Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 8/22 p. 18-23
  • Naglilingkod sa Diyos sa Harap ng Kamatayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Naglilingkod sa Diyos sa Harap ng Kamatayan
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinagpala ng Isang Mahusay na Edukasyon
  • Isang Bagong Relihiyosong Kilusan
  • Ang Aking Unang mga Pagkabilanggo
  • Isang Pinakahihintay na Pagtatagpo
  • Mga Pangyayaring Humantong sa Bautismo
  • Panibagong Pag-uusig
  • Siyam na Taon ng Pagdurusa
  • Kalayaan, Ngunit Muling Nabilanggo
  • Pinalaya, Subalit Pinag-usig Pa Rin
  • Sa Wakas, Kalayaang Mangaral!
  • Bahagi 4—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Mula sa Pagiging Aktibista sa Pulitika Tungo sa Pagiging Neutral na Kristiyano
    Gumising!—2002
  • Ang Diyos ang Naging Katulong Namin
    Gumising!—1999
  • Mula sa Matinding Kahirapan Tungo sa Pinakamalaking Kayamanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 8/22 p. 18-23

Naglilingkod sa Diyos sa Harap ng Kamatayan

AYON SA SALAYSAY NI JOÃO MANCOCA

Noong Hunyo 25, 1961, binuwag ng mga sundalo ang aming pulong Kristiyano sa Luanda, Angola. Tatlumpu sa amin ang ibinilanggo at buong lupit na binugbog anupat ang mga sundalo ay bumabalik tuwing kalahating oras upang tingnan kung may namatay. Narinig namin na sinabi ng ilan sa kanila na tiyak na tunay ang aming Diyos, yamang kaming lahat ay buháy.

PAGKATAPOS ng pambubugbog na iyon, nanatili ako nang limang buwan sa bilangguan ng São Paulo. Pagkatapos, sa sumunod na siyam na taon, nagpalipat-lipat ako ng bilangguan at dumanas ako ng higit pang pambubugbog, pagkakait, at mga pagtatanong. Di-nagtagal pagkatapos kong mapalaya mula sa pagkapiit noong 1970, muli akong inaresto, at sa pagkakataong ito’y ipinadala ako sa nakasusuklam na kampong patayan sa São Nicolau, ngayo’y Bentiaba. Napiit ako roon sa loob ng dalawa at kalahating taon.

Maaaring iniisip mo kung bakit kinailangang mabilanggo ako, isang mamamayang masunurin sa batas, dahil sa pagsasalita sa iba may kinalaman sa aking mga paniniwalang salig sa Bibliya at kung saan ko unang natutuhan ang tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.

Pinagpala ng Isang Mahusay na Edukasyon

Ako’y isinilang noong Oktubre 1925 malapit sa bayan ng Maquela do Zombo, sa hilaga ng Angola. Nang mamatay si Tatay noong 1932, pinatira ako ni Nanay sa kaniyang kapatid na lalaki sa Belgian Congo (ngayo’y Democratic Republic of Congo). Hindi niya talagang gustong gawin ito, ngunit wala siyang maitutustos sa akin.

Isang Baptist ang aking tiyo, at hinimok niya akong magbasa ng Bibliya. Bagaman naging miyembro ako ng kaniyang simbahan, ang aking pagkagutom sa espirituwal ay hindi nasapatan ng aking natutuhan, ni naudyukan man ako nitong maglingkod sa Diyos. Gayunman, pinag-aral ako ng aking tiyo at tinulungan akong magkaroon ng isang mahusay na edukasyon. Bukod sa ibang bagay, natuto akong magsalita ng Pranses. Nang maglaon, natuto rin akong magsalita ng Portuges. Pagkatapos kong mag-aral, nagtrabaho ako bilang isang radio telegraphist sa sentral na istasyon ng radio sa Léopoldville (ngayo’y Kinshasa). Pagkatapos, noong ako’y 20 anyos, pinakasalan ko si Maria Pova.

Isang Bagong Relihiyosong Kilusan

Nang taon ding iyon, 1946, ako’y naimpluwensiyahan ng isang edukadong taga-Angola na konduktor ng koro sa Simbahang Baptist. Sabik siyang turuan at pasulungin ang mga taong nagsasalita ng Kikongo na nakatira sa hilaga ng Angola. Nakakuha siya ng isang salin na Portuges ng buklet na Ingles na The Kingdom, the Hope of the World, na inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society at ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova.

