Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 4/8 p. 14-16
  • Paano Ako Makatatanggi sa Droga?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ako Makatatanggi sa Droga?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Panggigipit ng mga Kaedad
  • “Paglakad na Kasama ng mga Taong Pantas”
  • “Ang Kapayapaan ng Diyos”
  • Bakit Magsasabi ng Hindi sa Droga?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Bakit Dapat Tanggihan ang mga Droga?
    Gumising!—1985
  • Paano Ako Makakaalpas sa mga Droga?
    Gumising!—1986
  • Paano Ako Makakabangon Mula sa Pag-abuso sa Droga?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 4/8 p. 14-16

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ako Makatatanggi sa Droga?

ISANG malamig na gabi ng tag-araw, dalawang kabataang lalaki ang magkasamang nakikinig sa musika. Sila ay magpinsan at matalik ding magkaibigan. “Gumawa tayo ng isang kasunduan,” mungkahi ni Joe, ang nakababata sa dalawa. Napukaw ang pagkausyoso ni Frank. “Anuman ang gawin ng iba,” patuloy ni Joe, “huwag tayong makisangkot sa droga.” Si Frank ay nasiyahan sa mungkahi ng kaniyang pinsan at nagpahayag ng pagsang-ayon, na ang sabi, “Magkamay tayo bilang pagsang-ayon dito!”

Masaya sanang iulat ang isang maligayang wakas sa tunay-sa-buhay na karanasang ito, subalit, nakalulungkot sabihin, walang maligayang wakas. Pagkaraan lamang ng limang taon, si Joe ay nasumpungang patay sa loob ng kaniyang kotse dahilan sa isang aksidente na nauugnay sa droga. At si Frank ay naging sugapa sa droga.

Ano ang nagkamali? Bakit nabigo sa kanilang pagsisikap ang dalawang kabataang lalaki na lubhang disididong maging malaya sa droga? Ang kasagutan ay nasa mahalagang babalang ito na masusumpungan sa Bibliya: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Kapuwa si Joe at si Frank ay napasangkot sa maling barkada. Habang sila ay higit at higit na nakisama roon sa mga gumagamit ng droga, ang kanilang pagtutol o paglaban ay nanghina. Sila’y nagsimulang mag-eksperimento sa droga.

Panggigipit ng mga Kaedad

Ang pagtukoy ng Bibliya sa kasama ay maaaring ikapit sa iyong mga kaedad, yaon ay, yaong mga kasing-edad mo sa grupo na mayroong kang malapit na pakikipag-ugnayan. Ang grupong ito ng mga kaedad mo ay magkakaroon ng tiyak na impluwensiya sa iyo. Sa anong mga paraan? Sang-ayon sa isang pag-aaral ng University of Minnesota, “Malakas na naiimpluwensiyahan ng mga tin-edyer ang isa’t isa kung tungkol sa pananamit at ayos, pagpili ng mga libangan, pananalita, at paggamit ng alkohol at droga.”​—Amin ang italiko.

Kaya, kung ang mga droga ay ginagamit sa iyong grupo ng mga kaibigan, malamang na ikaw ay sumunod din. “Para sa akin ang panggigipit ng mga kaedad ang isa sa pinakamahirap na bagay na pakitunguhan,” sabi ni Mike, isang kabataang lalaki na may mahabang kasaysayan ng mga suliraning nauugnay sa droga. “Nang una akong humitit ng marijuana, ginawa ko ito sapagkat ginagawa ito ng lahat ng mga kabataang kasama ko, at nais kong makisama.”

Bilang isang kabataan, naranasan mo na ba kung minsan na gipitin na “makisama” sa iyong mga kaedad? Kapuna-punang banggitin na ang iyong pagnanais na makisama ay normal. Ganito ang paliwanag ng aklat na Adolescent Peer Pressure: “Ang malakas na interaksiyon at impluwensiya sa magkakaedad ay normal, kinakailangan, at malusog na bahagi ng pagsulong ng nagbibinata o nagdadalaga.” Sa gayon habang ikaw ay lumalaki at nagkakaroon ng malapit na personal na pakikipagkaibigan, maaaring ikaw ay higit at higit na dumipende sa mga kaibigang ito bilang pinagmumulan ng kaaliwan, pag-unawa, at impormasyon.

