Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr25 Hulyo p. 1-11
  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2025
  • Subtitulo
  • HULYO 7-13
  • HULYO 14-20
  • HULYO 21-27
  • HULYO 28–AGOSTO 3
  • AGOSTO 4-10
  • AGOSTO 11-17
  • AGOSTO 18-24
  • AGOSTO 25-31
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2025
mwbr25 Hulyo p. 1-11

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

© 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

HULYO 7-13

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 21

Mga Prinsipyo Para sa Masayang Pag-aasawa

w03 10/15 4 ¶5

Paano Ka Makagagawa ng Matatalinong Pasiya?

Ang padalus-dalos na pagpapasiya ay maaaring maging di-matalino. Ang Kawikaan 21:5 ay nagbababala: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan, ngunit ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.” Halimbawa, dapat mag-isip nang mabuti ang nahuhumaling na mga tin-edyer bago magmadali sa pagpapasiya na mag-asawa. Kung hindi, maaari nilang maranasan ang katotohanan ng sinabi ni William Congreve, isang Ingles na manunulat ng dula noong unang mga taon ng ika-18 siglo: “Ang mga nagmamadaling mag-asawa ay nagsisisi nang mahabang panahon.”

g 7/08 7 ¶2

Kung Paano Gagawing Matagumpay ang Pag-aasawa

Maging mapagpakumbaba. “[Huwag gumawa] ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo.” (Filipos 2:3) Maraming nagiging problema kapag nagmamataas ang isang may asawa at sinisisi ang kaniyang kabiyak sa mga nangyaring problema sa halip na mapagpakumbabang ayusin ito. Makatutulong ang kababaan ng pag-iisip, o kapakumbabaan, upang mapaglabanan mo ang tendensiyang ipilit na ikaw ang tama sa inyong pinagtatalunan.

w06 9/15 28 ¶13

“Magsaya Ka sa Asawa ng Iyong Kabataan”

13 Paano kung ang mag-asawa ay dumaranas ng kaigtingan dahil sa kanilang paraan ng pakikitungo sa isa’t isa? Kailangan ng pagsisikap para mahanap ang solusyon. Halimbawa, baka unti-unti nang nagiging bahagi ng buhay nilang mag-asawa ang hindi magandang pananalita at ngayon ay doon na sila nahirati. (Kawikaan 12:18) Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, maaari nitong wasakin ang pag-aasawa. Sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Mas mabuti pang manahanan sa ilang na lupain kaysa kasama ng asawang babaing mahilig makipagtalo na may pagkayamot.” (Kawikaan 21:19) Kung ikaw ang asawang babae at ganiyan ang kalagayan ninyong mag-asawa, tanungin mo ang iyong sarili, ‘Nahihirapan ba ang asawa ko sa aking pag-uugali?’ Sinasabi ng Bibliya sa mga asawang lalaki: “Patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae at huwag kayong magalit sa kanila nang may kapaitan.” (Colosas 3:19) Kung isa kang asawang lalaki, tanungin ang iyong sarili, ‘Malamig ba akong makitungo sa aking asawa, anupat natutukso ang aking asawa na maghanap ng kaaliwan sa iba?’ Siyempre pa, hindi puwedeng bigyang-katuwiran ang seksuwal na imoralidad. Subalit dahil sa posibilidad na mangyari ang ganiyang trahedya, makabubuting pag-usapan nang tapatan ang mga problema.

Espirituwal na Hiyas

w05 1/15 17 ¶9

Naging Katunayan ang mga Pangitain Tungkol sa Kaharian ng Diyos

9 Si Jesus ay hindi na isang tao lamang na nakasakay sa isang bisirong asno. Siya ay isa na ngayong makapangyarihang Hari. Inilalarawan siya na nakasakay sa isang kabayo—isang simbolo ng pakikipagdigma ayon sa Bibliya. (Kawikaan 21:31) “Narito! isang kabayong puti,” ang sabi sa Apocalipsis 6:2, “at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang busog; at isang korona ang ibinigay sa kaniya, at humayo siyang nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” Karagdagan pa, ganito ang isinulat ng salmistang si David tungkol kay Jesus: “Ang tungkod ng iyong lakas ay isusugo ni Jehova mula sa Sion, na nagsasabi: ‘Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.’”—Awit 110:2.

HULYO 14-20

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 22

Mga Prinsipyo Para Mahusay na Mapalaki ang mga Anak

w20.10 27 ¶7

Lálakí Kaya Silang Naglilingkod sa Diyos?

7 Kung kayong mag-asawa ay may planong magkaanak, tanungin ang sarili: ‘Kami ba ay mapagpakumbaba at makadiyos para piliin ni Jehova na mag-alaga ng anak?’ (Awit 127:3, 4) Kung may anak ka na, tanungin ang sarili: ‘Itinuturo ko ba sa mga anak ko na mahalaga ang pagiging masipag?’ (Ecles. 3:12, 13) ‘Ginagawa ko ba ang lahat para protektahan ang mga anak ko mula sa mga panganib na posibleng mapaharap sa kanila sa sanlibutang ito?’ (Kaw. 22:3) Hindi mo mapoprotektahan ang iyong mga anak mula sa lahat ng problema na posibleng mapaharap sa kanila. Imposible iyon! Pero maihahanda mo sila sa realidad ng buhay kung patuloy mong ituturo sa kanila na umasa sa Salita ng Diyos. (Basahin ang Kawikaan 2:1-6.) Halimbawa, kung ang isang kamag-anak ay huminto na sa paglilingkod kay Jehova, tulungan mo ang iyong mga anak na alamin mula sa Salita ng Diyos kung bakit napakahalagang manatiling tapat kay Jehova. (Awit 31:23) O kapag namatay ang isang minamahal, ipakita sa iyong mga anak kung paano gagamitin ang Bibliya para makayanan ang lungkot at makadama ng kapayapaan.—2 Cor. 1:3, 4; 2 Tim. 3:16.

