Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w14 12/15 p. 4-5
  • Pinagpapala ni Jehova ang mga Nagkukusa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinagpapala ni Jehova ang mga Nagkukusa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Gawain ay Malaki”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Magpakita ng Pagpapahalaga sa Pagkabukas-Palad ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Pinunan ng Kanilang Labis ang Kakulangan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Kung Paano Tayo Makakatulong sa mga Nangangailangan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
w14 12/15 p. 4-5
Isang taong naghuhulog ng donasyon

Pinagpapala ni Jehova ang mga Nagkukusa

BINIGYANG-DANGAL tayo ng ating Maylalang nang pagkalooban niya tayo ng isang napakahalagang regalo—ang kalayaang magpasiya. Sagana rin niyang pinagpapala ang mga walang-kasakimang gumagamit ng kanilang kalayaang magpasiya para itaguyod ang tunay na pagsamba at nagsisikap na pabanalin ang kaniyang pangalan at suportahan ang kaniyang dakilang layunin. Ayaw ni Jehova na sumusunod lang tayo sa kaniya dahil tinakot tayo at pinilit. Ang higit na pinahahalagahan niya ay ang kusang-loob na pagsamba udyok ng tunay na pag-ibig at taos-pusong pasasalamat.

Halimbawa, noong nasa ilang ng Sinai ang mga Israelita, inutusan sila ni Jehova na magtayo ng isang dako ng pagsamba. Sinabi niya: “Mula sa inyo ay lumikom kayo ng abuloy para kay Jehova. Dalhin iyon ng bawat isa na nagkukusang-loob bilang abuloy kay Jehova.” (Ex. 35:5) Bawat Israelita ay makapagbibigay ng anumang kaya niya, at bawat kusang-loob na abuloy—anuman ito o gaano man ang halaga nito—ay gagamitin sa tamang paraan para itaguyod ang layunin ng Diyos. Paano sila tumugon?

“Ang bawat isang naudyukan ng kaniyang puso” at “ang bawat isang napakilos ng kaniyang espiritu” ay kusang-loob na naghandog, oo, “bawat isa na may pusong nagkukusang-loob.” Ang mga lalaki at babae ay nagdala ng iba’t ibang bagay para sa gawain ni Jehova: alpiler, hikaw, singsing, ginto, pilak, tanso, sinulid na asul, lanang purpura, sinulid na iskarlata, mainam na lino, balahibo ng kambing, balat ng barakong tupa na tinina sa pula, balat ng poka, kahoy ng akasya, batong hiyas, balsamo, at langis. Nang bandang huli, “ang mga bagay ay sapat na para sa lahat ng gawaing isasagawa, at labis-labis pa.”—Ex. 35:21-24, 27-29; 36:7.

Pero ang higit na nakapagpasaya kay Jehova ay hindi ang mga bagay na inihandog kundi ang pagkukusa ng mga sumuporta sa tunay na pagsamba. Napakilos din silang gamitin ang kanilang panahon at lakas para sa gawain. “Ang lahat ng mga babae na may pusong marunong ay nag-ikid sa pamamagitan ng kanilang mga kamay,” ang sabi ng ulat. Oo, “ang lahat ng mga babae na naudyukan ng kanilang mga puso taglay ang karunungan ay nag-ikid ng balahibo ng kambing.” Bukod diyan, binigyan ni Jehova si Bezalel ng ‘karunungan, unawa, at kaalaman sa bawat uri ng kasanayan sa paggawa.’ Sa katunayan, ipinagkaloob ng Diyos kina Bezalel at Oholiab ang kasanayang kailangan para magawa ang lahat ng iniutos niya sa kanila.—Ex. 35:25, 26, 30-35.

Nang anyayahan ni Jehova ang mga Israelita na magbigay ng abuloy, nagtitiwala siyang “bawat isa na nagkukusang-loob” ay susuporta sa tunay na pagsamba. Bilang pagpapala sa mga kusang-loob na sumuporta, sagana siyang naglaan sa kanila ng patnubay at malaking kagalakan. Sa ganitong paraan, ipinakita ni Jehova na kapag pinagpapala niya ang kaniyang mga lingkod na nagkukusa, tinitiyak niya na magkakaroon sila ng sapat na pangangailangan o kasanayan para magawa ang kaniyang layunin. (Awit 34:9) Habang pinaglilingkuran mo si Jehova nang may pagkukusa, tiyak na pagpapalain ka niya.

