Kapag Naglaho ang Pag-asa at Pag-ibig
ISINULAT ng isang 17-taong-gulang na babaing taga-Canada ang mga dahilan kung bakit ibig niyang mamatay. Kabilang sa iba pa, itinala niya: ‘Kalungkutan at pagkatakot sa aking kinabukasan; pagkadama na ako’y mababa kaysa sa mga kamanggagawa; nuklear na digmaan; ozone layer; napakapangit ko, kaya hindi ako makapag-aasawa at mag-iisa na lamang ako sa buhay; sa palagay ko’y walang gaanong dahilan para mabuhay, kaya bakit pa ako maghihintay na matuklasan iyon; kapag patay na ako, wala na silang problema; hindi na ako kailanman masasaktan ng sinuman.’
Maaari kayang ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit nagpapakamatay ang mga kabataan? Sa Canada, “maliban sa mga aksidente sa sasakyan, ang pagpapatiwakal ang siya ngayong pinakapangkaraniwang sanhi ng kanilang kamatayan.”—The Globe and Mail.
Si Propesor Riaz Hassan, ng Flinders University of South Australia, ay nagsabi sa kaniyang komposisyon na “Napakaikling Buhay: Kausuhan sa Pagpapatiwakal ng mga Kabataan”: “May ilang sosyolohikong dahilan na may kinalaman sa suliranin at lumilitaw na may malaking impluwensiya sa pagdami ng nagpapatiwakal na nagbibinata at nagdadalaga. Ito ay ang maraming kabataang walang trabaho; mga pagbabago sa pamilya sa Australia; lumalaganap na paggamit at pag-aabuso sa droga; tumitinding karahasan ng mga kabataan; mental na kalusugan; at lumalaking agwat sa pagitan ng ‘haka-hakang kalayaan’ at nararanasang kasarinlan.” Sinabi pa ng komposisyon na ang mga resulta ng ilang surbey ay nagsisiwalat ng pagiging negatibo tungkol sa kinabukasan at nagpapahiwatig na “maraming kabataan ang natatakot at nag-aatubili tungkol sa kinabukasan nila at ng daigdig. Nakikita nila ang isang daigdig na winasak ng nuklear na digmaan at sinira ng polusyon at pininsala ang kapaligiran, isang di-makataong lipunan na doo’y hindi na makontrol ang teknolohiya at laganap ang kawalang-trabaho.”
Ayon sa surbey ng Gallup sa mga 16- hanggang 24-taong-gulang, karagdagan pa sa mga sanhi ng pagpapatiwakal ang lumalaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, dumaraming sambahayan na may nagsosolong magulang, pagiging popular ng paggamit ng baril, pag-aabuso sa bata, at pangkalahatang “kawalan ng pananalig hinggil sa kinabukasan.”
Nag-ulat ang Newsweek na sa Estados Unidos, “ang pagkakaroon ng mga baril ang siyang pinakamalaking dahilan [sa pagpapatiwakal ng mga tin-edyer]. Ang isang pag-aaral na naghambing sa nagpatiwakal na mga nagdadalaga’t nagbibinata na wala namang sakit sa isip at sa mga batang hindi nagpatiwakal ay nakatuklas ng isa lamang pagkakaiba: isang kargadong baril sa bahay. Kaya hindi totoo ang ideya na ang mga baril ay hindi pumapatay ng mga tao.” At milyun-milyong tahanan ang may kargadong mga baril!
Ang takot at isang lipunang walang malasakit ay maaaring madaling magtulak sa mahihinang kabataan para magpatiwakal. Isaalang-alang: Ang dami ng mararahas na krimen na ginawa sa mga 12- hanggang 19-na-taong-gulang ay mahigit sa doble ng mga krimen na ginawa sa pangkalahatang populasyon. Natuklasan sa mga pag-aaral na “ang pinakamalamang na salakayin ay yaong mga kabataang babae na ang edad ay mula 14 hanggang 24,” ulat ng magasing Maclean’s. “Ang mga babae ay kadalasang sinasalakay at pinapatay ng mga taong nagsasabing nagmamahal sa kanila.” Ang resulta? Ito at ang iba pang mga kinatatakutan ay “sumisira sa pagtitiwala at pagkadama ng kapanatagan ng mga babaing ito.” Sa isang pag-aaral, halos sangkatlo ng mga nainterbiyu na nakaligtas sa panghahalay ay nagbalak na magpatiwakal.