Isinalin ng konduktor ng koro ang buklet na ito sa Kikongo at ginamit ito sa pagdaraos ng lingguhang pagtalakay sa Bibliya kasama ng grupo namin na mga taga-Angola na nagtatrabaho sa Belgian Congo. Nang maglaon, ang konduktor ng koro ay sumulat sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Estados Unidos at kumuha ng higit pang literatura. Gayunman, ang impormasyon na itinawid niya sa amin ay nahaluan ng mga turo ng simbahan. Kaya, hindi ko makita nang malinaw ang pagkakaiba sa pagitan ng tunay na Kristiyanismo at ng di-makakasulatang mga turo ng Sangkakristiyanuhan.

Gayunman, napansin ko na ang mensaheng nilalaman ng literatura ng Samahang Watch Tower ay naiiba sa anumang narinig ko sa Simbahang Baptist. Halimbawa, natutuhan ko na lubhang pinahahalagahan ng Bibliya ang personal na pangalan ng Diyos, si Jehova, at na angkop na tinatawag ng mga tunay na Kristiyano ang kanilang sarili na mga Saksi ni Jehova. (Awit 83:18; Isaias 43:10-12) Bukod pa riyan, nag-uumapaw sa kagalakan ang aking puso sa pangako ng Bibliya na buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa para sa lahat ng tapat na maglilingkod kay Jehova.​—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3-5.

Bagaman limitado ang kaalaman ko sa Bibliya, para akong si propeta Jeremias, na hindi mapigil ang kaniyang nag-aalab na hangaring magsalita tungkol sa kaniyang Diyos, si Jehova. (Jeremias 20:9) Ang mga miyembro ng aming grupo na nag-aaral ng Bibliya ay sumama sa akin sa pangangaral sa bahay-bahay. Nagdaos pa nga ako ng mga pulong pangmadla sa bakuran ng aking tiyo, na ginagamit ang nakamakinilyang mga imbitasyon upang anyayahan ang mga tao. Hanggang 78 katao ang dumalo noong minsan. Kaya isang bagong relihiyosong kilusan ang nabuo sa ilalim ng pangunguna ng konduktor ng koro sa Angola.

Ang Aking Unang mga Pagkabilanggo

Lingid sa aking kaalaman, ang anumang kilusan na may kaugnayan sa Samahang Watch Tower ay ipinagbabawal sa Belgian Congo. Kaya, noong Oktubre 22, 1949, naaresto ang ilan sa amin. Bago ang aming paglilitis, kinausap ako nang sarilinan ng hukom at sinikap na ayusin na palayain ako, yamang alam niyang ako’y isang empleado ng gobyerno. Subalit upang makamit ko ang aking kalayaan, kailangan kong talikuran ang kilusan na nabuo bilang resulta ng aming pangangaral, at ito’y tinanggihan ko.

Pagkalipas ng dalawa at kalahating buwan sa bilangguan, ipinasiya ng mga awtoridad na pabalikin kaming mga taga-Angola sa aming sariling bansa. Gayunman, pagbalik namin sa Angola, naghinala rin ang mga awtoridad ng kolonyang Portuges sa aming mga gawain at binawasan ang aming kalayaan. Higit pang miyembro ng aming kilusan ang dumating mula sa Belgian Congo, at sa wakas ang bilang namin ay umabot ng mahigit na 1,000 katao na nakapangalat sa buong Angola.

Nang maglaon, napasama sa aming kilusan ang mga tagasunod ng kilalang relihiyosong lider na si Simon Kimbangu. Ang mga taong ito ay hindi interesado sa pag-aaral ng literatura ng Samahang Watch Tower, yamang naniniwala sila na ang Bibliya ay maipaliliwanag lamang ng isang espiritista. Itinaguyod ng karamihan sa aming kilusan ang gayong pangmalas, pati na ang konduktor ng koro, na siya pa ring itinuturing naming lider. Taimtim akong nanalangin na sana’y akayin kami ni Jehova na makita namin ang isang tunay na kinatawan ng Samahang Watch Tower. Umaasa akong ito ay kukumbinse sa aming buong kilusan na tanggapin ang katotohanan ng Bibliya at tanggihan ang mga gawaing di-makakasulatan.

