Huwag Sayangin ang Iyong mga Pagsuntok
1. Paano kumakapit sa ating ministeryo ang 1 Corinto 9:26?
1 Isinulat ni apostol Pablo: “Ang paraan ng aking pagtakbo ay hindi walang katiyakan; ang paraan ng aking pagsuntok ay hindi upang sumuntok sa hangin.” (1 Cor. 9:26) Tinutukoy ni Pablo ang kaniyang pagiging nakapokus sa pagtataguyod ng mga tunguhing paglingkuran si Jehova. Sa simulain, kapit din ito sa ministeryo. Ayaw nating sayangin ang ating mga “pagsuntok,” o mga pagsisikap, para magawa natin ang pinakamabuti. Paano?
2. Paano natin matutularan si Pablo at ang iba pang mga ebanghelisador noong unang siglo sa pagpili kung kailan at saan mangangaral?
2 Magpunta Kung Saan May mga Tao: Si Pablo at ang iba pang mga ebanghelisador noong unang siglo ay nangaral kung saan inaasahan nilang may mga tao. (Gawa 5:42; 16:13; 17:17) Kaya kung sa ating teritoryo, marami ang nasa bahay sa gabi, baka ito ang pinakamabuting panahon para magbahay-bahay. Matao ba sa mga istasyon ng bus o tren sa umaga at sa hapon kapag papunta o pauwi ang mga tao mula sa trabaho? Kailan matao sa mga shopping center? Baka maging pinakamabunga ang pagpapatotoo sa lansangan sa mga panahong ito.
3. Paano natin maiiwasang masayang ang ating mga pagsuntok sa paggawa sa ating teritoryo?
3 Planuhing Mabuti ang Pangangaral sa Teritoryo: Dapat tayong mag-ingat na huwag sayangin ang ating mga pagsuntok sa pamamagitan ng pagpaplanong mabuti kapag nangangaral sa ating teritoryo. Halimbawa, sa halip na napakalaking grupo ang gagawa sa isang lugar, kung saan maraming panahon at pagsisikap ang kakailanganin para organisahin at panatilihing abala ang grupo, mas mabuting hatiin ang grupo. Sa katulad na paraan, kapag gumagawa naman sa mga lugar na magkakalayo ang mga bahay, mas mabilis nating makukubrehan ang teritoryo at mas marami tayong makakausap kung ang mga grupo ay hindi masyadong malaki. Maaari ba tayong kumuha ng personal na teritoryong malapit sa ating bahay, para mabawasan ang panahon sa pagbibiyahe?
4. Ano ang tutulong sa atin na maging matagumpay na “mga mangingisda ng mga tao”?
4 Itinulad ni Jesus ang mga ebanghelisador sa “mga mangingisda ng mga tao.” (Mar. 1:17) Ang layunin ng mangingisda ay hindi lamang basta mangisda kundi para makahuli ng isda. Kaya ang matagumpay na mga mangingisda ay pumupunta kung saan at kailan inaasahan nilang may mga isda, at agad silang nangingisda. Oo, hindi nila sinasayang ang kanilang panahon at pagsisikap. Gayunding kasipagan sana ang ipakita natin sa ating ministeryo.—Heb. 6:11.