Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 6/22 p. 16-19
  • Ang mga Altaic—Mga Taong Napamahal sa Amin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Altaic—Mga Taong Napamahal sa Amin
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kanilang Lupain at Relihiyon
  • Mga Epekto ng Espiritismo
  • Lumago ang Pagsambang Kristiyano
  • Pakikibahagi sa Ministeryo
  • Sa Aming Pag-uwi
  • Paghahanap ng Kayamanan sa Kabundukan ng Altay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Natuklasan ang Isang Nakatagong Kayamanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Maligaya sa “Paggawa Nang Higit Pa”
    Gumising!—2005
  • Pinahahalagahan ng mga Ruso ang Kalayaan sa Pagsamba
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 6/22 p. 16-19

Ang mga Altaic​—Mga Taong Napamahal sa Amin

Noong nakaraang siglo, isinalin ng Rusong Ortodoksong pari na si Archimandrita Makarios ang “Matandang Tipan” ng Bibliya sa wikang Ruso. Subalit bago niya ginawa ito, inatasan siya ng sinodo ng simbahan upang ipakilala ang Kristiyanismo sa mga Altaic. Sino ba ang mga Altaic? Saan sila naninirahan? Ano ang paraan ng kanilang pamumuhay?

ANG isa sa mga pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap sa Russia noong nakaraang Hulyo ay dinaluhan ng mga 40 Altaic. Idinaos iyon sa Barnaul, ang pinakamalaking lunsod sa Altay Kray ng Russia. Ang kombensiyon ay dinaluhan ng 1,730. Upang makadalo sa tatlong-araw na pagtitipong ito, sumakay ako ng eroplano patungo roon kasama ng mga kaibigan mula sa St. Petersburg, halos 6,500-kilometrong biyahe.

Sa mga ilang araw na inilagi namin sa Barnaul, nakilala namin at napamahal sa amin nang husto ang mga Altaic na nakasalamuha namin. Lalo na kaming naantig nang ipabatid sa amin na marami sa kanila ang naglakbay ng halos 650 kilometro sakay ng bus na dumaraan sa mga lansangan sa kabundukan at na kahit nabasag ang salamin ng kanilang bus dahil sa isang bumagsak na bato, hindi nila kailanman inisip na magbalik na lamang. Nang malaman namin ang tungkol sa kanilang lupain at kultura, sabik na sabik kaming dalawin sila sa kanilang mga tahanan at nayon. Kaya pagkatapos ng kombensiyon, gumawa kami ng isang kawili-wiling paglalakbay na mahigit sa 1,500 kilometro patungo sa lupain ng mga Altaic.

Ang Kanilang Lupain at Relihiyon

Karamihan sa mga 70,000 Altaic, ang orihinal na mga naninirahan sa lugar na iyon, ay nakatira sa bulubunduking mga dako na malapit sa mga hangganan ng Kazakhstan, Tsina, at Mongolia. Humanga kami sa tanawin doon​—maganda at bulubundukin, na may mga ilog na sinlinaw ng kristal ang tubig at napakaraming bulaklak. Ang mga tagaroon ay nagtitipon ng sari-saring ugat na ginagawa nilang isang masarap at mabangong tsaa. Gustung-gusto rin nilang kumain ng nuwes ng pino.

Ang ilang Altaic ay may mga bukid. Sinabi ng isang Saksi na siya at ang kaniyang mga kamag-anak ay may 75 baka at 80 tupa. Ipinagbibili nila ang karne, at ang lana ay ipinagpapalit nila sa harina at asukal. Sinabi sa akin ng isa pang Kristiyanong kapatid na babae na nagbenta siya ng apat na barakong tupa upang silang mag-ina ay makadalo sa kombensiyon. Pito pa ang sumama sa kaniya, pawang pinagdarausan niya ng pag-aaral sa Bibliya! Sa kombensiyon, sinabi sa akin ng isa sa kanila: “Isa lamang ang daan ng buhay para sa amin​—ang daan ng Diyos.”

Bagaman ito ay isang malayong lugar na pagkaganda-ganda​—pangalawang Swiss Alps ang tawag dito ng mga bisita​—dito man ay malaki ang ipinagbago ng buhay. Sinabi sa amin ng isang matandang lalaki: “Kung may magsabi sa akin ilang taon bago nito na kailangan kong ikandado ang aking yurt [pabilog na bahay na hugis simburyo] bago ako matulog, hindi ako maniniwala sa kaniya. Pero ngayon ay ginagawa ko na ito gabi-gabi.” Ang “mga panahong [ito na] mapanganib” ay nagpakilos sa marami na suriin ang mga hula sa Bibliya.​—2 Timoteo 3:1-5.

