Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 12/8 p. 11-13
  • Paano Ako Makakabangon Mula sa Pag-abuso sa Droga?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ako Makakabangon Mula sa Pag-abuso sa Droga?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Emosyonal na Paggaling
  • Kailangan​—Isang Mas Mahalagang Kaugnayan
  • Pagkasumpong sa “Isang Bagay na Mas Mabuti”
  • Paano Ako Makakaalpas sa mga Droga?
    Gumising!—1986
  • Mapagtatagumpayan ba ang Pakikipagbaka sa Droga?
    Gumising!—1999
  • Kung Paanong ang Bawal na Droga ay Nakaaapekto sa Iyong Buhay
    Gumising!—1999
  • Droga—Bakit ba Inaabuso ng mga Tao ang Paggamit sa mga Ito?
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 12/8 p. 11-13

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ako Makakabangon Mula sa Pag-abuso sa Droga?

Habang parami nang paraming mga kabataan ang nag-eeksperimento sa mga droga, ang suliranin sa kung paano makakabangon mula sa pag-abuso sa droga ay lalong naging mahalaga. Tinatalakay ng artikulong ito ang emosyonal na mga aspekto ng paggaling. Inilalathala namin ito upang tulungan yaong mga nagpupunyaging makaalpas mula sa droga. Kasabay nito, hangad namin na ang kabatiran sa kung ano ang nasasangkot sa paggaling ay tutulong sa ibang mga kabataan na iwasan ang masangkot sa mga droga.

“NANG una akong huminto sa paggamit ng mga droga, nahirapan akong kilalanin ang aking mga damdamin,” gunita ni Allen. “Kung minsan, hindi ko alam kung ako ay masaya o malungkot. Ang aking madalas na matinding galit ay kalimitang mula sa maliliit na mga bagay. Basta hindi ko alam kung paano kukontrolin ang aking mga damdamin.”

Isang pambihirang karanasan? Hindi naman. Karaniwan ito sa mga gumagaling na mga mang-aabuso sa droga na magkaroon ng ilang problema may kaugnayan sa kanilang mga emosyon nang una silang huminto sa paggamit ng droga. Gayunman, ang problema ay na kadalasan sa hilig na guminhawa ang isa ay nagbabalik sa droga. Kaya, mahalaga na matutuhan nilang panatilihin ang mabuting emosyonal na kalusugan.a Subalit papaano?

Emosyonal na Paggaling

Si Allen, na nagsisimula sa kaniyang ikalawang taon ng buhay na malaya-droga, ay nagsasabi: “Upang talagang mapangasiwaan ko ang aking mga emosyon, samantalang pinatatatag ang aking buhay, sinikap kong sundin ang isang payak na tuntunin: Huwag maging labis na gutom, galit, malungkot, o pagod. Nasumpungan ko na kapag nananatili ako sa tuntuning ito, nararamdaman kong ako’y nasa pinakamabuting kalusugan kapuwa sa pisikal at emosyonal na paraan.” Oo, isaalang-alang kung ano ang sinasabi ng mga dalubhasa sa drug rehabilitation (pagbabagong-buhay mula sa droga) tungkol sa pag-iwas sa apat na bagay na ito:

Gutom: Ang gutom, pati ang pagbaba ng antas ng asukal sa dugo (blood-sugar), ay maaaring pagmulan ng pagkayamot at panlulumo, sabi ng mga dalubhasa. Samakatuwid mahalaga na sa regular na pagitan ang nagpapagaling na mang-aabuso sa droga ay dapat kumain ng timbang na pagkain, kasama ang mga gulay, prutas, at proteina. At, mangyari pa, makabubuting iwasan niya ang basurang mga pagkain​—mga karbohidrato na gaya ng kendi, cake, mga biskuwit, at mga inuming de bote na naglalaman ng asukal. Iminumungkahi rin na iwasan niya ang alkohol o alak dahilan sa katangian nito na nagbabago-kalagayan.b

Galit: Ang di-mapigil na galit ay isang tunay na panganib sa paggaling. Ang galit ay nagpapangyari sa iyo na gawin at sabihin ang mga bagay na maaari mong pagsisihan sa dakong huli. Ito naman, ay nagbubunga ng mga pagkadama ng pagkakasala, panlulumo, at mababang pagpapahalaga-sa-sarili, na ang alinman dito ay maaaring madaling umakay sa nagpapagaling na mang-aabuso sa droga na bumalik sa paggamit ng droga. Sinasabi sa atin ng Bibliya na “kayo’y magalit, subalit huwag magkakasala.” (Efeso 4:26) Kaya bagaman ikaw ay maaaring makatuwirang magalit paminsan-minsan, pananagutan mo pa rin na pigilin o kontrolin ang gayong galit. Kaya itanong mo sa sarili: ‘Bakit ba ako nagagalit? Ano ang mabuting magagawa ko tungkol sa kalagayan?’ Sikaping ipakipag-usap ang mga bagay sa isang responsableng maygulang bago ka magsalita o gumawa ng isang bagay na pagsisisihan mo sa dakong huli. Ipahayag mo ang iyong nadarama sa isang mahinahon, maygulang na paraan. Ang paghinga o ang pagsasabi sa iba ng iyong mga nadarama ay isa sa pinakamabuting paraan ng pakikitungo rito.

