Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 6/15 p. 3-4
  • Ang Paghahanap ng Katiwasayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paghahanap ng Katiwasayan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Krimen Ba ay Isang Tunay na Panganib sa Iyo?
    Gumising!—1986
  • Nagsisikap na Lutasin ang Krimen
    Gumising!—1996
  • Bigong Pakikibaka Laban sa Krimen
    Gumising!—1998
  • Bakit Napakaraming Krimen?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 6/15 p. 3-4

Ang Paghahanap ng Katiwasayan

KATIWASAYAN. Ang mga pinunò ng daigdig ay nakikipag-ayos ukol dito. Ang mga pinunò naman ng relihiyon ay nananalangin ukol dito. Subalit, sa karaniwang tao sa kalye, ang katiwasayan ay waring isang mailap na panaginip. Nariyan, halimbawa, si Ron, na naglalakad upang magtrabaho sa pinakamalaking siyudad ng Timog Aprika, ang Johannesburg.

“Ako’y pinalibutan ng limang lalaki, isa’y nag-umang ng punyal sa aking lalamunan at isa nama’y may punyal na nakatutok sa aking likod. Kaybilis na hinalughog nila ang aking bulsa. Ang pakiwari ko’y isa akong mistulang hinimulmulang manok. Ang mga taong dumaraan ay basta hindi ako pansin.” Si Ron ay hindi naman nanlabán at siya’y nakaligtas nang hindi nasasaktan.

Para sa marami, ang paglalakad sa mga kalye ng anumang malaking siyudad ay nagbibigay ng pangamba. ‘Papaano ko ba maiiwasan na ako’y huwag mapagsamantalahan?’ ang nasa kanilang isip. Sila’y nagmamadali upang matapos ang kanilang pamimili para sila’y makabalik na sa katiwasayan ng tahanan. Ngunit gaano kaligtas ang tahanan? “Ang posibilidad na may taong magsamantala sa kabanalan ng iyong tahanan, nakawin ang isang bahagi o lahat ng iyong ari-arian at mawala na lang at sukat ay patuloy sa biglaang pagdami sa bawat taon,” ang sabi ng aklat na Total Home Security.

Kaya naman, ang mga may-ari ng bahay ay nagpapaskil ng mga babala na nagsasabi sa mga papasok nang walang pahintulot na sa looban nila’y may malulupit na aso o na ang mga ito ay sinusubaybayan ng isang armadong patrolya. Sa maraming pamayanan ang mga maybahay ay nagsasama-sama ng kanilang lakas upang malabanan ang krimen. “Kahit na sa Britanya lamang, may mahigit na 60,000 panukala, na kinasasangkutan ng 750,000 sambahayan,” ang sabi ng lathalaing Security Focus. “Ngayong patuloy na dumarami ang krimen, lipas na ang ugaling hindi paglalapitan ng mga magkakapitbahay,” ang sabi ng isang insurance broker sa Aprika.

Ang mga kagawad ng mga panukalang pagroronda sa pamayanan ay nagmamalasakit sa isa’t isa at kanilang inirereport sa pulisya ang anumang kahina-hinalang kilos.a Ngunit isang newsletter ang nagpaliwanag sa isang kagawad ng grupo na ang bahay ay ninakawan: “Nakalulungkot na ang panukala ay hindi isang garantiya na ikaw ay hindi na muling nanakawan. Walang panukala sa katiwasayan na umiiral ang makapagsasabi ng ganiyan. . . . Kailangan mo pa ring siguraduhin na ang iyong mga pintuan ay nakakandado, na ikaw ay may alarma sa mga magnanakaw at maghanda ng makatuwirang mga hakbang sa katiwasayan.”

Bagaman ang mga panukala ng pagroronda sa pamayanan ay nagkaroon na ng ilang mga epekto, pinagtatalunan pa rin kung ang mga ito’y nakatutulong upang pabagalin sa pangkalahatan ang pagdami ng krimen. “Ang inaangking pag-urong ng krimen sa isang munting lugar ay nagiging ‘tagumpay’ lamang kung ang krimen na iyon ay bahagya o hindi ‘lumipat’ sa karatig na lugar,” ang paliwanag ni Shapland at Vagg sa Policing by the Public. Samakatuwid, sa mga ilang siyudad na kung saan nag-ulat ng malaking tagumpay ang mga grupong rumoronda sa pamayanan, nagkaroon ng isang pambihirang pagsulong sa krimen sa mga ibang lugar ng mga siyudad ding iyon na kung saan mahirap na mag-organisa ng gayong mga panukala.