KUNG PAANO NAGBIBIGAY NG KONTRIBUSYON SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN ANG ILAN

Gaya noong panahon ni apostol Pablo, marami sa ngayon ang ‘nagbubukod’ ng perang ihuhulog sa kahon ng kontribusyon na may markang “Worldwide Work.” (1 Cor. 16:2) Bawat buwan, ipinadadala ng mga kongregasyon ang kontribusyong ito sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa kani-kanilang bansa. Puwede ka ring tuwirang magpadala ng donasyon sa legal na korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa inyong bansa. Para malaman ang pangalan ng pangunahing legal na korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa inyong bansa, pakisuyong makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay na naglilingkod sa inyong bansa. Makikita sa www.jw.org/tl ang adres ng tanggapang pansangay. Narito ang mga donasyon na puwede mong tuwirang ipadala:

TUWIRANG DONASYON

  • Mga donasyon sa pamamagitan ng electronic bank transfer, debit card, o credit card. Sa ilang sangay, posible ring gawin ito gamit ang jw.org o iba pang itinalagang website.

  • Donasyong salapi, alahas, o iba pang mahahalagang ari-arian. Maglakip ng liham na nagsasabing ang salapi o iba pang bagay ay tuwirang donasyon.

KAAYUSAN SA KONDISYONAL NA DONASYON

  • Donasyong salapi na may kalakip na kondisyon.

  • Maglakip ng liham na nagsasabing ang donasyon ay ibabalik sa nagbigay sakaling kailanganin niya ito.

MGA PLANO SA PAGKAKAWANGGAWA

Bukod sa tuwirang mga kaloob na salapi at mahahalagang ari-arian, may iba pang mga paraan ng pagbibigay para masuportahan ang gawaing pang-Kaharian sa buong daigdig. Nakatala sa ibaba ang mga ito. Pakisuyong makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay na naglilingkod sa inyong bansa para malaman kung anong pamamaraan ang ginagamit sa inyong bansa. Yamang magkakaiba ang legal na mga kahilingan at batas sa buwis ng bawat bansa, mahalagang kumonsulta muna sa abogado at tagapayo sa buwis.

Insurance: Maaaring gawing benepisyaryo ng isang life insurance policy o ng isang retirement/pension plan ang isang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova.

Deposito sa Bangko: Mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o deposito sa pagreretiro na ipinangalan o ibibigay sa isang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova kapag namatay ang isa. Sundin ang mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar.

Stock at Bond: Mga stock at bond na iniabuloy sa isang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o sa pamamagitan ng nasusulat na kasunduan na ililipat ang mga ito kapag namatay ang nag-abuloy.

Lupa’t Bahay: Maibebentang lupa’t bahay na ibinigay bilang donasyon sa isang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob. Kung nakatira pa roon ang nagkaloob, puwedeng magkaroon ng kasunduan na maninirahan siya roon hangga’t nabubuhay siya.

Gift Annuity: Mga stock, bond, o salapi na inilipat sa isang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Kapalit nito, ang nagkaloob ay tatanggap ng espesipikong annuity payment bawat taon habang siya’y nabubuhay. Ang nagkaloob ay makakakuha ng diskuwento sa buwis sa taon kung kailan isinaayos ang gift annuity.

Testamento at Trust: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa isang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng isang legal na testamento o pagpapangalan sa korporasyong iyon bilang benepisyaryo ng isang trust agreement. Sa kaayusang ito, maaaring mabawasan ang ilang bayarin sa buwis.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “mga plano sa pagkakawanggawa,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano ng nagkakaloob. Para matulungan ang mga gustong sumuporta sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagkakawanggawa, isang brosyur na pinamagatang Charitable Planning to Benefit Kingdom Service Worldwide ang inihanda sa wikang Ingles at Kastila. Ang brosyur ay naglalaan ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagkakaloob, ito man ay ibibigay na ngayon o ipamamana kapag namatay ang nagbigay ng donasyon. Baka may mga impormasyon sa brosyur na ito na hindi kapit sa sitwasyon mo dahil sa mga batas sa buwis o iba pang batas sa inyong bansa. Kaya matapos basahin ang brosyur, kumonsulta sa iyong abogado o tagapayo sa buwis. Sa pamamagitan ng mga paraang ito ng pag-aabuloy, marami ang nakatulong sa pagsuporta sa ating relihiyosong mga gawain at pagkakawanggawa sa buong daigdig at nakakuha rin sila ng malaking diskuwento sa buwis. Kung available ang brosyur na ito sa inyong bansa, maaari kang humiling ng kopya sa kalihim ng inyong kongregasyon.

Para sa higit pang impormasyon, maaari kang makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay na naglilingkod sa inyong bansa.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share