Karaniwan nang ipinagmamalaki ng mga Altaic ang kanilang sinaunang mga tradisyon at anyo ng pagsamba. Ang karamihan ay naniniwala sa mga espiritu sa ilog at kabundukan​—para sa kanila, ang bundok ay sagisag ng kanilang mga diyos. Sumasamba rin sila sa mga hayop, anupat iginuguhit pa nga ang larawan ng isang kuneho sa isang puting tela at isinasabit ito sa dingding ng kanilang yurt. Kapag dumating ang unang pagkulog at pagkidlat sa panahon ng tag-ulan, nagsasagawa sila ng isang ritwal sa harap ng larawan ng kuneho, na winiwisikan ito ng tsaa, gatas, o isang inuming de-alkohol na tinatawag na arrack. Ngunit partikular nilang sinasamba ang pinaniniwalaan nilang espiritu ng mga namatay.

Ang kanilang mga relihiyosong lider ay tinatawag na mga shaman. Sa tagsibol at gayundin sa taglagas, ang mga shaman ay nagsasagawa ng mga ritwal sa ‘mga banal na dako’ sa taluktok ng mga bundok o sa mga dalisdis ng kabundukan. Sa gayong mga ritwal, tinatalian ng mga shaman ng puting pahabang piraso ng tela ang mga sanga ng punungkahoy, anupat binabalutan nito ang maraming punungkahoy. Naniniwala sila na masisiyahan ang mga espiritu sa kabundukan kapag ginagawa nila ito at ipagsasanggalang sila ng mga espiritu mula sa mga aksidente habang naglalakbay.

Mga Epekto ng Espiritismo

Gayunman, ako at ang aking mga kaibigan ay lubhang humanga sa mga tao at sa kanilang taos-pusong kataimtiman. Nakilala namin si Svetlana at ang kaniyang anak na babae na si Tulunai sa Barnaul at saka tinamasa namin ang kanilang pagkamapagpatuloy sa Ustʹ-Kan, isang nayon na may 3,000 naninirahan. Si Svetlana ay pinalaki ng kaniyang lola alinsunod sa lokal na mga tradisyon at may malapit na pakikipag-ugnayan sa mga shaman. Sa katunayan, natutuhan ni Svetlana na makipag-usap sa ipinagpapalagay na espiritu ng mga patay. Bunga ng kaniyang pantanging kaalaman, nagkaroon ng awtoridad si Svetlana, na ikinasiya naman niya.

Gayunman, nagsimula siyang makaranas ng maraming suliranin. “Pinahirapan ako ng mga demonyo,” sabi niya sa akin. “Hindi ako makatulog nang mahimbing.” May mga panahon na siya ay parang nasa kalagayan na nahihipnotismo. “Minsan,” paliwanag niya, “nakita ko ang aking anim-na-buwang anak na si Tulunai sa anyo ng isang biik na gumagapang patungo sa akin. Gusto kong sakalin iyon. Pero umiyak nang malakas si Tulunai. Nahintakutan ako nang ako’y matauhan at natanto ko na maaaring napatay ko ang aking anak.” Sinimulang pag-isipan ni Svetlana kung sino nga ba talaga ang mga espiritung ito.

Pagkaraan, noong 1991, isang babaing Altaic ang nakakuha ng ilang literatura sa Bibliya na inilathala ng mga Saksi ni Jehova sa Ustʹ-Kan. Tuwing sisimulang basahin ni Svetlana ang brosyur na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay,” nakakatulog siya. “Ako’y napapabungisngis,” ang sabi niya, “at nagsasabi na ako’y binigyan ng mga Saksi ng isang bagay na mas maigi kaysa sa anumang pildoras na pampatulog.” Pero nagkakaroon pa rin siya ng nakababalisang mga pangitain sa gabi at sa gayo’y bumigkas siya ng isang taimtim na panalangin: “Jehova, kung ikaw ay totoong makapangyarihan, pakisuyong tulungan mo ako na maalis ang nakatatakot na mga bangungot na ito.” Sa loob lamang ng ilang segundo, ang lahat ay naging maayos at naging normal ang kaniyang pakiramdam.

Nananalangin na si Svetlana bago matulog, at nagtaka siya na madali siyang nakakatulog. “Hindi ako makapaniwala na ako’y nakakatulog na ngayon na gaya ng isang normal na tao,” sabi niya. Nagpasiya siyang pag-aralan nang dibdiban ang Bibliya sa tulong ng mga publikasyon ng Samahang Watch Tower, at noong 1992, sinagisagan niya ang kaniyang pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. “Natutuhan ko na kung lubusan kang magtitiwala kay Jehova, walang imposible,” sabi niya sa akin.​—Filipos 4:13.

Lumago ang Pagsambang Kristiyano

Pagsapit ng 1993, isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang naitatag sa Ustʹ-Kan, at mga 70 katao ang dumadalo sa mga pulong doon. Noong Abril 1998, 120 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ang nayon ng Yakonur, mga ilang kilometro sa hilaga ng Ustʹ-Kan, ay dating itinuturing na sentro ng shamanismo. Ngunit isang lalaking nagngangalang Shamyt ang nagsabi na noong magsimulang mangaral doon ang mga Saksi, nagsimulang mawalan ng kapangyarihan ang mga shaman. Isang grupo ng mga Saksi ang aktibo ngayon sa nayong ito, at marami pang tao ang nagpapakita ng interes sa Bibliya.

