Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr25 Enero p. 1-10
  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2025
  • Subtitulo
  • ENERO 6-12
  • ENERO 13-19
  • ENERO 20-26
  • ENERO 27–PEBRERO 2
  • PEBRERO 3-9
  • PEBRERO 10-16
  • PEBRERO 17-23
  • PEBRERO 24–MARSO 2
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2025
mwbr25 Enero p. 1-10

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

© 2024 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

ENERO 6-12

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 127-134

Mga Magulang—Patuloy na Ingatan ang Inyong Mahalagang Mana

w21.08 5 ¶9

Pahalagahan ang Pag-asa na Maging Miyembro ng Pamilya ni Jehova

9 Binigyan ni Jehova ang mga tao ng kakayahan na magkaroon ng mga anak at ng responsibilidad na turuan sila na mahalin at paglingkuran siya. Kung isa kang magulang, ipinagpapasalamat mo ba ang espesyal na regalong ito? Kung iisipin, napakaraming pagpapala ang ibinigay ni Jehova sa mga anghel pero hindi niya sila binigyan ng ganitong pribilehiyo. Kaya dapat lang na pahalagahan ng mga magulang ang pribilehiyong ito. Ipinagkatiwala sa kanila ang mahalagang pananagutan na palakihin ang mga anak nila ayon sa “disiplina at patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4; Deut. 6:5-7; Awit 127:3) Para matulungan ang mga magulang, naglaan ang organisasyon ng Diyos ng maraming publikasyon, video, musika, at mga artikulo sa website na batay sa Bibliya. Talagang mahal ng ating Ama sa langit at ng kaniyang Anak ang mga bata. (Luc. 18:15-17) Kapag nagtitiwala ang mga magulang kay Jehova at ginagawa ang buong makakaya nila para alagaan ang mga anak nila, natutuwa si Jehova. Bukod diyan, nagkakaroon din ang mga anak nila ng pag-asa na maging miyembro ng pamilya ni Jehova magpakailanman!

w19.12 26 ¶20

Sanayin ang Inyong Anak na Ibigin si Jehova

20 Kilalaning mabuti ang mga anak. Sa Awit 127, ang mga anak ay itinulad sa palaso. (Basahin ang Awit 127:4.) Kung paanong ang mga palaso ay iba-iba ang sukat at gawa sa iba’t ibang materyales, magkakaiba rin ang mga anak. Kaya kailangang malaman ng mga magulang kung paano sasanayin ang bawat anak nila. Sinabi ng isang mag-asawang taga-Israel na napalaking naglilingkod kay Jehova ang dalawa nilang anak, “Tinuruan namin sila sa Bibliya nang magkahiwalay.” Siyempre, ang ulo ng pamilya ang magdedesisyon kung kailangan o kung posibleng gawin iyon sa pamilya nila.

Espirituwal na Hiyas

it-1 543

Ang mga Halaman sa Bibliya

Tinukoy ng salmista ng Bibliya ang ilang katangian ng punong olibo nang ipangako niya sa mga may-takot kay Jehova: “Ang iyong mga anak ay magiging tulad ng mga sibol ng mga punong olibo sa buong palibot ng iyong mesa.” (Aw 128:1-3) Ang mga pasanga, o mga sibol, na pinutol mula sa isang magulang na punong olibo ay kadalasang ginagamit sa pagpapatubo ng mga bagong puno. Karagdagan pa, ang matatanda nang mga punong olibo ay maaaring magsibol ng mga supang mula sa kanilang mga ugat, anupat waring patuloy silang nabubuhay. Tulad ng gayong mga supang, pinalilibutan ng mga anak ang isang ama, anupat bawat isa ay umaabuloy sa kaligayahan ng pamilya.

ENERO 13-19

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 135-137

“Ang Panginoon Natin ay Nakahihigit sa Lahat ng Iba Pang Diyos”

it-1 1416 ¶3-4

Kapangyarihan, Makapangyarihang mga Gawa

Katangi-tangi ang pagkontrol ng Diyos sa likas na mga puwersa. Upang patunayan na siya ang tunay na Diyos, angkop lamang na ipakita ni Jehova na kontrolado niya ang nilalang na mga puwersa, anupat ginagawa niya iyon sa paraan na tuwirang nauugnay sa kaniyang pangalan. (Aw 135:5, 6) Yamang ang araw, buwan, mga planeta, at mga bituin ay tumatahak sa kanilang regular na landas, yamang ang mga kalagayan ng atmospera ng lupa (na sanhi ng hangin, ulan, at iba pang mga epekto) ay sumusunod sa mga batas na umuugit sa mga iyon, yamang nagkukulupon ang mga balang at nandarayuhan ang mga ibon, ang mga ito at ang marami pang ibang normal na kaganapan ay hindi sapat upang pabanalin ang pangalan ng Diyos sa harap ng pagsalansang at huwad na pagsamba.