w19.12 26 ¶17-19

Sanayin ang Inyong Anak na Ibigin si Jehova

17 Sanayin ang mga anak habang bata pa. Sa pagsasanay sa mga anak, mas maaga, mas maganda. (Kaw. 22:6) Tingnan ang halimbawa ni Timoteo, na nakasama ni apostol Pablo sa paglalakbay. Sinanay siya ng nanay niyang si Eunice at ng lola niyang si Loida “mula pa noong sanggol” siya.—2 Tim. 1:5; 3:15.

18 Isa pang halimbawa ang mag-asawang taga-Côte d’Ivoire na sina Jean-Claude at Peace. Napalaki nilang umiibig at naglilingkod kay Jehova ang anim nilang anak. Paano? Tinularan nila sina Eunice at Loida. Sinabi nila, “Itinanim namin sa puso ng mga anak namin ang Salita ng Diyos mula pa noong sanggol sila at halos kapapanganak pa lang sa kanila.”—Deut. 6:6, 7.

19 Ano ang ibig sabihin ng ‘itanim sa puso’ ng inyong mga anak ang Salita ni Jehova? Ibig sabihin, “ituro at ikintal sa pamamagitan ng madalas na pag-uulit.” Para magawa ito, dapat na regular na maglaan ng panahon sa mga anak ang mga magulang. Kung minsan, parang nakakadismaya nga kapag kailangang ulit-ulitin ang pagtuturo sa mga bata. Pero dapat isipin ng mga magulang na pagkakataon ito para matulungan ang mga anak nila na maintindihan ang Salita ng Diyos at maisabuhay ito.

w06 4/1 9 ¶4

Mga Magulang—Maging Magandang Halimbawa sa Inyong mga Anak

Mangyari pa, ang bata ay bata, at may ilan na sadyang matigas ang ulo o suwail pa nga. (Genesis 8:21) Ano ang puwedeng gawin ng mga magulang? “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata; ang pamalong pandisiplina ang maglalayo nito sa kaniya,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 22:15) Para sa ilan, ito raw ay isang kalupitan at wala na sa uso. Ang totoo, talaga namang hindi sang-ayon ang Bibliya sa anumang uri ng karahasan at pang-aabuso. Ang “pamalo,” bagaman kung minsan ay literal, ay kumakatawan sa awtoridad ng magulang na mahigpit na ipinatutupad dahil na rin sa mapagmahal at naaangkop na pagmamalasakit sa walang-hanggang kapakanan ng kanilang mga anak.—Hebreo 12:7-11.

Espirituwal na Hiyas

w21.08 22 ¶11

Masiyahan sa mga Pribilehiyo Mo Ngayon

11 Magiging mas masaya rin tayo kung gagawin natin ang buong makakaya natin anumang atas ang ibigay sa atin ni Jehova. Maging “abalang-abala” sa pangangaral at sa iba pang gawain sa kongregasyon. (Gawa 18:5; Heb. 10:24, 25) Paghandaang mabuti ang mga pag-aaralan sa pulong para makapagbigay ka ng nakakapagpatibay na mga komento. Pahalagahan anuman ang bahagi na iatas sa iyo sa midweek meeting. Kung pinakisuyuan ka na tumulong sa isang gawain sa kongregasyon, dumating nang tama sa oras at ipakitang maaasahan ka. Huwag maliitin ang atas na ibinibigay sa iyo at isipin na hindi sulit na paglaanan iyon ng panahon. Sikaping pasulungin ang mga kakayahan mo. (Kaw. 22:29) Kapag ibinibigay mo ang buong makakaya mo para gampanan ang atas mo at ang iba pang espirituwal na gawain, mas mabilis kang susulong at magiging mas masaya ka. (Gal. 6:4) Magiging mas madali rin para sa iyo na makipagsaya kapag may ibang nakatanggap ng pribilehiyo na gusto mo sanang maabot.—Roma 12:15; Gal. 5:26.

HULYO 21-27

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 23

Mga Prinsipyo Tungkol sa Pag-inom ng Alak

w04 12/1 19 ¶5-6

Panatilihin ang Timbang na Pangmalas sa Paggamit ng Inuming De-alkohol

5 Paano naman kung ang isa ay gumagamit ng inuming de-alkohol ngunit nag-iingat siya na hindi uminom hanggang sa punto na siya ay mahalatang lasing? Ang ilang indibiduwal ay kakikitaan lamang ng kakaunting palatandaan ng pagkalasing kahit matapos uminom nang marami. Gayunman, ang pag-iisip na hindi ito nakapipinsala ay isang uri lamang ng panlilinlang sa sarili. (Jeremias 17:9) Unti-unti, maaaring dumepende na sa inuming de-alkohol ang isang indibiduwal at ‘mapaalipin sa maraming alak.’ (Tito 2:3) Hinggil sa pagiging alkoholiko, sinasabi ng awtor na si Caroline Knapp: “Ito ay mabagal, unti-unti, mapanlinlang, di-halatang proseso.” Tunay ngang nakamamatay na patibong ang pagpapakalabis sa inuming de-alkohol!