Sa nayon ng Chagan-Uzun, na mga 90 kilometro mula sa hangganan ng Mongolia, sinasabi na karamihan sa mga 500 residente ay nagbabasa ng ating mga publikasyon. At sa Gorno-Altaysk, ang kabisera ng Altay Republic, may dalawang kongregasyon na binubuo ng mga 160 Saksi.

Subalit sa pagsisimula ng 1994, maraming Saksi, kasali na yaong taga-Ustʹ-Kan, ang ipinatawag upang humarap sa hukuman sa Gorno-Altaysk. Sila’y pinaratangan ng di-kapani-paniwalang paglabag na gaya ng paghahain ng mga bata. Dahil sa pagsalansang, ang ilang Saksi ay natanggal sa kanilang trabaho at pinaalis sa Altay. Ngunit dumating ang panahon na naging maliwanag na di-totoo ang mga paratang sa mga Saksi. Kaya naman, noong Mayo 1994, legal na inirehistro ng kagawaran ng hustisya sa Altay Republic ang pamayanan ng mga Saksi ni Jehova sa Gorno-Altaysk. Sa ngayon, ang mga Saksi at ang kanilang literatura sa Bibliya ay kilalang-kilala sa buong Altay.

Pakikibahagi sa Ministeryo

Sa aming pagdalaw sa Ustʹ-Kan, nakibahagi kami sa lokal na mga Saksi sa kanilang pangmadlang ministeryo. Sa katunayan, napabalita na may mga bisitang darating. Kaya nang makita kaming nangangaral, isang reporter para sa lokal na pahayagan ang lumapit sa aming grupo at nagsabi: “Nabalitaan ko na may ilang importanteng tao na darating dito. Paano ko sila makikilala?”

Laking gulat niya nang ipakilala kami bilang ang sinasabing mga importanteng tao! Namangha siya sa bagay na kami’y lumalabas kasama ng mga tagaroon upang dalawin ang mga tahanan ng kaniyang mga kapitbahay. Sa aming pakikipag-usap sa kaniya, sinabi niya: “Nakikita ko na wala kayong mga boss sa gitna ninyo. Kayo ay mga ordinaryong tao lamang na hindi nagtatangi sa inyong sarili. Talagang pambihira ito! Mga tunay na Kristiyano kayo, at panig ako sa inyo.”

Madaling natapos ang aming pagdalaw. Nang papaalis na kami, lumuluha ang aming mga kaibigan. Magkakatabi silang nakatayo, anupat bumuo ng isang buháy na bakod. Ito ang tradisyonal na pamamaalam ng mga Altaic sa kanilang pinakamamahal na mga kaibigan. Sa ilang araw na nakasama namin sila, tinubuan kami ng matinding pagmamahal sa isa’t isa. Kami’y naging tunay na magkakaibigan. Bakit? Sapagkat ang isa na nagbuklod sa amin ay si Jehova, ang Diyos na hindi nagtatangi.​—Gawa 10:34.

Sa Aming Pag-uwi

Sa aming biyahe pabalik sa Barnaul, huminto kami sa isang tindahan sa maliit na nayon sa kabundukan. Tuwang-tuwa ang nag-iisang tindera nang makita kami. Matapos magpalitan ng ilang pananalita, nagtanong ako: “Narinig mo na ba ang pangalang Makarios?”

“Hindi, hindi pa,” sagot niya, pagkaraan ng ilang saglit.

Kaya ipinakita ko sa kaniya ang kopya ng salin ni Makarios sa Bibliya at ipinaliwanag ko: “Sa lupaing ito ng Altay, noong nakaraang siglo, ginawa ni Makarios ang salin na ito.” Pagkasabi ko nito, ibinigay ko sa kaniya ang Bibliya bilang isang regalo.

Habang tumitingin-tingin kami sa paligid, sinimulang basahin kaagad iyon ng babae. Biglang-bigla, nakakita kami ng kislap ng pag-asa sa mga mata ng babae. Nang paalis na kami, sinabi niya sa amin na marami siyang kaibigan at kamag-anak na magiging interesado sa Bibliya. Kaya bago kami tuluyang magpaalam, nag-iwan kami sa kaniya ng maraming literatura sa Bibliya.

Tunay na kasiya-siyang malaman na bagaman mahigit nang 150 taon mula nang mamuhay si Makarios sa gitna ng mga Altaic at gumawa ng kaniyang salin sa Bibliya, maraming Altaic ang nakikinabang sa Bibliyang iyan ngayon!​—Isinulat.

[Mapa sa pahina 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

RUSSIA

Altay

Gorno-Altay

Kazakhstan

Tsina

Mongolia

[Larawan sa pahina 16, 17]

Mga Altaic sa kombensiyon sa Barnaul

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Tanawin sa Altay

[Larawan sa pahina 17]

Marami ang naniniwala na ang mga pahabang pirasong ito ng tela ay nagbibigay ng proteksiyon sa mga naglalakbay

[Mga larawan sa pahina 18]

Pangangaral sa Ustʹ-Kan

[Larawan sa pahina 18]

Si Svetlana at ang kaniyang anak

[Larawan sa pahina 19]

Ang Bibliya ni Makarios

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share