Gayunman, ito ay maaaring mauwi sa isang negatibong kalagayan. Papaano? Bueno, kung ang mga kabataan na pinagkakatiwalaan mo ay magsimulang gumamit ng mga droga, ikaw ay mapapasailalim ng malakas na emosyonal na panggigipit na makiayon, makisama. Gaano man karangal ang iyong mga intensiyon, malibang baguhin mo ang iyong mga kaibigan, malamang na ikaw man, ay gumamit ng droga.

‘Subalit imposible iyan!’ maaaring sabihin mo. Maaaring akalain mo na ang iyong mga paniniwala ay napakatibay anupa’t walang makapagpapabago nito. Gayunman, ito mismo ay maaaring maging isang silo. Papaano? Bueno, tandaan, sa kasulatang sinipi kanina ang babala tungkol sa masamang mga kasama ay sinimulan ng mga salitang, “Huwag kayong padaya.” Kaya ipinahihiwatig ng Bibliya na pagdating sa mga masamang kasama tayo ay may hilig na maliitin ang panganib, upang dayain ang ating mga sarili sa pag-iisip, ‘Hindi ako maiimpluwensiyahan ng aking mga kaibigan!’

At iyan ang inakala ni Frank at ni Joe. Gayunman, sa kabila ng kanilang mabuting mga intensiyon, sila ay naging biktima ng negatibong panggigipit ng mga kaedad, at ang isa sa kanila ay nagbuwis ng kaniyang buhay. Kaya kung talagang nais mong tumanggi sa droga, mahalagang iwasan ang mga kasamang gumagamit ng droga.

“Paglakad na Kasama ng mga Taong Pantas”

Sa nakalipas na mga ilang taon, si Mike ay nakaiwas sa mga droga. Ano ang nakatulong sa kaniya? Sa isang bagay, binago niya ang kaniyang mga kaibigan. Paliwanag niya: “Ang pag-abuso sa droga ay hinahamak ng mga taong kasa-kasama ko ngayon. Kaya walang anumang panggigipit na kumuha ng droga; hinding-hindi ito iminumungkahi o pinag-uusapan.”

Kaya paano natulungan si Mike ng kaniyang mga kaibigan na tumanggi sa droga? Minsan pa, masasabi natin, ito’y ang panggigipit ng mga kaedad​—hindi ang negatibong uri na nagmumula sa masamang mga kasama kundi ang positibong uri na nagmumula sa mabuting mga kasama. Isang kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal. Gayon ang tao ay nagpapatalas sa mukha ng kaniyang kaibigan.” (Kawikaan 27:17) Kaya ang isang pakikipagkaibigan na nagbibigay ng tibay-loob sa isa’t isa ay maaaring magpatalas sa iyong kakayahan na tanggihan ang tukso na kumuha ng droga.​—Ihambing ang Hebreo 10:24; 1 Samuel 23:15, 16.

Bakit totoo ito? Bueno, gaya ng nasabi kanina, normal para sa iyo na naising makisama sa iyong mga kaedad. Iyan ang dahilan kung bakit mahalaga na piliin mo ang pinakamabuting mga kaedad hangga’t maaari. Gaya ng paliwanag ng Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikisama sa mga mangmang ay mapapariwara.”​—Kawikaan 13:20.

Upang ilarawan ang punto, isaalang-alang ang ilang pag-iingat na maaaring kunin mo upang maiwasan na magkasipon. Maaaring bantayan mo kung ano ang iyong kinakain, magkaroon ng sapat na pamamahinga, at iwasan ang malapit na pakikisalamuha sa mga taong may sipon. “Sa gayunding paraan,” sabi ng aklat na Adolescent Peer Pressure, “kung iiwasan natin . . . ang pag-abuso sa droga . . . , kailangang panatilihin natin ang malusog at timbang na kalagayan at bawasan ang pagkahantad sa nakapipinsalang mga impluwensiya.”​—Amin ang italiko.