Gayunpaman, maaaring gamitin ng Diyos na Jehova ang sangnilalang at likas na mga elemento upang patunayan ang kaniyang pagka-Diyos, samakatuwid nga, maaari niyang gamitin ang mga ito upang isakatuparan ang espesipikong mga layunin sa paraang nakahihigit sa karaniwang pagkilos ng mga ito, kadalasa’y sa isang partikular na panahong itinakda. Bagaman hindi pambihira sa ganang sarili ang mga pangyayaring gaya ng tagtuyot, bagyong maulan, o iba pang lagay ng panahon, ang mga iyon ay naging katangi-tangi dahil nagsilbing katuparan ang mga iyon ng mga hula ni Jehova. (Ihambing ang 1Ha 17:1; 18:1, 2, 41-45.) Gayunman, sa karamihan ng mga kaso, natatangi ang mga pangyayaring iyon sa ganang sarili, maaaring dahil sa lakas o tindi ng mga iyon (Exo 9:24) o dahil naganap ang mga iyon sa di-pangkaraniwang paraan, na maaaring hindi pa kailanman naobserbahan, o sa panahong hindi inaasahan.​—Exo 34:10; 1Sa 12:16-18.

w21.11 6 ¶16

Ano ang Ibig Sabihin sa Iyo ng Tapat na Pag-ibig ni Jehova?

16 Kapag si Jehova ang ating Kanlungan, panatag tayo. Pero baka pinanghihinaan pa rin tayo ng loob kung minsan. Kapag naramdaman natin iyon, ano ang gagawin ni Jehova para sa atin? (Basahin ang Awit 136:23.) Susuportahan niya tayo ng bisig niya, aalalayan niya tayo, at tutulungan niya tayong makayanan ang mga problema. (Awit 28:9; 94:18) Kung paano tayo nakikinabang: Dahil alam natin na lagi tayong sinusuportahan ng Diyos, makakatulong iyon para maalala natin na pinagpapala niya tayo sa dalawang paraan. Una, nasaan man tayo, sigurado tayo na poprotektahan tayo ni Jehova. Ikalawa, talagang nagmamalasakit sa atin ang ating mapagmahal na Ama sa langit.

Espirituwal na Hiyas

it-1 1125 ¶4-5

Jah

Ang iisang pantig na Jah ay kadalasang ginagamit kalakip ng mas marubdob na mga emosyon ng papuri at pag-awit, panalangin at pamamanhik, at karaniwan nang masusumpungan kapag ang tema ng paksa ay pagsasaya dahil sa tagumpay at pagliligtas, o kapag nagpapahayag ng pagkilala sa malakas na kamay at kapangyarihan ng Diyos. Maraming halimbawa ng ganitong espesyal na paggamit. Ang pariralang “Purihin ninyo si Jah!” (Hallelujah) ay lumilitaw bilang isang doxology, o kapahayagan ng papuri sa Diyos, sa Mga Awit, anupat ang una ay nasa Awit 104:35. Sa ibang mga awit, maaaring ito’y nasa pasimula lamang (Aw 111, 112), sa ilang pagkakataon ay nasa loob ng awit (135:3), kung minsa’y nasa dulo lamang (Aw 104, 105, 115-117), ngunit kadalasan ay kapuwa nasa pasimula at dulo (Aw 106, 113, 135, 146-150). Sa aklat ng Apocalipsis, ang pananalitang ito ay paulit-ulit na sinasambit ng makalangit na mga persona sa kanilang papuri kay Jehova.​—Apo 19:1-6.

Ang natitirang mga paglitaw ng “Jah” ay nagpapahiwatig din ng pagluwalhati kay Jehova sa mga awit at mga pagsusumamo. Nariyan ang awit ng pagliligtas na inawit ni Moises. (Exo 15:2) Sa mga paglitaw nito sa ulat ni Isaias, gumamit siya ng dobleng pagdiriin sa pagtatambal sa dalawang pangalan, “Jah Jehova.” (Isa 12:2; 26:4) Sa tula ni Hezekias dahil sa kagalakan matapos siyang makahimalang pagalingin noong muntik na siyang mamatay, nagpahayag siya ng masidhing damdamin sa pamamagitan ng pag-ulit sa pangalang Jah. (Isa 38:9, 11) Ipinakikita ang pagkakaiba ng mga patay, na hindi makapupuri kay Jah, at niyaong mga determinadong pumuri sa kaniya habang-buhay. (Aw 115:17, 18; 118:17-19) Ang iba pang mga awit ay nagpapakita naman ng taos-pusong pagpapahalaga sa pagliligtas, proteksiyon, at pagtutuwid.​—Aw 94:12; 118:5, 14.