6 Isaalang-alang din ang babala ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat ng mga nananahanan sa ibabaw ng buong lupa.” (Lucas 21:34, 35) Hindi naman kailangang umabot sa punto na malasing muna sa pag-inom ang isang tao bago siya antukin at tamarin—sa pisikal man o sa espirituwal na paraan. Paano kung abutan siya ng araw ni Jehova sa gayong kalagayan?

it-1 1352

Kalasingan, Paglalasing

Hinahatulan sa Bibliya. Mariing tinutuligsa sa Bibliya ang paggamit ng matapang na inumin hanggang sa malasing ang isa. Ang pantas na manunulat ng Mga Kawikaan ay gumuhit ng isang malinaw, tumpak, at siyentipikong larawan ng mga epekto ng labis na pag-inom ng mga inuming de-alkohol. Nagbabala siya: “Sino ang may kaabahan? Sino ang di-mapalagay? Sino ang may mga pakikipagtalo? Sino ang may pagkabahala? Sino ang may mga sugat nang walang dahilan? Sino ang may kalabuan ang mga mata? Yaong mga nagbababad sa alak, yaong mga pumapasok upang maghanap ng hinaluang alak. Huwag kang tumingin sa alak kapag ito ay kulay pula, kapag ito ay kumikislap sa kopa [kapag ang alak ay waring lubhang kaakit-akit, o bumubula], kapag ito ay humahagod nang suwabe [kapag napakadulas nito sa lalamunan]. Sa huli ay kumakagat itong tulad ng serpiyente, at naglalabas ito ng lason tulad ng ulupong [maaari itong magdulot ng sakit sa pisikal (halimbawa, sanhi ito ng cirrhosis sa atay) at mental (nagiging dahilan ito ng delirium tremens), at maaari itong aktuwal na ikamatay ng isa]. Ang iyong mga mata ay makakakita ng mga bagay na kakatwa [naaapektuhan ng alkohol ang mga sentro ng kontrol sa utak, anupat sinusupil ang mga ito; lumalabas ang mga saloobin na karaniwa’y sinusupil; nagkakaroon ng mga halusinasyon ang isa; pinupunan niya ang mga patlang sa kaniyang alaala sa pamamagitan ng pagkukuwento ng kakatwang mga karanasan na para bang totoo ang mga iyon; nawawalan siya ng kontrol sa kaniyang paggawi], at ang iyong puso ay magsasalita ng tiwaling mga bagay [isasagawa ng taong iyon ang mga kaisipan at pagnanasang karaniwa’y pinipigilan niya].”—Kaw 23:29-33; Os 4:11; Mat 15:18, 19.

Sa pagpapatuloy ng manunulat, inilalarawan niya ang personal na nararanasan ng lasenggo: “At tiyak na magiging tulad ka niyaong nakahiga sa kalagitnaan ng dagat [mararanasan niya ang kalituhan ng isa na nalulunod, na humahantong sa pagkawala ng ulirat], tulad nga niyaong nakahiga sa tuktok ng palo [kung paanong doon pinakamalakas ang ugoy ng barko, nanganganib din ang buhay ng lasenggo sa aksidente, istrok, away, at iba pa]. ‘Pinalo nila ako, ngunit hindi ako nagkasakit; hinampas nila ako, ngunit hindi ko namalayan [ang sabi ng lasenggo, na para bang kausap ang kaniyang sarili; hindi niya namalayan ang aktuwal na nangyari at ang kaparusahang napala niya sa karanasang iyon]. Kailan ako magigising? Iyon ay hahanapin ko pang muli [dapat na siyang matulog upang lumipas ang mga epekto ng kalasingan, ngunit alipin siya ng inuming de-alkohol at pinananabikan niyang muling uminom nito].’” Sasapit siya sa karalitaan, dahil napakalaki ng ginagasta niya sa alak at, gayundin, dahil hindi na siya mapagkakatiwalaan at hindi siya makapagtrabaho.—Kaw 23:20, 21, 34, 35.

Espirituwal na Hiyas

w04 11/1 31 ¶2

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Halimbawa, ang sobrang katabaan (obesity) ay maaaring isang palatandaan ng katakawan, pero hindi palaging gayon. Maaaring ang sobrang timbang ng isang tao ay resulta ng isang karamdaman. Namamana rin ang sobrang katabaan. Dapat din nating isaisip na ang sobrang katabaan ay isang pisikal na kalagayan, samantalang ang katakawan ay isang mental na saloobin. Binibigyang-katuturan ang sobrang katabaan bilang “isang kalagayan na kakikitaan ng labis-labis na taba sa katawan,” samantalang ang katakawan ay “kasakiman o labis-labis na pagpapakasasa.” Kaya hindi nakikita ang katakawan sa laki ng katawan ng isa kundi sa kaniyang saloobin sa pagkain. Maaaring normal ang laki ng katawan ng isa o marahil ay payat pa nga siya pero maituturing naman na matakaw. Karagdagan pa, ang itinuturing na kaayaayang timbang o hubog ng katawan ay lubhang nagkakaiba depende sa lugar.