Ang isang ulat mula sa New Zealand ay nagbibigay ng isa pang tanawin tungkol sa mga kabataang nagpapatiwakal, anupat sinabi: “Ang malaganap na materyalistiko at makasanlibutang mga pamantayan na doo’y iniuugnay ang tagumpay ng isa sa kayamanan, magandang hitsura, at kapangyarihan ay nagpapadama sa maraming kabataan na sila’y walang kuwenta at itinakwil na ng lipunan.” Karagdagan pa, ganito ang sabi ng The Futurist: “[Ang mga kabataan] ay may matinding hilig sa dagliang kaluguran, anupat gusto nilang makuha ang lahat at makuha iyon kaagad. Ang paborito nilang mga programa sa TV ay mga dramang de-serye. Gusto nilang ang kanilang daigdig ay mapuno ng mga taong may hitsura, nakasuot ng pinakabagong istilo ng damit, maraming pera at tanyag, at hindi kailangang magtrabaho nang husto.” Ang sobrang dami ng gayong di-makatotohanan at di-matutupad na mga inaasahan ay waring sanhi ng pagkasira ng loob at maaaring humantong sa pagpapatiwakal.
Isang Nagliligtas-Buhay na Katangian?
Sumulat si Shakespeare: “Ang pag-ibig ay nakaaaliw gaya ng sikat ng araw pagkatapos ng ulan.” Sinasabi naman ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Corinto 13:8) Sa katangiang ito ay nariyan ang isang susi sa suliranin ng mga kabataang nakahilig na magpatiwakal—ang kanilang pananabik sa pag-ibig at makakausap. Ganito ang sabi ng The American Medical Association Encyclopedia of Medicine: “Kadalasang labis na nalulungkot ang mga taong nakahilig magpatiwakal, at ang pagkakataong makausap ang isang madamayin at maunawaing tagapakinig ay sapat na kung minsan para mapigilan ang paggawa ng huling hakbang na iyon.”
Ang mga kabataan ay madalas na may matinding pangangailangan na ibigin at tanggapin. Nagiging mas mahirap na masapatan ito habang lumilipas ang bawat araw sa isang walang-pag-ibig at mapaminsalang daigdig—isang daigdig na doo’y halos wala silang karapatan. Maaari ring maging sanhi ng pagpapatiwakal ng mga nagbibinata at nagdadalaga ang pagtatakwil ng magulang dahil sa paghihiwalay ng pamilya at diborsiyo. At maraming anyo ang pagtatakwil na ito.
Tingnan ang kaso ng mga magulang na bihirang makasama sa bahay ang kanilang mga anak. Maaaring buhos na buhos sina Inay at Itay sa kanilang trabaho o nahuhumaling sa isang anyo ng paglilibang na doo’y hindi kasali ang mga bata. Ang di-tuwirang mensahe sa kanilang mga anak ay isang maliwanag na pagtatakwil. Sinabi ng prominenteng peryodista at mananaliksik na si Hugh Mackay na “ang mga magulang ay nagiging higit at higit na makasarili. Inuuna nila ang kanilang sarili upang mapanatili ang kanilang istilo ng pamumuhay. . . . Sa tahasang pananalita, hindi na uso ang mga anak. . . . Mahirap ang buhay at pawang nagiging labis na nakatuon sa sarili.”
Pagkatapos, sa ilang kultura, ang mga lalaking may macho na pagtingin sa sarili ay maaaring ayaw maging tagapangalaga. Angkop ang pagkasabi ng peryodistang si Kate Legge: “Karaniwan nang pinipili ng mga lalaking nakahilig sa pangmadlang paglilingkod ang pagliligtas ng buhay o pagpatay sa sunog kaysa sa pag-aalaga . . . Mas gusto nila ang magiting at walang-imik na kabayanihan sa pakikipaglaban sa mga puwersa sa labas kaysa sa mga trabahong nakatuon sa pakikisalamuha at pag-aalaga ng ibang tao.” At, sabihin pa, ang isa sa mga trabaho ngayon na nakatuon nang husto sa mga tao ay ang pagiging isang magulang. Ang pagiging di-mabuting magulang ay katumbas ng pagtatakwil sa anak. Bunga nito, ang iyong anak na lalaki o babae ay maaaring magkaroon ng negatibong pagtingin sa sarili at mahirapang makisalamuha sa ibang tao. Ganito ang sabi ng The Education Digest: “Kung walang positibong pagtingin sa kanilang sarili, walang saligan ang mga bata para makagawa ng mga pasiyang ikabubuti nila.”