ENERO 20-26

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 138-139

Huwag Magpatalo sa Nerbiyos

w19.01 10 ¶10

Purihin si Jehova sa Kongregasyon

10 Kinakabahan ka ba kahit iniisip mo pa lang na magtataas ka ng kamay para magkomento? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Ang totoo, karamihan sa atin ay kinakabahan kapag nagkokomento. Para madaig ito, kailangan mong matukoy ang dahilan ng takot mo. Natatakot ka bang malimutan ang gusto mong sabihin o baka mali ang masabi mo? Nag-aalala ka ba na baka hindi kasinghusay ng komento ng iba ang ikokomento mo? Ang totoo, magandang senyales iyan. Ipinakikita nitong mapagpakumbaba ka at itinuturing mo ang iba na nakatataas sa iyo. Gustong-gusto ni Jehova ang katangiang iyan. (Awit 138:6; Fil. 2:3) Pero gusto rin ni Jehova na purihin mo siya at patibayin ang iyong mga kapatid sa pagpupulong. (1 Tes. 5:11) Mahal ka ni Jehova, at palalakasin niya ang loob mo.

w23.04 21 ¶7

Patibayin Natin ang Isa’t Isa sa mga Pulong

7 May mga mungkahi sa mga nakaraang isyu ng Bantayan na makakatulong sa atin. Halimbawa, maghandang mabuti. (Kaw. 21:5) Kung pamilyar ka sa tinatalakay, magiging mas madali para sa iyo na magkomento. Isa pa, iklian ang mga komento mo. (Kaw. 15:23; 17:27) Mas kakabahan ka kasi kung mahaba ang ikokomento mo. Mas madali ring maiintindihan ng mga kapatid ang komento mo kung maikli lang ito—baka sapat na ang isa o dalawang pangungusap. At kapag nagkokomento ka nang maikli sa sarili mong salita, naipapakita mong naghanda kang mabuti at naiintindihan mo ang tinatalakay.

Espirituwal na Hiyas

it-1 1423 ¶2

Kapatawaran, Pagpapatawad

Karagdagan pa, ang pagpapatawad sa iba sa kanilang personal na mga pagkakasala, gaano man karami ang mga iyon, ay isang kahilingan sa mga Kristiyano. (Luc 17:3, 4; Efe 4:32; Col 3:13) Ang pagpapatawad ng Diyos ay hindi ipinagkakaloob sa mga tumatangging magpatawad sa iba. (Mat 6:14, 15) Gayunman, kahit na ang malubhang pagkakasala ay humantong sa pagkakatiwalag ng “taong balakyot” mula sa kongregasyong Kristiyano, ang taong iyon sa kalaunan ay maaaring gawaran ng kapatawaran kung patutunayan niyang siya’y talagang nagsisisi. Sa panahong iyon ay maaaring pagtibayin ng lahat sa kongregasyon ang pag-ibig nila sa kaniya. (1Co 5:13; 2Co 2:6-11) Gayunman, ang mga Kristiyano ay hindi obligadong magpatawad sa mga taong nagsasagawa ng mapaminsala, sinasadyang pagkakasala anupat hindi nagsisisi. Ang gayong mga tao ay nagiging kaaway ng Diyos.​—Heb 10:26-31; Aw 139:21, 22.

ENERO 27–PEBRERO 2

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 140-143

Kumilos Ayon ng Ipinapanalangin Mo

w22.02 12 ¶13-14

“Makinig sa mga Salita ng Marurunong”

13 Ituring ang payo bilang pagpapakita ng pag-ibig ng Diyos. Gusto ni Jehova ang pinakamabuti para sa atin. (Kaw. 4:20-22) Kapag pinapayuhan niya tayo gamit ang kaniyang Salita, isang publikasyong salig sa Bibliya, o makaranasang kapatid, ipinapakita niyang mahal niya tayo. Sinasabi sa Hebreo 12:9, 10 na “ginagawa niya iyon para sa kabutihan natin.”

14 Magpokus sa payo, hindi sa paraan ng pagpapayo. Kung minsan, baka pakiramdam natin, hindi maganda ang paraan ng pagpapayo sa atin. Dapat lang naman na sikapin ng sinumang nagpapayo na gawing madaling tanggapin ang payo nila. (Gal. 6:1) Pero kapag tayo na ang pinapayuhan, magandang magpokus sa mensahe—kahit iniisip natin na sinabi sana iyon sa mas magandang paraan. Tanungin ang sarili: ‘Kahit hindi ko nagustuhan ang paraan ng pagpapayo, may matututuhan ba ako roon? Puwede ko bang palampasin na lang ang pagkukulang ng nagpayo at magpokus sa sinabi niya?’ Kapag pinapayuhan tayo, sikaping tingnan kung paano tayo makikinabang doon.​—Kaw. 15:31.

w10 3/15 32 ¶4

Panatilihin ang “Kadalisayan ng Puso” sa Mapanganib na Panahong Ito

Ang pagsalansang, kahirapan, at malubhang sakit ay nakapagpahina sa ilang lingkod ng Diyos. May mga pagkakataong naapektuhan din ang kanilang puso. Kahit nga si Haring David, naranasan din iyan: “Ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko; sa loob ko ay namamanhid ang aking puso.” (Awit 143:4) Ano ang nakapagpalakas sa kaniya? Binulay-bulay ni David ang pakikitungo ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod at kung paanong siya mismo ay naligtas. Binulay-bulay rin niya ang mga ginawa ni Jehova alang-alang sa Kaniyang dakilang pangalan. Itinuon ni David ang kaniyang pansin sa mga gawa ng Diyos. (Awit 143:5) Sa katulad na paraan, ang pagbubulay-bulay sa ating Maylalang at sa lahat ng kaniyang ginawa at ginagawa pa para sa atin ay makakatulong lalo na kapag nasa ilalim tayo ng pagsubok.

w15 3/15 32 ¶2

Mag-asawa “Tangi Lamang sa Panginoon”—Praktikal Pa Ba?

