Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 11/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Krisis sa Tubig
  • Babala Tungkol sa Tasa ng Kape sa Opisina
  • Mas Gusto ng mga Bata ang Simpleng Kaluguran
  • Nanganganib sa Polusyon ang mga Nagmamaneho
  • Kaalwanan sa mga Baka
  • Mga Batang Kastila at TV
  • Mas Maagang Pasimula ng Kasaysayan ng Tsina
  • Nakagugulat na mga Amoy
  • Pagkasunog sa Araw sa Lilim
  • Seminar sa Dugo sa Bulgaria
  • Nagtagumpay ang Espesyal na Kampanya sa Bulgaria
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Isang Eklipse ng Araw at ang Panghalina ng Astronomiya
    Gumising!—1995
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2002
  • Kalayaan sa Relihiyon sa Bulgaria
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 11/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Krisis sa Tubig

“Kung hindi kikilos, dalawang-katlo ng sangkatauhan ang daranas ng pagkauhaw bago ang taóng 2025,” ipinahayag ng magasing Pranses na L’Express. Sinabi naman ng pahayagang Le Figaro: “Sangkapat ng populasyon ng daigdig ngayon ang walang tuwirang napagkukunan ng tubig na maiinom.” Bilang pagbibigay-pansin sa problema sa tubig, nagdaos ang United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization ng isang internasyonal na komperensiya sa Paris, noong Marso 1998. Mahigit sa 200 delegado mula sa 84 bansa, kabilang ang presidente ng Pransiya, ang tumalakay ng mga paraan upang maingatan ang suplay ng tubig sa daigdig. Ang isa sa mga problemang pinag-ukulan ng pansin ay na ang tubig ay madalas na nasasayang dahil sa di-mahusay na sistema ng patubig sa sakahan at sa mga tumatagas na mga tubo ng tubig. Idiniin ng Pranses na si Pangulong Jacques Chirac na ang tubig ay bahagi ng kabuuang mana ng tao at sa gayo’y kailangang pangasiwaan sa paraang pandaigdigan.

Babala Tungkol sa Tasa ng Kape sa Opisina

“Ang pagkaliliit na mga manggugulo​—lakip na ang nakatatakot na baktiryang gaya ng E. coli​—ay dumarami dahil sa hindi hinuhugasang mabuti ng mga tao ang kanilang mga tasa o dinidisimpekta ang mga lababo at mga patungan ng pagkain sa karamihan ng mga opisina,” pag-uulat ng The Toronto Star. Sinuri ng mga mananaliksik na sina Charles Gerba at Ralph Meer ang mga tasa ng kape at mga kagamitan sa paggawa ng kape sa 12 opisina. Mga 40 porsiyento ng mga tasa at 20 porsiyento ng mga espongha na nasumpungan sa mga lababo ay may baktirya ng coliform, na kung minsan ay maaaring ang mapanganib na E. coli. “Karaniwang ipinahihiwatig niyan na marumi ang paligid,” sabi ni Gerba. Ganito nagtatapos ang ulat: “Maliban kung may dishwasher, ang mga tasa ay dapat hugasan sa mainit na tubig na may sabon, saka disimpektahin ng pinaghalong bleach at tubig o pandisimpekta. Ang mga basahan at pangkuskos ay dapat na labhang palagi.”

Mas Gusto ng mga Bata ang Simpleng Kaluguran

Paano ka magiging isang mabuting ina sa paningin ng iyong mga anak? Sa isang surbey ng Whirlpool Foundation sa 1,000 Amerikanong bata na may edad 6 hanggang 17, karamihan ay mas gustong gumawa ng simple at pang-araw-araw na mga bagay kapiling ng kani-kanilang ina, basta ang mahalaga’y “magkasama sila.” Ang pinakapaboritong gawain ng mga anak kapiling ng kanilang Nanay ay ang “kumaing magkasama.” Ang pangalawa ay ang “kumain sa labas na magkasama” at “mamiling magkasama.” Ang malapit na kasunod bilang pangatlo ay ang “magkasamang umupo at mag-usap.” Ang unang pinili ng mga bata na paraan ng pagpapasalamat sa kanilang ina ay simple rin. Pitumpong porsiyento ang nagsabi na kadalasan ay “niyayakap at hinahagkan” nila ang kanilang ina. Ang pangalawang paborito nilang paraan ay ang pagsasabi ng, “Mahal ko po kayo” at “Salamat po.”