Ikinagalit ng ilang miyembro ng kilusan ang pangangaral na ginagawa ng ilan sa amin. Kaya isinuplong nila kami sa mga awtoridad at inakusahan kami ng pagiging mga pinuno ng isang makapulitikang kilusan. Bunga nito, marami sa amin ang inaresto noong Pebrero 1952, pati na sina Carlos Agostinho Cadi at Sala Ramos Filemon. Ikinulong kami sa isang selda na walang mga bintana. Gayunman, isang palakaibigang bantay ang nagdadala ng pagkain mula sa aming mga asa-asawa gayundin ng isang makinilya upang makagawa kami ng higit pang mga kopya ng mga buklet ng Samahang Watch Tower.

Pagkalipas ng tatlong linggo ay ipinatapon kami sa Baia dos Tigres, isang rehiyong disyerto sa timog ng Angola. Sumama roon ang aming mga asa-asawa. Kami’y nahatulan ng apat na taon ng sapilitang pagtatrabaho sa isang kompanya ng pangingisda. Ang Baia dos Tigres ay walang daungan para sa mga bangkang ginagamit sa pangingisda, kaya kailangang magparoo’t parito ang aming mga asawa sa mga bangka mula umaga hanggang gabi na buhat-buhat ang mabibigat na kargadang isda.

Sa kampong piitan na ito, nasumpungan namin ang iba pang miyembro ng aming kilusan at hinikayat namin silang patuloy na mag-aral ng Bibliya. Subalit mas pinili nilang sumunod kay Toco, ang konduktor ng koro. Nang maglaon, sila’y tinawag na mga Tocoista.

Isang Pinakahihintay na Pagtatagpo

Samantalang nasa Baia dos Tigres, nasumpungan namin ang direksiyon ng sangay ng Samahang Watch Tower sa Northern Rhodesia (ngayo’y Zambia) at sumulat kami upang humingi ng tulong. Ang aming liham ay ipinasa sa sangay sa Timog Aprika, na nakipagsulatan sa amin, na tinatanong kung paano kami naging interesado sa katotohanan ng Bibliya. Ipinagbigay-alam sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Estados Unidos ang tungkol sa amin, at nagsaayos na magpadala ng isang pantanging kinatawan upang makipagkita sa amin. Siya si John Cooke, isang misyonero na may maraming taon ng karanasan sa banyagang mga bansa.

Nang dumating si Brother Cooke sa Angola, gumugol ng ilang linggo bago siya napayagan ng Portuges na mga awtoridad na dumalaw sa amin. Dumating siya sa Baia dos Tigres noong Marso 21, 1955, at pinahintulutan siyang manatili na kasama namin sa loob ng limang araw. Kasiya-siya ang mga paliwanag niya sa Bibliya, at ako’y kumbinsido na kinakatawan niya ang tanging tunay na organisasyon ng Diyos na Jehova. Noong huling araw ng kaniyang dalaw, si Brother Cooke ay nagbigay ng isang pahayag pangmadla sa paksang “Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian.” May kabuuang 82 ang naroroon, pati na ang punong administrador ng Baia dos Tigres. Ang bawat isa na dumalo ay tumanggap ng isang inilimbag na kopya ng pahayag.

Sa loob ng limang-buwan na inilagi niya sa Angola, nakipagkita si Brother Cooke sa maraming Tocoista, pati na sa kanilang lider. Gayunman, ang karamihan sa kanila ay hindi interesadong maging mga Saksi ni Jehova. Kaya, kami ng mga kasama ko ay naobligang ipakitang malinaw sa mga awtoridad ang aming paninindigan. Ginawa namin ito sa isang pormal na liham, na may petsang Hunyo 6, 1956, at ipinadala sa “Kaniyang Kamahalan ang Gobernador ng Distrito ng Moçâmedes.” Binanggit namin na wala na kaming anumang kaugnayan sa mga tagasunod ni Toco at na kami’y ituring bilang “mga miyembro ng Samahan ng mga Saksi ni Jehova.” Hiniling din namin na kami’y pagkalooban ng kalayaang sumamba. Gayunman, sa halip na mabawasan ang aming sentensiya, nadagdagan pa ito ng dalawang taon.

Mga Pangyayaring Humantong sa Bautismo

Kami sa wakas ay napalaya noong Agosto 1958, at sa pagbabalik namin sa Luanda, nasumpungan namin ang isang maliit na grupo ng mga Saksi ni Jehova. Itinatag ito isang taon na ang nakararaan ni Mervyn Passlow, isang misyonero na ipinadala sa Angola upang humalili kay John Cooke subalit ipinatapon na noong panahong dumating kami. Pagkatapos, noong 1959, dumalaw si Harry Arnott, isa pang misyonero ng mga Saksi ni Jehova. Subalit, siya’y naaresto pagbaba niya sa paliparan, habang tatlo sa amin ay naghihintay upang salubungin siya.

