bilang panggatong. Isa pa, ang kahoy nito na hindi inaanay ay kapaki-pakinabang sa konstruksiyon at karpinterya. Kaya, batay lamang sa maraming gamit nito bilang isang punungkahoy, totoong kapaki-pakinabang ang neem. Pero simula lamang ito.

Galit Dito ang mga Kulisap

Dahil matagal nang alam ng mga tao sa India na ang mga dahon ng neem ay nagtataboy sa nakasusuyang mga insekto, naglalagay sila ng mga dahon nito sa mga kama, aklat, sisidlan, paminggalan, at mga aparador. Noong 1959 ay nagsaliksik tungkol sa neem ang isang Alemang entomologo at ang kaniyang mga estudyante matapos masaksihan ang isang malawakang salot ng balang sa Sudan na doo’y bilyun-bilyong balang ang umubos sa mga dahon ng bawat punungkahoy maliban sa neem.

Mula noon, natuklasan ng mga siyentipiko na ang masalimuot na imbakan ng mga kemikal ng neem ay mabisa laban sa mahigit na 200 uri ng insekto gayundin sa iba’t ibang maliliit na hayop, uod, fungi, baktirya, at maging sa ilang virus. Sa isang eksperimento, ang mga mananaliksik ay naglagay ng mga dahon ng balatong sa isang sisidlan na may mga Japanese beetle. Ang kalahati ng bawat dahon ay winisikan ng katas mula sa neem. Inubos ng mga beetle ang di-winisikang kalahati ng mga dahon ngunit hindi ginalaw ang mga bahaging winisikan. Sa katunayan, namatay ang mga ito sa gutom sa halip na kainin maging ang kapirasong bahagi ng winisikang mga dahon.

Ipinahihiwatig ng gayong mga eksperimento ang posibilidad na makabuo ng di-mamahalin, di-nakalalason, at madaling ihandang alternatibo sa ilang sintetikong pamatay-peste. Halimbawa, sa Nicaragua, inihahalo ng mga magsasaka sa tubig ang dinikdik na buto ng neem​—80 gramo ng buto sa bawat litro ng tubig. Ibinababad nila ang dinikdik na buto sa loob ng 12 oras, sinasala ang mga buto, at saka idinidilig ang tubig sa mga pananim.

Hindi agad pinapatay ng mga produkto mula sa neem ang karamihan sa mga insekto. Binabago ng idinilig na neem ang mga proseso sa buhay ng isang insekto, upang sa bandang huli, hindi na ito makakain, makapagparami, o makapagbago ng anyo. Ngunit bagaman ang mga produkto ng neem ay nakapipinsala sa mga kulisap, ang mga ito ay waring hindi nakapipinsala sa mga ibon, sa mga hayop na may mainit na dugo, o sa mga tao.

“Ang Botika ng Nayon”

Mayroon pang ibang pakinabang sa mga tao. Ang mga buto at dahon ay nagtataglay ng mga sangkap na maaaring ipanlinis, ipanlaban sa virus, at fungi. May mga mungkahi na baka magamot ng neem ang pamamaga, alta presyon, at mga ulser. Sinasabing nagagamot ng katas ng neem ang diyabetis at malarya. Kasali sa iba pang maaaring maging pakinabang ang mga sumusunod:

Pantaboy sa insekto. Ang isang sangkap ng neem, na tinatawag na salannin, ay mabisang pantaboy sa ilang nangangagat na insekto. Mabibili na ngayon ang isang panlaban sa langaw at lamok na gawa sa langis ng neem.

Panlinis sa ngipin. Milyun-milyong Indian ang pumuputol ng maliit na sanga ng neem tuwing umaga, nginunguya ang dulo upang palambutin ito, at saka ginagamit ito upang ikuskos sa kanilang ngipin at gilagid. Ipinakita ng pananaliksik na ito’y kapaki-pakinabang, yamang ang mga sangkap sa balat ng kahoy ay mabisang antiseptiko.

Katangiang kontraseptibo. Ang langis ng neem ay isang matapang na pamatay sa semilya at napatunayang mabisa sa pagpigil ng pag-aanak sa mga hayop sa laboratoryo. Ipinahihiwatig ng mga eksperimento sa mga unggoy na dahil sa mga sangkap ng neem ay baka maging posible nang makagawa ng pildoras na maiinom ng mga lalaki para sa pagpigil sa pag-aanak.

Maliwanag, hindi pangkaraniwang punungkahoy ang neem. Bagaman hindi pa natutuklasan ang lahat ng ebidensiya, ipinakikita ng neem na malaki ang maaasahang pakinabang​—sa pagpapasulong sa pamatay-peste, pagpapabuti ng kalusugan, tulong sa muling pagtatanim sa kagubatan, at, marahil, sa pagkontrol sa labis na populasyon. Hindi nakapagtataka na tinatawag ng mga tao ang kahanga-hangang neem na “kaloob ng Diyos sa sangkatauhan”!

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang neem, na may nakasingit na larawan ng dahon ng neem

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share