Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr25 Marso p. 1-12
  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2025
  • Subtitulo
  • MARSO 3-9
  • MARSO 10-16
  • MARSO 17-23
  • MARSO 24-30
  • MARSO 31–ABRIL 6
  • ABRIL 7-13
  • ABRIL 14-20
  • ABRIL 21-27
  • ABRIL 28–MAYO 4
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2025
mwbr25 Marso p. 1-12

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

© 2024 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

MARSO 3-9

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 3

Ipakitang Nagtitiwala Ka kay Jehova

ijwbv artikulo 14 ¶4-5

Kawikaan 3:5, 6—“Huwag Kang Umasa sa Sarili Mong Unawa”

“Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso.” Ipinapakita natin na nagtitiwala tayo sa Diyos kapag ginagawa natin ang mga bagay-bagay ayon sa paraan niya. Dapat tayong lubos na magtiwala sa Diyos nang buong puso. Sa Bibliya, ang puso ay kadalasan nang tumutukoy sa pagkatao ng isang indibidwal—kasama na ang kaniyang emosyon, motibo, pag-iisip, at saloobin. Kaya ang pagtitiwala sa Diyos ay hindi lang base sa nararamdaman natin. Pinipili nating magtiwala sa Diyos dahil kumbinsido tayong alam ng Maylalang natin kung ano ang pinakamabuti para sa atin.—Roma 12:1.

“Huwag kang umasa sa sarili mong unawa.” Kailangan nating magtiwala sa Diyos kasi hindi tayo perpekto at madalas na mali ang pangangatuwiran natin. Kung dedepende lang tayo sa sarili natin o sa nararamdaman natin kapag gumagawa ng desisyon, baka okey naman ang resulta sa umpisa, pero masama pala ang kalalabasan nito. (Kawikaan 14:12; Jeremias 17:9) Di-hamak na mas marunong ang Diyos kaysa sa atin. (Isaias 55:8, 9) Kung magpapagabay tayo sa kaniya, magiging masaya ang buhay natin.—Awit 1:1-3; Kawikaan 2:6-9; 16:20.

ijwbv artikulo 14 ¶6-7

Kawikaan 3:5, 6—“Huwag Kang Umasa sa Sarili Mong Unawa”

“Isaisip mo siya sa lahat ng tatahakin mong landas.” Dapat nating alamin ang pananaw ng Diyos sa bawat bahagi ng buhay natin at sa tuwing gagawa tayo ng importanteng desisyon. Magagawa natin iyan kung mananalangin tayo para sa patnubay niya at susundin natin ang kaniyang Salita, ang Bibliya.—Awit 25:4; 2 Timoteo 3:16, 17.

“Itutuwid niya ang mga daan mo.” Itinutuwid ng Diyos ang daan natin sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin kung paano mamuhay ayon sa pamantayan niya. (Kawikaan 11:5) Kaya naiiwasan natin ang ilang problema at nagiging mas masaya tayo.—Awit 19:7, 8; Isaias 48:17, 18.

be 76 ¶5

Maging Progresibo—Gumawa ng Pagsulong

Dahil sa pagkalantad sa iba’t ibang kalagayan sa buhay, ang isang tao ay maaaring mahikayat na mangatuwiran: ‘Napaharap na ako noon sa kalagayang ito. Alam ko na kung ano ang dapat gawin.’ Ito ba ang landas ng karunungan? Ang Kawikaan 3:7 ay nagbababala: “Huwag kang magpakarunong sa iyong sariling paningin.” Dapat lamang na mapalawak ng karanasan ang ating pangmalas sa mga salik na kailangang maisaalang-alang kapag humaharap sa mga kalagayan sa buhay. Subalit kung tayo ay gumagawa ng pagsulong sa espirituwal, dapat ding ikintal ng karanasan sa ating isip at puso na kailangan natin ang pagpapala ni Jehova upang magtagumpay. Kung gayon, ang ating pagsulong ay mahahayag, hindi dahil sa pagharap natin sa mga suliranin taglay ang pagtitiwala sa sarili, kundi sa pagbaling natin kaagad kay Jehova para sa patnubay sa ating buhay. Ito’y makikita sa ating pagtitiwala na walang anumang mangyayari kung wala siyang kapahintulutan at sa laging pagkakaroon natin ng isang may-pagtitiwala at maibiging kaugnayan sa ating makalangit na Ama.

Espirituwal na Hiyas

w06 9/15 17 ¶7

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Kawikaan

3:3. Dapat nating lubhang pahalagahan ang maibiging-kabaitan at katapatan at hayagang ipakita ang mga ito kagaya ng gagawin natin sa isang mamahaling kuwintas. Kailangan din nating isulat ang mga katangiang ito sa ating puso, anupat ginagawa itong mahalagang bahagi ng ating pagkatao.

MARSO 10-16

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 4

“Ingatan Mo ang Iyong Puso”

w19.01 15 ¶4

Paano Mo Maiingatan ang Iyong Puso?

4 Sa Kawikaan 4:23, ang “puso” ay tumutukoy sa “lihim na pagkatao.” (Basahin ang Awit 51:6.) Sa ibang salita, ang “puso” ay tumutukoy sa ating mga iniisip, nararamdaman, motibo, at kagustuhan. Tumutukoy ito sa kung sino talaga tayo at hindi lang sa kung ano ang ipinakikita natin sa iba.

w19.01 17 ¶10-11

Paano Mo Maiingatan ang Iyong Puso?

10 Para maingatan ang ating puso, dapat na matukoy natin ang mga panganib at kumilos tayo agad para maprotektahan ang ating sarili. Sa Kawikaan 4:23, ang salitang isinalin na “ingatan” ay nauugnay sa trabaho ng isang bantay. Noong panahon ni Haring Solomon, ang mga bantay ay nakatayo sa mga pader ng lunsod at nagbababala kung may papalapit na panganib. Makakatulong ito sa atin na makita ang puwede nating gawin para hindi tayo maimpluwensiyahan ng kaisipan ni Satanas.