Malungkot: Ang kalungkutan ay maaaring pagmulan ng negatibong mga damdamin na gaya ng labis na pag-iisip sa sarili, inggit, pagkaawa-sa-sarili, panlulumo. Minsan pa nariyan ang panganib na ang gayong negatibong mga damdamin ay maaaring magdala sa dating mang-aabuso na bumalik sa paggamit ng droga, sa paghahangad ng ginhawa. Kapag nasumpungan mo ang iyong sarili na nalulungkot, tawagin mo ang isang matalik na kaibigan upang ipakipag-usap ang tungkol sa iyong mga damdamin. (Kawikaan 17:17) O sikaping makipag-usap sa isa sa iyong mga magulang. Isang mabuting paraan upang labanan ang kalungkutan ay ilaan ang iyong sarili sa pagtulong sa iba. Tandaan, “May higit na kaligayahan ang magbigay kaysa tumanggap.”​—Gawa 20:35.

Pagod: Iniuulat, ito higit sa ano pa mang ibang salik ang maaaring magdulot ng kabiguan sa paggaling ng isa. Ang pagiging pagod ay hindi lamang gagawa sa iyo na nayayamot at nanlulumo kundi maaari rin nitong palabuin ang iyong pag-iisip. Kaya, lubhang inirirekomenda na ang nagpapagaling na mang-aabuso sa droga ay magkaroon ng isang maayos na huwaran sa pagtulog, na siya ay kailangang matulog at gumising sa regular na mga oras upang siya ay makatulog na mabuti.

Sa praktikal na paraan, paano gumagana ang lahat ng ito? Ganito ang paliwanag ni Allen: “Kapag ako ay nayayamot o nanlulumo, ako ay basta humihinto at nag-iisip: ‘Ako ba ay labis na gutom, galit, malungkot, o pagod?’ Kadalasan ang isang payak na pagbabago sa isa sa mga pitak na ito ang nagpapahusay sa aking pakiramdam​—nang walang droga!”

Kailangan​—Isang Mas Mahalagang Kaugnayan

Kadalasan ang isang mang-aabuso sa droga ay nagkakaroon ng isang malapit na kaugnayan sa kaniyang mga droga​—dumidepende siya sa mga droga upang maging tiwasay, maligaya, o mas komportable sa mahirap na mga kalagayan.

Ganito ang naguguniguni ni Fred, na gumamit ng mga droga sa loob ng maraming taon: “Ang sosyal na mga pagtitipon ay isang masamang panaginip. Ako ay mahiyain at asiwa kapag kasama ng ibang tao. Nininerbiyos ako, inaakalang hindi ako nababagay. Ang tanging lunas na nakikita ko ay ang gumamit ng mga droga upang marelaks. At hindi nagtagal ay nagkaroon ng problema.” Anong uri ng problema? “Ako ay makalawang naaresto,” sabi pa niya, “minsan dahilan sa magulong paggawi at minsan dahilan sa pagmamaneho nang lasing. Nang mga panahong ito ako ay hibang sa droga.”

Kung hindi problema sa batas, maaaring masumpungan ng mang-aabuso sa droga ang kaniyang sarili na may problema sa kaniyang mga guro sa paaralan. O ang kaniyang kaugnayan sa kaniyang mga mahal sa buhay ay maaaring maigting. Kung ang mga bagay ay sumamâ, maaaring sikapin niyang huminto sa paggamit ng mga droga. Subalit malibang halinhan niya ang nawala niyang kaugnayan sa mga droga ng isang bagay na mas mahalaga, maaaring masumpungan niya ang kaniyang sarili na bumabalik sa paggamit ng droga. Gaya ng isinulat ni Dr. Sidney Cohen sa The Journal of the American Medical Association: “Ang mga tao ay hindi humihinto sa paggamit ng bumabago-kalagayan na mga droga hanggang sa matuklasan nila ang isang bagay na mas mabuti.”

Pagkasumpong sa “Isang Bagay na Mas Mabuti”

Nasumpungan kapuwa ni Allen at ni Fred ang “isang bagay na mas mabuti” kaysa mga droga. Sila’y nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos ang Bibliya, natutuhan nila ang tungkol sa mapagmahal na mga katangian ng Diyos at kung paano magkakaroon ng isang tulad sa ama-anak na kaugnayan sa kaniya.

