Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
Yamang ang mga Kristiyano ay hindi tumataya ng salapi, sila ba’y maaaring tumanggap ng mga tiket o sumali sa mga loterya na doon ay maaari silang manalo ng mga premyo?
Ito ay isang katanungan na lumilitaw paminsan-minsan, kaya ito’y tinalakay na sa ating mga publikasyon. Sa ilang mga wika, kami’y nagsaayos ng mga indise sa ating literatura, tulad baga ng Watch Tower Publications Index 1930-1985 (at isa pa na sumasaklaw sa 1986-1990). Kung ang isang Kristiyano ay may gayong mga indise sa kaniyang wika, ito’y magagamit na malimit sa madaling paghanap ng kasiya-siyang mga sagot.
Ang tanong sa itaas ay isang halimbawa. Sa paghahanap sa Index para sa 1930-1985 sa ilalim ng paulong “Questions from Readers,” makikita ang subtitulong “ ‘drawings,’ may Christian accept ticket for?” Pinatutunghayan sa mambabasa ang seksiyon na “Questions from Readers” sa Ang Bantayan (sa Ingles) ng Pebrero 15, 1973, pahina 127.a Maraming Saksi ang may pinabalatang tomo o indibiduwal na labas ng Ang Bantayan para sa 1973, o ito’y maaaring kunsultahin sa aklatan ng maraming Kingdom Hall.
Sa talakayan na napalathala noong 1973 ay binanggit na tama ang mga Kristiyano sa pag-iwas sa anumang sweepstakes o loterya na kasangkot ang pagbili ng pagbabakasakali (tulad halimbawa ng mga tiket sa ripa o loterya) o paggamit sa salapi upang mag-ala-suwerte na manalo ng mga premyo. Sa simpleng pangungusap, tayo ay umiiwas sa pagsusugal, na isang anyo ng kasakiman.—1 Corinto 5:11; 6:10; Efeso 4:19; 5:3, 5.
Gayunman, ang isang tindahan o isang negosyo ay makapagpapaloterya bilang paraan ng pag-aanunsiyo. Walang dapat gawin ang isang tao kundi ibigay ang kaniyang pangalan o magpadala ng isang porma o isang tiket, bagaman hindi bumibili ng anuman. Ang loterya ay bahagi ng pag-aanunsiyo; ito’y nilayon upang maging isang walang-kinikilingang paraan ng pagpapasiya kung sino ang bibigyan ng premyo o mga premyo. May mga Kristiyano na nag-aakalang matatanggap nila ang premyo sa isang loterya na walang kasangkot na pagsusugal, gaya kung sila’y tumatanggap ng libreng mga sample o iba pang regalo na ginagamit ng isang negosyo o isang tindahan sa programa nito ng pag-aanunsiyo.
Gayunman, may ilang Kristiyano na umiiwas sa anumang uri nito, sa kanilang kagustuhang hindi makatisod o makalito sa iba at gayundin sa pagsisikap na lumayo sa anumang pagkaakit na magtiwala sa umano’y suwerte. Gaya ng ipinakikita ng Isaias 65:11, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi nakikipag-ugnayan sa ‘diyos ng Mabuting Suwerte’ o ‘diyos ng Kapalaran.’ Sila’y maaaring nag-aakala rin na ayaw nilang maging bahagi ng anumang publisidad na ang mga nananalo’y baka hilingan na makibahagi. Ang mga may ganitong palagay ay tunay na hindi dapat pumintas sa isang Kristiyano o mga Kristiyano na ang budhi ay nagpapahintulot sa kanila na mapasangkot sa ganiyang mga loterya.—Ihambing ang Roma 14:1-4.
[Talababa]
a Ang materyal ding iyan ay nasa indise sa ilalim ng paulong “Advertising,” “Business,” at “Gambling,” kaya ang Index ay may maraming impormasyon na tumutulong upang makita iyon.