Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Dapat Tanggihan ang mga Droga?
“AKO’Y isang emosyonal na bata,” sabi ni Mike, isang kabataang lalaki na 24 anyos. “Kung minsan ako ay natatakot at tinatakot pa nga ng iba na kasinggulang ko. Ako ay dumanas ng panlulumo, kawalan ng kasiguruhan, at kung minsan ay naisip ko pa nga ang magpatiwakal.”
Si Ann ay 36 anyos. Inilalarawan din niya ang kaniyang sarili na “emosyonal na napakabata,” na may “mababang pagpapahalaga-sa-sarili.” Sabi pa niya: “Nasumpungan kong napakahirap mamuhay nang isang normal na buhay.”
Bakit ang dalawang ito na sa ibang paraan ay malulusog na mga tao ay nagkaroon ng gayong emosyonal na problema? Inaani ni Mike at ni Ann ang mga resulta ng isang pasiya na ginawa nila nang sila ay bata-bata pa—ang mag-eksperimento sa mga droga.—Galacia 6:7.
Walang alinlangan na maraming kabataan ngayon ang gumagamit ng mga droga—mula sa mga hallucinogens hanggang sa marijuana. Kaya sa malao’t-madali ikaw ay maaaring alukan ng mga droga. Ang pagnanais na tanggapin ng iyong mga kaedad ay maaaring maging lubhang malakas, at ang pangangailangang ito na mapabilang sa isang grupo ay maaaring gumipit sa iyo. Ano ang gagawin mo? May pagtitiwala at lakas ka bang tanggihan ang mga droga? Bakit kailangan mong tanggihan? Bago natin masagot iyan, makatutulong na isaalang-alang muna ang ilang mga bagay tungkol sa iyo at ang mga pamamaraan sa paglaki na umaakay sa emosyonal na pagkamaygulang.
Kung Paano Ikaw ay Emosyonal na “Lumalaki”
Bilang isang kabataan, ikaw ay nasa panahon ng mabilis na paglaki kasama na ang seksuwal na paglaki. Ngunit higit pa sa pisikal na paglaki ang nararanasan mo. Ikaw rin ay emosyonal na lumalaki. Ano ang kahulugan nito?
Bueno, ikaw ay patuloy na nalalantad sa bagong mga karanasan at mga hamon na maaaring maigting gayunma’y kapaki-pakinabang. Ngunit ang lahat ng mga karanasang ito ay mahalaga sa iyong emosyonal na paglaki. Papaano? May kaugnayan ito sa pagpapaunlad mo ng kakayahang makitungo, yaon ay, ang kakayahan na harapin ang mga hamon sa buhay, matutuhan kung papaano pakikitunguhan ang tagumpay at kabiguan. Ito ang kahulugan ng emosyonal na paglaki. Ang mga kabataan na nagsisikap tumakas sa mga problema sa pagbaling sa mga droga ay maaaring aktuwal na hadlangan ang gayong emosyonal na paglaki. Pag-uusapan pa nating higit ang tungkol diyan mamaya.
Ngunit bakit tatawaging isang kasanayan ang kakayahan na makitungo? Sapagkat ito’y isang bagay na dapat matutuhan o isagawa upang makamit. Upang ilarawan: Namangha ka na ba sa pagmamasid sa isang mahusay na manlalaro ng soccer? Marahil ikaw ay nabighani sa paraan ng pagharap niya sa mga hamon ng laro. Minasdan mo ang paggamit niya ng kaniyang ulo at mga paa sa paraan na totoong kahanga-hanga! Gayunman, papaano nagkaroon ang manlalarong ito ng gayong kahusayan? Sa pamamagitan ng mga taon ng pag-eensayo. Natutuhan niyang sumipa ng bola, tumakbong kasama nito, magdribol, manlansi, at iba pa, hanggang sa siya ay maging bihasa sa laro.
