Ang Kataas-taasang Maykapal ay Walang Katulad
ANG KATAAS-TAASANG MAYKAPAL. Ikaw ba’y naniniwala sa kaniya? Sa kabila ng malaganap na pag-aalisan sa mga relihiyon sa maraming lupain, angaw-angaw ang naniniwala pa rin sa isang makapangyarihan-sa-lahat, may kabaitang Maykapal na maaari nilang lapitan, lalo na kung sila ay nasa paghihirap.
Halimbawa, sa Aprika ay maraming lokal at tradisyonal na mga relihiyon na malaki ang ipinagkakaiba sa isa’t isa at sumasamba sa mga diyus-diyosan na maraming pangalan. Gayunman, karamihan ng tao ay may matibay na paniniwala sa isang Kataas-taasang Maykapal na “walang katulad” at “kaniyang ganap na kontrolado ang uniberso.”
Gaya ng inilahad sa aklat ni Dr. Peter Becker na Tribe to Township, isang may edad nang Sotho na legong predikador ng Timog Aprika ang nagsabi: “Ang aking matanda nang ama at ang kaniyang ama . . . ay may kaalaman tungkol sa Diyos, ang Molimo, matagal pa bago dumating ang mga misyonero, ang Diyos na Kataas-taasang Maykapal na lumikha ng lahat ng bagay . . . Mahalaga ba naman kung tayo [na Basuto] ay Molimo ang tawag sa Diyos, ang tawag naman ng Zulu, ay Nkulunkulu, ng Xhosa, ay Thixo . . . ?”
Mangyari pa, ang napakaraming mga pangalan ay nakalilito. Marahil ay sasang-ayon ka na ang isang pansansinukob na Diyos ay dapat na iisa para sa lahat ng mga tao at dapat na may isang pangalan na pansansinukob. Ang kinasihang kalipunan ng sinaunang mga kasulatan, ang Bibliya, ay iginagalang sa buong mundo. Sinasabi nito: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Samakatuwid, sang-ayon sa Bibliya, ang Kataas-taasang Maykapal ay mayroong walang katulad na pangalan.
Ano bang uri ng Maykapal ang kaisa-isang Diyos na ito, ayon sa isinisiwalat ng Bibliya? “Lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan”; “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan”; “lubhang magiliw magmahal at maawain”; “isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan”; “ang Diyos ay pag-ibig.”—Deuteronomio 32:4; Exodo 34:6; Santiago 5:11; 1 Corinto 14:33; 1 Juan 4:8.
Isinisiwalat din ng Bibliya na si Jehova ang tanging isa na dapat sambahin. Oo, palibhasa’y walang katulad, siya’y may katuwirang humingi ng bukod-tanging debosyon. (Exodo 20:5) Sinabi ni Jesu-Kristo: “Si Jehova mong Diyos ang sasambahin mo, at siya lamang ang pag-uukulan mo ng banal na paglilingkod.”—Mateo 4:10.
Gayunman, karamihan ng mga Aprikano, bagaman nag-aangkin na naniniwala sa isang Kataas-taasang Maykapal, ay sumasamba sa maraming mga diyus-diyosan. Hindi baga waring iyan ay nagpapahiwatig sa iyo ng kalituhan tungkol sa kung sino o kung ano ang kalikasan ng Diyos? Subalit kahit na sa maraming panig ng Sangkakristiyanuhan, ang malinaw, maningning, na persona ng Diyos ay pinalabo sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kaniya bilang isang tatlong personang Diyos. Marahil ay naririnig mo na ito bilang ang Santisima Trinidad, isang turo na mahiwaga at mahirap na maunawaan. Halimbawa, ang pulyeto na The Blessed Trinity ay nagsasabi: “Ang turo ng Santisima Trinidad . . . ay isang hiwaga . . . Hindi ito mapatutunayan sa pamamagitan ng katuwiran . . . Hindi man lamang mapatutunayan na ito’y posible.”a (Kanila ang italiko.) Isinusog pa ng pulyeto: “Ang patotoo, samakatuwid, na ito’y isang hiwaga ay ang ipakita na ito’y naroroon sa kapahayagan, sa Banal na Kasulatan.”
Subalit ang aral bang ito ay talagang itinuturo ng Banal na Kasulatan? Ang Kataas-taasang Maykapal ba ay tatlong persona sa iisang Diyos?
[Talababa]
a Lathala ng Catholic Truth Society of London.