Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ano ang ginawa ni Jesus ‘upang ipaghanda ng dako’ sa langit ang kaniyang mga tagasunod?
Mga ilang saglit lang bago itinatag ang Hapunan ng Panginoon, sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol na siya’y lilisan. Mangyari pa, ang ibig niyang sabihin ay na pagkamatay sa may dulo ng araw na iyon, kailangang umalis siya upang pumaroon sa langit. Ang reaksiyon ni Pedro ay ang pakiusap na tulutan siyang sumunod sa kaniya. Nang magkagayo’y sinabi ni Jesus: “Huwag magulumihanan ang inyong puso. Magsisampalataya kayo sa Diyos, magsisampalataya rin kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sinabi ko sana sa inyo, sapagkat ako’y pupunta roon upang maghanda ng dako para sa inyo. At, kung ako’y pumaroon at maipaghanda ko na kayo ng dako, ako’y muling paririto at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon kayo man ay dumoon din.”—Juan 14:1-3.
Anong “mga tahanan” ang kailangang ihanda para sa mga apostol? May mga tagapagsalin ng Bibliya na ang pagkasalin ng Juan 14:2 ay nagpapahiwatig na ang tinutukoy ni Jesus ay tungkol sa pangangailangan ng mga apostol ng “mga dakong pahingahan” sa kanilang pagpunta sa langit o ang kanilang pagkasumpong doon ng iba’t ibang kuwarto sa langit. Subalit, si W. E. Vine ay nagsasabi tungkol sa salitang Griego na tinutukoy: “Walang anuman sa salita na nagpapahiwatig ng hiwa-hiwalay na mga kuwarto sa Langit; hindi rin naman nagpapahiwatig ito ng pansamantalang mga pahingahang dako sa daan.” Ang ibig sabihin ng salitang iyan ay isa lamang dako na matitirhan. Kaya’t si Jesus ay nangangakong bibigyan sila ng mga dakong tirahan sa espirituwal na langit na kung saan siya’y makakapiling ng kaniyang Ama.—Efeso 1:20; 1 Pedro 1:4; 3:21, 22.
Subalit sa paanong ihahanda ni Jesus ang gayong mga tahanan para sa kaniyang tapat na mga tagasunod? Yamang siya’y dumanas ng sakripisyong kamatayan, si Jesus ay naparoon sa langit upang ihandog sa harap ng Diyos ang halaga ng kaniyang itinigis na dugo ng buhay. Ang unang makikinabang dito ay yaong mga tatawagin upang maging kasamang mga tagapagmana sa makalangit na buhay. Si apostol Pablo ay sumulat: “Hindi pumasok si Kristo sa dakong banal na ginawa na isang kopya lamang ng tunay, kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa Diyos mismo alang-alang sa atin.” (Hebreo 9:12, 24-28; Roma 6:5; 8:17) Kaya’t nang sabihin ni Jesus sa mga apostol na siya’y paparoon upang ‘maghanda ng isang dako para’ sa kanila, tunay ang sasaisip niya ay ang kaniyang ‘pagharap sa Diyos mismo’ alang-alang sa kanila. Pagkaraan lamang na magawa niya ito maaaring sila o ang ibang mga tao ay sumunod sa kaniya sa langit.—Filipos 3:20, 21.
Kailangan bang gumawa ng iba pang mga bagay si Jesus upang ipaghanda sila ng isang dako? Sa takdang panahon, siya ay maghahawak ng kapangyarihan sa paghahari at makikipagdigma siya kay Satanas, at siya at ang kaniyang mga demonyo ay palalayasin sa langit. (Apocalipsis 12:7-9) Ito’y magaganap bago magsimula ang makalangit na pagkabuhay-muli ng mga apostol at ng iba pang mga pinahiran na natutulog sa kamatayan. (1 Tesalonica 4:14-17) Kung sa sinabi ni Jesus tungkol sa ‘paghahanda ng isang dako para’ sa kaniyang mga alagad ay kasali ang kaniyang pagpapalayas kay Satanas sa langit iyan ay hindi natin masasabi.
Isa pa, hindi natin alam kung si Jesus ay may iba pang tinanggap na mga atas na may kinalaman sa paghahanda ng isang dako sa langit para sa pinahirang mga Kristiyano. Gayunman, humigit-kumulang ay natitiyak natin na inihanda ni Jesus ang daan para sa kaniyang pinahirang mga tagasunod sa pamamagitan ng paghahandog sa Diyos ng halaga ng kaniyang “mahalagang dugo.” (1 Pedro 1:19) Salig sa dugong iyan, ang bagong tipan ay natatag sa pagitan ng Diyos na Jehova at ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu.