Kingdom News No. 34
Bakit Kaya Punung-puno ng Suliranin ang Buhay?
Posible ba ang isang paraisong walang suliranin?
LALONG LUMULUBHA ANG MABIBIGAT NA SULIRANIN—BAKIT?
Ang mga tao’y palaging may suliranin. Bagaman marami ang nag-akalang ito’y kayang lutasin ng modernong teknolohiya, lalo lamang lumubha ang mabibigat na suliranin.
Krimen: Iilan lamang ang panatag sa paglalakad sa kalye o maging habang nakaupo sa kani-kanilang sariling tahanan. Sa isang bansa sa Europa, halos 1 sa 3 katao ang naging biktima ng krimen sa nagdaang taon.
Kapaligiran: Ang pagpaparumi sa hangin, lupa, at tubig ay palawak nang palawak. Sa nagpapaunlad na mga bansa, sang-kapat ng mga tao ang hindi na makakuha ng malinis na tubig.
Karalitaan: Lalong marami ang mahihirap at nagugutom na mga tao higit kailanman. Mahigit na 90 porsiyento ng mga tao sa ilang lupain ang namumuhay sa karalitaan; 30 porsiyento sa mga manggagawa sa buong daigdig, mga 800 milyon, ang walang trabaho o walang sapat na trabaho—at lumalaki pa ang bilang.
Gutom: Bagaman ikaw mismo ay may sapat na pagkain, ang dumaraming milyun-milyon ay wala. Sa mahihirap na bansa, taun-taon di-kukulangin sa 13 milyon katao, karamihan ay mga bata, ang namamatay dahil sa gutom.
Digmaan: Daan-daang libo ang napatay sa kamakailang karahasang panlipi. At nitong ika-20 siglo, namatay ang mahigit na isang daang milyon katao sa mga digmaan.
Iba Pang Suliranin: Sa mga nabanggit na mga suliranin, idagdag pa ang lumulubhang pagkakawatak-watak ng pamilya, mas maraming dalagang-ina, dumaraming mga walang tahanan, laganap na pang-aabuso sa droga, palasak na imoralidad. Tama ang sinabi ng isang dating miyembro ng gabinete ng E.U.: “Talagang labis-labis na ang dami ng mga tanda ng . . . pagkabulok ng sibilisasyon.” Sa nakaraang 30 taon, ang populasyon ng E.U. ay tumaas nang 41 porsiyento, ngunit ang krimen ay mabilis na umakyat sa 560 porsiyento, ang pagkakaroon ng anak sa labas ay 400 porsiyento, ang diborsiyo ay 300 porsiyento, ang pagpapatiwakal ng mga kabataan ay tinatantiyang mahigit sa 200 porsiyento. Ganito rin ang kalagayan sa ibang mga bansa.
Bakit Lumubha Na ang mga Suliranin?
Ibinibigay ng Maylalang ang sagot. Sa kaniyang Salita, ang tawag sa panahong ito na punung-puno ng suliranin ay “mga huling araw,” isang kapanahunan na “ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” ay naririto na. (2 Timoteo 3:1) Mga huling araw ng ano? Buweno, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “wakas ng sanlibutan.”—Mateo 24:3, King James Version.
Ang lumalagong suliranin sa ngayon ay maliwanag na katibayan na ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay ay malapit na, kasali na ang wakas ng kabalakyutan at niyaong may kagagawan nito. (Mateo 24:3-14; 2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 12:7-12) Di-magtatagal at ang Diyos ay makikialam na at titiyaking lahat ng suliranin sa ngayon ay lubusan nang malulutas.—Jeremias 25:31-33; Apocalipsis 19:11-21.
NABIGO ANG MGA RELIHIYONG ITO NG SANLIBUTAN
Sa halip na tulungang malutas ang mga suliranin sa ngayon, lalo pang dinagdagan ito ng relihiyosong mga sistema ng sanlibutang ito. Sa panahon ng mga digmaan, pinapatay ng Katoliko ang kapuwa Katoliko, ng Protestante ang kapuwa Protestante—nang milyun-milyon. Hindi pa natatagalan sa Rwanda, kung saan karamihan ay mga Katoliko, nagpatayan ang mga tao nang daan-daang libo! (Tingnan ang larawan sa kaliwa.)
Makikipagdigma kaya si Jesus na may dalang baril o tabak at pagpapapatayin ang kaniyang mga alagad dahil sa ang kanilang nasyonalidad ay iba sa kaniya? Hinding-hindi! “Ang umiibig sa Diyos,” sabi ng Bibliya, “ay dapat na umibig din sa kaniyang kapatid.” (1 Juan 4:20, 21) Nabigong gawin iyan ng mga relihiyon ng sanlibutang ito. “Hayagan nilang ipinahahayag na kilala nila ang Diyos, subalit itinatatwa nila siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.”—Tito 1:16.
