Kung Saan Hindi Hadlang ang mga Hanggahan
Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na madaig ang mga hadlang sa pagitan ng mga tao. Isinasapuso nila ang simulain sa mga salita ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Lahat kayo ay magkakapatid.” (Mateo 23:8) Kitang-kita iyan sa dalawang dako ng pagsamba ng mga Saksi—isa sa Portugal at isa sa Espanya.
ANG napapaderang lunsod ng Valença do Minho, sa hilaga ng Portugal, ay itinayo noong mapanganib na mga panahon. Matatanaw mula sa mga moog nito ang Ilog Minho, ang hanggahan ng Espanya at ng Portugal. Sa kabila naman ng ilog ay makikita ang lunsod ng Tui sa Espanya, na may katedral na parang isang tanggulan. Ang pangunahing mga kuta sa Tui at Valença ay itinayo noong ika-17 siglo, nang nagdidigmaan pa ang Espanya at Portugal.
Noong 1995, inalis na ng dalawang bansang ito ng European Union ang mga hanggahan sa pagitan nila at ang pagkontrol sa mga adwana. Pero higit pa sa pag-aalis ng mga hanggahan ang kailangan para magkaisa ang mga tao. Kasama rin dito ang puso’t isip. Sa Valença, may isang maliit at magandang gusali na nagpapakita kung paano madaraig ang mga hadlang sa pagitan ng mga tao. Ito ay isang dako ng pagsamba—isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova—na ginagamit ng mga kongregasyon ng mga Saksing Kastila at Portuges.
Nagsimula ang kuwentong ito noong 2001 nang ang mga Saksi sa Tui ay mangailangan ng isang bagong Kingdom Hall. Kinailangan nilang umalis sa kanilang inuupahang lugar, at kulang ang kanilang pondo para makapagpatayo ng bagong bulwagan. Hindi rin nila kayang umupa dahil kaunti lang sila. Kaya kinausap ng mga Saksing Kastila ang mga kapatid nilang Portuges sa Valença para malaman kung maaari silang makigamit ng kanilang bulwagan, na mga ilang kilometro lang mula sa sentro ng Tui.
“Nagmiting kami noong Disyembre 2001 para gumawa ng pasiya,” ang naalaala ni Eduardo Vila, isang miyembro ng Tui Congregation sa Espanya. “Pagkaalis ko sa miting, naisip kong pinakilos ni Jehova ang puso ng mga kapatid naming Portuges. Napakalaki ng sakripisyo nila para makapagtayo ng magandang Kingdom Hall, at nakapagpapatibay ng pananampalataya na makitang handa silang ipagamit ito sa amin.”
“Malugod naming tinanggap ang mga kapatid na Kastila sa aming Kingdom Hall,” ang sabi ni Américo Almeida, isang Saksing Portuges na dumalo rin sa miting na iyon. “Nagtiwala kami na pagpapalain ni Jehova ang pasiyang ito, at lahat ay sumang-ayon dito.” Ang mga Saksi mula sa magkabilang panig ng hanggahan ay nakabuo ng magandang samahan. “Maaaring kakatwa, pero hindi namin napapansin na galing kami sa magkaibang bansa. Kami ay magkakapatid sa espirituwal,” ang sabi ni Paolo na mula sa Valença.
Ang isa sa mga napapansin agad ng mga bisita sa loob ng Kingdom Hall ay ang dalawang magkamukhang relo sa likod ng bulwagan, na magkaiba ang oras. Ang Espanya ay nauuna ng isang oras sa Portugal, pero ito lang ang magkaiba sa loob ng Kingdom Hall. Nang kinailangang kumpunihin ang gusali, pinangasiwaan ng Regional Building Committee sa Espanya ang masisipag na manggagawa mula sa dalawang kongregasyon. “Maraming propesyonal mula sa Espanya ang tumulong, ang ilan ay nagbiyahe pa nang mga 160 kilometro,” ang natatandaan ni Paolo. “Dahil sa proyekto, lalo kaming nagkaisa at mas tumibay ang pag-ibig namin sa isa’t isa.”
Tingnan naman natin ang pangalawang halimbawa ng pagdaig sa mga hanggahan.
Pagkakaisa sa Hinating Libis
Ang Puigcerdá ay isang lunsod sa Espanya na nasa hanggahan ng Pransiya. Ito ay nasa gitna ng matabang libis na napalilibutan ng mga bundok ng Pyrenees. Ang buong libis, kilala bilang Cerdaña, ay dating sa Espanya. Pero noong 1659, sa isang kasunduan para sa kapayapaan na tinatawag na Treaty of the Pyrenees, ang kalahati ng libis ay ibinigay ng Espanya sa Pransiya.