Ang pagkakaroon ng kahusayan sa pakikitungo ay gayundin. Nangangailangan ng pag-eensayo! At paano mo magagawa iyon? Ang Bibliya ay naglalaan ng isang himaton sa Roma 5:3: “Magalak tayo samantalang nasa mga kapighatian, yamang alam natin na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis.” Ang pagtitiis ay isang katangian ng pananatiling matatag sa ilalim ng panggigipit o kahirapan nang hindi sumusuko. At pansinin na sa pamamagitan ng pagharap at pakikitungo sa “kapighatian,” o maigting na mga kalagayan, na maaari mong mapaunlad ang katangian ng pagtitiis. Ang pagtitiis na nagagawa mo sa panahon ng iyong kasalukuyang “kapighatian” ay mag-iiwan sa iyo na mas nasasangkapan upang pakitunguhan ang mga kahirapan sa hinaharap. Kaya, ang “kapighatian” ay maaaring maging isang positibong karanasan na nagbubunga ng mabuting mga resulta.—Ihambing ang Santiago 1:2-4.
Paano mo maikakapit ang simulaing ito sa iyong buhay? Sa pamamagitan ng pagharap at pakikitungo sa mga problema o mga kahirapan na nararanasan mo ngayon bilang isang kabataan. Halimbawa, ikaw ba ay walang pagtitiwala? Ikaw ba ay mahiyain o malungkot? O marahil ikaw ay nababahala sa iyong pisikal na hitsura? Ang iyo bang buhay pampamilya ay mahirap o ikaw ba ay may problema sa paaralan? Ang mga problema ay iba-iba sa bawat kabataan, mula sa maliit na “pang-araw-araw” na mga problema tungo sa higit na nakababahalang mga problema na kung minsan ay nag-uudyok sa mga pag-iisip na magpatiwakal. Ngunit anuman ang iyong problema, upang emosyonal na lumaki kailangan mong harapin at pakitunguhan ang mga ito ngayon!
‘Ngunit ano ang kaugnayan ng lahat na ito sa pagtanggi sa mga droga?’ tanong mo. Isaalang-alang.
Ang mga Droga ay Humahadlang sa Paglaki
Si Ann, na dati’y gumagamit ng mga droga bilang isang paraan ng pagtakas sa katotohanan, ay nagsasabi: “Sa loob ng 14 taon hindi ko nilutas ang aking mga problema.” Siya ay umaamin: “Emosyonal na napakabata ko.” Gayunding kaisipan ang ipinahayag ni Mike, na ang sabi: “Gumamit ako ng mga droga simula nang ako’y 11 taóng gulang. Nang ako’y huminto sa edad na 22, para akong isang bata. Sumandig ako sa iba, na humahanap ng kasiguruhan. Natanto ko na ang aking emosyonal na paglaki ay huminto nang nagsimula akong gumamit ng mga droga.”
Inaakala ni Mike, ni Ann, at ng di-mabilang na iba pa na gaya nila, na pagkatapos nilang mag-eksperimento sa mga droga na ang mga sustansiyang ito ay maaaring gamitin upang mapakitunguhan ang mga kahirapan sa buhay. Ngunit mentras dumidepende sila sa mga droga lalo naman nilang hindi aktuwal na nakakaharap ang mga problema. Ang resulta? Hindi nila napaunlad ang mga kahusayan sa pakikitungo na kinakailangan para sa maygulang na buhay. Ang kanilang emosyonal na paglaki ay huminto o bumagal nang sila ay gumamit ng mga droga.
Gaya ng paliwanag ni Dr. Sidney Cohen, dating direktor ng Division of Narcotic Addiction and Drug Abuse: “Ang problema sa mga kabataang gumagamit [ng droga] na nasa kalagayang ‘high’ sa droga ay na kahit na mayroong natutuhan, ay walang panahon na isagawa ito. Ang kaniyang araw ay binubuo ng ‘paghitit ng damo’ pagkatapos ng almusal, sa reses kung alas-10, at sa pananghalian, at iba pa. Ito ay nag-iiwan ng kaunting panahon para sa anumang uri ng pagsasagawa o pagrerepaso ng anumang natutuhan.”
