Ang Pinakamahalagang Gawain
1. Anu-ano ang handa nating isakripisyo udyok ng ating masidhing pagpapahalaga sa ministeryo?
1 Bakit lagi tayong pinasisiglang iukol ang ating panahon, lakas, at mga pag-aari sa ating ministeryo? Dahil wala nang gawaing higit pang mahalaga rito! Ang pagbubulay-bulay sa napakalaking epekto nito ay magpapasidhi sa ating pagnanais na makibahagi sa gawaing ito na hindi na muling mauulit.—Gawa 20:24.
2. Paano pinababanal ng ating pangangaral ang dakilang pangalan ni Jehova?
2 Pinababanal ang Pangalan ni Jehova: Itinatampok ng gawaing pangangaral na papalitan ng Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang lahat ng pamahalaan ng tao at lulutasin nito ang lahat ng problema ng sangkatauhan. (Mat. 6:9, 10) Niluluwalhati nito si Jehova bilang ang tanging makapagliligtas sa atin mula sa sakit at kamatayan. (Isa. 25:8; 33:24) Dahil taglay natin ang kaniyang pangalan, ang mga nakakapansin sa ating mainam na paggawi at kasigasigan ay maaaring lumuwalhati sa kaniya. (1 Ped. 2:12) Isa ngang kagalakan na sabihin sa buong daigdig ang pangalan ng Soberanong Panginoong Jehova!—Awit 83:18.
3. Anu-anong pagpapala ang matatamo ng mga tumutugon nang positibo sa mensahe ng Kaharian?
3 Nagliligtas-Buhay: “Hindi nais [ni Jehova] na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Ped. 3:9) Pero kung walang magtuturo sa mga tao, paano nila matututuhan kung ano ang itinuturing ni Jehova na tama at maling paggawi? (Jon. 4:11; Roma 10:13-15) Kapag tumutugon ang mga tao sa mabuting balita at tinatalikuran ang kanilang masasamang gawain, bumubuti ang kanilang paraan ng pamumuhay. (Mik. 4:1-4) Gayundin, nagtatamo sila ng pag-asang buhay na walang hanggan. Ang ating masigasig na pangangaral at pagtuturo ay magliligtas sa atin at sa mga nakikinig sa atin. (1 Tim. 4:16) Isa ngang napakalaking karangalan ang makibahagi sa pinakamahalagang gawaing ito!
4. Bakit dapat tayong maging masigasig sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad?
4 Di-magtatagal, darating ang malaking kapighatian at biglang magwawakas ang di-matuwid na sanlibutan. Ang lahat ng nasa panig ni Jehova ang makaliligtas. Kaya naman, ang pangangaral at paggawa ng alagad ang pinakaapurahan, pinakamahalaga, at pinakakapaki-pakinabang na gawain sa ngayon. Gawin natin itong pangunahin sa ating buhay.—Mat. 6:33.