11 Noon, nagtutulungan ang bantay sa pader at ang bantay sa pintuang-daan ng lunsod. (2 Sam. 18:24-26) Magkasama nilang pinoprotektahan ang lunsod at tinitiyak na sarado ang pintuang-daan kung may parating na kaaway. (Neh. 7:1-3) Puwedeng magsilbing bantay ang ating budhing sinanay sa Bibliya. Nagbababala ito kapag gustong pasukin ni Satanas ang puso natin—ibig sabihin, kapag tinatangka niyang impluwensiyahan ang ating kaisipan, damdamin, motibo, o kagustuhan. Kapag nagbababala ang ating budhi, kailangan nating makinig at isara ang pintuang-daan, wika nga.

w19.01 18 ¶14

Paano Mo Maiingatan ang Iyong Puso?

14 Para maingatan ang ating puso, hindi sapat na isara ito sa masasamang impluwensiya. Dapat din natin itong buksan sa mabubuting impluwensiya. Pag-isipang muli ang ilustrasyon tungkol sa isang napapaderang lunsod. Isinasara ng bantay ang mga pintuang-daan para hindi ito mapasok ng kaaway, pero binubuksan niya ito para makapasok sa lunsod ang pagkain at iba pang suplay. Kung laging nakasara ang pintuang-daan, magugutom ang mga nakatira sa lunsod. Sa katulad na paraan, dapat din nating buksan ang ating puso para makapasok dito ang kaisipan ng Diyos.

w12 11/1 32 ¶2

“Ingatan Mo Ang Iyong Puso!”

Bakit kailangang ingatan ang makasagisag na puso? Ipinasulat ng Diyos kay Haring Solomon: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Ang kalidad ng ating buhay sa ngayon at sa hinaharap ay nakadepende sa kalagayan ng ating makasagisag na puso. Bakit? Dahil nakikita ng Diyos ang laman ng ating puso. (1 Samuel 16:7) Nakadepende sa uri ng ating pagkatao, ang “lihim na pagkatao ng puso,” ang magiging tingin ng Diyos sa atin.—1 Pedro 3:4.

Espirituwal na Hiyas

w21.08 8 ¶4

Maghihintay Ka Ba kay Jehova?

4 Sinasabi sa Kawikaan 4:18 na “ang landas ng mga matuwid ay gaya ng maningning na liwanag sa umaga, na patuloy na lumiliwanag hanggang sa katanghaliang-tapat.” Malinaw na ipinapakita ng tekstong ito na unti-unti ang paraan ng pagsisiwalat ni Jehova ng layunin niya. Pero puwede rin itong tumukoy sa espirituwal na pagsulong ng isang Kristiyano. Hindi minamadali ang espirituwal na pagsulong. Kailangan ang panahon. Kung pag-aaralan nating mabuti ang Bibliya at susundin ang mga payo nito at ng organisasyon ng Diyos, unti-unti nating maipapakita ang mga katangian ni Kristo. Lalo rin nating makikilala ang Diyos. Tingnan natin kung paano iyan inilarawan ni Jesus.

MARSO 17-23

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 5

Lumayo sa Seksuwal na Imoralidad

w00 7/15 29 ¶1

Makapananatili Kang Malinis sa Isang Imoral na Daigdig

Sa kawikaang ito, ang suwail na tao ay inilarawan bilang “di-kilalang babae”—isang patutot. Ang mga pananalitang ipinanrarahuyo niya sa kaniyang biktima ay kasintamis ng pulot ng bahay-pukyutan at mas madulas kaysa sa langis ng olibo. Hindi ba sa ganitong paraan nagsisimula ang karamihan sa mga mungkahi sa sekso? Halimbawa, isaalang-alang ang karanasan ng isang kaakit-akit na 27-anyos na sekretarya na nagngangalang Amy. Isinalaysay niya: “Ang lalaking ito sa trabaho ay nag-uukol sa akin ng labis na pansin at pinupuri ako sa bawat pagkakataon. Nakasisiya ang mapansin. Ngunit nakikita kong maliwanag na sekso lamang ang kaniyang interes sa akin. Hindi ako palilinlang sa kaniyang mga mungkahi.” Ang labis na mga papuri ng isang lalaki o babae na nanrarahuyo ay kadalasang kahali-halina malibang matanto natin ang tunay na dahilan sa mga ito. Dahil dito ay kailangan nating gamitin ang ating kakayahang mag-isip.

w00 7/15 29 ¶2

Makapananatili Kang Malinis sa Isang Imoral na Daigdig

Ang mga epekto ng imoralidad ay kasimpait ng ahenho at kasintalas ng tabak na may dalawang talim—masakit at nakamamatay. Ang isang bagbag na budhi, di-ninanais na pagdadalang-tao, o sakit na naililipat sa pagtatalik ay kadalasang mapapait na bunga ng gayong paggawi. At isip-isipin ang matinding sakit ng damdamin na nararanasan ng asawa ng isang di-tapat na indibiduwal. Ang isang gawa ng kataksilan ay maaaring lumikha ng mga sugat na lubhang malalim anupat maaaring manatili habang buhay. Oo, nakasasakit ang imoralidad.

w00 7/15 29 ¶5

Makapananatili Kang Malinis sa Isang Imoral na Daigdig

Kailangan nating lumayo hangga’t maaari mula sa impluwensiya ng imoral na mga tao. Bakit natin ilalantad ang ating mga sarili sa kanilang mga landas sa pamamagitan ng pakikinig sa nakasasamang musika, panonood ng nakasasamang libangan, o paghahantad ng ating mga sarili sa pornograpikong materyal? (Kawikaan 6:27; 1 Corinto 15:33; Efeso 5:3-5) At ano ngang kamangmangan na tawagin ang kanilang pansin sa pamamagitan ng pakikipagligaw-biro o sa pamamagitan ng pagiging di-mahinhin sa pananamit at pag-aayos!—1 Timoteo 4:8; 1 Pedro 3:3, 4.

Espirituwal na Hiyas

w00 7/15 29 ¶7

Makapananatili Kang Malinis sa Isang Imoral na Daigdig

Idiniriin kung gayon ni Solomon ang malaking kabayaran ng pagpapadala sa imoralidad. Ang pangangalunya at pagkawala ng dignidad, o respeto sa sarili, ay magkaakibat. Hindi ba’t talagang kahiya-hiya na magsilbing parausan lamang ng ating sariling imoral na pita o niyaong sa iba? Hindi ba’t pagpapakita ng kawalan ng respeto sa sarili na makipagtalik sa isa na hindi natin asawa?

MARSO 24-30

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 6

Ano ang Matututuhan Natin sa Langgam?

it-2 173

Langgam

“Likas na Karunungan.” Ang “karunungan” ng mga langgam ay hindi bunga ng matalinong pangangatuwiran kundi resulta ng mga likas na paggawi na ipinagkaloob sa kanila ng kanilang Maylalang. Binabanggit ng Bibliya na ang langgam ay ‘naghahanda ng kaniyang pagkain sa tag-araw at nagtitipon ng kaniyang laang pagkain sa pag-aani.’ (Kaw 6:8) Ang isa sa pinakakaraniwang uri ng langgam sa Palestina, ang harvester ant o agricultural ant (Messor semirufus), ay nag-iimbak ng maraming butil kapag tagsibol at tag-araw at pagkatapos ay ginagamit iyon sa mga kapanahunang mahirap humanap ng pagkain, gaya sa panahon ng taglamig. Ang langgam na ito ay karaniwang matatagpuan malapit sa mga giikan, kung saan maraming mga buto ng halaman at mga butil. Kapag ang nakaimbak na mga buto ay naging mamasa-masa dahil sa ulan, binubuhat ng mga harvester ant ang mga butil sa labas upang ibilad sa araw. Kinakagat pa nga nito ang sumusupling na bahagi ng buto upang hindi iyon tumubo habang nakaimbak. Mahahalata ang kinaroroonan ng mga kolonya ng mga harvester ant dahil sa mga landas na madalas nilang dinaraanan at dahil sa mga balat ng buto na naiiwan sa labas ng pasukan.

Mga Ulirang Katangian. Dahil sa mga nabanggit, ang isang maikling pagsusuri sa langgam ay nagbibigay ng puwersa sa payong ito: “Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; tingnan mo ang mga lakad nito at magpakarunong ka.” (Kaw 6:6) Hindi lamang ang kanilang likas na paghahanda para sa hinaharap ang kapansin-pansin kundi pati ang kanilang tiyaga at determinasyon, anupat madalas ay binubuhat nila o pilit na kinakaladkad ang mga bagay na makalawang ulit ng kanilang timbang o mahigit pa, ginagawa ang kanilang buong makakaya upang gampanan ang kanilang atas, at hindi sumusuko sila man ay mahulog, dumausdos, o gumulong pababa sa isang malalim na dako. Yamang mahusay silang magtulungan, pinananatili nilang napakalinis ang kanilang pugad at pinagmamalasakitan nila ang kanilang mga kapuwa manggagawa, anupat kung minsan ay tinutulungan pang makabalik sa pugad ang mga langgam na nasugatan o nanlupaypay sa pagod.

w00 9/15 26 ¶4-5

Ingatan ang Iyong Pangalan

Tulad ng langgam, hindi ba dapat din tayong maging masipag? Ang pagpapagal at pagsisikap na pagbutihin ang ating gawain ay mabuti para sa atin, tayo man ay sinusubaybayan o hindi. Oo, sa paaralan, sa ating dako ng trabaho, at samantalang nakikibahagi sa espirituwal na mga gawain, dapat nating gawin ang ating pinakamabuti. Kung paanong ang langgam ay nakikinabang sa kasipagan nito, nais din ng Diyos na ating ‘matamasa ang kabutihan dahil sa lahat ng ating pagpapagal.’ (Eclesiastes 3:13, 22; 5:18) Ang isang malinis na budhi at personal na kasiyahan ay mga gantimpala ng pagpapagal.—Eclesiastes 5:12.

Sa paggamit ng dalawang retorikong katanungan, sinisikap ni Solomon na gisingin ang isang tamad mula sa kaniyang katamaran: “Ikaw na tamad, hanggang kailan ka mananatiling nakahiga? Kailan ka babangon mula sa iyong pagkakatulog?” Ginagaya ang tamad sa pananalita, ganito pa ang sabi ng hari: “Kaunti pang tulog, kaunti pang idlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay sa pagkakahiga, at ang iyong karalitaan ay tiyak na darating na tulad ng isang mandarambong, at ang iyong kakapusan na tulad ng lalaking nasasandatahan.” (Kawikaan 6:9-11) Habang nakahiga ang isa na tamad, ang karalitaan ay dumarating sa kaniya na kasimbilis ng isang tulisan, at ang kakapusan ay sumasalakay sa kaniya na parang isang lalaking nasasandatahan. Ang bukirin ng isang tamad ay agad na napupuno ng mga panirang-damo at kulitis. (Kawikaan 24:30, 31) Ang kaniyang negosyo ay nalulugi sa sandaling panahon. Gaano katagal pahihintulutan ng isang amo ang isang tamad? At maaasahan ba ng isang estudyanteng napakatamad mag-aral na bubuti ang kaniyang grado sa paaralan?

Espirituwal na Hiyas

w00 9/15 27 ¶4

Ingatan ang Iyong Pangalan

Ang pitong kategorya na binabanggit ng kawikaan ay saligan at saklaw ang halos lahat ng uri ng kamalian. Ang “matayog na mga mata” at “pusong kumakatha ng mga nakasasakit na pakana” ay mga kasalanang ginagawa sa isipan. Ang “bulaang dila” at “bulaang saksi na nagbubunsod ng mga kasinungalingan” ay makasalanang mga salita. Ang “mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala” at “mga paang nagmamadali sa pagtakbo sa kasamaan” ay balakyot na mga gawa. At lalo nang kinapopootan ni Jehova ang uri ng indibiduwal na natutuwang maghasik ng alitan sa gitna ng mga taong dapat sana’y mapayapang naninirahan nang magkakasama. Ang pagdami ng bilang mula sa anim tungo sa pito ay nagpapahiwatig na ang talaan ay hindi nilayong maging kumpleto, yamang patuloy na dinaragdagan ng mga tao ang kanilang masasamang gawa.