Maaaring nadarama mo rin kung minsan ang nadama ng salmistang si David, na nagsabi: “O magmadali ka, sagutin mo ako, O Jehova. Ang aking espiritu ay sumapit na sa kawakasan. Huwag mong ikubli sa akin ang iyong mukha.” (Awit 143:5-7, 10) Sa gayong sitwasyon, bigyan mo ng pagkakataon ang iyong makalangit na Ama na ipakita ang gusto niya para sa iyo. Para magawa iyan, kailangan mong maglaan ng panahon para basahin ang kaniyang Salita at bulay-bulayin ito. Lalalim ang kaalaman mo sa kaniyang mga utos at makikita mo kung paano niya tinulungan noon ang kaniyang mga lingkod. Kung makikinig ka sa kaniya, makikita mong isang katalinuhan na laging sumunod sa kaniya.

Espirituwal na Hiyas

it-1 1380 ¶1

Kamandag

Makasagisag na Paggamit. Ang sinungaling at mapanirang-puring mga pananalita ng balakyot, na lubhang nakapipinsala sa reputasyon ng biktima, ay inihahalintulad sa nakamamatay na kamandag ng serpiyente. (Aw 58:3, 4) Tungkol sa mga maninirang-puri, sinasabing, “Ang kamandag ng may-sungay na ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi” (o, “nasa likod ng kanilang mga labi”), kung paanong ang glandula ng kamandag ng ulupong ay nasa likod ng labi at mga pangil ng panga nito sa itaas. (Aw 140:3; Ro 3:13) Ang dila ng tao, kapag ginamit nang mali sa paninirang-puri, paninira nang talikuran, pagtuturo nang may kabulaanan, o sa katulad na pananalitang nakasasakit, “ay punô ng nakamamatay na lason.”​—San 3:8.

PEBRERO 3-9

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 144-146

“Maligaya ang Bayan na ang Diyos ay si Jehova!”

w18.04 32 ¶3-4

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

2. Ang nirebisang pananalita ay tumutugma sa ibang bahagi ng awit. Ang paggamit ng “then” sa talata 12 ay nangangahulugan na ang mga pagpapalang binanggit sa talata 12 hanggang 14 ay kumakapit sa mga matuwid—ang mga humihiling na ‘mapalaya at mailigtas’ mula sa masasama (talata 11). Masasalamin din ang pagbabagong ito sa talata 15, na ngayon ay may dalawang magkaugnay na ideya. Ibig sabihin, ang dalawang pagbanggit sa ‘maligayang bayan’ ay parehong tumutukoy sa “bayan na ang Diyos ay si Jehova!” Mahalaga ring tandaan na ang orihinal na tekstong Hebreo ay walang bantas, gaya ng mga panipi. Kaya kailangang tiyakin ng mga tagapagsalin ang tamang diwa, na isinasaalang-alang ang istilong patula ng wikang Hebreo, ang konteksto, at ang mga kaugnay na talata sa Bibliya.

3. Ang nirebisang pananalita ay kasuwato ng ibang mga bahagi ng Bibliya na may pangakong pagpapala para sa tapat na mga lingkod ng Diyos. Dahil sa binagong pagkakasalin ng pananalitang asher, makikita na ngayon sa awit ang pag-asang pinanghahawakan ni David na kapag iniligtas ng Diyos ang bansang Israel mula sa mga kaaway nito, pagpapalain Niya ang kaniyang bayan ng kaligayahan at kasaganaan. (Lev. 26:9, 10; Deut. 7:13; Awit 128:1-6) Halimbawa, sinasabi sa Deuteronomio 28:4: “Pagpapalain ang bunga ng iyong tiyan at ang bunga ng iyong lupa at ang bunga ng iyong alagang hayop, ang guya ng iyong mga baka at ang supling ng iyong kawan.” Kaya naman, noong naghahari ang anak ni David na si Solomon, ang Israel ay nagkaroon ng walang-katulad na kapayapaan at kasaganaan. Higit pa riyan, ang magagandang kalagayan noong naghahari si Solomon ay lumalarawan sa magiging pamamahala ng Mesiyas.​—1 Hari 4:20, 21; Awit 72:1-20.

w22.10 28 ¶16-17

Patuloy na Patibayin ang Pag-asa Mo

16 Ang pag-asa na mabuhay nang walang hanggan ay isang napakahalagang regalo ng Diyos. Nasasabik na tayo sa isang napakagandang kinabukasan na siguradong mangyayari. Ang pag-asa natin ay gaya ng angkla na nagpapatatag sa atin para matiis ang mga pagsubok, makayanan ang mga pag-uusig, at maharap pa nga ang kamatayan. Gaya rin ito ng helmet na pumoprotekta sa isip natin para maiwasan ang masama at magawa ang tama. Dahil sa pag-asa natin mula sa Bibliya, lalo tayong napapalapít sa Diyos at nadarama natin kung gaano niya tayo kamahal. Talagang nakikinabang tayo habang pinapatibay natin ang pag-asa natin.

