Makabuluhang mga Pagtitipon Bago Maglingkod sa Larangan
1 Sa Lucas 10:1-11, may ulat hinggil sa pakikipagtipon ni Jesus sa kaniyang 70 mga alagad upang ihanda sila sa paglilingkod sa larangan. Siya’y naglaan ng tagubilin upang organisahin sila, ihanda sa kanilang sasabihin, at makitungo sa mahihirap na mga kalagayan. Tayo ay maaaring matuto sa pamamagitan ng pagsusuri sa ulat na ito.
2 Maliwanag na ang lahat ng 70 mga alagad ay naroroon sa pagtitipon kasama ni Jesus. Malaking panahon ang nasasayang sa mga pagtitipon bago maglingkod kapag kinaugalian ng ilan na dumating nang huli. Dahilan sa kanilang pagdating nang huli kadalasan na kinakailangan organisahing muli ang grupo at atas na mga teritoryo. Ito’y nagiging dahilan upang ang buong grupo ay mabalam.
3 Nagbigay si Jesus sa grupo ng espisipikong paksang gagamitin, alalaon baga’y “ang kaharian ng Diyos.” (Luc. 10:9) Tayo’y inatasang ipangaral ang gayon ding pabalita, at kadalasang ating pinahahalagahan ang mga mungkahi kung ano ang sasabihin. Ang konduktor ay maaaring gumamit ng aklat na Nangangatuwiran, na nagtataglay ng mahigit sa 40 mga pambungad na maaaring gamitin. Ang pagrerepaso sa isa o dalawa sa mga ito ay makatutulong sa atin na magsalita taglay ang higit na pagtitiwala sa mga pintuan.
4 Hindi lamang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung ano ang sasabihin kundi kaniyang sinabi sa kanila kung papaano sasabihin iyon. (Luc. 10:5, 6) Ang mga demonstrasyon ay itinatampok sa ating Pulong Ukol sa Paglilingkod bawat linggo upang ipakita sa atin kung papaano natin maipapahayag nang mabisa ang sarili. Maaaring repasuhin ng konduktor kung ano ang iniharap sa nakaraang pulong. Ang isang maikling pagtatanghal ng simpleng presentasyon ay maaaring makatulong sa atin na buuin ito sa ating isip at ipahayag iyon sa mga salita.
5 Si Jesus ay nagtagubilin din sa kaniyang mga alagad hinggil sa kanilang personal na paggawi. (Luc. 10:7, 8) Ang konduktor ay maaari ding magbigay sa atin ng tuwirang direksiyon na makatutulong sa atin para maiwasan ang anuman na maaaring makagambala sa ating gawain. Maaaring babalaan niya tayo hinggil sa pagtitipon-tipon sa mga kanto o pag-aksaya ng oras sa pakikipagtalo sa mga salangsang. Maaaring ipagunita niya sa atin ang pangangailangang mag-ingat ng tumpak na house-to-house record. Ang mga magulang ay maaaring nangangailangan ng paalaala hinggil sa maingat na pagsubaybay sa kanilang mga anak.
6 Ang 70 mga alagad ay tumalima sa mga tagubilin ni Jesus at pagkatapos ay “nagbalik na may kagalakan.” (Luc. 10:17) Kung tayo’y tutugon sa direksiyong ating tinatanggap sa mga pagtitipon bago maglingkod, maaari din nating asahan ang karagdagang kagalakan sa pangangaral ng pabalita ng Kaharian.—Gawa 13:48, 49, 52.