Ang Paghahanap ng Isang Bagong Sanlibutang Kaayusan
“WALANG mga mapa na aakay sa atin kung saan tayo paroroon, sa bagong sanlibutang ito na sariling gawa natin. Habang ang daigdig ay lumilingon sa siyamnapung taon ng digmaan, ng alitan, ng paghihinala, tayo ay tumanaw rin naman sa hinaharap—sa isang bagong siglo, at isang bagong milenyo, ng kapayapaan, kalayaan, at kaunlaran.”
Ang pangulong George Bush ng E.U. ang nagsalita niyan noong Enero 1, 1990. Sa isang nahahawig na mensahe, ang pangulong Mikhail Gorbachev ng Sobyet ay nagmungkahi naman ng pagtutulungan sa dekada ng 1990 upang maalisan “ang daigdig ng pangamba at paghihinala, ng di-kinakailangang mga armas, ng lipas nang mga ideyang pulitikal at mga doktrinang militar, at artipisyal na mga balakid sa pagitan ng mga mamamayan at ng mga estado.” Ganiyan ang pag-uulat ng Mainichi Daily News ng Hapón noong Enero 3, 1990.
Maliwanag, malawak ang mga inaasahan. Gayunman ay atrasado na sila nang isang taon. Noong Enero 29, 1991, sa talumpati ng Pangulo ng E.U. (ito’y ginaganap tuwing magbubukas ang bawat regular na sesyon ng kongreso), si Pangulong Bush ay nagpahiwatig ng tungkol sa giyera sa Persian Gulf at nagsabi: “Ang nakataya ay hindi lamang isang munting bansa [ng Kuwait], ito ay isang malaking ideya—isang bagong sanlibutang kaayusan na ang iba’t ibang bansa ay nagkakaisa sa iisang tunguhin upang makamit ang pansansinukob na mga mithiin ng sangkatauhan: kapayapaan at katiwasayan, kalayaan at ang paghahari ng batas.”
Hindi Isang Paghahanap na Walang Suliranin
Maraming suliranin ang humahadlang sa tao sa kaniyang paghanap ng isang bagong sanlibutang kaayusan. Mga digmaan ang tiyak na nakasasagabal. Ang tinutukoy ay ang mga labanan na nagaganap noon sa Iraq at Kuwait, ang magasing Time ng Enero 28, 1991, ay nagsabi: “Samantalang bumabagsak ang mga bomba at lumilipad naman ang mga missile, ang mga inaasahan tungkol sa isang bagong sanlibutang kaayusan ay nagbigay-daan sa palasak na kaguluhan.” Isinusog pa ng magasin: “Huwag akalain ninuman na ang lubhang ipinangangalandakang bagong sanlibutang kaayusan ay naririto na o dili kaya’y malapit na.”
Kailanman ay hindi nagkaroon ng pagtutulungan ang mga bansa, at ito ang nakahahadlang sa pagsisikap ng tao na magtatag ng isang bagong sanlibutang kaayusan. Sa isang ulat na inilathala sa publikasyong The World and I (Enero 1991), sinuri ng mga iskolar “ang bumabangong mga patakarang panlabas ng mga superpower at ang kanilang malamang na epekto sa bagong sanlibutang kaayusan.” Nagtapos ang editór: “Ang kasaysayan ay nagpapahiwatig na ang agwat na namamagitan sa digmaan at kapayapaan ay nasa mainam na kalagayan sa pinakamagaling na panahon. Ang pagtutulungan ng mga bansa, lalung-lalo na sa pagitan ng pangunahing mga nangungunang bansa, ay kailangan sa matagumpay na paglipat buhat sa Cold War tungo sa isang bagong sanlibutang kaayusan.”
Ang suliranin tungkol sa kapaligiran ay isang hadlang din sa bagong sanlibutang kaayusan na nakikini-kinita ng marami. Sa State of the World 1991 (isang ulat ng Worldwatch Institute), si Lester R. Brown ay nagsabi: “Walang sinumang makapagsasabi nang may katiyakan kung ano ang magiging hitsura ng bagong kaayusan. Ngunit kung tayo ang huhubog ng isang may pangakong kinabukasan para sa susunod na salinlahi, ang napakalaking pagpapagal na kinakailangan upang mabaligtad ang nagaganap na pagpapariwara ng kapaligiran ng planeta ang mangingibabaw sa pamamalakad ng daigdig sa loob ng maraming dekadang darating.” Binanggit ng ulat na ang polusyon ng hangin ay “umabot na sa lawak na nagsasapanganib sa kalusugan sa daan-daang siyudad at sumisira ng mga pananim sa maraming bansa.” Isinusog pa: “Sa dami ng mga taong naninirahan sa planeta, umuunti naman ang mga halaman at ang mga klase ng hayop. Dahilan sa pagkapariwara ng kalikasan at sa polusyon, ang sarisaring buhay sa lupa ay apektado. Ang pagtaas ng temperatura at pagnipis ng saping ozone ay kasali rin sa mga pinsalang nagagawa.”
Kung gayon, maliwanag na ang paghahanap ng tao ng isang bagong sanlibutang kaayusan ay hitik sa mga suliranin. Magtagumpay kaya ang paghahanap? Masasabi ba na isang bagong sanlibutan ang pagkalapit-lapit na? Kung gayon, papaano ito mangyayari?