Ang Diyos ang Naging Katulong Namin
AYON SA SALAYSAY NI FRANCISCO COANA
“Kung hindi ka susunod sa mga awtoridad, mamamatay ka!” ang babala ng aking kapatid.
“Mas mabuti na iyan kaysa sa mabuhay sa ganitong kakila-kilabot na mga kalagayan,” ang protesta ko.
IYAN ang naging pag-uusap namin ng aking kuya noong Setyembre 1975. Dinalhan niya ako ng pagkain nang ako’y mabilanggo sa Maputo (noon ay tinatawag na Lourenço Marques), sa timugang Mozambique. Mahigit kaming 180, ang karamihan ay mga Saksi ni Jehova, na isiniksik sa isang selda. Inis na inis sa akin ang aking kuya anupat hindi man lamang niya iniwan sa akin ang pagkaing dala niya!
Upang maunawaan mo ang madamdaming pagtatagpong ito, hayaan mong gunitain at ipaliwanag ko kung paano ako nabilanggo.
Pinalaki sa Isang Relihiyon
Isinilang ako noong 1955 sa isang pamilyang Presbiteryano sa nayon ng Calanga sa Distrito ng Manica. Malapit lamang ito sa malaking lunsod ng Maputo. Bagaman hindi palasimba si Itay, palasimba naman si Inay, at isinasama niya ang kaniyang limang anak sa simbahan tuwing Linggo. Bata pa kami, tinuruan na niya kami ng Panalangin ng Panginoon, at madalas kong bigkasin ito. (Mateo 6:9-12) Bilang isang munting bata, tinanong ko si Inay ng “Bakit tayo namamatay?” at, “Lagi na lamang bang mamamatay ang mga tao?”
Sinabi ni Inay na ang kamatayan ay bahagi ng layunin ng Diyos—na yaong gumagawa ng masama ay pupunta sa impiyerno at yaong gumagawa ng mabuti ay pupunta sa langit. Bagaman hindi ako tumugon, nalungkot ako sa kaniyang sagot. Talagang nakabalisa sa akin ang malupit na katotohanan ng kamatayan, lalo na noong mamatay ang aming mahal na ama nang ako’y sampung taóng gulang lamang. Pagkaraan, tumindi ang aking pagnanais na malaman ang tungkol sa kalagayan ng mga patay at kung mayroong anumang pag-asa para sa kanila.
Pagkaalam at Pagkakapit ng Katotohanan
Di-nagtagal pagkamatay ni Itay, isa sa mga guro sa paaralan ang gumamit ng aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Tungo sa Natamo-muling Paraiso para ituro sa klase. Ang aklat, na inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society, ay nasa Zulu, isang wika sa Timog Aprika. Ipinahiram iyon sa akin ng guro, at bagaman hindi ako gaanong marunong ng Zulu, natuwa ako sa natutuhan ko mula sa mga binanggit na teksto sa Bibliya.
Nang ako’y 16 anyos, ang aking kapatid na siyang bumubuhay sa pamilya ay ipinatawag upang maglingkod sa hukbo. Noon ako nagsimulang magtrabaho sa isang kompanya ng pabango sa Maputo at pumasok sa isang teknikal na paaralan sa gabi. Sa panahon ng pananghalian sa trabaho, napansin ko si Teófilo Chiulele, isa sa mga Saksi ni Jehova—lagi siyang nagbabasa ng Bibliya. Nang mapansin ni Teófilo ang aking interes, kinausap niya ako.
Pagkaraan, isa pang Saksi, si Luis Bila, ang nagsimulang magdaos sa akin ng pag-aaral sa Bibliya. Naginhawahan akong malaman na ang mga patay ay walang anumang malay at may pag-asa sila na buhaying muli. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29) Agad akong sumulat kay Inay at ipinaabot sa kaniya ang kasagutan ng Bibliya sa mga itinanong ko sa kaniya. Tuwang-tuwa siyang malaman na sa wakas ay natagpuan ko ang mapananaligang kasagutan.