MARSO 31–ABRIL 6

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 7

Iwasan ang mga Sitwasyong Puwede Kang Matukso

w00 11/15 29 ¶5

“Ingatan Mo ang Aking mga Utos at Patuloy Kang Mabuhay”

Ang bintana na dinungawan ni Solomon ay may sala-sala—tila isang balangkas na may mga liston na kahoy at marahil ay may masalimuot na mga ukit. Habang naglalaho ang takip-silim, binabalot na ng kadiliman ng gabi ang mga lansangan. Napansin niya ang isang kabataang lalaki na madaling tuksuhin. Palibhasa’y kulang sa kaunawaan, o katinuan, kapos ang kaniyang puso. Malamang, alam niya kung anong uri ng komunidad ang kaniyang pinasok at kung ano ang mangyayari sa kaniya roon. Ang kabataang lalaki ay lumapit sa “kaniyang panulukan,” na madaraanan patungo sa bahay ng babae. Sino ang babaing ito? Ano ang kaniyang ginagawa?

w00 11/15 30 ¶4-6

“Ingatan Mo ang Aking mga Utos at Patuloy Kang Mabuhay”

Ang mga labi ng babaing ito ay madulas. Nababanaag ang kumpiyansa-sa-sarili sa kaniyang mukha, may pagtitiwalang sinambit niya ang kaniyang mga salita. Ang lahat ng kaniyang sinasabi ay maingat na pinag-aralan upang maakit ang kabataang lalaki. Sa pagsasabi na siya’y naghandog ng haing pansalu-salo nang mismong araw na iyon at tumupad sa kaniyang panata, ipinakikita niya ang pagiging matuwid niya, na nagpapahiwatig na siya’y hindi nagkukulang sa espirituwalidad. Ang mga haing pansalu-salo sa templo sa Jerusalem ay binubuo ng karne, harina, langis, at alak. (Levitico 19:5, 6; 22:21; Bilang 15:8-10) Yamang ang naghahandog ay nakikibahagi sa haing pansalu-salo para sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya, sa gayo’y sinabi niya na napakaraming makakain at maiinom sa kaniyang bahay. Maliwanag ang ipinahihiwatig: Magkakaroon ng kasiya-siyang sandali ang kabataang lalaki roon. Talagang lumabas siya ng kaniyang bahay upang hanapin ang lalaki. Nakababagbag nga ng damdamin—kung paniniwalaan ng sinuman ang gayong kasinungalingan. “Totoo na lumabas siya upang maghanap ng isang tao,” ang sabi ng isang iskolar sa Bibliya, “subalit talaga bang ang hinahanap niya ay ang partikular na lalaking ito? Ang walang bait lamang ang maniniwala sa kaniya—marahil tulad ng lalaking ito.”   

Pagkatapos na gawing kabigha-bighani ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang kasuutan, ng kaniyang mapambolang pananalita, ng kaniyang mga yakap, at ng dampi ng kaniyang mga labi, ginamit ng nang-aakit na babae ang mababangong bagay. Ang sabi niya: “Nilatagan ko ng mga kubrekama ang aking kama, ng mga bagay na may sari-saring kulay, ng lino ng Ehipto. Nilagyan ko ang aking higaan ng mira, aloe at kanela.” (Kawikaan 7:16, 17) Inayos niya nang napakaganda ang kaniyang kama na may makukulay na lino mula sa Ehipto at pinabanguhan ito ng mga piling pabango gaya ng mira, aloe, at kanela.

“Halika, inumin natin ang kalubusan ng ating pag-ibig hanggang sa umaga,” ang pagpapatuloy niya, “masiyahan tayo sa isa’t isa sa mga kapahayagan ng pag-ibig.” Ang paanyaya ay higit pa sa kasiya-siyang pagkain para sa dalawang tao. Ang ipinapangako niya ay ang kasiyahan sa pagtatalik. Para sa kabataang lalaki, ang pang-akit ay mapanganib at nakatutuwa! Bilang karagdagang pang-akit, sinabi pa niya: “Sapagkat ang asawang lalaki ay wala sa kaniyang bahay; naglakbay siya sa malayo. Isang supot ng salapi ang dala niya sa kaniyang kamay. Sa araw ng kabilugan ng buwan ay uuwi siya sa kaniyang bahay.” (Kawikaan 7:18-20) Ligtas na ligtas sila, ang pagtiyak niya sa lalaki, sapagkat wala ang kaniyang asawa dahil sa inaasikasong negosyo at matatagalan pa bago ito makabalik. Anong husay niya sa panlilinlang sa kabataan! “Iniligaw siya ng babae sa pamamagitan ng maraming panghihikayat nito. Sa pamamagitan ng dulas ng mga labi nito ay inaakit siya nito.” (Kawikaan 7:21) Kailangan ng isang lalaki ang kakayahan ni Jose upang tanggihan ang nakahahalinang pang-aakit na ito. (Genesis 39:9, 12) Nakaabot ba sa pamantayan ang kabataang lalaking ito?

w00 11/15 31 ¶2

“Ingatan Mo ang Aking mga Utos at Patuloy Kang Mabuhay”

Ang paanyaya ay totoong mahirap tanggihan para sa kabataang lalaki. Dahil sa kaniyang isinaisantabi ang katinuan, sumunod siya sa babae na “tulad ng toro na pumaparoon sa patayan.” Kung paanong hindi makatakas sa kaniyang parusa ang isang taong nasa pangaw, gayundin ang kabataang lalaki na nahulog sa kasalanan. Hindi niya nakikita ang panganib ng lahat ng ito hanggang sa “biyakin ng palaso ang kaniyang atay,” iyon ay, hanggang sa magkasugat siya na ikamamatay niya. Maaaring sa pisikal na paraan ang pagkamatay sapagkat kaniyang inilantad ang kaniyang sarili mismo sa nakamamatay na mga sakit na naililipat sa pagtatalik. Ang sugat ay maaari ring maging sanhi ng kaniyang pagkamatay sa espirituwal; “nasasangkot dito ang kaniya mismong kaluluwa.” Ang buong pagkatao niya at ang kaniyang buhay ay totoong apektado, at napakalaki ng pagkakasala niya sa Diyos. Sa gayo’y nagmadali siya sa paghawak sa kamatayan gaya ng isang ibon sa bitag!

