Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 1/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tsa na Lumalaban sa Virus
  • Pagkakautang Dahil sa Tawag sa Telepono
  • Natatagong mga Panganib sa Pransiya
  • Tubig Para sa mga Turista?
  • Mga Panganib sa Paninigarilyo
  • Makabagong Bentahan ng Alipin
  • Maaaring Mabawasan ng Ehersisyo ang Panlulumo
  • Nagbabalik ang mga Bahura ng Jamaica?
  • Nilalason ng mga Malabolitas na Plastik ang mga Nilalang sa Dagat
  • “Ibigay Man ang Lahat ng Tsa sa Tsina!”
    Gumising!—1989
  • Pag-inom ng Tsa sa Paraan ng mga Tsino
    Gumising!—2005
  • Ang Pinsala ng Tabako sa mga Maninigarilyo at Hindi Maninigarilyo
    Gumising!—1987
  • Namamatay na mga Bahura ng Korales—May Pananagutan ba ang mga Tao?
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 1/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Tsa na Lumalaban sa Virus

Ipinakikita ng panimulang mga pag-aaral sa laboratoryo na “waring sinusugpo o pinapatay ng maraming uri ng tsa na ipinagbibili ang mga virus,” ulat ng Reuters Health Information. Sinubukan ang ilang uri ng green at black tea, gayundin ng mainit at malamig na tsa, sa mga himaymay ng hayop na nahawahan ng mga virus na tulad ng herpes simplex 1 at 2 at ng T1 (bacterial) virus. Ayon sa mananaliksik na si Dr. Milton Schiffenbauer ng Pace University sa New York, “talagang pinapatay o sinusugpo ng malamig o mainit na tsa ang virus [na herpes] sa loob ng ilang minuto.” Natamo rin ang nakakatulad na mga resulta sa T1 virus. Bagaman hindi pa maliwanag kung paano nakaaapekto ang tsa sa buhay ng mga virus na ito, nasumpungan ng mga mananaliksik na kahit pagkatapos na lubhang palabnawin ang tsa, mabisa pa rin ito. Nasumpungan na tila mas mabisa ang epekto ng black tea kaysa sa green tea sa paglaban sa virus.

Pagkakautang Dahil sa Tawag sa Telepono

Ang mga kabataang Australiano na “kasimbata ng 18 anyos ay nagpapahayag ng pagkalugi dahil sa lumalaking mga bayarin sa mobile phone,” ayon sa pahayagang The Sunday Telegraph. Yamang naimpluwensiyahan ng agresibong pag-aanunsiyo, at madali silang makapangutang, nakaipon ang ilang kabataan ng mga bayarin sa mobile phone na umabot sa libu-libong dolyar. Bilang komento sa lumalalang hilig na ito sa mga kabataan, sinabi ng Fair Trading Minister ng Australia na si John Watkins: “Ilang kabataan ngayon ang nagtatapos sa paaralan na may bayarin, na may di-magandang rekord sa pangungutang. Talagang iyan ay isang masaklap na paraan upang pasimulan ang buhay bilang isang adulto.” Iminungkahi ng pahayagan ang mga sumusunod upang matulungan ang mga kabataan na maiwasan ang bitag na ito sa pangungutang: Tiyakin na lubos mong nauunawaan kung magkano ang aabutin ng mga tawag mo. Isaalang-alang ang paggamit ng isang mobile phone na prepaid upang hindi lumaki ang bayarin. Sikaping gamitin ang iyong telepono sa mga oras na walang gaanong tumatawag upang maging mas mababa ang singil sa iyo.

Natatagong mga Panganib sa Pransiya

Tinatayang 1.3 milyong tonelada ng nakamamatay na kagamitan mula sa Digmaang Pandaigdig I at II ang nananatiling nakabaon sa Pransiya, ulat ng Le Figaro. Nagkalat sa dating lugar ng digmaan ang mga kaha ng bomba at kemikal na patuloy na nagbabanta ng panganib sa mga tao at sa kapaligiran. Yamang maraming bakanteng lote noon ang naging mga residensiyal at industriyal na lugar na sa ngayon, ang mga pangkat na nag-aalis ng mga bomba ay nakatatanggap ng libu-libong tawag taun-taon. Magkagayunman, daan-daang aksidente ang nagaganap, at mahigit na 600 eksperto ang namatay sa trabaho sa pagitan ng 1945 at 1985. Sa kasalukuyang antas, ayon sa mga espesyalista, maaaring mangailangan ng 700 taon upang maalis ang kalipunan ng mga bombang ito!

