Paghaharap ng Mabuting Balita—Pagpapasimula ng mga Pag-aaral sa Bibliya
1 Tayong lahat ay binigyan ni Jesus ng tunguhin sa ating ministeryo nang kaniyang sabihin: “Gumawa ng mga alagad . . . turuan sila.” (Mat. 28:19, 20) Ang pinakamabisang paraan upang gawin ito ay sa pamamagitan ng mga pag-aaral sa Bibliya.
2 Ang pagpapasimula ng mga bagong pag-aaral sa Bibliya ay humihiling ng pagsisikap sa ating bahagi bilang mga kamanggagawa ng Diyos. (1 Cor. 3:9) Ito’y depende rin sa kalagayan ng puso ng indibiduwal. Inaakay ng espiritu ni Jehova ang tapat-pusong mga tao at pinapatnubayan tayo sa pagtulong sa kanilang sumulong sa espirituwal. Ipinakita ito sa pamamagitan ng karanasan ng bating na taga Etiopia. (Gawa 8:26-31) Bagaman hindi niya maunawaan ang kaniyang binabasa mula sa Isaias, gayumpaman siya ay nagtataglay ng isang mabuting kalagayan ng puso. Ang espiritu ni Jehova ay kumilos kay Felipe upang bigyan ang bating ng isang malinaw na pagkakaunawa, na nagpakilos sa kaniya na humiling ng bautismo.—Gawa 8:32-36.
3 Patuloy na ginagamit ni Jehova ang kaniyang mga lingkod ngayon upang tulungan ang mga tapat-pusong tao na maging mga alagad. Kung gaano kalaki ang paggamit ni Jehova sa atin ay nakikita sa pamamagitan ng ating pagsisikap, pagiging mabisa, at pagnanais na gamitin bilang mga guro. Ang pagpapasimula ng mga pag-aaral ay hindi awtomatikong dumarating. Ito’y humihiling nang maingat na paghahanda kalakip ng taimtim na pagnanais na ibahagi ang katotohanan sa iba. (Ezek. 9:4; Roma 10:13, 14) Kung kayo ay nangangailangan ng personal na tulong sa pagpapasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya, hilingin yaong mga may karanasan na tulungan kayo. Isaayos na gumawang kasama ng tagapangasiwa ng sirkito kapag siya’y dumadalaw sa inyong kongregasyon. Ang mga matatanda, mga ministeryal na lingkod, o payunir ay maaaring gumawang kasama ninyo at tulungan kayong magpasimula ng isang pag-aaral.
MAGING BUONG PUSO
4 Ang pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya ay humihiling ng buong pusong pagsisikap. (Col. 3:23, 24) Ito’y nangangahulugan ng lubusang paggawa sa ministeryo sa bahay-bahay taglay ang tunguhing hanapin ang mga indibiduwal na nagnanais na mag-aral ng Bibliya. Kailangan tayong maging masikap sa pagsasagawa ng mga pagdalaw-muli.
5 Ang mga pagdalaw-muli ay dapat na iplanong mabuti, taglay ang espesipikong maybahay sa isipan. Sa ilang dako ang pinaging payak at tuwirang paglapit ay pinakamabuti. Ang mga pinakahuling brochure at tract ay dinisenyo upang maging tuwiran sa punto sa isang partikular na paksa. Sa pamamagitan ng pagiging bihasa dito, tatamuhin natin ang mabubuting resulta.
6 Tandaan na kahit na tayo ay lubusang handa at nakapagbibigay ng isang masiglang patotoo, ang isa ay nagiging isang bagong alagad sa pamamagitan lamang ng tulong ng espiritu ni Jehova. (1 Cor. 3:6) Dapat na maging matiyaga tayo sa pananalangin, na humihiling kay Jehova na akayin tayo at buksan ang mga puso ng mga pinangangaralan natin. (1 Juan 3:22) Titiyakin ni Jehova na ang mga tulad-tupa, kagaya ng bating na taga Etiopia, ay magkakaroon ng pagkakataon upang tanggapin ang pabalita ng Kaharian. Sa pamamagitan ng paggawa na kaayon ng ating mga panalangin sa kapakanan ng mga tulad-tupa, tayo ay magiging higit na mabisa sa pagpapasimula ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya.