May Buhay Ba Pagkatapos ng Kamatayan?
“May pag-asa kahit na ang isang punungkahoy. Kapag ito’y pinutol, ito’y muling sisibol . . . Kung ang isang matipunong tao ay mamatay maaari ba siyang mabuhay muli?”—MOISES, ISANG PROPETA NOONG UNA.
1-3. Paano humahanap ng kaaliwan ang marami kapag namatay ang isa nilang mahal sa buhay?
SA ISANG punerarya sa New York City, tahimik na pumipila ang mga kaibigan at pamilya sa tabi ng nakabukas na kabaong. Kanilang pinagmamasdan ang katawan ng isang 17-taóng gulang na batang lalaki. Siya’y halos hindi makilala ng kaniyang mga kaibigan sa paaralan. Ang kaniyang buhok ay nalagas dahilan sa chemotherapy; siya’y nangayayat dahil sa kanser. Talaga bang ito ang kanilang kaibigan? Ilang buwan pa lamang ang nakararaan, siya’y punung-puno ng ideya, ng mga katanungan, ng kalakasan—ng buhay! Ang nagdadalamhating ina ng bata ay nagsisikap na humanap ng pag-asa at kaaliwan sa ideya na kahit paano ang kaniyang anak ay patuloy na nabubuhay. Habang lumuluha ay paulit-ulit niyang sinasabi kung ano ang naituro sa kaniya: “Si Tommy ay mas maligaya ngayon. Nais ng Diyos na makasama si Tommy sa langit.”
2 Mga 11,000 kilometro ang layo, sa Jamnagar, India, ang tatlong anak na lalaki ng isang 58-taóng gulang na negosyante ay tumutulong upang ilatag ang bangkay ng kanilang ama sa ibabaw ng sigâ na pinagsusunugan ng patay sa isang punerarya. Sa maliwanag na sikat ng araw bago magtanghali, pinasimulan ng pinakamatandang anak ang pagsunog sa bangkay sa pamamagitan ng pagsisindi sa mga troso ng kahoy sa tulong ng isang sulo at pagbubuhos ng mabangong timplada ng espesya at insenso sa ibabaw ng walang buhay na katawan ng kaniyang ama. Ang lagitik ng apoy ay napangibabawan ng paulit-ulit na pagbigkas ng Brahman ng mga mantra ng Sanskrit na ang kahulugan ay: “Ang kaluluwa na hindi namamatay ay magpatuloy nawa sa kaniyang pagsisikap na maabot ang sukdulang katotohanan.”
3 Habang pinagmamasdan ng tatlong magkakapatid ang pagsunog, bawat isa ay tahimik na nagtatanong sa sarili, ‘Ako ba’y naniniwala sa buhay pagkatapos ng kamatayan?’ Dahilan sa pagtatamo nila ng edukasyon sa iba’t ibang panig ng daigdig, sila’y nagbibigay ng iba’t ibang kasagutan. May pananalig ang pinakabata na ang kanilang minamahal na ama ay makararanas ng reinkarnasyon tungo sa isang mas mataas na antas ng buhay. Ang panggitnang kapatid ay naniniwalang ang patay ay parang natutulog, walang anumang nalalaman. Ang pinakamatanda ay nagsisikap na tanggapin na lamang ang katotohanan ng kamatayan, sapagkat siya’y naniniwalang walang sinuman ang nakatitiyak kung ano ang nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay.
Isang Katanungan, Maraming Kasagutan
4. Anong katanungan ang bumabalisa sa sangkatauhan sa loob ng matagal na panahon?
4 Mayroon bang buhay pagkatapos ng kamatayan? ay isang katanungang nakalilito sa sangkatauhan sa libu-libong taon. “Kahit ang mga teologo ay nalilito kapag tinatanong [nito],” wika ni Hans Küng, isang Katolikong iskolar. Sa matagal na panahon, ang paksang ito’y pinag-isipan na ng mga tao sa bawat lipunan, at napakaraming kasagutan ang naiharap na.
5-8. Ano ang itinuturo ng iba’t ibang relihiyon hinggil sa buhay pagkatapos mamatay?
5 Maraming tinatawag na mga Kristiyano ang naniniwala sa langit at impiyerno. Sa kabilang panig, ang mga Hindu ay naniniwala sa reinkarnasyon. Sa pagkokomento hinggil sa pangmalas ng Muslim, si Amir Muawiyah, isang kawani sa isang sentro ng relihiyong Islam, ay nagsabi: “Kami ay naniniwala na magkakaroon ng isang araw ng paghuhukom pagkatapos ng kamatayan, kapag ikaw ay haharap na sa Diyos, kay Allah, ito’y magiging gaya lamang ng pagpasok sa hukuman.” Ayon sa paniniwala ng Islam, sa panahong iyon ay aalamin ni Allah ang pamumuhay ng bawat isa at siya’y ipadadala sa paraiso o kaya’y sa maapoy na impiyerno.