Espirituwal na Hiyas

w00 11/15 29 ¶1

“Ingatan Mo ang Aking mga Utos at Patuloy Kang Mabuhay”

“Itali mo ang mga iyon [ang aking mga utos] sa iyong mga daliri,” ang pagpapatuloy ni Solomon, “at isulat mo sa tapyas ng iyong puso.” (Kawikaan 7:3) Kung paanong kitang-kita ng ating mga mata ang mga daliri at mahalaga ang mga ito sa pagsasagawa ng mga nais nating gawin, ang mga aral na natutuhan mula sa maka-Kasulatang pagsasanay o ang pagtatamo ng kaalaman sa Bibliya ay patuloy na paalaala at patnubay sa lahat ng ating gagawin. Dapat nating isulat ang mga ito sa mga tapyas ng ating puso, anupat ang mga ito’y ginagawang bahagi ng ating buong katauhan.

ABRIL 7-13

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 8

Makinig sa Karunungan ni Jesus

cf 130 ¶7

“Iniibig Ko ang Ama”

7 Sa talata 22, sinasabi ng karunungan: “Si Jehova ang gumawa sa akin bilang pasimula ng paglikha niya, ang pinakauna sa lahat ng nagawa niya noong sinaunang panahon.” Siguradong hindi lang karunungan ang tinutukoy dito, dahil hindi naman ‘ginawa’ ang katangiang ito. Walang pasimula ang karunungan, kasi walang pasimula si Jehova at siya ang karunungan. (Awit 90:2) Pero ang Anak ng Diyos “ang panganay sa lahat ng nilalang.” Siya ay ginawa, o nilalang, at siya ang una sa lahat ng ginawa ni Jehova. (Colosas 1:15) Umiiral na ang Anak bago pa umiral ang lupa at langit, gaya ng binanggit sa Kawikaan. At dahil siya ang Salita, ang mismong Tagapagsalita ng Diyos, siya ang perpektong kapahayagan ng karunungan ni Jehova.—Juan 1:1.

cf 131 ¶8-9

“Iniibig Ko ang Ama”

8 Ano ang ginagawa ng Anak sa loob ng mahabang panahon bago siya maging tao? Sinasabi sa talata 30 na kasama siya ng Diyos bilang “isang dalubhasang manggagawa.” Ano ang ibig sabihin nito? Sinasabi sa Colosas 1:16: “Sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa . . . Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya.” Si Jehova ang Maylalang, pero ginamit niya ang kaniyang Anak, ang Dalubhasang Manggagawa, para lalangin ang lahat ng iba pang nilalang. Kasama na diyan ang mga anghel, mga bituin sa langit, ang lupa at ang iba’t ibang halaman at hayop na nandito, pati na ang mga tao. Maikukumpara natin ang pagtutulungan ng Ama at ng Anak sa isang arkitekto na gumagawang kasama ng tagapagtayo. Itinatayo nito ang disenyo ng arkitekto. Kapag humahanga tayo sa anumang nilalang, napapapurihan natin ang Dakilang Arkitekto. (Awit 19:1) Pero isipin din natin ang Anak, ang “dalubhasang manggagawa,” na masayang gumawa kasama ng Maylalang sa napakahabang panahon.

9 May mga pagkakataong hindi nagkakasundo sa trabaho ang dalawang di-perpektong tao. Pero hindi nangyari iyan kay Jehova at sa kaniyang Anak! Napakahabang panahon nang gumagawang kasama ng Ama ang Anak. Sinabi ng Anak: “Masayang-masaya ako sa piling niya sa lahat ng panahon.” (Kawikaan 8:30) Masayang-masaya ang Anak na makasama ang kaniyang Ama, at ganiyan din ang nararamdaman ng Ama. Habang tumatagal, mas natutularan ng Anak ang kaniyang Ama, pati na ang mga katangian Niya. Kitang-kita natin na mas tumibay pa ang ugnayan nila! Tama lang na tawagin itong pinakamatagal at pinakamatibay na ugnayan ng pag-ibig sa buong uniberso.

w09 4/15 31 ¶14

Pagkilala kay Jesus Bilang Lalong Dakilang David at Solomon

14 Si Jesu-Kristo lamang ang taong nabuhay na nakahigit sa karunungan ni Solomon. Inilarawan niya ang kaniyang sarili bilang ‘isa na nakahihigit kay Solomon.’ (Mat. 12:42) Bumigkas si Jesus ng “mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:68) Halimbawa, pinalawak ng Sermon sa Bundok ang ilan sa mga kawikaan ni Solomon. Binanggit ni Solomon ang ilang bagay na magdudulot ng kaligayahan sa isang mananamba ni Jehova. (Kaw. 3:13; 8:32, 33; 14:21; 16:20) Idiniin naman ni Jesus na ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa mga bagay na may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova at sa katuparan ng mga pangako ng Diyos. Sinabi niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” (Mat. 5:3) Ang mga nagkakapit ng mga simulaing itinuro ni Jesus ay nagiging mas malapít kay Jehova, ang “bukal ng buhay.” (Awit 36:9; Kaw. 22:11; Mat. 5:8) Si Kristo ang lumalarawan sa “karunungan ng Diyos.” (1 Cor. 1:24, 30) Bilang Mesiyanikong Hari, taglay ni Jesu-Kristo ang “espiritu ng karunungan.”—Isa. 11:2.   