Ganito ang pagkakasabi ni Allen: “Ang pagkaalam tungkol sa awa ng Diyos ay nagpalapit sa akin sa kaniya anupa’t maaari kong lapitan ang buhay na may pagtitiwala. Mas maligaya ako ngayon kaysa kailanman.” Si Fred ay sumasang-ayon, at sabi pa: “Bagaman ang ibang mga araw ay mas mabuti kaysa sa iba, tapatang masasabi ko na nasumpungan ko ang panloob na kapayapaan na hindi ko nasumpungan sa mga droga.” Ang “kapayapaan ng Diyos” na ito na ‘nag-iingat sa puso at pag-iisip ng isa’ ay ipinangako roon sa nagkaroon ng isang malapit na kaugnayan sa Diyos.​—Filipos 4:6, 7.

Ang gayong mapayapang pagkanasisiyahan ay hindi mapapantayan ng anumang artipisyal na paraan, at makatutulong ito sa iyo na pakitunguhan ang mga problema na mahirap o hindi mo masawata, gaya ng karamdaman o marahil ay kamatayan ng isang mahal sa buhay. (Eclesiastes 9:11) Maaari ka ring makasumpong ng lakas na harapin ang pang-araw-araw na mga hamon​—mabisang nakikitungo sa iba na hindi maganda ang trato sa iyo o pakikitungo sa mga araw kung kailan ang lahat ng bagay ay waring hindi mabuti!

Kapag bumangon ang mga problema, matutong lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Ibahagi mo sa kaniya ang iyong pinakamalalim na mga kaisipan, damdamin, at mga pangangailangan. Sabihin mo sa kaniya ang iyong mga pagkatakot, ang iyong mga pagkabalisa, ang iyong mga kabiguan. Ipahayag mo ang iyong mga katuwaan at pagpapasalamat. Ang gayong taimtim na panalangin, kapag binanggit “sa pananampalataya,” ay tutulong upang pahinahunin ang iyong puso. (Santiago 1:6-8) Tandaan ang sinabi ng apostol​—ang gayong marubdob na mga pagsusumamo ay nagdudulot ng “kapayapaan ng Diyos” na ‘mag-iingat sa iyong puso’ at tutulong sa iyo na huwag “mabalisa sa anumang bagay.”

Mentras mas malapit ka kay Jehova, mas madarama mo ang kaniyang interes sa iyong buhay, kung paanong nadarama ng isang sanggol ang pag-ibig ng isang nagmamalasakit na magulang. At bawat balakid na mapagtagumpayan mo sa tulong ng Diyos ay magiging isang matibay na bloke ng pananampalataya, na magsisilbing isang pader ng proteksiyon, pinatitiwasay ang iyong damdamin.

Oo, upang maging matagumpay sa paggaling, kinakailangang halinhan ng dating mang-aabuso sa droga ang mga droga ng mapayapang pagkakontento na nagmumula sa isang malapit na kaugnayan sa Diyos. Ang gayong kaugnayan ay magpapangyari sa kaniya na masiyahan sa buhay nang hindi nagbabalik sa droga para sa huwad na pagkadama ng katiwasayan. Ganito ang sabi ni Fred, na ngayon ay hindi na gumagamit ng droga sa mahigit na tatlong taon: “Nakasumpong ako ng isang panloob na kapayapaan na hindi ko kailanman nasumpungan sa droga.”

[Mga talababa]

a Para sa pagtalakay kung bakit at paano tatanggihan ang droga at kung ano ang nasasangkot sa pisikal na paggaling mula sa pag-abuso sa droga, pakisuyong tingnan ang aming mga labas noong Agosto 8, 1985, Pebrero 22, at Abril 8, 1986, sa Tagalog.

b Sang-ayon sa pulyetong Narcotics Anonymous, “ang paghahalili ng alkohol ay nagpangyari sa maraming sugapa na magkaroon ng bagong huwaran ng pagkasugapa, na sa paglala nito ay nagdadala ng mas maraming problema kaysa sa dati.”

[Blurb sa pahina 11]

“Sinikap kong sundin ang isang payak na tuntunin: Huwag maging labis na gutom, galit, malungkot, o pagod”

[Blurb sa pahina 13]

“Nakasumpong ako ng isang panloob na kapayapaan na hindi ko kailanman nasumpugan sa droga”

[Larawan sa pahina 12]

Dapat iwasan ng nagpapagaling na mga mang-aabuso sa droga ang alkohol o alak dahilan sa mga katangian nito na nagbabago-kalagayan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share