HULYO 28–AGOSTO 3

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 24

Patibayin ang Sarili Para Maharap ang Mahihirap na Sitwasyon

it-2 753 ¶2

Pag-uusig

Pinahahalagahan din ng mga Kristiyano ang gantimpalang naghihintay sa mga nagbabata. May kinalaman sa gantimpalang ito, ipinahayag ni Jesus: “Maligaya yaong mga pinag-usig dahil sa katuwiran, yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” (Mat 5:10) Ang kaalaman tungkol sa pag-asa sa pagkabuhay-muli pati ang kaalaman tungkol sa Isa na siyang Pinagmumulan ng paglalaang iyon ay nagpapalakas sa kanila. Pinatitibay sila nito na maging matapat sa Diyos kahit na pinagbabantaan silang patayin ng mararahas na mang-uusig. Dahil sa kanilang pananampalataya sa naisakatuparan ng kamatayan ni Jesus, napalaya na sila mula sa pagkatakot sa gayong kamatayan. (Heb 2:14, 15) Mahalaga ang pangkaisipang saloobin ng isang Kristiyano upang makapag-ingat siya ng katapatan sa ilalim ng panggigipit ng pagsalansang. “Panatilihin ninyo sa inyo ang pangkaisipang saloobing ito na nasa kay Kristo Jesus din, na . . . naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” (Fil 2:5-8) “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap [ni Jesus] ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan.”—Heb 12:2; tingnan din ang 2Co 12:10; 2Te 1:4; 1Pe 2:21-23.

w09 12/15 18 ¶12-13

Panatilihin ang Kagalakan sa Mahihirap na Panahon

12 Sinasabi ng Kawikaan 24:10: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” Sinasabi ng isa pang kawikaan: “Dahil sa kirot sa puso ay may bagbag na espiritu.” (Kaw. 15:13) Sa sobrang lungkot, hindi na nakapagbabasa at nakapagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos ang ilang Kristiyano. Naging rutin na lang ang kanilang panalangin, at baka ibinubukod pa nga nila ang kanilang sarili sa kanilang mga kapananampalataya. Kaya talagang mapanganib kung lagi na lang tayong malungkot.—Kaw. 18:1, 14.

13 Sa kabilang banda, kung positibo tayo, maitutuon natin ang ating isip sa mga bagay na magpapagalak sa atin. Isinulat ni David: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko.” (Awit 40:8) Kapag nagkaproblema tayo, huwag na huwag nating ihihinto ang ating magandang kaugalian sa pagsamba. Sa katunayan, panlaban sa lungkot ang kasiya-siyang mga gawain. Sinasabi sa atin ni Jehova na masisiyahan tayo sa regular na pagbabasa at pag-aaral ng kaniyang Salita. (Awit 1:1, 2; Sant. 1:25) Sa Banal na Kasulatan at sa mga Kristiyanong pagpupulong, nakatatanggap tayo ng “kaiga-igayang mga pananalita” na magpapatibay at magpapasaya sa atin.—Kaw. 12:25; 16:24.

w20.12 15

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sinasabi sa Kawikaan 24:16: “Kahit mabuwal ang matuwid nang pitong ulit, babangon pa rin siya.” Tumutukoy ba ito sa isa na paulit-ulit na nagkakasala pero pinapatawad ng Diyos?

Hindi iyan ang ibig sabihin ng tekstong ito. Sa halip, tumutukoy ito sa isa na paulit-ulit na nagkakaproblema pero paulit-ulit ding bumabangon.

Oo, ang “mabuwal” ay hindi tumutukoy sa kasalanan. Sa Kawikaan 24:16, tumutukoy ito sa pagdanas ng mga problema, kahit paulit-ulit pa nga. Sa masamang sistemang ito, baka ang isang matuwid na tao ay magkasakit o magkaroon ng iba pang mga problema. Baka inuusig pa nga siya ng gobyerno dahil sa pananampalataya niya. Pero makakapagtiwala siyang tutulungan siya ng Diyos na makayanan ito. Tanungin ang sarili, ‘Hindi ba’t madalas na napapabuti ang mga lingkod ng Diyos?’ Bakit? Kasi sigurado tayong “inaalalayan ni Jehova ang lahat ng nabubuwal at itinatayo ang lahat ng nakayukod.”—Awit 41:1-3; 145:14-19.

Espirituwal na Hiyas

w09 10/15 12

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Noong panahon ng Bibliya, kung gusto ng isang lalaki na ‘magpatibay ng sambahayan,’ o mag-asawa at bumuo ng pamilya, kailangan muna niyang tanungin ang kaniyang sarili, ‘Kaya ko na bang mag-asawa at bumuhay ng pamilya?’ Bago magpamilya, kailangan muna niyang magtrabaho sa bukid. Kaya naman ganito ang malinaw na salin ng Magandang Balita Biblia sa talatang ito: “Ihanda mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan.” Kapit pa rin ba sa ngayon ang simulaing ito?

