Mga Babae sa Lugar ng Trabaho—Mga Pagsubok at mga Hamon
“Ang mga babae ay pumasok na sa pormalang pangkat ng paggawa sa daming wala pang nakakatulad noong nakalipas na tatlumpung taon.” Ganiyan ang pag-uulat ng organisasyon sa pananaliksik na Worldwatch Institute. “Sa kapuwa mga bansang mayayaman at mga dukha,” pagpapatuloy pa ng ulat, “dahil sa implasyon ay nahihimok ang mga babae na magtrabaho para kumita.” O gaya ng pagkasabi ng isang babaing taga-Nigeria: “Ganiyan na lang ang kabigatan ng pamumuhay kung kaya kailangang ako’y lumabas at maghanapbuhay.”
Tulad ng “butihing asawang babae” noong sinaunang panahon sa Bibliya, maraming babae ang natutuwa na magkaroon ng kinakailangang bahagi sa kabuhayan sa ikabubuti ng kani-kanilang pamilya. (Kawikaan 31:10, 16, 24) At para sa iba ang pagkakaroon ng trabaho ay isang hamon at nagdudulot ng kasiyahan. Subalit bagaman ang sekular na trabaho ay may dulot na kapakinabangan, ito ay maaaring magkaroon din naman ng mga balakid.
Halimbawa, isang babae na manedyer sa isang tindahan ang nagsabi: “Gusto ko ang aking trabaho. Mabait ang aking amo, maganda ang opisina. Subalit galit na ako pagka ang trabahong iyan ay kumukuha ng aking panahon na hindi ko puwedeng ibigay, sapagkat pagkatapos ay may isa pa akong trabahong naghihintay sa akin sa bahay—bilang asawang babae at ina.” Gayunman, maraming mga babae ang maayos namang nakapag-aasikaso sa kanilang trabaho, tahanan, at pamilya, kaya naman sila ay dapat bigyan ng masiglang komendasyon.a
Ang sekular na trabaho, gayunman, ay naghahantad sa mga babae sa maraming mga problema na doon lamang umiiral sa lugar ng trabaho. Para sa marami, ang hamon na manatiling may timbang na saloobin pagka napilitang magtrabaho sa isang kapaligiran na kung saan mahigpit ang kompetisyon o napakarami ang nagwawalang-bahala. Ang paghahangad na umasenso, mapasaunahan, ang nagtaboy sa mga ilang babae upang ang kanilang trabaho ang maging pangunahing sentro ng kanilang buhay.
Kung minsan ang lugar ng trabaho ay isa ring pinagmumulan ng mga panggigipit sa moral. Ang pagkabilad araw-araw sa mabababang uri ng mga pananalita ay isa sa karaniwang reklamo ng mga babaing nagtatrabaho. At lalong malubha, ang iba ay nagiging biktima ng walang lubay na seksuwal na panliligalig. “Nang unang mag-umpisa akong magtrabaho,” ang nagunita pa ng isang babaing Kristiyano, “ako ang nag-iisang babae sa opisina. Nakakarinig ako sa mga lalaki ng mga masasagwang pangungusap, at talagang nahirapan ako roon.”
Ang ganiyang mga problema ay tunay na nakababahala sa mga babae na humaharap niyan araw-araw, lalo na yaong mga nagnanais na manatiling sumusunod sa mga pamantayang Kristiyano. Nakatutuwa naman, sila’y mayroong mahihingan ng talagang tulong.
[Talababa]
a Tingnan ang tinalakay na paksang “Mag-asawang Nagtatrabaho—Humaharap sa mga Hamon,” sa Hulyo 8, 1985, labas ng aming kasamahang magasing Gumising!