Ang dalawa pa, sina Manuel Gonçalves at Berta Teixeira, kababautismo lamang na mga Saksing Portuges, ay pinalaya pagkatapos babalaan na huwag nang magdaos ng anumang pulong. Si Brother Arnott ay ipinatapon, at ako’y binabalaan na malibang pumirma ako sa isang dokumento na nagpapahayag na hindi na ako isang Saksi, ako’y ibabalik sa Baia dos Tigres. Pagkatapos na pagtatanungin sa loob ng pitong oras, ako’y pinalaya nang walang pinipirmahang dokumento. Pagkalipas ng isang linggo, ako sa wakas ay nabautismuhan, gayundin ang aking mga kaibigang sina Carlos Cadi at Sala Filemon. Umupa kami ng isang silid sa Muceque Sambizanga, isang arabal ng Luanda, na naging lugar ng unang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Angola.

Panibagong Pag-uusig

Dumami ang mga taong interesado na nagsimulang dumalo sa mga pulong. Ang ilan ay dumalo upang maniktik sa amin, subalit nasiyahan sila sa mga pulong at nang maglaon ay naging mga Saksi ni Jehova! Nagbabago ang tanawin sa pulitika, at ang kalagayan ay naging mas mahirap para sa amin pagkatapos ng isang pag-aalsang makabayan noong Pebrero 4, 1961. Sa kabila ng mga kasinungalingang kumalat tungkol sa amin, noong Marso 30, nagtagumpay kami sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo na dinaluhan ng 130.

Noong Hunyo, samantalang ako’y nagdaraos ng Pag-aaral sa Bantayan, binuwag ng pulisyang militar ang aming pulong. Pinalaya ang mga babae at mga bata, subalit ang 30 lalaki doon ay dinala, gaya ng nabanggit sa pasimula. Kami’y walang-lubay na pinaghahampas ng mga pamalong kahoy sa loob ng dalawang oras. Sa loob ng tatlong buwan pagkatapos nito, sumuka ako ng dugo. Tiyak kong mamamatay na ako; sa katunayan, tiniyak ng isa na humampas sa akin na mamamatay ako. Ang karamihan ng iba pa na pinaghahampas ay bago at di-bautisadong mga estudyante ng Bibliya, kaya’t marubdob akong nanalangin alang-alang sa kanila: “Jehova, ingatan po ninyo ang inyong mga tupa.”

Salamat kay Jehova, walang isa man sa kanila ang namatay, na ikinagulat ng militar. Ang ilan sa mga sundalong ito ay naudyukang purihin ang aming Diyos, na sinabi nilang nagpangyari sa amin na makaligtas! Sa dakong huli ang karamihan ng mga estudyante sa Bibliya ay naging bautisadong mga Saksi, at ang ilan ay naglilingkod ngayon bilang Kristiyanong matatanda. Ang isa sa kanila, si Silvestre Simão, ay miyembro ng Komite ng Sangay sa Angola.

Siyam na Taon ng Pagdurusa

Gaya ng nabanggit ko sa pasimula, nagdusa ako sa maraming paraan nang sumunod na siyam na taon at ako’y nagpalipat-lipat ng bilangguan o kampo ng sapilitang pagtatrabaho. Sa lahat ng dakong ito, nakapagpatotoo ako sa mga nabilanggo dahil sa pulitika, na ang marami sa kanila ay bautisadong mga Saksi na ngayon. Pinayagan ang aking asawa, si Maria, at ang aking mga anak na sumama sa akin.

Samantalang kami ay nasa kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Serpa Pinto, nahuling tumatakas ang apat na nabilanggo dahil sa pulitika. Malupit silang pinahirapan hanggang mamatay sa harap ng lahat ng mga bilanggo upang takutin sila na huwag man lamang mag-isip na tumakas. Nang maglaon, pinagbantaan ako ng komandante ng kampo sa harap ni Maria at ng mga bata: “Kapag nahuli kitang nangangaral muli, mamamatay ka na katulad niyaong mga nagtangkang tumakas.”