Kaya, talaga bang nais mong tumanggi sa droga? Kung gayon bantayan ang iyong mga kasama! Hangarin ang positibong panggigipit ng mga kaedad na nagmumula sa mabuting mga kasama.

“Ang Kapayapaan ng Diyos”

Bagaman ang mabuting mga kasama ay mahalaga upang mahadlangan ang pag-abuso sa droga, ito sa ganang sarili ay hindi sapat. May mga pagkakataon pa rin kung minsan na ikaw ay aalukan ng droga. Kaya mahalaga na ikaw ay maging matatag sa iyong pasiya. Huwag humingi ng paumanhin kapag tumatanggi sa droga. Matatag na sabihing hindi! Makatutulong din na unawain kung bakit ang maraming kabataan ay bumabaling sa droga. Isaalang-alang.

Ang pagbibinata o pagdadalaga ay isang panahon ng mabilis na mga pagbabago. Halimbawa, maaaring nararanasan mo ang pisikal na mga pagbabago na magpangyari sa iyo na maging balisa o nalilito. At ang iyong mga kaugnayang panlipunan o sosyal ay maaaring nagbabago rin. Kasabay nito, marahil higit ang inaasahan sa iyo ng iyong mga magulang o ng iyong mga guro. Ang resulta? Ang aklat na Adolescent Peer Pressure ay sumasagot: “Kapag ang lahat ng mga pagbabagong ito ay nagpatung-patong sa isang yugto ng panahon sa buhay​—isa na mabuway pa kung tungkol sa mga kasanayan sa pakikitungo​—isa itong mahalagang sangandaan sa pag-unlad. Nakapagtataka na napakaraming sinaunang nagbibinata o nagdadalaga ang gumawa nang napakahusay at aktuwal na nakaraos.”

Oo, ang mga taon ng pagbibinata o pagdadalaga ay tunay na maaaring maging mahirap. Maaaring tuksuin ka nito na bumaling sa pansamantalang ginhawa na maaaring idulot ng droga. Subalit mayroong bagay na mas mabuti. Ang Bibliya ay nagpapaliwanag: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan.”​—Filipos 4:6, 7.

Ang “kapayapaan [na ito] ng Diyos,” sabi ni Pablo, ay maaaring tumayo na parang isang tanod upang bantayana ang iyong puso at kaisipan. Paano ka magkakaroon nitong “kapayapaan ng Diyos”? Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malapit na personal na kaugnayan sa Diyos. Sa pamamagitan ng pag-alam tungkol sa kaniya at ibigin siya, masusumpungan mo ang kapayapaan ng isipan na hindi makakamit sa pamamagitan ng anumang artipisyal na pamamaraan na gaya ng droga. Kaya, gaano man kaigting ang iyong buhay, may pagtitiwalang makakaasa ka ng tulong sa Diyos at mararanasan mo ang katiwasayan na maibibigay lamang sa iyo ng pananampalataya sa Diyos.

[Talababa]

a Sa katunayan, ang salitang Griego na isinaling “guard” o bantay (isang anyo ng pandiwang phrou·reʹo) ay isang katagang militar na literal na nangangahulugang ‘nagbabantay.’

[Kahon sa pahina 15]

Upang Matanggihan ang Droga . . .

Iwasang makisama sa mga gumagamit ng droga

Tanggihan ang anumang pag-alok ng droga! Gawin ito sa paraan na nagpapabanaag ng iyong matatag na determinasyon na huwag gumamit ng droga

Hanapin ang mabuting mga kasama na magpapatibay sa iyo at sa iyong pasiya na manatiling malaya sa droga

Ipakipag-usap ang iyong mga problema. Ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang o sa ibang responsableng mga adulto na makatutulong sa iyo

[Larawan sa pahina 16]

Huwag humingi ng paumanhin tungkol sa pagtanggi sa mga droga. May pagdiriing sabihing hindi!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share