Sumulong Na ang Kalusugan sa Buong Globo—Ngunit Hindi Para sa Lahat
AYON sa The World Health Report 1998, inilathala ng World Health Organization (WHO), may pangglobong kalakaran tungo sa mas malusog at mas mahabang buhay. Itinatala ng report ang ilang halimbawa.
Mas maraming tao ngayon kaysa noon ang nakikinabang sa mga pasilidad ukol sa kalinisan, ligtas na mga suplay ng tubig, at pangunahing pangangalaga sa kalusugan. Bukod dito, karamihan sa mga bata sa daigdig ay nabibigyan na ngayon ng gamot laban sa anim na pangunahing sakit ng mga bata.a Nakatulong ito sa pagbaba ng bilang ng mga batang namamatay. Bagaman 21 milyong bata na wala pang limang taon ang namatay noong 1955, ang bilang na iyon ay bumaba tungo sa 10 milyon noong 1997. Samantala, sa ilang industriyalisadong bansa, malaki ang ibinaba ng bilang ng mga namamatay dahil sa sakit sa puso nitong nakalipas na mga dekada.
Gayunman, sinabi rin ng report na ang pagbuti ng kalusugan ay talagang hindi pa pangkalahatan. Ang HIV/AIDS ay nanatili pa ring nakamamatay na banta. Bagaman hindi kilala bago ang 1981, ang AIDS ay nakakitil na ng tinatayang 11.7 milyong buhay sapol nang magsimula ang salot. At wala pa ring natatanaw na maigagamot dito. Noong 1996, 400,000 bata na wala pang 15 anyos ang nahawahan ng HIV. Noong 1997, ang dami ng mga bagong nahawahang bata na nasa gayunding edad ay halos 600,000.
Mapanganib Pa Rin sa Kalusugan ang Karalitaan
Lalo nang kakaunti ang pagbuti ng kalusugan ng daan-daang milyong tao na nasadlak sa karalitaan. Karamihan sa kanila ay namumuhay sa mga maralitang bansa kung saan ang mga pasakit ng karamdaman ay malubha, ang pag-asa ay mapanglaw, at ang buhay ay maikli. Ganito ang sinabi ni Dr. Hiroshi Nakajima, dating direktor heneral ng WHO: “Ang agwat ng kalagayan ng kalusugan ng mayayaman at mahihirap ay kasinlawak pa rin sa paanuman noong nakalipas na kalahating siglo.” Nakalulungkot, ang agwat na ito ay lalo pang lumalawak, ang sabi ng isang eksperto ng WHO, dahil “doble ang dagok na tumatama sa mga papaunlad na bansa. Kinakaharap nila hindi lamang ang lumilitaw na makabagong malulubhang sakit kundi maging ang nanatili pa ring mga karamdaman sa tropiko.”
Magkagayunman, ang pagsulong ay hindi naman mahirap abutin. Sa katunayan, marami sa milyun-milyong maagang pagkamatay ay nahahadlangan na ngayon. Halimbawa, “hindi kukulangin sa 2 milyong bata sa isang taon ang namamatay dahil sa mga sakit na mayroon nang panlaban na bakuna,” ang sabi ni Dr. Nakajima. Palibhasa’y ikinakatuwiran na kailangang mapaglapit ang agwat sa antas ng kalusugan ng mayayaman at mahihirap, sinabi pa ni Dr. Nakajima: “Panahon na upang kilalanin na ang kalusugan ay isang pangglobong usapin.” Kailangang-kailangan na ng daigdig ang “internasyonal na pagtutulungan sa kalusugan, salig sa panlipunang katarungan, pagkakapantay-pantay at pagkakaisa.”
Bagaman ang pagtutulungang ito ay matatagalan pa bago mangyari, malaki ang magagawa ng bawat bansa upang mapabuti ang kalusugan ng kaniyang mamamayan, ang sabi ng The World Health Report 1998. Paano? Sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga mamamayan nito na magkaroon ng “kakayahan ukol sa ikabubuhay at nakapagpapalusog na istilo ng pamumuhay” na makahahadlang o makababawas sa pagkakasakit. Ganito ang pagkakasabi rito ng WHO Constitution: “Ang may-kabatirang opinyon at aktibong pagtutulungan sa bahagi ng publiko ay napakahalaga sa pagpapabuti sa kalusugan.”
[Talababa]
a Ang anim na sakit na ito ng mga bata ay ang tigdas, poliomyelitis, tuberkulosis, dipterya, tuspirina, at ang pagkatetano mula pagkasilang.