Tubig Para sa mga Turista?

“Marami sa mga bakasyunan sa daigdig ang nagpupunyaging lutasin ang walang-tigil na pagdagsa ng mga turista, na ang mga hiling para sa higit pang mga swimming pool at golf course ay umuubos sa tubig nila,” ang ulat ng The Guardian ng London. “Malawak at pandaigdig ang isyu,” ang sabi ni Tricia Barnett ng Tourism Concern. “Kung minsan ay makikita mong iisa lamang ang gripo ng isang nayon [sa Aprika], samantalang ang bawat otel ay may mga gripo at mga pang-shower sa bawat kuwarto.” Tinataya ng isang pangglobong organisasyon sa konserbasyon na ang isang turista sa Espanya ay gumagamit ng 880 litro ng tubig sa isang araw, samantalang ang isang lokal na residente ay gumagamit lamang ng 250 litro. Ang isang 18-hole na golf course sa isang tigang na bansa ay mangangailangan ng tubig para sa isang bayan na may 10,000 katao. Tinataya ng United Nations Food and Agriculture Organization na ang tubig na ginagamit ng 100 turista sa loob ng 55 araw ay magpapatubo ng sapat na palay upang pakainin ang 100 taganayon sa loob ng 15 taon.

Mga Panganib sa Paninigarilyo

“Isa sa bawat walong namamatay sa kanser sa baga sa mga di-naninigarilyo ay sanhi ng paglanghap sa usok ng mga naninigarilyo,” ang sabi ni Naohito Yamaguchi ng National Cancer Center Research Institute ng Hapon. Ibinatay ng mga siyentipiko ang kanilang mga natuklasan sa isang pag-aaral sa 52,000 katao na namatay sa kanser sa baga. Karagdagan pa, “ipinakikita ng matagal na pananaliksik na mas matapang ang lasong carbon monoxide at mga bagay na nagdudulot ng kanser na nilalaman ng usok ng sigarilyo kaysa sa usok na tuwirang hinihitit ng mga maninigarilyo,” ang sabi ng pahayagang Asahi Shimbun. Noong 1999, natuklasan ng isang pag-aaral ng pamahalaan sa Hapon, na nagsasangkot sa 14,000 katao, na 35 porsiyento ng mga taong nasa trabaho o paaralan at 28 porsiyento na nasa tahanan ang nahahantad sa usok ng sigarilyo. “Dapat malaman ng mga maninigarilyo na pinipinsala nila ang mga di-naninigarilyo sa isang antas anupat dapat pagsikapang paghiwalayin ang dalawang grupo,” ang sabi ni Yamaguchi.

Makabagong Bentahan ng Alipin

Sa kasalukuyan, “ang pang-aalipin ay higit na karaniwan sa buong daigdig kaysa sa anumang panahon sa kasaysayan ng tao, ayon sa isang pinakabagong pagsasaliksik ng isang akademikong mananaliksik na nasa Britanya,” ulat ng The Independent ng London. Ang propesor sa sosyolohiya na si Kevin Bales, ng University of Surrey sa Roehampton, “ay gumawa ng pagtaya na 27 milyon katao ngayon ang namumuhay bilang mga alipin, higit pa kaysa sa Imperyong Romano o sa kasagsagan ng bentahan ng alipin sa mga lugar sa Atlantiko,” ang sabi ng pahayagan. Bagaman ang mga pamamaraan ng pang-aalipin sa ngayon ay naiiba sa pang-aalipin 150 taon na ang nakalipas, milyun-milyong tao ang “kinokontrol ng ibang indibiduwal na gumagamit ng karahasan o pagbabanta ng karahasan at wala silang anumang natatanggap na kabayaran,” ang sabi ni Bales. Ang pinakakaraniwang anyo ng pang-aalipin sa ngayon ay ang kinontratang pang-aalipin, kung saan kapalit ng isang halaga, isinasaayos ng organisadong mga gang na makapunta sa ibang bansa ang isang tao, na pinangakuang magkakaroon ng isang trabahong may mataas na sahod. Gayunman, minsang maipuslit sa isang bansa, ang mga manggagawa ay pinagsasamantalahan sa pamamagitan ng pagpuwersa sa kanila na bayaran ang kanilang utang sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mababang-uri na trabaho.

