Ano ang Natututuhan ng Iba sa Pagmamasid sa Iyo?
1. Ano ang natutuhan ng mga alagad ni Jesus sa pagmamasid sa kaniya?
1 Sinabi ni Jesus: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin.” (Mat. 11:29) Maliwanag, hindi lang puro salita si Jesus. Siya mismo ay nagpakita ng magandang halimbawa. Isipin kung ano ang natutuhan ng mga alagad ni Jesus sa pagmamasid sa kaniya. Siya ay mahinahon, mabait, at mapagmahal. (Mat. 8:1-3; Mar. 6:30-34) Siya ay tunay na mapagpakumbaba. (Juan 13:2-5) Sa pagsama nila kay Jesus sa ministeryo, nakita ng mga alagad na siya ay walang pagod at epektibo sa pagtuturo ng katotohanan sa iba. (Luc. 8:1; 21:37, 38) Ano naman kaya ang natututuhan sa atin ng iba kapag pinagmamasdan nila tayo sa ministeryo?
2. Paano nakapag-iiwan ng magandang impresyon sa mga may-bahay ang ating kaayaayang hitsura at mabuting paggawi sa ministeryo?
2 Mga May-bahay: Ang ating mahinhing pananamit, mabuting paggawi, at taimtim na interes sa mga tao ay maaaring mag-iwan ng magandang impresyon sa mga may-bahay. (2 Cor. 6:3; Fil. 1:27) Napapansin nila na madalas nating ginagamit ang Bibliya. Humahanga ang iba dahil magalang tayong nakikinig kapag nagsasalita sila. Kaya huwag maliitin ang papel ng mabuting halimbawa dahil naaakit nito ang mga tao sa mensahe ng Kaharian.
3. Paano tayo magiging mabuting impluwensiya sa ating mga kapatid?
3 Mga Kapatid: Isipin ding maaari tayong maging mabuting impluwensiya sa ating mga kapatid. Nakakahawa ang ating sigasig sa ministeryo. Napatatalas ng bakal ang kapuwa bakal. Kaya ang ating paghahandang mabuti ng presentasyon ay puwedeng magpasigla sa iba na pasulungin ang kanilang kakayahan sa pangangaral. (Kaw. 27:17) Kung lagi tayong nag-iingat ng tumpak na rekord ng mga nagpakita ng interes at agad na dumadalaw-muli, nauudyukan ang iba na gawin din ang gayon. Magiging mabuting impluwensiya tayo sa ating mga kapatid kung lubusan nating gaganapin ang ating ministeryo.—2 Tim. 4:5.
4. Bakit dapat nating suriin sa pana-panahon ang ating halimbawa?
4 Bakit hindi suriin sa pana-panahon ang iyong ginagawa at sinasabi at kung paano ito nakaaapekto sa iba? Ang ating mabuting halimbawa ay makapagpapalugod kay Jehova at tutulong sa ating madama ang nadama ni apostol Pablo nang sabihin niya: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.”—1 Cor. 11:1.