Oo. Ang isang lalaki na gusto nang mag-asawa ay kailangang maghandang mabuti para sa responsibilidad na iyan. Kailangan siyang magtrabaho malibang hindi kaya ng katawan niya. Siyempre pa, hindi lang materyal ang kailangan niyang ilaan sa kaniyang pamilya. Sinasabi ng Bibliya na ang lalaking hindi naglalaan sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan ng kaniyang pamilya ay lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya! (1 Tim. 5:8) Kaya kung ang isang binata ay nagbabalak nang mag-asawa at magpamilya, dapat niyang tanungin ang kaniyang sarili: ‘Kaya ko na bang bumuhay ng pamilya? Kaya ko na bang pangunahan ang isang pamilya sa espirituwal na paraan? Magagampanan ko ba ang pananagutang magdaos ng regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya?’ Idiniriin ng Salita ng Diyos na dapat gampanan ang napakahalagang mga responsibilidad na iyan.—Deut. 6:6-8; Efe. 6:4.

Kaya dapat pag-isipang mabuti ng isang binatang gusto nang mag-asawa ang simulain sa Kawikaan 24:27. Dapat ding pag-isipan ng isang dalaga kung kaya na ba niyang gampanan ang mga responsibilidad ng isang asawang babae at ina. Dapat ding pag-isipan iyan ng isang mag-asawa na may planong magkaanak. (Luc. 14:28) Ang pagsunod sa simulaing ito ng Bibliya ay tutulong sa mga lingkod ng Diyos na makaiwas sa maraming problema at magkaroon ng maligayang buhay pampamilya.

AGOSTO 4-10

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 25

Mga Prinsipyo Para Makapagsalita Nang Tama

w15 12/15 19 ¶6-7

Gamitin sa Ikabubuti ang Kapangyarihan ng Dila

6 Inilalarawan ng Kawikaan 25:11 ang kahalagahan ng pagpili ng tamang panahon ng pagsasalita: “Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon.” Maganda ang mga mansanas na ginto. Pero kung ilalagay ito sa inukit na pilak, lalo pa itong gaganda. Sa katulad na paraan, kung pipili tayo ng tamang panahon kung kailan magsasalita, magiging mas kaakit-akit at epektibo ang ating pananalita. Paano natin ito magagawa?

7 Kahit kailangan pa ng kausap natin ang ating sasabihin, kung mali ang tiyempo natin, baka mawalan iyon ng saysay. (Basahin ang Kawikaan 15:23.) Halimbawa, noong Marso 2011, sinalanta ng lindol at tsunami ang silangang bahagi ng Japan, at winasak ang maraming lunsod. Mahigit 15,000 ang namatay. Kahit maraming Saksi ni Jehova ang namatayan din ng mga kapamilya at kaibigan, ginamit nila ang bawat pagkakataon para aliwin ang mga nagdadalamhati gamit ang Bibliya. Pero maraming tagaroon ang Budista at kaunti lang o wala pa ngang alam tungkol sa turo ng Bibliya. Nakita ng mga kapatid natin na hindi iyon ang tamang panahon para ipakipag-usap sa mga biktima ang tungkol sa pagkabuhay-muli. Sa halip, ginamit nila ang kakayahang magsalita para magbigay ng emosyonal na suporta at magpaliwanag mula sa Bibliya kung bakit nangyayari ang masasamang bagay sa inosenteng mga tao.

w15 12/15 21 ¶15-16

Gamitin sa Ikabubuti ang Kapangyarihan ng Dila

15 Mahalaga rin ang paraan ng pagsasalita natin. Nang magsalita si Jesus sa sinagoga sa Nazaret, ang mga tao ay “[namangha] sa kaakit-akit na mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig.” (Luc. 4:22) Ang kaakit-akit na pananalita ay nakaaantig sa puso, at hindi ito nakababawas sa kapangyarihan ng dila. Sa katunayan, mas nakakukumbinsi ang pananalita kapag may kabaitan ito. (Kaw. 25:15) Matutularan natin si Jesus kung magiging mabait tayo, magalang, at makonsiderasyon sa damdamin ng iba. Ganiyan ang ginawa ni Jesus nang makita niya ang pagsisikap ng pulutong na marinig siya. Napakilos siya ng habag at “nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.” (Mar. 6:34) Noong nilalait naman siya, hindi siya gumanti ng masasakit na salita.—1 Ped. 2:23.

16 Nagiging hamon ang pagsasalita nang mahinahon at mataktika kapag ang kausap natin ay malalapít sa atin, gaya ng mga kapamilya o kaibigan sa kongregasyon. Dahil pamilyar na tayo sa kanila, baka isipin nating hindi na tayo kailangang mag-ingat sa pagsasalita. Pero inisip ba ni Jesus na puwede na siyang magsalita nang may kagaspangan sa mga alagad niya dahil magkakaibigan naman sila? Hindi. Nang muling magtalo-talo ang pinakamalalapít na tagasunod niya kung sino ang mas dakila, itinuwid sila ni Jesus sa pamamagitan ng mabait na mga salita at ginamit niya ang halimbawa ng isang bata. (Mar. 9:33-37) Matutularan ng mga elder si Jesus sa pamamagitan ng pagpapayo taglay ang “espiritu ng kahinahunan.”—Gal. 6:1.

w95 4/1 17 ¶8

Mag-udyukan sa Pag-ibig at sa Maiinam na Gawa—Papaano?