Maaaring Mabawasan ng Ehersisyo ang Panlulumo

“Para sa ilang pasyente, maaaring mas mabisa ang pisikal na ehersisyo kaysa sa karaniwang gamot para sa panlulumo,” ang sabi ng The Harvard Mental Health Letter, na nagkomento hinggil sa pagsasaliksik na ginawa sa Duke University Medical Center sa Estados Unidos. Binigyan ng magkakaibang terapi sa loob ng apat na buwan ang tatlong grupo ng 50 katao na matinding nanlulumo. Ang isang grupo ay uminom ng gamot na panlaban sa panlulumo, ang isa naman ay nag-ehersisyo lamang, at ginawa ng ikatlo ang dalawang terapi. Pagkalipas ng apat na buwan, 60 hanggang 70 porsiyento ng mga pasyente sa tatlong grupo “ay hindi na nanlulumo batay sa pagsusuri ng doktor,” sabi ng Health Letter. Gayunman, sa loob ng anim na buwan na pagsubaybay, ang mga pasyenteng inatasan na mag-ehersisyo “ay may mas magandang kalagayan sa emosyonal at gayundin sa pisikal; ang antas ng muling pagbalik ng panlulumo ay walong porsiyento lamang.” Ito ay inihambing sa 38 porsiyento para sa mga uminom ng gamot at 31 porsiyento sa kapuwa nag-ehersisyo at uminom ng gamot.

Nagbabalik ang mga Bahura ng Jamaica?

Ang mga sea urchin sa laot sa may hilagang baybayin ng Jamaica ay waring nagbabalik, sabi ng isang artikulo sa The Dallas Morning News. Karagdagan pa, “natuklasan ng mga siyentipiko na maraming murang korales, kalakip ang mga uring nagtatagal at bumubuo ng bahura, ang nanaganang kasama ng mga sea urchin.” Ang mga bahura ay nagsisikap na mabuhay mula noong biglaang mamatay ang isang uri ng sea urchin na tinatawag na Diadema antillarum noong 1983 at 1984. Ang ilang uri ng sea urchin ang kumokontrol sa pagdami ng mga damong-dagat, na kapag pinabayaan ay makasisira sa mga bahura ng korales. Gayunman, “ipinakikita ng bagong mga pag-aaral na bumabalik ang Diadema, at maaaring gayundin ang nangyayari sa mga korales,” ulat ng pahayagan. Sinabi ng biyologo sa karagatan na si Nancy Knowlton na ang pagbabalik “ang pinakamabuting balita na lumitaw mula sa mga bahura sa Carribean sa loob ng maraming dekada.”

Nilalason ng mga Malabolitas na Plastik ang mga Nilalang sa Dagat

“Ang mga nilalang sa dagat sa buong globo ay nalalason sa maliliit at malabolitas na plastik na lumulutang sa karagatan,” ulat ng magasing New Scientist. Ibinibiyahe sa barko ng mga kompanya ng mga kemikal ang mga polymer sa anyong maliliit at malabolitas na plastik patungo sa mga pabrikante sa buong daigdig na siyang nagtutunaw sa mga ito at pagkatapos ay minomolde ang mga ito upang maging mga produkto ng plastik. Gayunman, libu-libong tonelada ng mga malabolitas na ito ang napupunta sa dagat mula sa mga dumi ng mga pabrika o lunsod at gayundin mula sa mga kargadang naiwawala o itinatapon ng mga barko. Natuklasan ng mga mananaliksik mula sa Tokyo University of Agriculture and Technology sa Hapon na ang mga malabolitas na ito ay naglalaman ng matatapang na antas ng nakalalasong mga kemikal na nasisipsip mula sa tubig-dagat​—mga kemikal na nakapipinsala sa sistema ng imyunidad, pagpaparami, at hormon ng mga hayop. Kinakain ng mga ibon, isda, at mga pagong ang mga malabolitas na ito, na nag-aakalang ang mga ito’y itlog ng isda o ibang pagkain, kung kaya’t may nakababahala at di-nakikitang epekto ito sa malawak na kawing ng pagkain.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share