Isa pa, dahil sa di-pagtataguyod sa mga pamantayan ng Bibliya hinggil sa moralidad, ang mga relihiyon ng sanlibutan ay naging dahilan sa nakapangingilabot na pagguho ng moral sa buong daigdig.
Sinabi ni Jesus na makikilala mo ang huwad na relihiyon sa tunay na relihiyon ‘sa pamamagitan ng mga bunga nito’—sa ginagawa ng mga miyembro nito. Sinabi rin niya: “Bawat punungkahoy na hindi nagluluwal ng mainam na bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy.” (Mateo 7:15-20) Hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na tumakas mula sa relihiyon na namumunga ng masama at samakatuwid ay napapaharap sa pagkawasak.—Apocalipsis 18:4.
Hindi Nabibigo ang Tunay na Relihiyon
Ang tunay na relihiyon ay “nagluluwal ng mainam na bunga,” lalo na ng pag-ibig. (Mateo 7:17; Juan 13:34, 35) Anong nagkakaisang internasyonal na pagkakapatiran ng mga Kristiyano ang nagsasagawa ng gayong pag-ibig? Sino ang tumatangging patayin yaong kabilang sa kanilang relihiyon o maging sino pa man?—1 Juan 3:10-12.
Taglay ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting pangalan ng pagluluwal ng “mainam na bunga[ng iyan].” Sa buong globo, sa mahigit na 230 lupain, ‘pinukpok na nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.’ (Isaias 2:4) Ang kanilang pag-ibig sa mga tao ay ipinamamalas din sa pamamagitan ng kanilang pagsunod sa utos ni Kristo na ipangaral ang “mabuting balita” ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig. (Mateo 24:14) Isinasagawa at itinataguyod din nila ang mataas na moralidad na itinuturo sa Bibliya.—1 Corinto 6:9-11.
Hindi nabibigo ang tunay na relihiyon. Inaakay nito ang mga tao sa tanging Isa na may kakayahang lumutas sa mga suliranin ng sangkatauhan. Di-magtatagal at ang Isang iyan ay magdadala ng isang ganap na bagong sanlibutan. Sino ang Isang iyan? (Pakisuyong tingnan ang pahina sa likod.)
TIYAK ANG ISANG PARAISONG WALANG SULIRANIN
Kung makakaya mo, hindi mo ba lulutasin ang mga suliraning nagpapahirap sa sangkatauhan? Siyempre gagawin mo! Iisipin ba natin na hindi iyon gagawin ng ating maibiging Maylalang, na siyang tanging may kapangyarihan at karunungan upang lumutas sa mga suliranin ng sangkatauhan?
Ibinubunyag ng Bibliya na ang Diyos ay makikialam sa mga gawain ng tao sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na pamahalaan sa mga kamay ni Jesu-Kristo. “Dudurugin” niyaon ang mga tiwaling pamahalaan sa lupa. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) At bakit? Patungkol sa Diyos, sumagot ang salmista: “Upang makilala ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang kataas-taasan sa buong lupa.”—Awit 83:18.
Kapag nagwakas ang sanlibutang ito, may makaliligtas kaya? “Ang sanlibutan ay lumilipas,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Saan mabubuhay magpakailanman ang mga makaliligtas na ito? “Ang mga matuwid mismo ay magmamay-ari ng lupa, at sila’y tatahan magpakailanman sa ibabaw nito,” ang sagot ng Bibliya.—Awit 37:9-11, 29; Kawikaan 2:21, 22.
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) Wala nang krimen, karalitaan, gutom, sakit, pagkalumbay, o kamatayan! Aba, maging ang mga patay ay mabubuhay na muli! “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli.” (Gawa 24:15) At ang lupa mismo ay babaguhin tungo sa isang literal na paraiso.—Isaias 35:1, 2; Lucas 23:43.
Ano ang dapat nating gawin upang tamasahin ang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos? Sabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Milyun-milyong tapat-pusong mga tao sa buong daigdig ang kumukuha ng kaalamang iyan. Ito ay nagpapangyari sa kanila na makayanan ang marami sa kanilang personal na mga suliranin sa ngayon, ngunit higit na mahalaga, ito’y nagbibigay sa kanila ng ganap na pagtitiwala na ang mga suliraning hindi nila kayang lutasin ay ganap na malulunasan sa bagong sanlibutan ng Diyos.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
WHO kuha ni P. Almasy
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Jerden Bouman/Sipa Press