May Napapala Ba sa Krimen?
“Walang sinuman ang lumalabas at gumagawa ng krimen sapagkat sila ay nagugutom ngayon,” sabi ni Alkalde Koch ng New York. “Kaya nga bakit nagagapi ang mga tao na gumawa ng krimen?” Sabi pa niya: “Sapagkat mas malamang na hindi ka mahuli. Kung mayroon kang 500,000 o higit pa na nagawang krimen, mga 100,000 lamang nito ang nagwawakas sa mga pag-aresto at 2 porsiyento lamang ang nagtutungo sa bilangguan. Yaon . . . ang mga kalamangan.”
MANGYARI pa, ang opinyon ni Alkalde Koch ay isa lamang aspekto ng napakamasalimuot na problema—ang mga sanhi ng krimen. Gayumpaman, ito ay mahalagang punto. Kung ang uring kriminal sa anumang bansa ay naniniwala na may kaunting posibilidad na mahuli, mas malamang na sila ay magpatuloy sa kanilang pinakikinabangang karera.
Kadalasan ang pangunahing pangganyak sa krimen ay ang pagnanasa sa salapi. Ang ninakaw na bagay ay madaling nagiging pera. At ano ang pinakamalaking pinagkakakitaan ng pera sa daigdig ngayon? Narito ang isang himaton: “Kung may isang korporasyon na nagbibili ng cocaine ngayon sa Estados Unidos, ang $30 bilyon [$30,000 milyon] na taunang buwis nito ay maglalagay rito na ikapito sa 500 mga korporasyon na itinala ng Fortune.” (The New York Times) At iyan ay kumakatawan lamang sa isang droga—cocaine! Kung pagsasamahin natin ang lahat ng salapi na pumapasok sa lahat ng pangangalakal ng droga sa buong daigdig, ang bilang ay maaaring makalito sa isipan. Ang krimen at mga droga ay nagbabayad ng malaking ganansiya sa mga tao sa buong daigdig. Ang mga milyonaryo dahilan sa droga ay nagtatayo ng magastos na mga villa at maluhong mga tahanan para sa kanilang mga sarili. Para sa kanila, may napapala sa krimen. Ngunit paano nila nalulusutan ito?
Bakit Umuunlad ang Krimen?
Kabilang sa sarisaring kadahilanan sa pag-unlad ng krimen, isa ang pangunahin—ang depekto sa sistema ng hustisya sa maraming bansa. Ano ito? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad kaya naman ang tao ay matapang sa paggawa ng masama.” (Eclesiastes 8:11, The New English Bible) Ang sinaunang kasabihang iyan marahil ay mas angkop sa ngayon, kung saan sa maraming dako ng daigdig ang mabagal na pamamaraan ng batas ay pabor sa mga kriminal. Isang abugado sa California ang nagsabi: “Ang isa sa pinakamabuting depensa ay ang pag-antala.” Ang mga alaala ay lumalabo at kung minsan ang pangganyak upang ipagpatuloy ang kaso ay naglalaho dahilan sa lahat ng problema na dulot nito sa mga biktima.—Tingnan ang pahina 6, “Ang Kawalang Katarungan ng Sistema sa Krimen.”
Para sa marami, may napapala sa krimen—malaki. At sino ang nagbabayad ng halaga? Ang karaniwang tao ang nagbabayad, lalo na ang mahihirap sa lipunan na siyang hindi gaanong protektado. Binanggit ni Senador D’Amato ng E.U. sa isang liham sa kapuwa mga taga-New York na may “kaunting depekto sa dami ng krimen.” Subalit susog niya: “Ikinakandado pa natin nang husto ang ating mga pintuan. Namumuhay pa rin tayo sa takot na lumabas sa gabi, kahit na patungo sa groseri o sa simbahan o sa templo. Kapag tayo ay lumalabas, tinitiyak natin na lumakad kung saan maraming tao at, higit at higit, tinitiyak natin na tayo ay may dalang ‘pera na ibabayad sa mga nananakit.’ Napakaraming mga bagay na dapat pag-isipan ngayon, mga bagay na dati’y hindi natin kinatatakutan. Kung minsan tayo ay takot na takot anupa’t tayo’y nagiging mga bilanggo, samantalang yaong mga dapat na nakakulong ay nakakalaya.”
Subalit ano’t ang ilan ay bumabaling sa krimen bilang isang paraan ng pamumuhay? Ang kahirapan, gutom, at kawalan ng trabaho ba ang pangunahing mga dahilan?
[Kahon sa pahina 6]
Ang Kawalang Katarungan ng Sistema sa Krimen
Ang sumusunod na paghahambing ng mga epekto ng krimen sa isang kriminal at sa kaniyang biktima ay batay sa isang tsart na inilathala sa The Daily Oklahoman at inihanda ng attorney general ng Oklahoma, si Mike Turpin.