17 “Magsaya kayo dahil sa pag-asa ninyo,” ang sabi ni apostol Pablo sa liham niya sa mga taga-Roma. (Roma 12:12) Masaya si Pablo dahil sigurado siya na kapag nanatili siyang tapat, magkakaroon siya ng buhay na walang hanggan sa langit. Nagsasaya rin tayo sa pag-asa natin dahil siguradong tutuparin ni Jehova ang mga pangako niya. Isinulat ng salmista na “maligaya ang . . . umaasa kay Jehova na kaniyang Diyos, . . . ang Diyos na laging tapat.”​—Awit 146:5, 6.

w18.01 26 ¶19-20

Anong Uri ng Pag-ibig ang Nagbibigay ng Tunay na Kaligayahan?

19 Pagkatapos ng mga 6,000 taon ng pagdurusa ng tao, magwawakas na rin ang sanlibutan ni Satanas. Ang lupa ay punô ng mga taong may sobra-sobrang pagmamahal sa sarili, sa pera, at sa kaluguran. Sila ang mga taong sabik sa mga bagay na makukuha nila, mga taong inuuna ang kanilang sariling kagustuhan sa buhay. Ang ganitong mga tao ay hindi magiging tunay na maligaya. Sa kabaligtaran, sinabi ng salmista: “Maligaya siya na ang kaniyang pinakasaklolo ay ang Diyos ni Jacob, na ang kaniyang pag-asa ay kay Jehova na kaniyang Diyos.”​—Awit 146:5.

20 Lumalago ang pag-ibig sa Diyos sa gitna ng bayan ni Jehova. At taon-taon, parami tayo nang parami. Katibayan ito na namamahala na ang Kaharian ng Diyos at malapit na itong magdulot ng kamangha-manghang mga pagpapala! Ang tunay at namamalaging kasiyahan ay nagmumula sa paggawa ng kalooban ng Diyos, sa pagkaalam na nakalulugod tayo sa Kadaki-dakilaan. Ang mga umiibig kay Jehova ay magiging masaya magpakailanman! Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang ilang pag-uugaling resulta ng makasariling pag-ibig at kung paano naiiba ang mga ito sa mga katangiang ipinakikita ng mga lingkod ni Jehova.

Espirituwal na Hiyas

it-1 918 ¶7

Hayop, Mga

Idiniriin ng Bibliya ang matuwid at maawaing pagtrato sa nakabababang mga nilalang. Inilalarawan pa nga ni Jehova ang kaniyang sarili bilang ang Maibiging Tagapaglaan para sa kanilang buhay at kapakanan. (Kaw 12:10; Aw 145:15, 16) Iniutos ng Kautusang Mosaiko na dapat pangalagaan nang wasto ang mga alagang hayop. Kapag nakawala at natagpuan, ang mga ito ay dapat ibalik nang ligtas sa may-ari, at kapag hirap na hirap ang mga ito dahil sa kanilang pasan, dapat silang kalagan. (Exo 23:4, 5) Dapat silang gamitin sa pagtatrabaho nang may kabaitan. (Deu 22:10; 25:4) Gaya ng tao, dapat silang makinabang sa pagpapahinga tuwing Sabbath. (Exo 20:10; 23:12; Deu 5:14) Ang mapanganib na mga hayop ay dapat kontrolin o patayin. (Gen 9:5; Exo 21:28, 29) Hindi dapat palahian sa isa’t isa ang mga hayop na magkakaibang uri.​—Lev 19:19.

PEBRERO 10-16

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 147-150

Marami Tayong Dahilan Para Purihin si Jah

w17.07 18 ¶5-6

‘Purihin si Jah!’—Bakit?

5 Nagbigay si Jehova ng kaaliwan, hindi lang sa bansang Israel sa kabuoan, kundi maging sa bawat indibiduwal. Ganiyan din si Jehova sa ngayon. Isinulat ng salmista: “Pinagagaling niya ang mga may pusong wasak, at tinatalian niya ang kanilang makikirot na bahagi.” (Awit 147:3) Oo, nagmamalasakit si Jehova sa mga may problema—pisikal man o emosyonal. Sa ngayon, gustong-gusto ni Jehova na maglaan sa atin ng kaaliwan at paginhawahin ang mga sugat sa ating damdamin. (Awit 34:18; Isa. 57:15) Nagbibigay siya ng karunungan at lakas para maharap natin ang anumang problema.​—Sant. 1:5.

