Mula sa Aming mga Mambabasa
Pangglobong Kalamidad? Ako po’y sampung taóng gulang, at nagustuhan ko po ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Wawasakin ba ng Isang Pangglobong Kalamidad ang Ating Daigdig?” (Disyembre 8, 1998) Natulungan ako nitong maunawaan na walang pangglobong kalamidad na wawasak sa ating planeta dahil nais ni Jehova na mabuhay tayo sa isang paraisong lupa.
J. P., Estados Unidos
Pag-opera Nang Walang Dugo Nais ko kayong pasalamatan sa inyong artikulong “Muling Isinaalang-alang ng mga Doktor ang Pag-opera Nang Walang Dugo.” (Disyembre 8, 1998) Sabik na sabik akong basahin ito, yamang naging matagumpay ang gayong panggagamot sa akin nang palitan ang aking buong balakang. Kasama ko sa kuwarto ang isa pa na ginawan din ng gayong pamamaraan ngunit sinalinan ng dugo. Wala pang isang linggo ay nakalabas na ako sa ospital. Ngunit kinailangang manatili siya, dahil sa nagkaroon siya ng mga komplikasyon na kaugnay ng impeksiyon.
N. H., Estados Unidos
Ihinto ang Paninigarilyo! Ang artikulong “Maaari Mong Ihinto—Nagawa Namin!” ay naging espesyal para sa akin. (Disyembre 8, 1998) Katatapos ko pa lamang makipag-aral ng Bibliya sa isang naninigarilyo. Dumadalo na siya sa lahat ng ating pagpupulong, subalit isang hadlang sa kaniyang espirituwalidad ang kaniyang pagkasugapa. Naipabasa ko na sa kaniya ang iba pang mga artikulo hinggil sa paghinto sa paninigarilyo, ngunit idinadalangin ko na sana’y makatulong ang artikulong ito sa wakas upang mapagtagumpayan niya ang hadlang.
E. C., Estados Unidos
Mga Kemikal at Kalusugan Kasisimula ko pa lamang ng kurso sa chemistry, at nang makita ko ang isyu ng Disyembre 22, 1998, natawag agad nito ang aking pansin. Gaya ng dati, alam ninyo kung paano ihaharap ang isang kumplikadong paksa sa isang paraang mauunawaan ng lahat. Yamang walang hangganan ang nalalaganapan ng mga polusyon at kemikal na mga produkto, dapat na magkaroon ng internasyonal na mga kasunduan upang permanente nang malutas ang problema sa polusyon. Ngunit hindi ito magawa dahil sa kaimbutan at kasakiman ng tao. Salamat na lamang at alam ni Jehova kung paano lulutasin ang problemang ito magpakailanman.
C. V., Canada
Wala Nang mga Magulang Salamat po sa pagsulat ninyo ng napakagandang artikulo, alalaong baga’y, “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Na Kaya Ako Ngayong Wala Na ang Aking mga Magulang?” (Disyembre 22, 1998) Natulungan po ako nito na makatiyak sa kakayahan ni Jehova na mapangalagaan kaming mga kabataan kung wala na kaming mga magulang. Buháy pa naman ang aking mga magulang, ngunit madalas kong naitatanong kung ano kaya ang mangyayari sa akin kapag namatay sila. Malaking pampatibay-loob sa akin ang mainam na halimbawa ni Horacio.
M. J., Trinidad
Repetitive Strain Mahirap ipahayag ang iyong nadarama kapag nakakakita ka ng isang artikulong tumatalakay sa iyong problema. Ganiyan ang nangyari sa artikulong “Repetitive Strain Injuries—Kung Ano ang Dapat Mong Malaman.” (Disyembre 22, 1998) Mayroon ako ng ganitong uri ng pinsala sa aking pupulsuhan (wrist), at ngayon ko lamang nalaman ang dahilan nito. Nakatulong nang malaki sa akin ang payo kung paano haharapin ang problemang ito.
S. T., Yugoslavia
Nagtatrabaho ako sa isang kompanya na gumagawa ng mga kagamitan upang maingatan ang mga manggagawa laban sa repetitive strain injury (RSI). Pumukaw na ng pag-uusisa at kontrobersiya ang RSI, subalit ang inyong artikulo ang pinakamagaling. Tinalakay nito ang paksa sa isang makatarungan at independiyenteng paraan. Hangang-hanga ang aming lupon ng mga direktor anupat pumidido ito ng mga kopyang ipadadala sa aming mga kinatawan sa buong Brazil.
J. P. M., Brazil
Ako’y isang maybahay na ang hanapbuhay ay magbuhat ng mabibigat na kahong yari sa kahoy. Napinsala agad, sa simula pa lamang, ang aking likod, mga bisig, at pupulsuhan. Dalawang taon na ngayon ang nakalipas, sinimulan kong iunat ang aking mga kalamnan sa loob ng sampung minuto bago bumangon sa higaan. Inakala ko noon na makatutulong ang mga ehersisyong iyon, pero ipinakita sa akin ng artikulong ito ang mas makatutulong na mga pamamaraan upang makayanan ito. Sa hinaharap, bibigyan ko ang aking mga kasamahan sa trabaho ng kopya ng magasing ito.
K. Y., Hapon