Palibhasa’y sabik na sabik sa aking natututuhan, inihanda kong ibahagi ito sa iba. Pinayagan akong magbigay ng mga pahayag sa Bibliya sa paaralan pero hindi sa simbahan. Hindi nagtagal at ayaw na akong tanggapin sa simbahan. Maging ang akin mismong mga kapamilya ay umusig sa akin, sa kabila ng bagay na nalulugod si Inay sa aking bagong mga paniniwala. Binugbog ako nang husto ng aking kuya. Nang hindi nagkaroon ng epekto ang gayong pagsalansang, nilibak ako ng aking mga kapamilya, lalo na nang makita nila akong nananalangin sa panahon ng pagkain. Kaya sa banyo ako nananalangin bago ako maupo sa mesa para kumain. Nadama ko na “ang Diyos ay aking katulong.”—Awit 54:4.
Sumunod, si Luis ay hindi na pinahintulutang pumunta sa aming tahanan upang makipag-aral ng Bibliya sa akin. Mula noon, nag-aral na lamang kami sa kanilang tahanan. Nang ako’y magsimulang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon at makibahagi sa gawaing pangangaral, pinagsasarhan ako ng pinto pag-uwi ko. Bunga nito, nakikitulog ako sa tahanan ng iba’t ibang Saksi.
Nang maglaon, noong Mayo 13, 1973, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Noon, ang Mozambique ay kolonya ng Portugal, na nagbawal sa mga Saksi ni Jehova sa Portugal at sa lahat ng kolonya nito. Noong Oktubre 1, 1974, ako’y naging isang payunir, gaya ng tawag ng mga Saksi ni Jehova sa buong-panahong mga ebanghelisador. Yamang tunguhin ko ang maging isang misyonero, nag-aral ako ng Ingles upang maging kuwalipikado akong mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead, sa Estados Unidos, para sa pagsasanay sa mga misyonero.
Gumamit ng Estratehiya sa Pangangaral
Sa mga taóng iyon ng pagbabawal, ang pulisya ng kolonya ng Portugal, ang PIDE, ay nagpabilanggo ng maraming Saksi dahil sa pangangaral. Kaya upang hindi matutop, gumamit kami ng estratehiya. Halimbawa, makikipag-usap kami sa isang bahay at saka pupunta sa isa pa sa iba namang lugar. Gayundin, dalawa sa amin ang pumupunta sa isang parke sa lunsod sa panahon ng pananghalian o sa gabi. Ang isa ay mauupo sa tabi ng isang tao at magsisimulang magbasa ng pahayagan. Di-nagtatagal, ang isa sa amin ay uupo, titingnan ang pahayagan, at magsasabi ng ganito: “Naku, tingnan mo nga naman kung gaano karaming tao ang namatay! Pero alam mo ba na sa ilalim ng pamahalaan ng Diyos, hindi na mangyayari ito?”
Susundan ito ng isang usapan na doo’y hihilingin ng nagbabasa ng pahayagan ang patunay mula sa Bibliya ng sinabi ng kaniyang kausap. Pagkatapos, magsasaayos kami na magkita sa kinabukasan upang ituloy ang pag-uusap. Sa ganitong paraan, madalas na naisasali namin sa aming pag-uusap ang taong nakaupo sa tabi namin hinggil sa mga hula sa Bibliya, at maraming pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Pinasasalamatan namin ang Diyos sa pagtulong niya sa amin.
Panahon ng Matinding Pagsubok
Noong Abril 25, 1974, nagwakas ang diktadura sa Portugal, at maraming pulitikal na pagbabago ang naganap sa mga kolonya ng Portugal. Sa Mozambique, binigyan ng amnestiya ang mga pulitikal na bilanggo, pati na ang mga Saksi na nabilanggo dahil sa kanilang pagiging neutral sa pulitika. Ngunit noong Hunyo 25, 1975, pagkaraan lamang ng 14 na buwan, ipinahayag ng Mozambique ang kasarinlan nito mula sa Portugal. Pagkaraan ng ilang araw, nagsimula ang panibagong daluyong ng pag-uusig sa mga Saksi. Pinakilos ang mga grupo sa pamayanan upang arestuhin ang lahat ng masusumpungang Saksi. Kami’y inilarawan bilang “mga ahente na iniwan ng Portuges na Kolonyalismo.”