Sa wakas, noong Nobyembre 1966, napunta kami sa naging kakila-kilabot na kampong patayan ng São Nicolau. Pagdating namin doon, nabigla ako nang malaman ko na ang administrador ng kampo ay si G. Cid, ang taong halos patayin ako sa hampas sa bilangguan sa São Paulo! Marami ang sistematikong pinaslang buwan-buwan, at ang pamilya ko’y sapilitang pinapanood ng brutal na mga pagpatay. Bunga nito, si Maria ay nagkaroon ng nervous breakdown, na doo’y hindi na siya lubusang gumaling. Sa wakas, nakakuha ako ng pahintulot na ilikas siya at ang mga bata sa Luanda, kung saan inalagaan sila ng aking dalawang nakatatandang mga anak na babae, sina Teresa at Joana.

Kalayaan, Ngunit Muling Nabilanggo

Ako’y napalaya ng sumunod na taon, noong Setyembre 1970, at muli kong nakasama ang aking pamilya at ang lahat ng mga kapatid sa Luanda. Napaluha ako na makitang sumulong ang gawaing pangangaral sa loob ng siyam na taon na wala ako. Nang ako’y makulong noong 1961, ang kongregasyon sa Luanda ay binubuo lamang ng apat na maliliit na grupo. Ngayon, mayroon nang apat na malalaking kongregasyon, maayos na inorganisa at tinutulungan tuwing anim na buwan ng isang naglalakbay na kinatawan ng organisasyon ni Jehova. Tuwang-tuwa ako na maging malaya, subalit ang aking kalayaan ay sandali lamang.

Isang araw ay ipinatawag ako ng direktor heneral noon ng Police for Investigation and Defense of the State (PIDE) na ngayo’y wala na. Pagkatapos akong papurihan nang labis sa harap ng aking anak na babaing si Joana, binigyan niya ako ng isang dokumentong pipirmahan. Hinihiling nito ang aking paglilingkod bilang isang tagasuplong para sa PIDE at pinangakuan ako ng maraming materyal na gantimpala para sa aking paglilingkod. Nang tumanggi akong pumirma, pinagbantaan akong ibabalik sa São Nicolau, kung saan, sinabi sa akin, hinding-hindi na ako muling makalalaya.

Noong Enero 1971, pagkaraan lamang ng apat na buwan ng paglaya, isinagawa ang mga bantang iyon. Lahat-lahat, 37 Kristiyanong matatanda mula sa Luanda ang inaresto at ipinadala sa São Nicolau. Doon kami ikinulong hanggang noong Agosto 1973.

Pinalaya, Subalit Pinag-usig Pa Rin

Noong 1974 ang kalayaan sa relihiyon ay ipinahayag sa Portugal, at pagkatapos ang kalayaang ito ay ipinarating din sa mga lalawigang Portuges sa ibang bansa. Noong Nobyembre 11, 1975, natamo ng Angola ang kalayaan mula sa Portugal. Anong laking kagalakang maranasan ang aming unang malayang pansirkitong mga asamblea noong Marso ng taon ding iyon! Nagkapribilehiyo akong magbigay ng pahayag pangmadla sa masasayang pagtitipong ito sa Sports Citadel sa Luanda.

Gayunman, salansang ang bagong pamahalaan sa aming neutral na paninindigan, at sumiklab ang isang gera sibil sa buong Angola. Ang situwasyon ay naging lubhang mapanganib anupat ang mga puting Saksi ay napilitang tumakas ng bansa. Tatlo kaming lokal na mga kapatid ang nangasiwa sa gawaing pangangaral sa Angola, sa ilalim ng pamamahala ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Portugal.

Di-nagtagal ay lumitaw sa mga pahayagan at isinahimpapawid sa radyo ang pangalan ko. Ako’y pinaratangan na isang ahente ng internasyonal na imperyalismo at na ako ang may pananagutan sa pagtanggi ng mga Saksi sa Angola na magdala ng armas. Bunga nito, ako’y ipinatawag sa harap ng unang gobernador sa lalawigan ng Luanda. Buong paggalang, ipinaliwanag ko sa kaniya ang neutral na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, na siyang naging paninindigan ng unang mga tagasunod ni Jesu-Kristo. (Isaias 2:4; Mateo 26:52) Nang banggitin ko na ako’y gumugol ng mahigit na 17 taon sa mga bilangguan at kampo ng sapilitang pagtatrabaho noong panahon ng pamamahala ng kolonya, nagpasiya siyang huwag akong arestuhin.

