Isang Nabuksang Pintuan sa Kapuluan ng San Blas
Ang dalawang-makinang eruplano ay umikot sa maliit na lunsaran sa baybay-dagat. Nag-anunsiyo ang piloto na may baha sa runway at peligroso na lumapag doon. Subalit siya’y gumawa ng isa pang pagtatangka, at kaniyang ipinasiya na ilapag ang eruplano. Samantalang lumalapag sa lupa ang eruplano, iyon ay tumatalbog sa lunsaran na graba, at nagpapatilapon ng tubig na paitaas sa hangin. Nang huminto na iyon sa wakas, nakahinga kami ng maluwag. Ang aming pagkabahala ay nauwi sa kagalakan nang matanaw namin ang aming mga kaibigan na naghihintay sa amin.
Sila’y nanggaling sa isla ng Ustupu, mga isang milya ang layo sa baybaying-dagat. Ito’y isa sa pulo ng Kapuluan ng San Blas, isang tumpok ng humigit-kumulang 350 maliliit na isla na parang mga kudlit lamang sa baybaying-dagat ng Panama sa hilagang silangan hanggang sa hangganan ng Colombia. Ang mga islang ito ay tinatahanan ng humigit-kumulang 50,000 katutubong mga Indian ng tribong Kuna. Kami’y naparoon doon dahil sa isang misyon.
Ang Pakikipagkita sa Sahilas
Ang San Blas ay isang comarca, o dibisyon ng teritoryo, ng Republika ng Panama. Bawat isla ay pinamamahalaan ng kaniyang sariling Sahilas, parang isang lokal na konseho na binubuo ng nakatatandang mga lalaking miyembro ng pamayanan. Mga kinatawan buhat sa Sahilas ang bumubuo ng isang lupon na tinatawag na Caciques, na namamahala sa buong comarca.
Sapol noong 1969, ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral na sa San Blas ng mabuting balita ng Kaharian, at mga 50 katao ngayon ang dumadalo sa aming mga pulong. (Mateo 24:14) Gayumpaman, ang mga maykapangyarihan sa lugar na iyon ay nagkait sa amin ng permiso na mangaral sa ilan sa mga isla. Kamakailan, ang Sahilas ng Ustupu, ang isla sa grupong iyon na pangalawa na may pinakamaraming tao, ay humiling ng pakikipagpanayam sa mga Saksi ni Jehova upang makapagpasiya kung kami’y opisyal na kikilalanin o hindi. Lumilitaw na si Jehova ang ‘nagbubukas ng pintuan’ para sa amin.—1 Corinto 16:9.
Sa isang paunang pulong, ang pangunahing layunin ng mga maykapangyarihan sa lugar na iyon ay nagliwanag. Kanilang binanggit na mayroon nang apat na relihiyon sa pamayanan—Katoliko, Baptist, Iglesia ng Diyos, at Mormon. Bawat isa rito ay may malaking simbahan, ang iba ay halos abandonado na. Palibhasa’y kapos ang lupa sa islang iyon, ang mga opisyales ay totoong nagpapakaingat kung tungkol sa pagtanggap ng iba pang grupo relihiyoso.
Sa pamamagitan ng isang interpreter, aming ipinaliwanag na sa mahigit na 200 bansa sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay may naiabuloy sa ikabubuti ng pamayanan dahil sa matataas na mga pamantayang-asal na kanilang sinusunod. Siniguro namin sa mga opisyales na ang mga pulong ay idadaos ngayon sa mga tahanan ng mga Saksi sa lugar na iyon, at kung kakailanganin na magtayo ng isang pantanging dakong tipunan, hindi iyon hahantong sa pagiging abandonado, dahil sa ang aming mga pulong ay marami ang dumadalo.
Pagkatapos ng mga isang oras na pakikipag-usap, ang mga opisyales ay nagpasiya na iharap ang bagay na iyon sa susunod na pulong ng Sahilas, na ginaganap naman sa may bandang huli ng linggong iyon. Kailangang maghintay kami ng kasagutan.
Pagdalaw sa Dog Island
Sa halip na maghintay lamang kami, aming minabuti na dumalaw sa Achutupu, o Dog Island, dala ang mensahe ng Kaharian doon. Ang aming bangka, pinanganlang La Torre del Vigia (Ang Bantayan), ay napipintahan ng matingkad pula at asul at de-motor. Ang bangka ay lubhang pansinin kung ihahambing sa maraming iba pang mga cayucos, o inukit na mga canoe, na nakatali sa pantalan. Isang 45-minutong biyahe sa medyo maligalig na karagatan ang naghatid sa amin sa Achutupu.
Ang Achutupu ay isang maliit na isla sa tropiko, may umiindayog na mga punong palma at mabuhanging mga dalampasigan. Subalit sa kaniyang populasyon na humigit-kumulang 2,000, waring iyon ay siksikan. Sa lahat ng dako ay may nakahanay na mga kubo, na pinaghihiwalay lamang ng makikitid at hindi aspaltadong mga iskinita. Ang mga kubo ay parang pare-parehong lahat kung titingnan. Ang mga dingding, na yari sa yantok na nakakabit sa balangkas na mga sanga ng matatangkad na puno, ay mga isa’t kalahating metro lamang ang taas at nakapatong doon ang isang matangkad, makapal na bubong na yari sa mga dahon ng palma. Sa loob, mayroong iisa lamang bukas na espasyo para sa buong pamilya. Walang mga bintana, kundi ang espasyo sa pagitan ng mga yantok ang dinadaanan ng liwanag at hangin para makarating sa loob.
Bago dumalaw sa mga tahanan upang dalhan ng aming mensahe sa Bibliya, minabuti namin na sundin ang kaugalian doon na pagdalaw muna sa mga puno ng nayon upang humingi ng kanilang permiso. Kaya’t kami’y nagtungo sa gusali ng pamayanan, isang malaking gusali na nasa gitna ng kabayanan.
Madilim sa loob ng gusali, subalit nang mamihasa na ang aming mga mata, nakita namin ang hili-hilerang mga bangkong kahoy na nakaayos sa isang bukás na espasyo sa gitna. Sa lahat ng dako ay may mga larawan ng importanteng Sahilas noong nakaraan. Dahilan sa kadiliman, sa mga larawan, at sa katahimikan, ang lugar na iyon ay walang iniwan sa loob ng isang simbahan. Sa gitna ng lahat na ito ay may limang lalaki, ang iba’y nakahiga sa duyan, ang iba nama’y nakaupo sa mga bangko. Marahil, sila ang mga puno ng nayon.
Si Bolivar, isa sa mga Saksi na kasama namin galing Ustupu, sa pamamagitan ng lokal na wika ay nagpaliwanag sa layunin ng aming pagdalaw. Agad-agad, kami’y palakaibigang tinanggap at binigyan ng permiso na makadalaw sa mga tagaroon.
Pagdalaw sa mga Kubo sa Achutupu
Ang mga Indian ng tribong Kuna ay masasaya at palakaibigan. Sa paglalakad namin sa mga lansangan, ang mga bata ay nagtatakbuhan ng paglapit sa amin, at ang inihihiyaw nila ay “Mergui! Mergui!” na ang ibig sabihin ay “mga banyaga.” Ibig nilang makipagkamay sa amin. Kakaunti ang mga lalaki na nakita namin noon, at sinabi sa amin na karamihan sa kanila ay nag-aasikaso sa kanilang maliliit na taniman sa kontinente.
Kami’y inanyayahan na tumuloy sa bawat tahanan. Ang ginang ng tahanan ay kukuha ng mabibigat na mga silyang kahoy na nililok ng kamay, at ang buong pamilya ay magtitipon sa paligid upang puspusang makinig. Bago kami umalis, kami’y binibigyan ng inumin na cocoa, kape, o mga prutas doon. Ito’y sinusundan ng isang basong tubig para banlawan ang aming bibig. Sang-ayon sa lokal na kaugalian, ayos naman na ang tubig ay ibuga sa sahig. Nang maglaon ay napag-alaman namin na kailangan ng kaunti-kaunti lamang na pagsipsip, sapagkat maraming mga tahanan na kailangang dalawin.
Sa isang kubo, may nakita kaming mga 50 nililok na mga imaheng kahoy na may iba’t ibang laki at nakahanay sa tabi ng pintuan. Ayon sa paliwanag ni Bolivar ang mga ito ay para lumayo ang masasamang espiritu. Nang ang babae’y pumaroon sa pintuan at sinabi sa amin na may sakit ang kaniyang asawa, naintindihan namin kung bakit naroon ang mga imahen, sapagkat ang sakit ay malimit na inaakalang kagagawan ng mga demonyo.
Pagkatapos na kami’y anyayahang pumasok, nakita namin na ang asawang lalaki ay nakahiga sa duyan. Ibinitin ng isang pisi sa itaas niya ang dose-dosenang maliliit na mga busog na doo’y nakakasa ang pula-dulong mga pana na nakaamba sa taong may sakit. Ipinagpapalagay na ito’y katatakutan ng masasamang espiritu. Sa sahig naman ay makikita ang maraming bilog na mga upo na mayroong maliliit na imahen, mga pipa ng tabako, at nagbabagang mga buto ng cocoa. Ipinapapalagay na ito’y nakapapayapa sa mga espiritu. Sinikap ni Bolivar na aliwin ang pamilya sa pamamagitan ng pagbabalita sa kanila ng pangako ng Diyos na pawiin ang lahat ng sakit, at sila’y tumanggap ng mga ilang literatura sa Bibliya. Minsan pa, nariyan na naman ang kinaugaliang inumin at baso ng tubig.