Noong Setyembre, ako’y napilitang dumalo sa isang pulong ng grupo sa pamayanan. Pagdating ko, natuklasan ko na ang lahat sa aking grupo sa pag-aaral sa Bibliya ay naroroon. Inutusan kaming sumigaw ng mga pulitikal na islogan na nagbubunyi sa namamahalang partido. Nang kami’y magalang na tumanggi, dinala kami sa bilangguan at inilagay sa siksikang selda na nabanggit ko sa pasimula.
Punung-puno ang selda anupat hindi kami makakilos. Para ang ilan ay makahiga sa sahig upang matulog, ang iba ay kinailangang umupo o tumayo. Isa lamang ang palikuran, at madalas na barado ito, kaya ito’y umaapaw, anupat umaalingasaw ang napakabahong amoy. Ang pagkain namin ay mamantikang spaghetti na may mga tinik ng isda at malalaking asul na langaw na kailangan naming kainin nang hindi naghuhugas ng kamay. Sa loob ng 19 na araw, kaming mahigit sa 180 ay nagbata ng ganitong kalunus-lunos na kalagayan. Pagkatapos ay inilipat kami sa isang lugar na mga Saksi lamang ang nakakulong, pati na ang mga lalaki, babae, at mga bata. Sa loob ng sumunod na ilang buwan, maraming bata ang namatay dahil sa nakapanghihilakbot na kalagayan sa bilangguan.
Nang dakong huli, nagpasiya ang pamahalaan na ipatapon ang mga Saksi sa Carico, isang malayong lugar sa hilaga. Ang layunin ay upang ibukod kami. Mayroong mga 7,000 Saksi sa Mozambique noon, na ang karamihan ay nabautismuhan noong 1974 at 1975. Palibhasa’y natanto na kakailanganin namin ang mga literatura sa Bibliya sa panahon ng aming pagkakabukod, nakakuha ako ng permiso para umuwi at kumuha ng pagkain at kagamitan para sa paglalakbay. Nang hindi napapansin ng opisyal na sumama sa akin, bahagya kong inalisan ng laman ang ilang kahon ng biskuwit at naglagay ako ng mga publikasyon sa Bibliya sa ilalim ng mga kahon. Sa gayong mga pagkakataon, hindi kami natakot. Nagtitiwala kami na tutulungan kami ng Diyos.—Hebreo 13:6.
Ang Buhay sa Kampo
Dumating kami sa Carico noong Enero 1976 at nasumpungan namin ang maraming Saksi mula sa karatig na Malawi na naninirahan sa mga kampo na kanilang itinayo. Mula 1972 hanggang 1975, mahigit 30,000 katao, kasali na ang mga bata, ang tumakas mula sa malupit na relihiyosong pag-uusig sa Malawi. Pinahintulutan silang pumasok sa hilagaang Mozambique bilang mga nagsilikas, at nang dumating kami, ibinahagi nila sa amin ang kanilang mga tahanan at kaunting pagkain.
Yamang karamihan sa amin ay walang karanasan sa pagtatayo, ipinakita sa amin ng mga kapatid mula sa Malawi kung paano itatayo ang aming mga bahay sa pamamagitan ng paggawa ng mga ladrilyo at paggamit nito kasama ang mga halaman sa kakahuyan. Tinuruan din nila kami kung paano magtanim at gumawa ng ilang bagay upang matustusan ang aming sarili. Kaya natutuhan ko ang karpinterya, pagsasaka, at pagiging sastre. Napatunayan ng marami sa amin na ang mga kasanayang ito ay kapaki-pakinabang nang makauwi kami sa sarili naming lunsod nang dakong huli.