ANG KRIMINAL
May mapagpipilian—gumawa ng krimen o hindi.
Kung siya ay gagawa ng krimen, maaari siyang (1) mahuli at maaresto
(ang posibilidad, halos isa sa lima sa Estados Unidos) (2) hindi
mahuli at malamang na magpatuloy sa masamang buhay.
Pag-aresto
1. Dapat ipaalam ang kaniyang mga karapatan.
2. Kung nasaktan samantalang isinasagawa ang krimen o sa panahon ng pag-aresto, siya ay agad na tumatanggap ng medikal na atensiyon.
3. Pinaglalaanan ng abugado kung hindi niya kaya ang isa.
4. Maaaring mapalaya sa piyansa.
Bago Maglitis
1. Pinaglalaanan ng pagkain at tuluyan.
2. Pinaglalaanan ng mga aklat, TV, at paglilibang.
3. Pinaglalaanan ng medikal na mga pasilidad, pati na ang pagpapayo tungkol sa droga at alkohol.
Paglilitis
1. Pinaglalaanan ng hinirang-estado na abugado.
2. Maaaring makipagtawaran upang mabawasan ang sentensiya.
3. Maaaring antalahin ang paglilitis at baguhin ang takbo nito.
4. Maaaring gumamit ng iba’t ibang mga maneobra upang sugpuin
ang katibayan o mapawalang-sala.
5. Kung mahatulan (3 porsiyento lamang ng mga krimen ang nauuwi
sa paghatol), maaari siyang mag-apela.
Paghatol
1. Maaaring hindi mabilanggo—maraming mga mapagpipilian.
Hatol
1. Kung ibibilanggo, mayroon siya muling libreng pagkain at tuluyan.
2. Maaari siyang tumanggap ng lahat ng uri ng medikal at
sikolohikal na paggamot na sagot ng estado.
3. Maaaring mapasulong ang edukasyon at magkaroon ng mga
kasanayan sa trabaho.
4. Maraming mga programa sa pagpapanibagong buhay ang makukuha.
5. Dahil sa mabuting ugali at trabaho, maaaring maagang
mapalaya.
Pagkalaya
1. May nakalaang mga programa sa pagtulong at mga pagpapautang.
Wakas na Resulta
Ang karamihan ay nagbabalik sa masamang buhay.
ANG BIKTIMA
Walang mapagpipilian—hindi kusang biktima ng krimen.
Pag-aresto
1. Kung masaktan, nagbabayad ng sariling gastos sa medisina at
ambulansiya. Marahil ay binabata ang sikolohikal na mga
konsikuwensiya habang-buhay.
2. May pananagutan sa paghahalili ng sariling ari-arian na
nawala.
3. May pananagutan sa mga suliraning pangkabuhayan dala ng
krimen.
4. Naaabala sa panahon sa pakikipagtulungan sa mga ahensiya na
nagpapatupad ng batas.
5. Karaniwan nang hindi pinagbibigyang-alam ng progreso ng kaso.
Bago Maglitis
1. Dapat magsaayos at magbayad ng sariling pamasahe patungo sa
korte at mga tanggapan ng pulisya. Naaabala sa trabaho at
marahil ay nawawalan ng suweldo.
2. Hindi pa rin ipinaaalam ang progreso ng kaso.
Paglilitis
1. Minsan pang dapat magsaayos at bayaran ang sariling pasahe at
pagpaparada.
2. Dapat magbayad ng yaya o iba pang mga gastusin sa tahanan.
3. Dapat isaysay na muli ang krimen at pasailalim sa napakahirap
na cross-examination. Isa lamang siyang piraso ng ebidensiya.
4. Kinakatawan ng prosecuting attorney ang estado, hindi ang
biktima. Karaniwan nang walang bayad-pinsala sa biktima.
5. Walang karapatang umapela, kahit na kung ang kriminal ay
napalaya.
Hatol
1. Walang impluwensiya sa disisyon, ng mga pagsamo, o paghatol.
2. Karaniwang hindi ipinatatawag para sa paghatol.
Pagkalaya
1. Kadalasang hindi nasisiyahan sa “katarungan” ng sistema sa
krimen.
2. Natatakot sa nakalayang (mga) kriminal at paghihiganti.
3. Ang trauma ay maaaring magpatuloy habang-buhay.
Wakas na Resulta
Hindi iginagalang ang sistema na nakakiling sa paggalang sa mga
karapatan ng kriminal subalit winawalang-bahala ang mga
pangangailangan ng biktima.
[Larawan sa pahina 5]
Mga droga—isa sa pinakamalaking pinagkakakitaan ng pera sa daigdig ngayon