Espirituwal na Hiyas

g 5/14 16

“Tumatawag ang Karunungan”—Naririnig Mo Ba?

▪ “Sa buong kasaysayan, ang Bibliya ang pinakamalawak na naipamahaging aklat,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. “Naisalin na rin ito nang mas maraming ulit, at sa mas maraming wika, kaysa sa alinmang ibang aklat.” Ang buong Bibliya, o ilang bahagi nito, ay makukuha ngayon sa halos 2,600 wika, kaya naman mababasa ito ng mahigit 90 porsiyento ng tao sa mundo.

▪ Ang karunungan ay “patuloy [ring] sumisigaw nang malakas” sa mas literal na diwa. Mababasa natin sa Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas” ng kasalukuyang daigdig na ito.

ABRIL 14-20

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 9

Maging Marunong, Hindi Manunuya

w22.02 9 ¶4

“Makinig sa mga Salita ng Marurunong”

4 Ang totoo, mas nahihirapan tayong tanggapin kapag direkta ang payo. Baka naiinis pa nga tayo. Bakit? Tanggap naman natin na hindi tayo perpekto, pero baka hindi natin kayang marinig kapag sinasabi na ng iba ang pagkakamali natin. (Basahin ang Eclesiastes 7:9.) Baka mangatuwiran pa nga tayo at kuwestiyunin ang motibo ng nagpayo o sumama ang loob natin sa paraan ng pagpapayo niya. Baka hanapan pa natin ng butas ang nagpapayo sa atin at isipin: ‘Sino siya para magpayo sa akin? Akala mo naman hindi siya nagkakamali!’ Higit sa lahat, kapag hindi natin gusto ang payo, baka bale-walain natin iyon o maghanap tayo ng ibang payo na gusto natin.

w22.02 12 ¶12-14

“Makinig sa mga Salita ng Marurunong”

12 Ano ang makakatulong sa atin para makinig sa payo? Kailangan nating maging mapagpakumbaba at isiping hindi tayo perpekto at kung minsan, nakakagawa tayo ng mga bagay na hindi pinag-iisipan. Gaya ng tinalakay natin kanina, nagkaroon ng maling pananaw si Job. Pero binago niya ang pananaw niya kaya pinagpala siya ni Jehova. Bakit? Dahil nagpakumbaba si Job. At pinatunayan niya iyon nang pakinggan niya ang payo ni Elihu kahit mas bata ito sa kaniya. (Job 32:6, 7) Tutulong din sa atin ang kapakumbabaan para makinig sa payo kahit pakiramdam natin, hindi iyon para sa atin o mas bata ang nagpayo sa atin. Sinabi ng isang elder sa Canada, “Iba ang nakikita ng mga tao sa atin kaysa sa nakikita natin sa sarili natin, kaya hindi tayo susulong kung walang magpapayo sa atin.” Kailangan natin ng tulong para mas maipakita natin ang mga katangian na bunga ng espiritu at maging mas mahusay na mángangarál at guro ng mabuting balita.—Basahin ang Awit 141:5.

13 Ituring ang payo bilang pagpapakita ng pag-ibig ng Diyos. Gusto ni Jehova ang pinakamabuti para sa atin. (Kaw. 4:20-22) Kapag pinapayuhan niya tayo gamit ang kaniyang Salita, isang publikasyong salig sa Bibliya, o makaranasang kapatid, ipinapakita niyang mahal niya tayo. Sinasabi sa Hebreo 12:9, 10 na “ginagawa niya iyon para sa kabutihan natin.”

14 Magpokus sa payo, hindi sa paraan ng pagpapayo. Kung minsan, baka pakiramdam natin, hindi maganda ang paraan ng pagpapayo sa atin. Dapat lang naman na sikapin ng sinumang nagpapayo na gawing madaling tanggapin ang payo nila. (Gal. 6:1) Pero kapag tayo na ang pinapayuhan, magandang magpokus sa mensahe—kahit iniisip natin na sinabi sana iyon sa mas magandang paraan. Tanungin ang sarili: ‘Kahit hindi ko nagustuhan ang paraan ng pagpapayo, may matututuhan ba ako roon? Puwede ko bang palampasin na lang ang pagkukulang ng nagpayo at magpokus sa sinabi niya?’ Kapag pinapayuhan tayo, sikaping tingnan kung paano tayo makikinabang doon.—Kaw. 15:31.

w01 5/15 30 ¶1-2

‘Sa Pamamagitan ng Karunungan ay Darami ang Ating mga Araw’

Ang pagtugon sa pagsaway ng isang taong marunong ay kabaligtaran naman niyaong sa manunuya. Sinabi ni Solomon: “Sawayin mo ang taong marunong at iibigin ka niya. Magbigay ka sa taong marunong at magiging mas marunong pa siya.” (Kawikaan 9:8b, 9a) Alam ng taong marunong na “walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati; gayunman pagkatapos doon sa mga sinanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.” (Hebreo 12:11) Bagaman waring masakit ang payo, bakit tayo gaganti o magiging palabán kung ang pagtanggap nito ay magpapangyaring maging mas marunong tayo?   

“Bahaginan mo ng kaalaman ang matuwid at lalago siya sa pagkatuto,” patuloy ng marunong na hari. (Kawikaan 9:9b) Walang sinuman ang napakarunong o napakatanda upang hindi na matuto. Nakalulugod makita na maging ang mga may-edad na ay tumatanggap sa katotohanan at nag-aalay ng kanilang sarili kay Jehova! Nawa’y sikapin din nating huwag maiwala ang pagnanais na matuto at panatilihing aktibo ang ating isip.

w01 5/15 30 ¶5

‘Sa Pamamagitan ng Karunungan ay Darami ang Ating mga Araw’

Ang pagsisikap na magtamo ng karunungan ay personal na pananagutan natin. Bilang pagdiriin sa katotohanang ito, sinabi ni Solomon: “Kung ikaw ay nagpakarunong, nagpakarunong ka para sa iyong sarili; at kung ikaw ay nanuya, pagdurusahan mo iyon, ikaw lamang.” (Kawikaan 9:12) Ang taong marunong ay marunong ukol sa sarili niyang kapakinabangan, at ang manunuya lamang ang dapat sisihin sa kaniyang sariling pagdurusa. Totoo nga na inaani natin ang ating inihahasik. Kaya tayo sana’y “magbigay-pansin sa karunungan.”—Kawikaan 2:2.