Ang aming pangunahing pinagkakaabalahan ay ang pagpapanatili ng aming espirituwalidad, at masasabi ko na hindi kami nagkulang sa espirituwal na pagkain. Paano nangyari ito? Buweno, gaya ng nabanggit kanina, nang ipatapon kami, marami sa amin ang gumamit ng aming pagkamalikhain upang makapagdala ng mga literatura sa Bibliya kasama ng iba pa naming kagamitan. Gayundin, ang mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika ay naglimbag ng mumunting kopya ng Ang Bantayan. Pinadali nito ang pagdadala ng mga ito sa mga kampo.
Pagkaraan ng maraming petisyon, noong Disyembre 1, 1978, ang unang kasalan ay pinayagan sa loob ng mga kampo. Noon ay pinakasalan ko si Alita Chilaule, na ang ama ay kabilang sa mga unang nabautismuhan sa Maputo noong 1958. Nang isilang ang aming mga anak na sina Dorcas at Samuel, tinuruan namin sila na ibigin si Jehova, at regular namin silang isinasama sa mga pulong Kristiyano. Pagkaraan, nagkaroon kami ng isa pang anak, na pinanganlang Jaimito.
Kung Paano Kami Nangaral
Pinahintulutan ang mga Saksi na lumabas sa kampo upang magtinda ng mga bagay-bagay, pati na ang pagkain na inani nila. Marami sa amin ang nagsamantala sa pagkakataong ito upang mangaral. Sa katunayan, sadya kong itinaas ang presyo ng asin upang walang makabili nito. Gayunman, may ilang tao na nakilala ko ang tumugon sa mensahe ng Kaharian, at nasimulan ko ang ilang pag-aaral sa Bibliya.
Ang isa sa mga inaaralan ko ng Bibliya ay nakipag-usap sa direktor ng isang kompanya sa kalapit na Milange na nagpakita ng interes sa Bibliya. Nang ipaalam ito sa akin, sumulat ako sa direktor. Tumugon siya kalakip ang paanyaya na dalawin ko siya. Kaya nagtago ako ng mga literatura sa Bibliya at humayo na ako, na kunwari’y magbebenta sa kaniya ng ilang muwebles na ginawa ko.
Nang dumating ako, natuklasan ko na ang kaniyang bahay ay binabantayan ng mga sundalo; kaya natakot ako. Gayunman, ang lalaki ay lumabas at sinabi sa mga sundalo na ayaw niyang magambala. Sinimulan namin ang aming pag-aaral sa Bibliya sa ganap na alas singko ng hapon, at gayon na lamang ang kaniyang ipinakitang interes anupat natapos lamang kami noong alas singko ng umaga kinabukasan! Pagkaraan, nag-alok siya na siya ang tatanggap ng ating mga literatura mula sa Portugal, yamang walang pagbabawal na pinaiiral sa kaniyang mga sulat. Pagkatapos ay ibibigay niya sa akin ang mga literatura, at dadalhin ko naman ang mga ito sa kampo.
Totoo, ang ilan sa amin ay nahuli at naaresto nang ilang ulit dahil sa aming gawaing pangangaral. Gayunman, kapag marami ang tumutugon sa mensahe ng Kaharian, natitiyak namin na kami’y tinutulungan ng Diyos, gaya ng pagtulong niya sa mga Kristiyano noong unang siglo.—Gawa, kabanata 3-5.
Paglaya, at Pagbabalik sa Maputo
Noong Setyembre 1985, matapos ang pagsasaalang-alang sa mga kalagayan kalakip ng pananalangin, naipasiya na magsasaayos kami ng isang maramihang paglikas sa mga kampo. Bagaman ang ilan ay nanatili sa mga kampo sa Carico at nanatiling nakabukod mula sa ibang mga Saksi ni Jehova sa sumunod na pitong taon, ang iba ay nakatakas patungo sa Malawi at sa Zambia. Kaming mag-asawa ay nagpasiyang magtungo sa karatig-bayan ng Milange kasama ng aming mga anak. Doon ay nakakuha ako ng trabaho at lugar na matitirhan, at nagpatuloy kami sa aming ministeryo. Nang sumunod na taon, sa wakas ay nakabalik kami sa Maputo.