6 Sumunod, ibinaling ng salmista ang kaniyang pansin sa kalangitan at sinabing “tinutuos [ni Jehova] ang bilang ng mga bituin” at ang mga ito ay “tinatawag niya ayon sa kanilang mga pangalan.” (Awit 147:4) Bakit parang nagbago ang paksa ng salmista? Pag-isipan ito: Nakikita ng salmista ang mga bituin, pero wala siyang kaide-ideya kung ilan talaga ang bilang ng mga ito. Sa paglipas ng mga taon, dumami nang husto ang mga bituin na puwede nating makita. Ayon sa mga siyentipiko, sa Milky Way galaxy pa lang, bilyon-bilyon na ang mga bituin. Pero trilyon-trilyon ang galaksi sa uniberso! Kaya imposibleng mabilang natin ang lahat ng bituin! Pero ang lahat ng ito ay binibigyan ng Maylikha ng pangalan o katawagan. Para kay Jehova, ang bawat bituin ay natatangi. (1 Cor. 15:41) Kumusta naman ang mga tao dito sa lupa? Kung alam ng Diyos ang kinaroroonan ng bawat bituin ngayon, tiyak na kilalá ka rin niya bilang indibiduwal—kung nasaan ka, kung ano ang nararamdaman mo, at kung ano ang partikular na kailangan mo ngayon!

w17.07 18 ¶7

‘Purihin si Jah!’—Bakit?

7 Hindi lang interesado si Jehova sa iyo bilang indibiduwal—mayroon din siyang kapangyarihan at empatiya na tulungan ka sa mga problema mo sa buhay. (Basahin ang Awit 147:5.) Baka pakiramdam mo ay napakahirap ng sitwasyon mo o napakabigat ng dinadala mo. Alam ng Diyos ang iyong mga limitasyon, ‘na inaalaalang ikaw ay alabok.’ (Awit 103:14) Dahil hindi tayo sakdal, nauulit-ulit natin ang ating mga pagkakamali, at pinanghihinaan tayo ng loob. Kung puwede lang sanang hindi nadudulas ang ating dila, hindi tayo nakadarama ng makalamang pagnanasa, at hindi tayo naiinggit sa pag-aari ng iba! Hindi nararamdaman ni Jehova ang mga kahinaang ito, pero nauunawaan niya tayo.​—Isa. 40:28.

w17.07 21 ¶18

‘Purihin si Jah!’—Bakit?

18 Alam ng salmista na sinasang-ayunan ng Diyos ang kaniyang bayan noon. Sila lang ang bansang pinagkalooban ng Diyos ng kaniyang “salita” at ng kaniyang ‘mga tuntunin at mga hudisyal na pasiya.’ (Basahin ang Awit 147:19, 20.) Sa ngayon, pinagpala rin tayo dahil sa buong mundo, tayo lang ang tinatawag sa pangalan ng Diyos. Dahil kilalá natin si Jehova at ginagabayan tayo ng kaniyang Salita, mayroon tayong malapít na kaugnayan sa kaniya. Tulad ng manunulat ng Awit 147, hindi ba marami ka ring magagandang dahilan para sumigaw ng ‘Purihin si Jah!’ at pasiglahin ang iba na gawin din iyon?

Espirituwal na Hiyas

it-1 1040 ¶3

Ibon

Tinawagan ng salmista ang “mga ibong may pakpak” na purihin si Jehova (Aw 148:1, 10), at nagagawa nila ito sa pamamagitan ng kanila mismong kayarian at ng masalimuot na pagkakadisenyo sa kanila. Ang isang ibon ay maaaring may 1,000 hanggang mahigit na 20,000 balahibo. Gayunman, ang bawat balahibo ay binubuo ng isang tangkay na tinutubuan ng daan-daang barb na bumubuo naman ng masisinsing sanga-sanga, anupat bawat barb ay may ilang daang mas maliliit na barbule at ang bawat barbule ay may daan-daang barbicel at hooklet. Kaya naman tinatayang ang isang anim-na-pulgadang balahibo ng pakpak ng isang kalapati ay may daan-daang libong barbule at milyun-milyong barbicel. Ang mga prinsipyo ng aerodynamics na inilakip sa mga pakpak at disenyo ng katawan ng mga ibon ay mas masalimuot at mas mahusay kaysa sa disenyo ng makabagong-panahong mga sasakyang panghimpapawid. Dahil sa hungkag na mga buto ng ibon, ito ay magaan. Halimbawa, maaaring tumimbang lamang nang mga 110 g (4 onsa) ang kalansay ng isang frigate bird na ang nakabukang mga pakpak ay may kabuuang haba na 2 m (7 piye). Ang ilang buto ng pakpak ng malalaking ibong pumapaimbulog ay mayroon pa ngang mga suportang tulad-sepo, gaya ng mga strut o suhay na nasa loob ng mga pakpak ng eroplano, sa loob ng hungkag na mga bahagi nito.

PEBRERO 17-23

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | KAWIKAAN 1

Mga Kabataan—Sino ang Papakinggan Ninyo?

w17.11 29 ¶16-17

Huwag Hayaang Mapagkaitan Ka ng Gantimpala

16 Paano kung isa kang tin-edyer at pakiramdam mo ay hindi ka naiintindihan ng iyong Kristiyanong mga magulang o masyado ka nilang hinihigpitan? Dahil sa sama ng loob, baka mag-alinlangan ka kung gusto mo ngang maglingkod kay Jehova. Pero kung hihinto ka sa paglilingkod kay Jehova, makikita mo na walang ibang nagmamalasakit sa iyo gaya ng iyong mga magulang at ng mga kapatid sa kongregasyon.