Makulay na mga Kasuotan ng mga Kuna Indian
Ang pambihirang mga tanawin sa mga isla ay ang matitingkad-kulay na kasuotan ng Kuna Indian. Bagaman karaniwan nang ang mga lalaki’y nakasuot ng damit na istilo-Kanluran sa ngayon, ang hilig pa rin ng mga babae ay ang kanilang kinaugaliang damit na binubuo ng pulang balabal, isang blusang maikli ang manggas, at palda na hanggang tuhod. Ang bandang taas ng blusa ay karaniwan nang may matingkad na kulay. Ang bahaging panggitna ay tinatawag na isang mola, na kadalasa’y binibili ng mga turista at ginagamit na dekorasyon sa dingding. Ito’y isang binurdahang matingkad-kulay na tela na may tradisyunal na mga disenyong ibon, isda, at mga hayop. Ang palda ay isa lamang hugis-rektanggulong piraso ng maitim na tela na may matitingkad na disenyo, na ibinabalot sa katawan at itinatapi sa baywang. Karamihan ng mga babaing Kuna ay nagpapaikli ng kanilang buhok, bagama’t ang iba sa nakababatang mga dalaga ay makikitang may medyo mahahabang buhok.
Ang mga babae ay waring mahilig magsuot ng maraming mga hiyas. Mga gintong hikaw, kuwintas, pulseras, at mga singsing sa ilong ay popular na popular. Kadalasan lahat ng mga kayamanan ng pamilya, na maaaring umabot sa libu-libong dolyar ang halaga, ay isinusuot ng mga babae sa ganitong paraan. Mapapansin din ang kanilang mga palamuti sa kanilang mga paa at braso. Ito’y yari sa maliliit na abaloryong may kulay na dalanghita, dilaw, at iba pa at maaaring ang luwang ay mula sa lima hanggang labinlimang sentimetro. Ang mga abaloryo ay tinutuhog ng mga babae sa isang mahabang pisi at saka ipupulupot sa kanilang mga braso o binti. Nakagagawa ng kaakit-akit na mga disenyo sa pamamagitan ng pagsasalit-salit ng kulay ng abaloryo sa pisi. Ang mga bigkis ay itinatali nang mahigpit na anupa’t maaaring isuot ng mga ilang buwan ng tuluy-tuloy at hindi na inaalis kahit na ang isa’y naliligo. Upang lalo pang makaakit, isang patayong linyang itim ang ipinipinta o itinatato sa may gitna ng noo at ilong, at ang dulo nito’y umaabot sa itaas na labi.
Ang aming interesanteng pagdalaw sa Achutupu ay kinailangang biglang putulin, sapagkat kailangang kami’y bumalik sa Ustupu upang dumating doon na nasa oras para sa pakikipagpulong sa Sahilas. Sa piyer, maraming tao ang naghihintay upang makakuha sa amin ng mga ilang literatura sa Bibliya. Kami’y nagagalak na ipamahagi sa kanila ang literatura naming dala.
Tagumpay ang Aming Misyon
Nang kami’y bumalik sa Ustupu, sa bulwagan ng pamayanan ay daan-daang mga taong nagsisiksikan sa kanilang kasabikang malaman kung ang mga Saksi ni Jehova ay opisyal na kikilalanin o hindi. Ganoon din kami. Sa pagpapatuloy ng pakikinig, iniharap ng chairman ang mosyon na bigyang karapatan ang mga Saksi ni Jehova na magpalakad ng isang relihiyon sa isla. Nang kaniyang anyayahan ang mga tagapakinig na ipahayag ang kanilang mga pananaw, bumilis ang kaba ng aming dibdib. Dadalawa-dalawa lamang ang sumalungat; karamihan ay sang-ayon.
Sa wakas, ang kongreso ay bumoto na bigyan kami ng opisyal na permiso na magdaos ng mga pulong at mangaral sa bahay-bahay at sila’y pumayag na ang disisyon ay mapasulat sa kanilang mga rekord. Sa ganoon, ang mga Saksi ni Jehova ang naging unang relihiyon na magkaroon ng nasusulat na pahintulot na gumawa roon. Lahat ng mga iba ay mayroon lamang berbal na pahintulot. Anong laki ng aming kagalakan at pasasalamat dahilan sa tagumpay na ito!
Inaasahan na ang disisyong ito ay magbubukas ng daan upang ang mabuting balita ng Kaharian ay maipangaral sa lahat ng kapuluan ng San Blas. May lahat ng dahilan na madama ang gaya ng nadama ng salmista nang kaniyang sabihin: “Si Jehova mismo ay naging hari! Magalak ang lupa. Magsaya ang maraming kapuluan.”—Awit 97:1.
[Mapa sa pahina 28]
(Para sa aktuwal na fomat, tingnan ang publikasyon)
PANAMA
Panama City
San Blas Islands
Gulf of Panama
Caribbean Sea
COLOMBIA