Nanganganib sa Polusyon ang mga Nagmamaneho

“Ang isang nagmamaneho na naiipit sa masikip na trapiko ay lumalanghap ng hanggang tatlong ulit ng antas ng maruming hangin kaysa sa isang namimisikleta o tumatawid sa daan at halos makalawang ulit kaysa sa isang nakasakay sa bus,” pag-uulat ng The Times ng London. Ipinahihiwatig ng pag-aaral ng Institute for European Environmental Policy na ang mga motoristang naiipit sa mabagal na trapiko sa gitna ng haywey ay nakalalanghap ng “napakaraming nakalalasong gas.” Sinasabi ng tagapagtaguyod ng kapaligiran na si Andrew Davis na taliwas sa karaniwang inaakala, maaaring mas higit na nangangailangan ng pananggalang na pantakip ang mga nagmamaneho ng kotse kaysa sa mga namimisikleta na palaging nasa bangketa.

Kaalwanan sa mga Baka

Ang mga kutsong punô ng ginutay na goma mula sa niresiklong gulong ay makikita sa mga kural ng baka, pag-uulat ng The Globe and Mail sa Canada. Ipinalalagay na ang may limang-centimetrong kapal na mga kutson ay makapagbibigay sa mga baka ng isang mas mahabang buhay at mas maraming gatas. Ayon sa ulat, “malimit na nasa semento ang mga ginagatasang mga baka,” na nagiging dahilan upang sila’y “magkaroon ng masasakit na paa at napinsalang binti.” Hindi lamang nababawasan ng mga kutson ang pananakit ng paa at binti ng mga hayop kundi nababawasan din ang tindi ng bagsak ng kanilang mga tuhod kapag sila’y bumabagsak upang magpahingalay. Sinasabi ng isang may pabrika ng mga kutson na ang ideyang ito ay upang mabigyan ang mga baka ng katulad na pakiramdam kapag sila’y nahihiga sa damuhan.

Mga Batang Kastila at TV

Ang isang pangkaraniwang bata na nanonood ng TV sa Espanya ay nakapapanood ng 10,000 patayan at 100,000 pananalakay pagsapit niya sa edad na sampu, ayon kay Carlos María Bru, ng Spanish Committee ng United Nations Children’s Fund, pag-uulat ng Europa Press. Karagdagan pa, sinabi ni Propesor Luis Miguel Martínez na mahigit sa tatlong-kapat ng mga batang Kastila mula sa edad 4 hanggang 12 ang nanonood ng TV sa loob ng di-kukulangin sa dalawa at kalahating oras sa isang araw, at halos sangkapat naman ang nanonood sa loob ng mahigit na apat na oras araw-araw. Sa katamtaman, sabi ng ulat, “ang mga bata ay gumugugol ng 937 oras sa loob ng isang taon sa harap ng TV, alalaong baga’y, mahigit pa kaysa sa 900 oras na ginugugol sa paaralan bawat taon.” Ayon kay Ricardo Pérez-Aznar, ng Department of Information Sciences of Complutensian University, ang karahasan sa TV ay isa sa kombinasyon ng mga sosyolohikal na mga salik na maaaring maging dahilan ng karahasan sa lipunan.

Mas Maagang Pasimula ng Kasaysayan ng Tsina

Ang pinakamaagang taon na napaulat sa kasaysayan ng Tsina ay malaon nang ipinalalagay na noong 841 B.C.E., ang unang taon noong panahon ng Gong He ng Western Zhou na dinastiya. Ngunit, kamakailan, isang mas maagang ulat ang natuklasan na bumabanggit sa isang eklipse ng araw, pag-uulat ng China Today. Iniuugnay ng ulat ang eklipseng ito sa unang taon ni Haring Yi ng dinastiya ng Zhou. Tiniyak ng mga siyentipiko at mga istoryador na ang eklipseng ito ay naganap noong 899 B.C.E., kung kaya iniurong ang pasimula ng napaulat na kasaysayan ng Tsina nang mahigit sa kalahating siglo. “Hindi nagkaroon ng patlang sa ulat na ito hanggang sa ika-20 siglo,” sabi ng aklat na Outline of the History of the Chinese People. Tinawag nito ang ulat na “isa sa pinakamalaking kontribusyon ng Tsina sa kasaysayan ng kabihasnan ng buong sangkatauhan.”