“May mga lugar na kung saan ang pagroronda ay hindi kasing epektibo,” inamin ng kalihim ng isang panukala na pambuong bansa at may mahigit na 20,000 miyembro. Ang kaniyang tinutukoy ay malalaking lugar “sa labas ng bayan na kung saan ang magkakapitbahay ay hindi nagkakakitaan at kung saan ang pagpapatrolya ay hindi gumagana.” Halimbawa, isang mag-asawa ang buhat sa isang siyudad sa Amerika ay lumipat sa isang 20-ektaryang pook malapit sa isang munting nayon. Sa loob ng mga ilang taon, ang kanilang bahay ay makalawang pinasok. Ang asawang babae ay nagpahayag ng damdamin ng maraming naninirahan sa kabukiran: “Sinisikap kong maging normal, pero ako’y nangangamba. . . . Hindi ko inaakalang ako’y ligtas.” Sa mga bansang dumaranas ng kaguluhan sa pulitika, ang mga naninirahan sa kabukiran ay nakaharap sa karagdagang karahasan at malimit na ginigipit upang kumampi sa kung anumang panig.

Hindi nga katakataka na marami ang nananabik sa ‘mga araw na lumipas.’ “Humigit-kumulang ng pasimulan ang siglong ito,” ang sabi ng aklat na The Growth of Crime, “nagkaroon ng . . . pangkalahatang paniniwala na ang [krimen] ay magiging mas magaan kung sa uri.” Ngunit ano ang nangyari sa halip? Ganito ang paliwanag ng mga autor na sina Sir Leon Radzinowicz at Joan King: “Noong unang dalawampung taon ng siglo, maging noon mang unang digmaang pandaigdig, ang bilis ng pagdami ng krimen ay namalaging katamtaman, wala kundi ang patuloy na pag-agapay sa populasyon. Noong pagkatapos na ng digmaan, sa krisis na umiral, nahalata na iba na ang takbo. Sa lumakad na mga taon ng krisis sa kabuhayan, ng kawalang-hanapbuhay at ng isa pang dakilang digmaan, [ang krimen] ay lalong bumilis ang patuloy na pagdami . . . Ang kaisa-isang bagay na tuwirang makikita mo pagka tiningnan mo ang krimen sa buong sanlibutan ay ang patuloy na paglaganap at pamamalagi nito saan mang dako.”

Itong “paglago ng katampalasanan,” bagaman di-inaasahan ng marami, ay tunay na inihula. Ang mga pangunahing kalamidad na sumapit sa sangkatauhan sapol ng pasimula ng unang digmaang pandaigdig noong 1914 ay sa mula’t mula’y mababasa na sa Bibliya. Inihula ni Jesus na ang balakyot na sistema ng tao ay patapos na: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng kakapusan sa pagkain at ng mga lindol sa iba’t ibang dako. At dahilan sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng marami ay manlalamig.”​—Mateo 24:3, 7, 12; tingnan din ang Lucas 21:10, 11.

“Pagsisimula ng mga bagay na ito,” isinusog pa ni Jesus, “tumayo na kayong tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong kaligtasan ay malapit na.” Samakatuwid, ikaw ay may dahilan na magalak. Ang paghahanap ng tao ng pambuong-lupang katiwasayan ay malapit na malapit nang matupad.​—Lucas 21:28-32.

[Talababa]

a Pagka hinihimok na sila’y maging mga kagawad ng mga patrolyang rumoronda, ang mga Kristiyano ay nalulugod na sa kanila’y magsilbing patnubay ang mga simulain sa Isaias 2:2-4 at Juan 17:16.​—Tingnan Ang Bantayan, Enero 15, 1984, pahina 17-20.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share