Sa simula, nakitira kami sa mga kamag-anak. Mahirap humanap ng trabaho, ngunit pagkaraan ay nakakuha rin ako. Si Alita ay nagtinda ng binusang mani upang madagdagan ang aming maliit na kita. Yamang sumulong ang aking Ingles, nagsumite ako ng aplikasyon para sa trabaho sa Embahada ng Britanya. Ako’y nakapasa sa pagsusulit at nagkatrabaho na may suweldong mas mataas ng 20 beses kaysa sa dati kong kinikita! Talagang nadama ko na tinulungan ako ni Jehova, at pinasalamatan ko siya sa panalangin.
Pagtitimbang ng mga Pananagutan
Sa wakas, noong Pebrero 11, 1991, ang pamahalaan ng Mozambique ay nagkaloob ng legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova. Tunay na isang di-malilimutang petsa para sa amin! Nang sumunod na taon, ako’y inanyayahang maglingkod bilang miyembro ng komite na nangangasiwa sa gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa Mozambique. Noon, ang aming mga anak ay 12, 9, at 6 anyos lamang. Gumugol ako ng magdamag sa pananalangin, na humihingi kay Jehova ng karunungan upang makagawa ng pasiya na magpapaaninaw ng aking pagiging timbang sa pag-aasikaso kapuwa ng mga pananagutan sa pamilya at sa organisasyon.
Nakakuha kami ng isang maliit na trailer, na ginamit namin sa isang negosyo. Umupa kami ng ilang payunir upang gumawa at magbenta ng mga sandwich, at lumago ang negosyo. Kaya naman, nagkaroon ako ng panahon para asikasuhin ang aking bagong mga pribilehiyo sa organisasyon. Nangailangan din kami ng isang bahay, yamang imposible nang ituloy pa ang pag-upa sa bahay na tinitirahan namin. Kaya naghanda ako ng kahilingan sa mga awtoridad, na naglalarawan sa kalagayan ng aking pamilya. Di-nagtagal ay nakatanggap kami ng pagsang-ayon na makakuha ng isang bahay. Napabalita ito nang husto, yamang ako ang unang taga-Mozambique na nakabili ng bahay mula sa estado.
Kami ni Alita ay pinagpala ng mga anak na tumugon sa aming programa ng espirituwal na pagtuturo. (Deuteronomio 6:6-9) Kaugalian namin na talakayin ang isang teksto sa Bibliya araw-araw tuwing 5:40 n.u., pagkatapos ay sama-sama naming binabasa ang Bibliya. Yamang kailangang pumasok nang maaga ang aming mga anak sa paaralan, nasanay na sila sa ganitong maagang iskedyul. Tuwing Biyernes sa ganap na 6:00 n.g., idinaraos namin ang aming pampamilyang pag-aaral, na doo’y tinatalakay sa amin ng mga bata ang mga tema sa Bibliya na kanilang sinaliksik sa loob ng isang linggo. Panahon din iyon upang sanayin namin ang mga presentasyon para sa ministeryo.
Nabautismuhan ang lahat ng aming mga anak. Sa katunayan, sina Dorcas at Samuel ay naglilingkod bilang mga payunir mula noong 1994, at mula nang mabautismuhan siya, si Jaimito ay naglilingkod bilang isang auxiliary pioneer. Nag-aaral pa ang mga bata, ngunit bawat isa ay may tunguhin na palawakin ang kaniyang ministeryo pagkatapos nito. Hinahati naman ni Alita ang kaniyang panahon sa pagitan ng pagpapayunir at pag-aasikaso sa aming tahanan. Sa loob ng maraming taon, pati na ang mga taon na ginugol sa mga kampong piitan, ako’y naglingkod bilang isang payunir. Gayunman, mula noong 1993, sa araw ay naglilingkod ako sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova.
Patuloy ang mga Pagpapala Mula sa Diyos
Noong 1997, nakatanggap ako ng dakilang pagpapala na dumalo sa dalawang-buwang kurso para sa mga miyembro ng Komite ng Sangay. Ang kurso ay idinaos sa Estados Unidos sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York. Kaya naman, ang aking pagsisikap na matuto ng Ingles ay muli na namang ginantimpalaan. Sa aking pag-uwi, nagkaroon ako ng pagkakataong dalawin ang mga lingkod ni Jehova sa ibang lupain, at talagang nag-umapaw ang aking puso sa pasasalamat para sa ating pambuong-daigdig na kapatiran!
Ang mismong pag-ibig na ito sa gitna ng mga tunay na Kristiyano ay nakatulong na maakit ang libu-libo pang taimtim na mga tao upang makisama sa mga Saksi ni Jehova sa Mozambique. (Juan 13:35) Mula sa humigit-kumulang 7,000 na nangangaral nang kami’y ipatapon sa mga kampong piitan, kami ngayon ay may mahigit na 29,000 na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong Mozambique. Ang mga ito ay nakaugnay sa mahigit na 665 kongregasyon; mayroon lamang 4 noong 1958.
Noong 1993, sinang-ayunan ang mga plano para sa isang tanggapang pansangay sa Maputo na matutuluyan ng mga tauhan ng sangay na mahigit nang 75 at upang mapangalagaan ang kamangha-manghang paglawak ng dalisay na pagsamba sa Mozambique. Pagkaraan ng pagtatayo sa loob ng mga apat na taon, nakumpleto ang proyekto. Pagkatapos, noong Disyembre 19, 1998, di-malirip ang aming kagalakan nang 1,098 mula sa maraming bansa ang dumalo para sa pag-aalay ng magandang pasilidad na ito. Sa programa, ako’y nagkapribilehiyo na kapanayamin ang mga tao na gumugol ng mga taon sa pagkakatapon sa Carico. Hiniling ko na magtaas ng kamay ang ipinatapon doon, at labis na naantig ang mga tagapakinig nang daan-daang kamay ang itinaas.
Kinabukasan, isang pulutong ng 8,525 ang naroroon sa Matola Assembly Hall para sa repaso ng programa sa pag-aalay, nakapagpapasiglang mga ulat mula sa ibang bansa, at salig-sa-Bibliya na mga pahayag ng mga panauhin mula sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, sa Brooklyn, New York.
Totoo, mula nang malaman ko ang katotohanan ng Bibliya bilang isang tin-edyer, naranasan ko ang pagsalansang ng pamilya, pagbabantang papatayin, at kakila-kilabot na pag-uusig na kung minsa’y nag-uudyok sa akin na naising mamatay na lamang kaysa sa patuloy na mabuhay. Gayunman, nagagalak ako na bilang resulta ng mga karanasang ito, nadalisay ang aking kaugnayan kay Jehova. Oo, gaya ng sinabi ng salmista sa Bibliya, “Ang Diyos ay aking katulong; si Jehova ay kabilang sa mga umaalalay sa aking kaluluwa.” (Awit 54:4) Isang di-matutumbasang pribilehiyo para sa akin at sa aking pamilya ang maglingkod kay Jehova kasama ng pambuong-daigdig na pamilya ng kaniyang mga mananamba.
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga Saksi sa harapan ng Kingdom Hall na itinayo samantalang sila’y nakabukod
[Larawan sa pahina 24]
Nasisiyahan sa aming pampamilyang pag-aaral sa Bibliya
[Larawan sa pahina 25]
Nagtaas ng kanilang kamay yaong mga napunta sa Carico