Noong mga panahong iyon, nangangailangan ng tibay ng loob upang makapaglingkod bilang isang Saksi para kay Jehova sa Angola. Yamang minamanmanan ang aking bahay, hindi na namin ito ginamit para sa mga pulong. Subalit gaya ng sinabi ni apostol Pablo, ‘ginigipit kami sa bawat paraan, ngunit hindi nasisikipan na hindi makakilos.’ (2 Corinto 4:8) Hindi kami kailanman naging di-aktibo sa aming ministeryo. Nagpatuloy ako sa gawaing pangangaral, na naglilingkod bilang isang naglalakbay na ministro at nagpapatibay sa mga kongregasyon sa mga lalawigan ng Benguela, Huíla, at Huambo. Nang panahong iyon ay ibang pangalan ang ginamit ko, Brother Filemon.

Noong Marso 1978, muling ipinagbawal ang aming gawaing pangangaral, at ipinaalam sa akin ng maaasahang pinagmumulan ng balita na balak akong ipapatay ng mga rebolusyonaryong panatiko. Kaya nanganlong ako sa bahay ng isang Saksi mula sa Nigeria na isang empleado ng embahada ng Nigeria sa Angola. Pagkaraan ng isang buwan, nang tumahimik ang kalagayan, nagpatuloy akong maglingkod sa mga kapatid bilang isang tagapangasiwa ng sirkito.

Sa kabila ng pagbabawal at gera sibil, libu-libong taga-Angola ang tumugon sa aming pangangaral. Dahil sa mainam na pagsulong sa bilang ng nagiging Saksi, isang komite sa bansa ang hinirang upang mangalaga sa gawaing pangangaral sa Angola, sa ilalim ng pamamahala ng sangay sa Portugal. Sa panahong ito, maraming beses akong naglakbay sa Portugal, kung saan tumanggap ako ng mahalagang pagsasanay mula sa kuwalipikadong mga ministro, gayundin ng kinakailangang pangangalagang medikal.

Sa Wakas, Kalayaang Mangaral!

Noong ako’y nasa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho, madalas na tinutuya ako ng mga nabilanggo dahil sa pulitika at sinasabing ako’y hindi kailanman mapalalaya kung patuloy akong mangangaral. Subalit ang sagot ko ay: “Hindi pa panahon upang buksan ni Jehova ang pintuan, subalit kapag ginawa niya ito, walang taong makapagsasara nito.” (1 Corinto 16:9; Apocalipsis 3:8) Ang pintuang ito ng pagkakataon upang mangaral nang malaya ay nabuksan nang husto pagkatapos bumagsak ang Unyong Sobyet noong 1991. Nang panahong iyon ay naranasan namin sa Angola ang higit na kalayaan sa pagsamba. Noong 1992, opisyal na kinilala ng batas ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Sa wakas, isang sangay ng mga Saksi ni Jehova ang itinayo sa Angola noong 1996, at ako’y nahirang bilang isang miyembro ng Komite ng Sangay.

Sa maraming taon ng aking pagkabilanggo, sa paano man ay laging napangalagaan ang aking pamilya. Anim ang anak namin, at lima rito ang buháy pa. Ang mahal naming si Joana ay namatay noong nakaraang taon dahil sa kanser. Apat sa aming natitirang anak ay bautisadong mga Saksi, subalit ang isa pa naming anak ay hindi pa kumukuha ng hakbang upang magpabautismo.

Nang dumalaw sa amin si Brother Cooke noong 1955, lahat-lahat ay apat kaming taga-Angola na nagpapahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ngayon ay mayroon nang mahigit na 38,000 tagapaghayag ng Kaharian sa bansa, at sila’y nagdaraos ng mahigit na 67,000 pag-aaral sa Bibliya buwan-buwan. Kabilang sa mga nangangaral ng mabuting balita ang maraming dati’y umusig sa amin. Anong laking kasiyahan nga ang dulot nito, at gayon na lamang ang pasasalamat ko kay Jehova sa pag-iingat sa akin at sa pagpapahintulot sa akin na matupad ang aking marubdob na hangaring ipahayag ang kaniyang salita!​—Isaias 43:12; Mateo 24:14.

[Mapa sa pahina 20, 21]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Democratic Republic of Congo

Kinshasa

Angola

Maquela do Zombo

Luanda

São Nicolau (ngayo’y Bentiaba)

Moçâmedes (ngayo’y Namibe)

Baia dos Tigres

Serpa Pinto (ngayo’y Menongue)

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Mga larawan sa pahina 22, 23]

Ibaba: Kasama ni John Cooke noong 1955. Nasa kaliwa si Sala Filemon

Kanan: Muling pagsasama namin ni John Cooke pagkaraan ng 42 taon

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ng aking asawa, si Maria

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share