8 Sa paglilingkod sa ating Diyos, tayong lahat ay makapag-uudyukan sa isa’t isa sa pamamagitan ng halimbawa. Tiyak na inudyukan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig. Mahal niya ang gawain ng ministeryong Kristiyano at dinakila niya ang ministeryo. Sinabi niyang ito’y parang pagkain para sa kaniya. (Juan 4:34; Roma 11:13) Ang gayong kasiglahan ay maaaring makahawa. Maipakikita mo rin ba ang iyong kagalakan sa ministeryo? Habang maingat na iniiwasan ang pagyayabang, ibahagi ang iyong magagandang karanasan sa iba sa kongregasyon. Kapag inaanyayahan mo ang iba na gumawang kasama mo, tingnan kung matutulungan mo silang makasumpong ng tunay na kaluguran sa pakikipag-usap sa iba hinggil sa ating Dakilang Maylalang, si Jehova.—Kawikaan 25:25.

Espirituwal na Hiyas

it-1 1340 ¶1

Kahinahunan

Nagiging mahinahong-loob ang isang tao dahil may pananampalataya siya at may pinagkukunan siya ng lakas. Hindi siya madaling mawalan ng kaniyang pagkatimbang o ng kaniyang katinuan. Ang kawalan ng kahinahunan ng kalooban ay resulta ng pagiging di-panatag, pagkasiphayo, kawalan ng pananampalataya at pag-asa, at maging ng matinding kagipitan. Inilalarawan ng kawikaan ang taong hindi mahinahong-loob: “Gaya ng lunsod na nilusob, na walang pader, ang taong hindi nagpipigil ng kaniyang espiritu.” (Kaw 25:28) Siya ay nakahantad sa lahat ng uri ng di-wastong kaisipan at madaling mapasukan ng mga ito, na maaari namang magtulak sa kaniya sa di-wastong mga pagkilos.

AGOSTO 11-17

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 26

Lumayo sa mga “Mangmang”

it-2 1365 ¶3

Ulan

Mga kapanahunan. Ang dalawang pangunahing kapanahunan sa Lupang Pangako, ang tag-araw at ang taglamig, ay mas tumpak na malasin bilang ang tagtuyo at ang tag-ulan. (Ihambing ang Aw 32:4; Sol 2:11, tlb sa Rbi8.) Mula sa kalagitnaan ng Abril hanggang sa kalagitnaan ng Oktubre, kaunting-kaunting ulan lamang ang pumapatak. Madalang ang ulan sa yugtong ito kung kailan isinasagawa ang pag-aani. Ipinakikita ng Kawikaan 26:1 na ang ulan sa panahon ng pag-aani ay itinuturing na kakatwa. (Ihambing ang 1Sa 12:17-19.) Kapag tag-ulan, hindi naman palaging umuulan; salit-salitan ang pag-ulan at ang mga araw na maaliwalas. Yamang ito rin ang malamig na panahon, napakaginaw ang maulanan. (Ezr 10:9, 13) Kaya naman, ang isang komportableng silungan ay lubhang pinahahalagahan.—Isa 4:6; 25:4; 32:2; Job 24:8.

w87 10/1 19 ¶12

Ang Disiplina ay May Bungang Mapayapa

12 Sa mga ibang tao ay lalong mahihigpit na hakbang ang marahil ay kakailanganin, gaya ng ipinakikita ng Kawikaan 26:3: “Ang latigo ay para sa kabayo, ang kabisada ay para sa asno, at ang pamalo ay para sa likod ng mga taong mangmang.” May mga panahon na pinayagan ni Jehova ang kaniyang bansa na Israel na masupil ng mga kabagabagan na sila ang nagdala sa kanilang sarili: “Sila’y naghimagsik laban sa mga salita ng Diyos; at hinamak ang payo ng Kataas-taasan. Kaya’t kaniyang sinupil nang may pagkabagabag ang kanilang puso; sila’y nangabuwal, at walang sumaklolo. At sila’y nagsimulang nanawagan kay Jehova upang sila’y tulungan sa kanilang kahirapan; gaya ng dati kaniyang iniligtas sila sa mga kagipitan.” (Awit 107:11-13) Gayunman, ang mga ibang mangmang o estupido ay nagmatigas ng kanilang sarili anupa’t hindi na sila mabago ng anumang uri ng disiplinang pampagaling: “Ang taong paulit-ulit na sinasaway ngunit nagpapatigas ng kaniyang leeg ay biglang mababali, at ito’y walang kagamutan.”—Kawikaan 29:1.

it-2 917 ¶3

Pilay, Pagkapilay

Ginamit sa mga kasabihan. “Gaya ng isa na pumuputol ng kaniyang mga paa [na magiging dahilan ng pagkapilay niya], gaya ng isa na umiinom ng karahasan, gayon siya na naglalagak ng mga bagay sa kamay ng hangal,” ang sabi ng pantas na si Haring Solomon. Totoo naman, ang taong umuupa sa isang hangal para humawak ng anumang proyekto niya ay pumipilay sa kaniyang mga kapakanan. Tiyak na makikita niya ang pagbagsak ng ipinanukala niyang proyekto, na ikapipinsala niya mismo.—Kaw 26:6.