6 Sa Sri Lanka, iniiwang nakabukas nang maluwang ang mga pintuan at mga bintana ng mga Budista at mga Katoliko kapag may namatay sa kanilang sambahayan. Sinisindihan ang isang de langis na lampara, at ang kabaong ay inilalagay na ang paanan ng namatay ay nakaharap sa bukanang pinto. Sila’y naniniwala na sa ganitong paraan ay mas madaling makalalabas sa bahay ang espiritu, o kaluluwa, ng namatay.
7 Ang mga Katutubo ng Australia, wika ni Ronald M. Berndt ng University of Western Australia, ay naniniwala na “hindi maaaring masira ang mga tao sa espirituwal na paraan.” May mga tribo sa Aprika na naniniwalang pagkatapos mamatay ay nagiging mga multo ang ordinaryong tao, samantalang ang kilalang mga indibiduwal ay nagiging mga espiritu ng mga ninuno, na pinararangalan at dinadalanginan bilang di-nakikitang mga pinuno ng komunidad.
8 Sa ilang lupain, ang mga paniniwala hinggil sa di-umano’y mga kaluluwa ng patay ay bunga ng pinagsamang lokal na tradisyon at ng tinatawag na Kristiyanismo. Halimbawa, sa gitna ng maraming Katoliko at Protestante sa Kanlurang Aprika, isang kaugalian na takpan ang mga salamin kapag may namatay upang walang tumingin dito at makita ang espiritu ng namatay na tao. Pagkatapos, 40 araw makalipas mamatay ang minamahal, ipinagdiriwang ng pamilya at mga kaibigan ang pag-akyat ng kaluluwa sa langit.
Isang Karaniwang Tema
9, 10. Sa anong pangunahing paniniwala nagkakaisa ang karamihan ng relihiyon?
9 Ang mga sagot sa tanong na kung ano ang nangyayari kapag tayo ay namatay ay iba’t iba gaya na rin ng mga kaugalian at mga paniniwala ng mga tao na sumasagot sa mga ito. Gayunman, ang karamihan ng relihiyon ay nagkakaisa sa isang pangunahing ideya: May isang bagay na nasa loob ng isang tao—isang kaluluwa, isang espiritu, isang multo—na imortal at patuloy na nabubuhay pagkatapos ng kamatayan.
10 Ang paniniwala sa imortalidad ng kaluluwa ay halos laganap sa libu-libong relihiyon at sekta ng Sangkakristiyanuhan. Ito’y isa ring opisyal na doktrina sa Judaismo. Sa Hinduismo ang paniniwalang ito ang siya mismong pundasyon ng turo ng reinkarnasyon. Ang mga Muslim ay naniniwala na ang kaluluwa ay sumasanib sa katawan subalit patuloy na nabubuhay pagkatapos mamatay ang katawan. Ang iba pang mga pananampalataya—Aprikanong animismo, Shinto, at maging ang Budismo—ay may iba’t ibang turo hinggil sa paksang ito.
11. Paano minamalas ng ilang iskolar ang ideya na ang kaluluwa ay imortal?
11 Ang ilan ay may kasalungat na pangmalas, na ang buhay na may kamalayan ay nagwawakas sa kamatayan. Para sa kanila, waring hindi makatuwiran ang ideya na ang emosyonal at may talinong buhay ay patuloy na umiiral sa isang di-persona, at parang aninong kaluluwa na hiwalay sa katawan. Ang ika-20 siglong manunulat na Kastila at iskolar na si Miguel de Unamuno ay sumulat: “Ang maniwala sa imortalidad ng kaluluwa ay paghahangad na sana’y maging imortal ang kaluluwa, ngunit ang gayon na lamang katinding pananalig ay yuyurak sa katuwiran at babale-wala rito.” Kabilang doon sa mga tumangging maniwala sa imortalidad ng isa ay ang kilalang mga pilosopo noong una na sina Aristotle at Epicurus, ang manggagamot na si Hippocrates, ang taga-Scotland na pilosopong si David Hume, ang Arabeng iskolar na si Averroës, at ang unang punong ministro ng India pagkaraang matamo nito ang kalayaan, si Jawaharlal Nehru.
12, 13. Anong mahahalagang katanungan ang bumabangon hinggil sa turo ng imortalidad ng kaluluwa?
12 Ang katanungan ay, Talaga bang tayo’y may imortal na kaluluwa? Kung ang kaluluwa ay talagang namamatay, paano ngang ang gayong huwad na turo ay naging isang mahalagang bahagi ng karamihan ng relihiyon sa ngayon? Saan nagmula ang ideya? At kung ang kaluluwa ay aktuwal na tumitigil sa pag-iral sa kamatayan, ano ang pag-asa para sa mga namatay?
13 Makasusumpong ba tayo ng makatotohanan at kasiya-siyang mga kasagutan sa gayong mga katanungan? Oo! Ang mga ito at iba pang katanungan ay sasagutin sa susunod na mga pahina. Una, suriin natin kung paano nagsimula ang doktrina ng imortalidad ng kaluluwa.