Upang higit itong maunawaan, alalahanin ang ating ilustrasyon tungkol sa manlalaro ng soccer. Ano ang mangyayari kung hihinto siya sa pagsasanay ng soccer sa panimulang yugto ng kaniyang pagsasanay, sabihin nang pagkatapos niyang matutuhang sumipa ng bola? Aba, hanggang doon na lamang siya sa kakahayang iyon. Gayundin naman, ano ang mangyayari kung ang 13-taóng-gulang sa pamamagitan ng paggamit ng mga droga ay tumigil na isagawa ang mga kahusayan sa pakikitungo? “Sinayang ko ang lahat ng mga taóng iyon ng pag-unlad,” sagot ni Frank, na naging sugapa sa droga sapol nang siya ay 13 anyos. “Nang ako’y huminto, natanto ko ang masaklap na katotohanan na ako ay ganap na hindi handang pakitunguhan ang buhay. Ako’y isang 13-anyos na muli na may gayunding emosyonal na kaligaligan na nakakaharap ng sinumang nagbibinata o nagdadalaga.”
Tayo ay Natututo sa Pamamagitan ng Karanasan
Kapag naranasan mo ang buhay ng kasibulan taglay ang mga tagumpay at mga kabiguan nito, sa katunayan ay inihahanda mo ang iyong sarili para sa buhay at sa lahat ng mga hamon nito. “Marami tayong natututuhan sa pamamagitan ng karanasan,” paliwanag ng isang tagapayo ng pagpapanibagong-buhay sa Awake! “Habang nararanasan natin ang buhay ang ating mga kaisipan ay gumagawa ng permanenteng rekord, isa na maaari nitong balingan kapag nakaharap ang isang problema. Ito ay katulad na katulad ng isang computer. Ating isinasaprograma ang mga impormasyon sa isang computer. At kapag nakaharap ang isang problema, sinasaliksik nito ang kaniyang memory bank, sinusuri, at nakukuha ang kasagutan. Ngunit ano kaya ang mangyayari kung ipinograma natin ang kahit na isang maliit na maling impormasyon dito? Kapag kinailangan na lutasin ang ilang mga problema, ito ay magbibigay ng maling mga kasagutan.”
Bilang isang kabataan, ang iyong paraan ng pagkatuto ay nahahawig. Ganito pa ang sabi ng nabanggit na tagapayo: “Kung nararanasan ng isang kabataan ang buhay samantalang nagpapakasugapa sa mga droga, ang kaniyang isipan ay magtatala ng mali o pilipit na mga impormasyon. Pagkatapos kung makaharap niya ang mga problema, ibabatay ng kaniyang isipan ang pagsusuri nito sa maling impormasyon, sa gayon ay ginagawa nitong mahirap para sa kaniya na pakitunguhan ang ilang mga problema sa buhay.”
Kaya bilang isang kabataan, kinakailangan na ganap na maranasan mo ang buhay taglay ang lahat ng mga tagumpay at kabiguan nito. Totoo, ang paglaki ay hindi madali. Ngunit kung iiwasan mo ang “mga pasakit na kaugnay sa paglaki” sa pamamagitan ng paggamit ng mga droga, maaaring lubhang mahadlangan mo ang iyong mga pagkakataon na maging isang responsableng maygulang.
Tungkol dito matuto ng leksiyon mula kay Jesu-Kristo mismo. Nang siya ay nasa tulos na kinamatayan niya, inalok siya ng iba ng “alak na hinaluan ng drogang mirra” upang matakasan niya ang hirap. Ano ang kaniyang ginawa? “Hindi niya tinanggap,” ang sagot ng Bibliya. (Marcos 15:23) Kaya ano ang dapat mong gawin kapag hinimok ka ng iba na sumubok ng mga droga? “Huwag!” pakiusap ni Mike. “Huwag kayong mag-eksperimento sa mga droga. Magdurusa kayo habang buhay!”
Ngunit papaano ka makatatanggi sa mga droga? Ito ay tatalakayin sa hinaharap na labas ng Gumising!
[Blurb sa pahina 18]
“Huwag kayong mag-eksperimento sa mga droga,” pakiusap ni Mike. “Magdurusa kayo habang buhay!”
[Larawan sa pahina 17]
Ano ang sasabihin mo?