Espirituwal na Hiyas

it-2 289 ¶5

Mangmang

Kapag sinasagot ng isang tao ang mangmang ‘ayon sa kamangmangan nito,’ sa diwa na tinutularan niya ang magaspang na pamamaraan nito ng pakikipagtalo, ang taong iyon ay nagiging kaayon ng maling mga pangangatuwiran at mga lakad ng mangmang. Upang huwag maging gaya ng mangmang sa bagay na ito, tayo ay pinapayuhan ng kawikaan: “Huwag mong sagutin ang sinumang hangal ayon sa kaniyang kamangmangan.” Sa kabilang dako naman, ipinakikita ng Kawikaan 26:4, 5 na maaaring maging kapaki-pakinabang kung ang mangmang ay sasagutin “ayon sa kaniyang kamangmangan,” sa diwa na susuriin ang kaniyang mga argumento, ilalantad ang mga iyon bilang kamangmangan, at ipakikita na mali ang kaniyang mga konklusyon batay sa sarili niyang mga pangangatuwiran.

AGOSTO 18-24

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 27

Kung Paano Tayo Matutulungan ng mga Tunay na Kaibigan

w19.09 5 ¶12

Mahalaga kay Jehova ang mga Lingkod Niyang Mapagpakumbaba

12 Ang taong mapagpakumbaba ay nagpapahalaga sa payo. Bilang ilustrasyon: Isipin mong nasa pulong ka. Matapos makipagkuwentuhan sa ilang kapatid, may bumulong sa iyo na mayroon kang tinga. Siyempre, mapapahiya ka. Pero siguradong magpapasalamat ka na sinabi niya ito sa iyo. Ang totoo, baka nga maisip mong sana may nagsabi agad nito sa iyo! Sa katulad na paraan, dapat din nating mapagpakumbabang pasalamatan ang kapatid na naglakas-loob na payuhan tayo. Ituring natin siyang kaibigan, hindi kaaway.—Basahin ang Kawikaan 27:5, 6; Gal. 4:16.

it-1 1443 ¶2

Kapitbahay, Kapuwa

Gayunman, ipinapayo rin ng Mga Kawikaan ang pagkakaroon ng pananalig at pagtitiwala sa isang kasamahan at ang katalinuhan ng paglapit sa gayong tao sa panahon ng kagipitan: “Huwag mong iwan ang iyong sariling kasamahan o ang kasamahan ng iyong ama, at huwag kang pumasok sa bahay ng iyong sariling kapatid sa araw ng iyong kasakunaan. Mas mabuti ang kapitbahay [sha·khenʹ] na malapit kaysa sa kapatid na malayo.” (Kaw 27:10) Dito, waring sinasabi ng manunulat na ang isang malapít na kaibigan ng pamilya ay dapat pahalagahan at dapat na ito ang asahang mas makapagbibigay ng tulong kaysa sa isang napakalapit na kamag-anak gaya ng isang kapatid, kung nasa malayo ang kapatid na iyon, sapagkat maaaring hindi ito handa o wala ito sa tamang kalagayan upang tumulong na gaya ng nabanggit na kasamahan ng pamilya.

w23.09 10 ¶7

Mga Kabataan—Anong Buhay ang Gusto Ninyo?

7 Natutuhan natin sa maling desisyon ni Jehoas na kailangan nating pumili ng mga kaibigan na may mabuting impluwensiya sa atin—mga kaibigan na nagmamahal kay Jehova at gusto siyang mapasaya. Puwede rin tayong makipagkaibigan sa mga hindi natin kaedaran. Malaki ang agwat ng edad ni Jehoas at ng kaibigan niyang si Jehoiada. Ngayon, isipin ang mga kaibigan mo at tanungin ang sarili: ‘Napapatibay ba nila ang pananampalataya ko kay Jehova? Tinutulungan ba nila akong masunod ang mga pamantayan niya? Bukambibig ba nila si Jehova at ang katotohanan sa Bibliya? Iginagalang ba nila ang mga pamantayan ng Diyos? Sinasabi lang ba nila ang gusto kong marinig, o pinapayuhan nila ako kung kailangan?’ (Kaw. 27:5, 6, 17) Sa totoo lang, kung hindi mahal ng mga kaibigan mo si Jehova, hindi mo sila kailangan. Pero kung mahal nila si Jehova, pahalagahan mo sila—mabuting impluwensiya sila sa iyo.—Kaw. 13:20.

Espirituwal na Hiyas

w06 9/15 19 ¶11

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Kawikaan

27:21. Ang ating reaksiyon sa papuri ay maaaring magsiwalat kung sino tayo. Nakikita ang kapakumbabaan kapag napakikilos tayo ng papuri na kilalanin ang ating pagkakautang kay Jehova at napasisigla tayo nito na patuloy siyang paglingkuran. Nakikita naman ang kawalan ng kapakumbabaan kapag napakikilos tayo nito na isiping nakahihigit tayo sa iba.

AGOSTO 25-31

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 28

Pagkakaiba ng Masama at Matuwid na Tao

w93 5/15 26 ¶2

Ikaw ba ay Lubos na Sumusunod kay Jehova?