17 Kung hindi ka itutuwid ng mga magulang mo, paano mo malalaman kung talagang mahal ka nila? (Heb. 12:8) Pero baka naman sumasamâ ang loob mo sa paraan nila ng pagdidisiplina sa iyo. Sa halip na mainis, sikaping unawain ang dahilan kung bakit ganoon ang kanilang ikinikilos. Manatiling kalmado at iwasang mag-overreact. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang sinumang nagpipigil ng kaniyang mga pananalita ay nagtataglay ng kaalaman, at ang taong may kaunawaan ay malamig ang espiritu.” (Kaw. 17:27) Gawing tunguhin ang pagiging mature, na mahinahong tumatanggap ng payo, paanuman ito ibinigay. (Kaw. 1:8) Tandaan na isang pagpapala ang mga magulang na tunay na nagmamahal kay Jehova. Tiyak na gusto nilang makamit mo ang gantimpalang buhay.

w05 2/15 20 ¶11-12

Ingatan ang Ating Pagkakakilanlan Bilang mga Kristiyano

11 Sikaping palugdan ang Diyos, hindi ang tao. Sa isang antas, likas lamang na mahubog tayo ng grupong kinabibilangan natin. Kailangan ng lahat ang mga kaibigan, at nasisiyahan tayo kapag tinatanggap tayo ng iba. Sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga—gayundin sa ating pagtanda—maaaring maging napakalakas ng panggigipit ng kasamahan, anupat lumilikha ng masidhing hangarin na tularan o palugdan ang iba. Subalit hindi palaging iniisip ng ating mga kaibigan at kasamahan kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Kung minsan, nais lamang nila na may makasama sila sa paggawa ng mali. (Kawikaan 1:11-19) Kapag nagpadaig ang isang Kristiyano sa masamang panggigipit ng kasamahan, kadalasang itinatago niya kung sino siya. (Awit 26:4) “Huwag ninyong tularan ang paggawi ng sanlibutan sa paligid ninyo,” ang babala ni apostol Pablo. (Roma 12:2, The Jerusalem Bible) Si Jehova ay naglalaan ng panloob na lakas na kailangan natin upang mapaglabanan ang anumang panggigipit sa labas na tumulad sa sanlibutan.​—Hebreo 13:6.

12 Kapag nanganganib ang ating pagkakakilanlan bilang mga Kristiyano dahil sa panggigipit sa labas, makabubuting alalahanin na ang ating katapatan sa Diyos ay di-hamak na mas mahalaga kaysa sa opinyon ng madla o kalakaran ng karamihan. Ang mga salita sa Exodo 23:2 ay nakapagsasanggalang na simulain: “Huwag kang susunod sa karamihan ukol sa masasamang pakay.” Nang pag-alinlanganan ng karamihan sa kapuwa niya Israelita ang kakayahan ni Jehova na tuparin ang Kaniyang mga pangako, matatag na tumanggi si Caleb na magpadala sa karamihan. Nakatitiyak siyang mapagkakatiwalaan ang mga pangako ng Diyos, at sagana siyang ginantimpalaan sa kaniyang paninindigan. (Bilang 13:30; Josue 14:6-11) Handa mo rin bang labanan ang panggigipit ng opinyon ng karamihan upang maingatan ang iyong kaugnayan sa Diyos?

Espirituwal na Hiyas

it-2 288

Mangmang

Sa halip na tumukoy sa isang tao na kulang sa mental na kakayahan, ang salitang “mangmang,” ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ay karaniwan nang tumutukoy sa isang indibiduwal na humahamak sa tamang pangangatuwiran at gumagawi nang walang katinuan sa moral anupat sumasalungat sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Ang iba’t ibang terminong Hebreo na tumutukoy sa gayong tao ay kesilʹ (“hangal”; Kaw 1:22), ʼewilʹ (“mangmang”; Kaw 12:15), na·valʹ (“hangal”; Kaw 17:7), at lets (“manunuya”; Kaw 13:1). Ang Griegong aʹphron naman ay tumutukoy sa isa na “di-makatuwiran” (Luc 12:20), ang a·noʹe·tos ay sa isa na “hangal” (Gal 3:1), at ang mo·rosʹ ay sa isa na “mangmang” (Mat 23:17; 25:2).

PEBRERO 24–MARSO 2

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | KAWIKAAN 2

Bakit Magandang Seryosohin ang Personal Study Mo?

w22.08 19 ¶16

‘Patuloy na Lumakad sa Katotohanan’

16 Hindi lahat ay mahilig magbasa at mag-aral. Pero gusto ni Jehova na ‘patuloy nating hanapin at hukayin’ ang katotohanan para mas maintindihan natin ito. (Basahin ang Kawikaan 2:4-6.) Kapag ginawa natin iyan, makikinabang tayo. Sinabi ni Corey na kapag nagbabasa siya ng Bibliya, pinag-aaralan niya ang bawat talata. Ipinaliwanag niya: “Binabasa ko ang lahat ng talababa at cross-reference, at nagsasaliksik pa. . . . Marami akong natututuhan sa ganitong paraan!” Ganiyan man ang ginagawa natin o may iba pa tayong paraan, maipapakita natin ang pagpapahalaga natin sa katotohanan kapag naglalaan tayo ng panahon at nagsisikap na pag-aralan ito.​—Awit 1:1-3.