Sa ngayon, ang mga Pranses ay namimili sa Puigcerdá, ang pangunahing lunsod sa libis. At mula noong 1997, binuksan din ng mga Saksi ni Jehova sa Puigcerdá ang mga pintuan ng kanilang Kingdom Hall sa mga kapatid nilang Pranses. Noong taóng iyon, kinailangang iwan ng mga Saksing Pranses ang inuupahan nilang pasilidad. Ang pinakamalapit na Kingdom Hall sa Pransiya ay isang oras na biyahe pa, at kapag taglamig, napupuno ng niyebe ang kalsada patungo roon.
Nang ipaliwanag ng mga Saksing Pranses ang kanilang sitwasyon, agad na inialok ng mga Saksing Kastila ang kanilang Kingdom Hall. “Masayang masaya ang lahat ng mga kapatid na Kastila na ipagamit ang kanilang bulwagan,” ang naalaala ni Prem, isang Saksing Kastila. “Siyempre pa, ang pagtutulungang ito ay udyok ng maka-Kasulatang pagsasanay na natanggap namin sa nakalipas na mga taon. Pagkaraan ng ilang linggo, dalawa na kaming gumagamit ng Kingdom Hall, at 13 taon na kaming magkakasama.”
“Ang Kingdom Hall sa Puigcerdá ay angkop para sa amin,” ang sabi ni Eric, isang tagapangasiwa sa kongregasyong Pranses. “At tandang-tanda ko pa ang napakainit na pagtanggap sa amin ng kongregasyong Kastila. Nilagyan pa nga nila ng isang malaking bungkos ng bulaklak ang kanilang bulwagan at isang karatulang nagsasabi, ‘Malugod kayong tinatanggap, mahal naming mga kapatid.’”
“Dahil sa pagsasara ng aming Kingdom Hall sa Pransiya, akala ng mga tao ay wala na rin ang kongregasyon,” ang dagdag ni Eric. “Pero nalaman nilang mali sila dahil sa regular naming pangangaral doon—kabilang na ang pamamahagi ng mga imbitasyon para sa aming mga pulong sa Espanya. Ang mga interesadong tao ay nasisiyahang dumalo sa bulwagan sa Espanya. Isa pa, dahil iisang bulwagan ang ginagamit namin ng mga kapatid na Kastila, naging mas malapít kami sa isa’t isa. Dati, alam lang namin na may kongregasyong Kastila sa kabilang panig ng hanggahan pero wala kaming gaanong pakikipag-ugnayan sa kanila. Ngayong regular na kaming nagkikita, hindi na namin nadaramang kami lang ang nasa liblib na libis na ito.”
Nagdulot ba ng problema ang pagkakaiba ng mga kultura? “Nang malaman kong idaraos na ang aming mga pulong sa kabila ng hanggahan sa Espanya, nag-alala ako,” ang inamin ng Saksing Pranses na mga 80 anyos na. “Buti na lang, mabait at palakaibigan ang mga kapatid sa Puigcerdá kaya walang anumang naging problema. Sa halip, ito ay naging pagkakataon para maipakita ang internasyonal na pagkakaisa ng bayan ni Jehova.”
Ang Pundasyon ng Mas Matibay na Pagkakaisa
Ang mga tagapagtatag ng pinagsanib na mga bansa sa Europa ay nagsabi na ang mga miyembro nito ay “determinadong maglatag ng mga pundasyon ng mas matibay na pagkakaisa sa gitna ng mga mamamayan ng Europa.” Ang pag-aalis ng mga hanggahan noong dekada ’80 at ’90 ay nilayon para mapabilis ang prosesong ito. Pero dapat ding maalis ang mga hadlang na nasa isipan.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na burahin ang pagtatangi at kawalan ng tiwala. Nauunawaan nila na ang kanilang iba’t ibang pinagmulan ay kapaki-pakinabang at na ang “Diyos ay hindi nagtatangi.” (Gawa 10:34) Sa kanilang internasyonal na mga kombensiyon at sa loob ng kanilang mga Kingdom Hall, nakikita nilang “anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!” (Awit 133:1) Isang buháy na patotoo nito ang pagkakaisa ng mga Saksi sa Valença at Puigcerdá.
[Blurb sa pahina 13]
“Maaaring kakatwa, pero hindi namin napapansin na galing kami sa magkaibang bansa. Kami ay magkakapatid sa espirituwal”
[Blurb sa pahina 14]
“Dahil sa proyekto, lalo kaming nagkaisa at mas tumibay ang pag-ibig namin sa isa’t isa”
[Blurb sa pahina 15]
“Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!” AWIT 133:1
[Larawan sa pahina 12, 13]
Ang Tui at ang Ilog Minho mula sa napapaderang lunsod ng Valença do Minho
[Larawan sa pahina 14]
Pagkukumpuni ng Kingdom Hall
[Larawan sa pahina 15]
Ang Pyrenees at ang libis ng Cerdaña
[Larawan sa pahina 15]
Dalawang elder mula sa dalawang kongregasyon—isang Kastila at isang Pranses—na gumagamit ng Kingdom Hall sa Puigcerdá