“ANG mga matuwid ay matapang na parang batang leon.” (Kawikaan 28:1) Sila’y may pananampalataya, may pagtitiwalang umaasa sa Salita ng Diyos, at humahayo sa may katapangang paglilingkuran kay Jehova sa harap ng anumang panganib.

it-2 1374 ¶3

Unawa

Yaong mga tumatalikod sa Bukal. Kapag bumaling ang isang tao sa paggawa ng kasalanan, hindi na niya isinasaalang-alang ang Diyos sa paggawa ng mga pasiya at mga plano. (Job 34:27) Pinahihintulutan ng gayong tao na bulagin siya ng kaniyang puso sa pagiging mali ng kaniyang mga landasin at nawawalan siya ng kaunawaan. (Aw 36:1-4) Kahit pa nga inaangkin niyang sumasamba siya sa Diyos, mga panuntunan ng tao ang inuuna niya sa halip na mga panuntunan ng Diyos, anupat mas pinipili niyang sundin ang mga iyon. (Isa 29:13, 14) Ipinagmamatuwid niya ang kaniyang mahalay na paggawi na sinasabing ito’y “katuwaan” lamang (Kaw 10:23) at siya’y nagiging baluktot, mangmang, at hangal sa kaniyang pangangatuwiran, hanggang sa ipalagay pa nga niya na hindi nakikita o nababatid ng di-nakikitang Diyos ang kaniyang masamang gawa, na para bang nawalan ang Diyos ng kakayahan sa pag-unawa. (Aw 94:4-10; Isa 29:15, 16; Jer 10:21) Sa pamamagitan ng kaniyang landasin at mga pagkilos, sa diwa ay sinasabi niya, “Walang Jehova” (Aw 14:1-3) at winawalang-halaga niya Siya. Palibhasa’y hindi pinapatnubayan ng mga simulain ng Diyos, wala siyang kakayahang magpasiya nang wasto hinggil sa mga bagay-bagay, makita nang malinaw ang mga isyu, at masuri ang mga salik na nasasangkot, anupat hindi siya nakagagawa ng tamang mga desisyon.—Kaw 28:5.

it-2 36 ¶2

Katapatan

Posible ang gayong landasin ng pag-iingat ng katapatan, hindi sa pamamagitan ng pagiging matatag ng personal na moral ng isang indibiduwal, kundi tanging sa pamamagitan ng malalim na pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova at sa kapangyarihan Niyang magligtas. (Aw 25:21) Ipinangako ng Diyos na siya ay magiging isang “kalasag” at “moog,” anupat babantayan niya ang daan niyaong mga lumalakad sa katapatan. (Kaw 2:6-8; 10:29; Aw 41:12) Ang palagian nilang pagkabahala ukol sa pagtatamo ng pagsang-ayon ni Jehova ay nagdudulot ng katatagan sa kanilang buhay, anupat nakatutulong sa kanila na tumahak sa isang tuwid na landasin tungo sa kanilang tunguhin. (Aw 26:1-3; Kaw 11:5; 28:18) Bagaman ang mga walang kapintasan, gaya ng sinabi ni Job samantalang nagugulumihanan siya, ay maaaring magdusa dahil sa pamamahala ng balakyot at maaaring mamatay kasama ng balakyot, tinitiyak ni Jehova na batid niya ang buhay ng taong walang pagkukulang at ginagarantiyahan niyang mananatili ang mana ng gayong tao, magiging mapayapa ang kaniyang kinabukasan, at magmamay-ari siya ng kabutihan. (Job 9:20-22; Aw 37:18, 19, 37; 84:11; Kaw 28:10) Gaya sa kaso ni Job, sa pagiging isang taong nagpapakita ng katapatan, at hindi sa pamamagitan ng kayamanan ng isa, nagkakaroon ng tunay na halaga ang isang tao, anupat nagiging marapat sa paggalang ng iba. (Kaw 19:1; 28:6) Maituturing na maligaya ang mga anak na nagkapribilehiyong magkaroon ng gayong magulang (Kaw 20:7), anupat sila ay tumatanggap ng marilag na pamana sa halimbawa sa buhay ng kanilang ama, at nagtatamasa ng isang bahagi ng kaniyang mabuting pangalan at ng paggalang na natamo niya.

Espirituwal na Hiyas

w01 12/1 12 ¶1

Maiiwasan Mo ang Espirituwal na Atake sa Puso

Sobrang pagtitiwala sa sarili. Maraming biktima ng atake sa puso ang lubhang nagtiwala sa kalagayan ng kanilang kalusugan bago sila atakihin sa puso. Kadalasan, ang mga pagpapatingin o pagpapasuri sa doktor ay itinuturing na hindi naman talaga kinakailangan o biru-biro lamang. Gayundin naman, maaaring madama ng ilan na yamang matagal-tagal na silang mga Kristiyano, walang anumang masama ang posibleng mangyari sa kanila. Maaaring pabayaan nila ang espirituwal na mga pagpapatingin o pagsusuri sa sarili hanggang sa dumating ang kasakunaan. Mahalaga na panatilihin sa isipan ang magandang payo laban sa sobrang pagtitiwala sa sarili na ibinigay ni apostol Pablo: “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.” Ang landasin ng karunungan ay ang kilalanin ang ating likas na di-kasakdalan at regular na suriin ang ating mga sarili sa espirituwal na paraan.—1 Corinto 10:12; Kawikaan 28:14.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share