Nakagugulat na mga Amoy

Malaon nang batid ng mga manggagawa ng alak ang kahalagahan ng amoy sa pagkilala ng pagkakaiba ng alak. Ngayon, taglay ang tunguhin na makagawa ng mas masasarap na alak, inuuri ng mga siyentipiko ang 500 o higit pang kemikal na magdudulot ng walang-katulad na halimuyak sa isang alak. Nagpatulong ang mga siyentipiko sa mga taong may matalas na pang-amoy, pag-uulat ng magasing New Scientist. Inihambing ng mga tagaamoy ang bawat samyo ng ilang sangkap ng alak sa sibuyas, pulot-pukyutan, asparagus, tabako, tsokolate, at pinatuyong igos. Kabilang sa ilan pang nakagugulat na mga pag-uugnay ng amoy ay ang “inaamag na medyas, bulok na itlog at nasusunog na goma.” Ang isang uri ng pampaalsa ay nagbibigay ng amoy na maaaring ipakahulugan sa iba’t ibang paraan. Sabi ng mananaliksik na si Jane Robichaud: “Depende ito sa kung gaano kasensitibo rito ang isa na kung ito man ay lalong nagpapakumplikado sa alak o nagbibigay ng amoy ng kumot ng isang pawisang kabayo.”

Pagkasunog sa Araw sa Lilim

Ang paghanap ng lilim sa ilalim ng punungkahoy o sa isang payong na pandalampasigan ay, malamang, hindi nagbibigay ng lubusang proteksiyon mula sa radyasyong ultraviolet, ayon sa pag-aaral na ginawa ng Queensland Institute of Medical Research sa Australia. Gaya ng iniulat sa The Canberra Times, ang isang taong nasa lilim sa labas ay nakahantad pa rin sa nakakalat na radyasyong ultraviolet. Nagbabala si Dr. Peter Parsons, biyokemiko at kasamahang awtor ng pag-aaral: “Kung ang pinakamatagal na mungkahing limitasyon ng pagbibilad sa araw sa katanghaliang-tapat sa panahon ng tag-init sa lahat ng kapitolyo sa kontinente ng Australia ay 10-​12 minuto, ang mga tao naman na nakatayo o nakahiga sa lilim ay magkakaroon ng antas sa pasò ng [radyasyong ultraviolet B] na nagiging dahilan ng pagkasunog sa araw sa loob ng wala pang isang oras.” Maging sa panahon ng taglamig at sa mga araw na maulap, napakalakas pa rin ang radyasyon ng ultraviolet. Sinasabi ni Dr. Parsons na kadalasan, “kapag mas maaliwalas ang langit, lalong nagiging mapanganib.”

Seminar sa Dugo sa Bulgaria

Isang seminar na nagdiriin sa pagtitipid sa dugo kapag nag-oopera at sa paggamit ng mga panghalili sa pagsasalin ng dugo ay ginanap maaga sa taóng ito sa Sofia, Bulgaria. Ang seminar na ito ay nagbigay ng pagkakataon sa mga doktor mula sa buong Bulgaria na makipagsanggunian sa isang pangkat ng mga eksperto sa dugo mula sa walong bansa. Nagkomento si Propesor Ivan Mladenov ng Sofia na noong nakaraang pamamahala, ‘kakaunti o walang nalalaman tungkol sa kontaminasyon ng dugo at mga virus na galing sa dugo’ at na ‘ang pagtatanong ng mga pasyente ay itinuturing na masamang asal na maaaring maging dahilan upang sila’y hindi gamutin.’ Ang naging reaksiyon niyaong mga dumalo sa seminar ay nagpapakita ng higit na pagkaunawa sa Bulgaria hinggil sa karapatan ng pasyente na magpasiya sa sarili at mapaliwanagan munang mabuti bago pumayag, gaya ng pinagtibay ng European Court of Human Rights.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share