Espirituwal na Hiyas

w06 9/15 17 ¶5

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Kawikaan

9:17—Ano ang “nakaw na tubig,” at bakit ito “matamis”? Yamang ang kaluguran sa pagtatalik ng mag-asawa ay itinutulad ng Bibliya sa pag-inom ng nakarerepreskong tubig na inigib mula sa balon, ang nakaw na tubig ay kumakatawan sa lihim at imoral na pagtatalik. (Kawikaan 5:15-17) Ang pagiging lihim nito ang siyang dahilan kung bakit waring matamis ito.

ABRIL 21-27

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 10

Paano Magiging Tunay na Maligaya ang Buhay Natin?

w01 7/15 25 ¶1-3

‘Ang mga Pagpapala ay Para sa Matuwid’

Ang matuwid ay pinagpapala sa isa pang paraan. “Ang gumagawang may kamay na makupad ay magiging dukha, ngunit ang kamay ng masikap ang magpapayaman sa isa. Ang anak na kumikilos nang may kaunawaan ay nagtitipon sa panahon ng tag-araw; ang anak na gumagawi nang kahiya-hiya ay natutulog nang mahimbing sa panahon ng pag-aani.”—Kawikaan 10:4, 5.

Lalo nang makahulugan ang mga salita ng hari sa mga manggagawa sa panahon ng pag-aani. Ang panahon ng pag-aani ay hindi oras ng pagtulog. Ito’y panahon ng pagsisikap at maraming oras ng pagtatrabaho. Tunay nga, ito’y panahon ng pagkaapurahan.

Habang nasa isipan ang pag-aani, hindi ng mga butil, kundi ng mga tao, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani [ang Diyos na Jehova] na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mateo 9:35-38) Noong taóng 2000, mahigit sa 14 na milyon ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus—mahigit sa doble ng bilang ng mga Saksi ni Jehova. Sino nga ang makatatanggi na ‘ang mga bukid ay mapuputi na para sa pag-aani’? (Juan 4:35) Ang mga tunay na mananamba ay humihiling sa Panginoon ng mas marami pang manggagawa habang sila mismo ay buong-lakas na nagpapagal sa paggawa ng mga alagad kasuwato ng kanilang mga panalangin. (Mateo 28:19, 20) At talagang pinagpapala ni Jehova nang sagana ang kanilang mga pagsisikap! Noong 2000 taon ng paglilingkod, mahigit na 280,000 baguhan ang nabautismuhan. Ang mga ito rin ay nagsisikap na maging mga guro ng Salita ng Diyos. Maranasan nawa natin ang kagalakan at kasiyahan sa panahong ito ng pag-aani sa pamamagitan ng pagkakaroon ng lubusang pakikibahagi sa paggawa ng mga alagad.

w01 9/15 24 ¶3-4

Lumakad sa ‘Landas ng Katapatan’

Binabanggit ni Solomon ang kahalagahan ng katuwiran. Sabi niya: “Ang mahahalagang pag-aari ng taong mayaman ay kaniyang matibay na bayan. Ang kasawian ng mga dukha ay ang kanilang karalitaan. Ang gawa ng matuwid ay nagdudulot ng buhay; ang ani ng balakyot ay nagbubunga ng kasalanan.”—Kawikaan 10:15, 16.

Maaaring maging proteksiyon ang kayamanan laban sa ilang bagay sa buhay na walang-katiyakan, kung paanong ang isang nakukutaang bayan ay naglalaan ng isang antas ng katiwasayan sa mga naninirahan dito. At maaaring maging kapaha-pahamak ang karalitaan kapag may mga di-inaasahang pangyayari. (Eclesiastes 7:12) Gayunman, maaari ring ipinahihiwatig ng matalinong hari ang panganib na nagsasangkot kapuwa sa kayamanan at karalitaan. Maaaring ilagak ng isang taong mayaman ang kaniyang lubos na pagtitiwala sa kaniyang kayamanan, anupat ginuguniguni na ang kaniyang mahahalagang pag-aari ay “gaya ng pananggalang na pader.” (Kawikaan 18:11) At maaari namang may-kamaliang ipalagay ng isang taong mahirap na ang kaniyang karalitaan ay nagpapangyaring ang kaniyang hinaharap ay maging kabiguan. Kaya, kapuwa sila hindi nakagagawa ng isang mabuting pangalan sa Diyos.

it-2 691

Pagpapala

Pagpapala ni Jehova sa mga Tao. “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” (Kaw 10:22) Pinagpapala ni Jehova yaong mga sinasang-ayunan niya sa pamamagitan ng pagsasanggalang, pagpapasagana, paggabay, pagbibigay ng tagumpay, at paglalaan ng mga pangangailangan nila, anupat nagdudulot ng kapaki-pakinabang na resulta para sa kanila.

Espirituwal na Hiyas

w06 5/15 30 ¶18

Ang Kagalakan ng Paglakad sa Katapatan

18 “Ang pagpapala ni Jehova”—iyan ang dahilan ng espirituwal na kasaganaan ng kaniyang bayan. At makatitiyak tayong “hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” (Kawikaan 10:22) Kung gayon, bakit sumasapit pa rin ang mga pagsubok sa maraming matapat sa Diyos, anupat nagdudulot sa kanila ng labis na paghihirap at pagdurusa? Ang mga problema at kabagabagan ay sumasapit sa atin sa tatlong pangunahing dahilan. (1) Ang ating sariling makasalanang hilig. (Genesis 6:5; 8:21; Santiago 1:14, 15) (2) Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. (Efeso 6:11, 12) (3) Ang napakasamang sanlibutan. (Juan 15:19) Bagaman pinahihintulutan ni Jehova na sumapit sa atin ang masasamang bagay, hindi sa kaniya nagmumula ang mga ito. Sa katunayan, “ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag.” (Santiago 1:17) Walang idinudulot na kirot ang mga pagpapala ni Jehova.

