Hiyas Mula sa Bato
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Belgium
ISA na itong paboritong hiyas sa matagal nang panahon dahil sa naiibang kagandahan nito. Dahil sa pagiging matigas nito—ito ang pinakamatigas na likas materyal na nalalaman ng tao—ginagamit ito nang malawakan sa mga kasangkapan at makinarya. Ang kamangha-manghang bato na ito ay ang brilyante.
Ang ilang tanyag na mga brilyante ay kinapapalooban ng kawili-wiling mga alamat. Ang isa na pinanganlang Koh-i-noor, na nangangahulugang “Bundok ng Liwanag,” ay natagpuan sa India mga pitong siglo na ang nakararaan. Dati, ang buong bato na ito ay 191 karat, subalit nang maglaon ay tinabasan ito at naging 109 karat.a Pagkatapos, nariyan din ang Cullinan, na bahagi ng mamahaling batong korona ng Britanya at na siyang pinakamalaking tabas ng brilyante na natagpuan kailanman.
Hiyas Mula sa Isang Malaking Bato
Hindi naman agad isang magandang hiyas ang brilyante. Ang karamihan nito ay kailangan pang hukayin mula sa lupa. Sa katamtaman, 250 tonelada ng dumi ang dapat alisin at salain para makuha ang isang karat ng dalisay na brilyante. Buhat sa 40 hanggang 50 milyong karat na namimina taun-taon, isang maliit na bahagi lamang nito ang maaaring maging alahas.
Ang hindi pa napakikinis na mga brilyante ay kailangan munang uriin batay sa sukat, kadalisayan, kulay, at hugis. Sa gayong likas na kaanyuan, halos bawat brilyante ay may mga dumi. Subalit kung minsan ang isang bahagi nito ay maaaring wala o kakaunti lamang ang dumi. Sa ganitong kalagayan, ang bahagi na walang mga dumi ay inihihiwalay sa pamamagitan ng paglalagare. Kapag malalaki at mamahaling bato ang nasasangkot, ang mga tagatabas kung minsan ay maingat na nagpaplano ng mga ilang buwan bago nila ito tabasan. Makatuwiran lamang ito kung iyong iisipin na ang isang pagkakamali sa pagbiyak ay makababawas nang malaki sa halaga ng brilyante o baka makasira pa nga sa buong bato.
Sa wakas, ang pagpapakinis ay magbibigay sa brilyante ng tapyas nito, na dapat makasuwato ng hugis nito. Ang mga tapyas na ito ay nagbibigay sa hiyas ng kakayahan nitong magpakislap ng liwanag, anupat siyang dahilan kung bakit kilalang-kilala ang brilyante sa pagiging makinang nito.
Sa susunod na pagkakataong mabighani ka ng isang brilyante dahil sa kakinangan at kagandahan nito, tandaan ang pagpapagal ng mga minero at ang katiyakan at kahusayan ng mga tagatabas. Kung wala sila, ang brilyante ay hindi sana mababago mula sa isang pangit at mabubog na bato tungo sa isang kaakit-akit na hiyas.
[Talababa]
a Ang karat ay isang yunit ng timbang na katumbas ng sangkalima ng isang gramo.