Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
“Isang Kahanga-hangang Pandistritong Kombensiyon”
ITO ang paulong-balita ng isang pahayagan sa Martinez de la Torre, Veracruz, Mexico, tungkol sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap sa siyudad na iyan. Ang komento ng pahayagan ay ito: “Ang napakaraming dumalo sa pandistritong kombensiyon ng [mga Saksi ni Jehova] na ginanap sa lokal na Exposition Grounds ang pinakamalaking demonstrasyon ng isang natatanging pangyayari sa buong daigdig sa kaarawan natin: ang lumalalang kawalang pagtitiwala ng mga tao sa mga doktrina ng umano’y mga iglesyang ‘Kristiyano’ at ang matibay na kombiksiyon na ang lawak ng problema ay nakababahala at hindi kaya ng mga pamahalaan na lutasin.
“Kailanman ay wala pang isang pulitikal na miting o pangyayari sa lipunan na nakatipon ng gayong karaming tao na nakitaan ng ganoon ding kaayusan at kalinisan. Talagang nakapagtatakang masaksihan ang 5,000 katao na maingat na sumusunod sa isang palatuntunan na walang tanging pinagkunan ng impormasyon kundi ang Bibliya at tungkol sa mga pitak na araw-araw na pamumuhay mula sa pagpapalaki ng mga anak at pamumuhay na sama-sama bilang isang pamilya hanggang sa moralidad at espirituwal na kalusugan, at may kalakip na mga drama ng mga istorya sa Bibliya at ang pagkakapit niyaon sa modernong panahon.”
Pagkatapos na magkomento tungkol sa “sapat-sapat na patotoo ng nagkakaisang kahusayan at organisasyon,” ganito ang sabi ng ulat ng balita: “Ang kahalagahan ng gawain na isinasagawa ng lokal na mga Saksi ni Jehova ay masusukat sa pamamagitan ng mga resulta sa loob lamang ng mga ilang taon. Sa ngayon ay isa itong asosasyon na mabilis na lumalago, na hindi nababahala sa anumang paraan sa mga negatibong komento na karaniwang naririnig nila. Anumang negatibong komento na sinasabi tungkol sa kanila ay napaparam pagka inobserbahan ng isa ang kanilang paninindigan tungkol sa mga bagay na nakapalibot sa kanila, ang maayos na paraan na ginagamit nila sa pagpapalawak, ang kanilang paggalang sa awtoridad, at sa malaking pagpapahalaga nila sa kalinisan at mabuting pananalita.
“Ang mga estudyanteng ito ng Bibliya ay binubuo ng halos 100 porsiyento ng dating mga aktibista ng iba’t ibang relihiyon, karamiha’y Katoliko, na nakapansin sa relihiyon na nahihila ng pulitika at ang pagtanggap nito at pagsang-ayon sa mga gawaing labag sa Bibliya gaya ng interfaith, imoralidad, at karahasan. Ikinagagalak nila na sumunod sa mga simulain ng Kasulatan tungkol sa asal nang hindi sila nahuhulog sa idolatriya o sa mga tradisyon man na malabo ang pinagmulan. Ito’y nagbigay sa kanila ng isang kapuri-puring pagkakaisa ng pananampalataya na wari ngang nagpapakita na sila’y naiiba saanman sila masumpungan.”
Ang mga komentong ito ay nagpapaalaala sa atin ng prinsipyo na sinalita ni Jesus: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.” (Mateo 7:16) Maraming tapat-pusong mga tao sa Mexico na nakakakilala na sa maka-Kasulatang mga turo ng mga Saksi ni Jehova, ang sumasama sa mga ito, at pinagpapala silang sagana sa espirituwal ng Diyos na Jehova.
[Larawan sa pahina 29]
Isang tanawin sa isang kombensiyon sa Mexico