Paghaharap ng Mabuting Balita—Pagsubaybay sa Nasumpungan Nating Interes
1 Nang nagbibigay ng pangwakas na mga tagubilin sa kaniyang tapat na mga alagad, sinabi ni Jesus: “Humayo . . . gumawa ng mga alagad . . . turuan sila.” (Mat. 28:19, 20) Sa pamamagitan ng mga salitang ito ikinintal ni Jesus sa kaniyang mga alagad na sila ay magsasagawa ng gawaing pagtuturo. Ito’y nangangahulugang sila’y gagawa ng mga pagdalaw-muli sa mga tao upang linangin ang kanilang interes.
PAPAANO ITO ISINASAGAWA?
2 Nasumpungan ng ilang mga kapatid na mahirap na makibahagi sa larangang ito ng pangangaral. Kung minsan ito ay dahilan sa kawalang katiyakan ng gagamiting paglapit kapag nagbabalik. Gayumpaman, hindi ito gayong kahirap. Kadalasan na pinakamabuting magpasimulang magplano kung ano ang inyong sasabihin sa pagdalaw-muli pagkatapos ng inyong unang pagdalaw. Isulat ang mga punto na doo‘y naging interesado ang maybahay. Sa gayon ay malalaman ninyo kung ano ang inyong tatalakayin. Dumalaw muli pagkatapos ng ilang araw hangga’t maaari. Kapag lumipas ang mga linggo, ang interes ng maybahay ay maaaring lumamig at magiging higit na mahirap na paningasin iyon. Gawing payak ang inyong presentasyon, maliwanag at nasa punto. Gamitin ang Bibliya upang suhayan ang inyong sinasabi. Iwasan ang mga paksang pinagtatalunan. Itampok ang nakakaakit na bahagi ng balita ng Kaharian.
3 Sa inyong presentasyon ay isangkot ang kausap. Ang tagumpay ay kadalasang natatamo sa pagsasangkot sa maybahay. Gumamit ng mga katanungan na punto-de-vista upang malaman kung ano ang kaniyang iniisip. Ito’y magpapangyari na makagawa kayo ng mabisang pagtuturo.
MAKUKUHANG TULONG
4 Sabihin pa, ang ilan sa atin ay nangangailangan ng tulong upang mapasulong ang ating kakayahang magturo sa mga pagdalaw-muli. Ang gayong tulong ay kadalasang matatamo. Halos tayong lahat ay nakakakilala ng isa na may kakayahan sa pagpapatotoo sa mga pagdalaw-muli. Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay nananabik na ibahagi sa inyo kung ano ang nasumpungan niyang matagumpay. Ang inyong konduktor sa pag-aaral ay makatutulong sa inyo. Tanungin siya kung masasamahan kayo sa ilang mga pagdalaw ninyo. O, marahil ang kailangan lamang ay ang paghingi ng tulong sa paghahanda kung ano ang sasabihin. Ang mga makaranasang mga mamamahayag na ito ay makapagpapakita sa inyo ng mga pamamaraan na kanilang ginamit upang matamo ang mabubuting resulta. Tandaan, naglaan si Jesus ng panahon upang turuan ang kaniyang mga alagad. Tinuruan niya sila bago sila suguing mangaral. (Mat. 10:5-15; Mar. 6:7-13; Luk. 9:1-6) Ang mga tagubiling katulad niyaong ibinigay ni Jesus ay ibinibigay din sa pamamagitan ng organisasyon ni Jehova sa ngayon.
5 Ang mga praktikal na mungkahi para magamit natin ay inilaan din sa aklat na Ating Ministeryo. Halimbawa, pansinin kung anong inam na giya ang nasa mga pahina 88 at 89. Ang pagbabasa lamang sa apat na parapo sa ilalim ng uluhang “Paggawa ng mga Pagdalaw-muli” ay dapat na magpasigla sa atin.
6 Ang isa pang mainam na pantulong ay ang aklat na Make Sure of All Things. Mayroong 123 pangunahing paksa at karagdagang mga kaugnay na paksa ang magagamit. May dalawang paraan ng paggamit sa materyal na ibinibigay sa mga parapo 1 at 2 sa pahina 8. Ang mga mungkahi ay ibinigay sa paggamit sa materyal kung ang panahon ng pag-uusap ay limitado o mahaba. Ang parapo 3 ay nagsasabi rin: “Ang mga sub-titulo nito ay hindi lamang nagbibigay sa inyo ng isang nahahandang balangkas, kundi ang maraming siniping piling mga kasulatan ay magpapangyaring magkaroon kayo ng iba’t iba at sariwang presentasyon.”
7 Kaya may lahat ng dahilan upang maging positibo sa pagsubaybay sa nasumpungan nating interes, kahit na tayo ay may limitado lamang karanasan. Ang mahalagang bagay ay nababahala tayo hinggil sa iba. Kapag nasumpungan natin ang mga taimtim na tao na “nagbubuntong-hininga at dumadaing” sa kasamaang kanilang nakikita, ang ating pag-ibig ay dapat na magpakilos sa atin na bumalik at tulungan sila.—Ezek. 9:4-6.