w22.10 19 ¶3-4

Sumisigaw ang Tunay na Karunungan

3 Ang karunungan ay ang kakayahang gamitin ang nalalaman natin para makagawa ng matatalinong desisyon. Pero higit pa riyan ang nagagawa ng tunay na karunungan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman tungkol sa Kabanal-banalan ay nagbibigay ng unawa.” (Kaw. 9:10) Kaya kapag gumagawa tayo ng mahahalagang desisyon, dapat na ang basehan natin ay ang kaisipan ni Jehova—“ang kaalaman tungkol sa Kabanal-banalan.” Magagawa natin iyan kung pag-aaralan natin ang Bibliya at ang mga salig-Bibliyang publikasyon. Kapag ginawa natin iyan, nagiging tunay na marunong tayo.​—Kaw. 2:5-7.

4 Si Jehova lang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na karunungan. (Roma 16:27) Bakit siya ang Pinagmumulan ng karunungan? Una, siya ang Maylalang, at alam niya ang lahat tungkol sa kaniyang nilalang. (Awit 104:24) Ikalawa, makikita sa lahat ng ginagawa niya na marunong siya. (Roma 11:33) Ikatlo, laging nakikinabang ang mga sumusunod sa matalinong payo ni Jehova. (Kaw. 2:10-12) Para magkaroon ng tunay na karunungan, kailangan nating tanggapin ang mga katotohanang ito at gawin itong gabay sa paggawi natin at mga desisyon.

w16.09 23 ¶2-3

Mga Kabataan, Patibayin ang Inyong Pananampalataya

2 Bilang kabataang naglilingkod kay Jehova o nag-aaral tungkol sa Kaniya, nape-pressure ka bang sumunod sa paniniwala ng nakararami, gaya ng ebolusyon, sa halip na maniwala sa isang Maylikha? Kung oo, may magagawa ka para mapatibay ang iyong pananampalataya at mapanatili itong matatag. Ang isang paraan ay ang paggamit ng iyong bigay-Diyos na kakayahang mag-isip, na “magbabantay sa iyo.” Magsisilbi itong proteksiyon sa iyo sa sekular na mga pilosopiyang makasisira sa iyong pananampalataya.​—Basahin ang Kawikaan 2:10-12.

3 Ang tunay na pananampalataya ay nakasalig sa tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos. (1 Tim. 2:4) Kaya habang pinag-aaralan mo ang Salita ng Diyos at ang ating mga publikasyong Kristiyano, huwag lang magbasa nang pahapyaw. Gamitin ang iyong kakayahang mag-isip para ‘makuha ang diwa’ ng binabasa mo. (Mat. 13:23) Tingnan natin kung paano nito mapatitibay ang iyong pananampalataya sa Diyos bilang Maylikha at sa Bibliya—mga paksang sagana sa nakakukumbinsing ebidensiya.​—Heb. 11:1.

Espirituwal na Hiyas

it-2 36 ¶2

Katapatan

Posible ang gayong landasin ng pag-iingat ng katapatan, hindi sa pamamagitan ng pagiging matatag ng personal na moral ng isang indibiduwal, kundi tanging sa pamamagitan ng malalim na pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova at sa kapangyarihan Niyang magligtas. (Aw 25:21) Ipinangako ng Diyos na siya ay magiging isang “kalasag” at “moog,” anupat babantayan niya ang daan niyaong mga lumalakad sa katapatan. (Kaw 2:6-8; 10:29; Aw 41:12) Ang palagian nilang pagkabahala ukol sa pagtatamo ng pagsang-ayon ni Jehova ay nagdudulot ng katatagan sa kanilang buhay, anupat nakatutulong sa kanila na tumahak sa isang tuwid na landasin tungo sa kanilang tunguhin. (Aw 26:1-3; Kaw 11:5; 28:18) Bagaman ang mga walang kapintasan, gaya ng sinabi ni Job samantalang nagugulumihanan siya, ay maaaring magdusa dahil sa pamamahala ng balakyot at maaaring mamatay kasama ng balakyot, tinitiyak ni Jehova na batid niya ang buhay ng taong walang pagkukulang at ginagarantiyahan niyang mananatili ang mana ng gayong tao, magiging mapayapa ang kaniyang kinabukasan, at magmamay-ari siya ng kabutihan. (Job 9:20-22; Aw 37:18, 19, 37; 84:11; Kaw 28:10) Gaya sa kaso ni Job, sa pagiging isang taong nagpapakita ng katapatan, at hindi sa pamamagitan ng kayamanan ng isa, nagkakaroon ng tunay na halaga ang isang tao, anupat nagiging marapat sa paggalang ng iba. (Kaw 19:1; 28:6) Maituturing na maligaya ang mga anak na nagkapribilehiyong magkaroon ng gayong magulang (Kaw 20:7), anupat sila ay tumatanggap ng marilag na pamana sa halimbawa sa buhay ng kanilang ama, at nagtatamasa ng isang bahagi ng kaniyang mabuting pangalan at ng paggalang na natamo niya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share