ABRIL 28–MAYO 4

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 11

Huwag Mong Sabihin Iyan!

w02 5/15 26 ¶4

Katapatan ang Pumapatnubay sa mga Matuwid

Ang katapatan ng matuwid at ang kabalakyutan ng mga manggagawa ng kasamaan ay may epekto rin sa ibang mga tao. “Sa pamamagitan ng kaniyang bibig ay ipinapahamak ng apostata ang kaniyang kapuwa,” ang sabi ng hari ng Israel, “ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ay naliligtas ang mga matuwid.” (Kawikaan 11:9) Sino ang magkakaila na ang paninirang-puri, nakapipinsalang tsismis, malaswang pananalita, at walang-saysay na pagdadaldalan ay nakapipinsala sa iba? Sa kabilang dako, ang pananalita ng matuwid ay dalisay, pinag-isipang mabuti, at makonsiderasyon. Sa pamamagitan ng kaalaman ay naliligtas siya sapagkat pinaglalaanan siya ng kaniyang katapatan ng patotoong kinakailangan upang ipakita na ang kaniyang mga tagapag-akusa ay nagsisinungaling.

w02 5/15 27 ¶2-3

Katapatan ang Pumapatnubay sa mga Matuwid

Ang mga taong-bayan na sumusunod sa isang matuwid na landasin ay nagtataguyod ng kapayapaan at kasaganaan at nakapagpapatibay sa iba sa komunidad. Kaya ang bayan ay naitataas—ito ay nananagana. Yaong nagsasalita ng mga bagay na mapanirang-puri, nakasasakit, at mali ay nagdudulot ng kabagabagan, kalungkutan, pagkakabaha-bahagi, at kaguluhan. Totoo ito lalo na kapag ang mga indibiduwal na ito ay prominenteng mga tao. Ang gayong bayan ay dumaranas ng kaguluhan, katiwalian, at paghina sa moral at marahil sa kabuhayan.

Ang simulaing binanggit sa Kawikaan 11:11 ay kumakapit din sa bayan ni Jehova yamang nakikisama sila sa isa’t isa sa loob ng kanilang tulad-bayang mga kongregasyon. Ang isang kongregasyon kung saan may impluwensiya ang espirituwal na mga tao—mga matuwid na pinapatnubayan ng kanilang katapatan—ay isang grupo ng maligaya, aktibo, at matulunging mga tao, na nagdudulot ng karangalan sa Diyos. Pinagpapala ni Jehova ang kongregasyon, at nananagana ito sa espirituwal na paraan. Paminsan-minsan, ang ilan na maaaring di-kontento at di-nasisiyahan, na namumuna at nagsasalita nang may kapaitan hinggil sa kung paano ginagawa ang mga bagay-bagay, ay gaya ng isang “ugat na nakalalason” na maaaring kumalat at makalason sa iba na sa una ay hindi naaapektuhan. (Hebreo 12:15) Ang gayong mga tao ay madalas na naghahangad ng higit na awtoridad at katanyagan. Gumagawa sila ng mga usap-usapan na umiiral daw ang kawalang-katarungan, pagtatangi sa lahi, o mga gaya nito, sa loob ng kongregasyon o sa bahagi ng matatanda. Sa katunayan, ang kanilang bibig ay maaaring magdulot ng pagkakabaha-bahagi sa loob ng kongregasyon. Hindi ba dapat tayong tumangging makinig sa kanilang usap-usapan at sa halip ay magsikap na maging espirituwal na mga tao na nagtataguyod ng kapayapaan at pagkakaisa sa loob ng kongregasyon?

w02 5/15 27 ¶5

Katapatan ang Pumapatnubay sa mga Matuwid

Kaylaking pinsala nga ang naidudulot ng isa na nagkukulang sa kaunawaan, o “kapos ang puso”! Nagpapatuloy siya sa kaniyang walang-taros na pagsasalita hanggang sa umabot ito sa paninirang-puri o panlalait. Dapat na maging mabilis ang hinirang na matatanda na ihinto ang gayong masamang impluwensiya. Di-tulad ng isa na “kapos ang puso,” nalalaman ng taong may kaunawaan kung kailan mananatiling tahimik. Sa halip na ibunyag ang isang bagay na ipinagkatiwala sa kaniya, pinagtatakpan niya iyon. Yamang nalalaman na ang isang di-nababantayang dila ay makapagdudulot ng malaking pinsala, ang taong may unawa ay “may tapat na espiritu.” Siya ay matapat sa kaniyang mga kapananampalataya at hindi niya ibinubunyag ang lihim na mga bagay na maaaring magsapanganib sa kanila. Tunay na isang pagpapala sa kongregasyon ang gayong mga tagapag-ingat ng katapatan!

Espirituwal na Hiyas

g20.1 11, kahon

Kung Paano Mahaharap ang Stress

“INAALIS NG KABAITAN ANG STRESS”

“Kapag mabait ang isang tao, siya mismo ang nakikinabang; pero kapag malupit ang isa, siya mismo ang napapahamak.”—KAWIKAAN 11:17.

Sa aklat na Overcoming Stress, may isang kabanata na ang pamagat ay “Inaalis ng Kabaitan ang Stress.” Sinabi ng awtor ng aklat na si Dr. Tim Cantopher na kapag mabait ka sa iba, gaganda ang kalusugan mo at magiging masaya ka. Pero ang isang taong masungit o hindi mabait ay hindi masaya dahil nilalayuan siya ng iba.

Mababawasan din ang stress natin kung mabait tayo sa sarili natin. Halimbawa, hindi natin pipiliting gawin ang isang bagay na hindi natin kaya. At hindi natin mamaliitin ang sarili natin. “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili,” ang sabi ni Jesu-Kristo.—Marcos 12:31.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share