Maaaring Magbunga ng Kawalan ng Pag-asa
Naniniwala ang mga mananaliksik na ang kawalan ng pag-asa ay isang pangunahing dahilan ng pagpapatiwakal. Ganito ang puna ni Gail Mason, isang manunulat tungkol sa pagpapatiwakal ng mga kabataan sa Australia: “Ang kawalan ng pag-asa ay itinuturing na mas nauugnay sa pagbabalak na magpatiwakal kaysa sa panlulumo. Kung minsan ay binibigyang-kahulugan ang kawalan ng pag-asa bilang isang sintoma ng panlulumo. . . . Karaniwan nang ito’y ipinahahayag sa pamamagitan ng pagkasiphayo at kawalang-pag-asa hinggil sa kinabukasan ng mga kabataan, at lalo na sa kanilang magiging kabuhayan: at sa isang banda ay pagkadama ng kawalan ng pag-asa hinggil sa situwasyon ng daigdig.”
Ang pandaraya ng mga lider ng mamamayan ay hindi nagpapasigla sa mga kabataan na iangat ang kanilang sariling antas ng etika at moral. Kaya ang nagiging saloobin ay, “Bakit pa mag-aabala?” Nagkomento ang Harper’s Magazine tungkol sa kakayahan ng mga kabataan na makahalata ng pagpapaimbabaw, na nagsasabi: “Ang mga kabataan, na may matatalas na pang-amoy sa pagpapaimbabaw, ay sa katunayan mahuhusay na mambabasa—ngunit hindi ng mga aklat. Ang buong-husay nilang binabasa ay ang mga pahiwatig ng lipunan na nagmumula sa isang daigdig na doo’y kailangan nilang maghanapbuhay.” At ano ang ipinakikita ng mga pahiwatig na iyon? Sinabi ng awtor na si Stephanie Dowrick: “Ngayon lamang tayo binaha ng impormasyon tungkol sa kung paano tayo mamumuhay. Ngayon lamang tayo naging gayon kayaman o kaedukado, subalit laganap ang kawalan ng pag-asa.” At kakaunti lamang ang mabubuting huwaran sa mas mataas na antas ng pulitikal at relihiyosong lipunan. Nagbangon ng ilang mahalagang tanong si Dowrick: “Paano natin matatamo ang karunungan, tibay at maging ang kabuluhan mula sa walang-kabuluhang pagdurusa? Paano natin lilinangin ang pag-ibig sa isang kapaligiran ng kaimbutan, galit at kasakiman?”
Masusumpungan mo ang sagot sa mga tanong na ito sa aming susunod na artikulo, at baka masorpresa ka sa mga ito.
[Blurb sa pahina 6]
“Maraming kabataan ang natatakot at nag-aatubili tungkol sa kinabukasan nila at ng daigdig”
[Blurb sa pahina 7]
“Ang pagkakataong makausap ang isang madamayin at maunawaing tagapakinig ay sapat na kung minsan para mapigilan ang paggawa ng huling hakbang na iyon”
[Kahon sa pahina 6]
Ilang Pahiwatig sa Pagpapatiwakal
• Hindi makatulog, walang ganang kumain
• Pagbubukod at paglalayo ng sarili, madaling maaksidente
• Paglalayas sa tahanan
• Malaking pagbabago sa hitsura
• Pag-aabuso sa droga at/o alak
• Pagiging maligalig at mapusok
• Pagsasalita tungkol sa kamatayan; pagsusulat tungkol sa pagpinsala sa sarili; gawang-sining na naglalarawan ng karahasan, lalo na sa sarili
• Pagkadama ng pagkakasala
• Kawalan ng pag-asa, pagkabalisa, panlulumo, pasumpung-sumpong na pag-iyak
• Pamimigay ng personal na mga pag-aari
• Hindi gaanong makapagtuon ng pansin
• Kawalan ng interes sa kasiya-siyang mga gawain
• Pagpuna sa sarili
• Kahalayan sa sekso
• Biglang pagbaba ng mga marka sa paaralan, pagliban sa mga klase
• Pagsali sa kulto o gang
• Labis na kagalakan pagkatapos ng panlulumo
Batay sa Teens in Crisis (American Association of School Administrators) at Depression and Suicide in Children and Adolescents, nina Philip G. Patros at Tonia K. Shamoo
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang magiliw na pag-ibig at pagdamay ay makatutulong sa isang kabataan na pahalagahan ang buhay