Nadaig ng Bisyo ang Pagsalansang
GAYA ng isang bantulot na maninigarilyo na aayaw huminto, ang pagbibilhan ng sigarilyo ay kung minsan nagbabawas ng konsumo nito sa takot na ang paninigarilyo ay maaaring maging nakapipinsala at nakasusugapa, upang magbalik lamang na higit na sugapa kaysa kailanman. Anong mga mekanismo ang sumusugpo sa gayong takot? Ang pag-aanunsiyo at digmaan! Ito ang naging “dalawang pinakamahalagang pamamaraan sa pagpapalaganap sa gamit ng sigarilyo,” sang-ayon sa mananalaysay na si Robert Sobel.
Ang paninigarilyo ay sumulong sa pagtindig ng ‘bansa laban sa bansa’ sa unang digmaang pandaigdig. (Mateo 24:7) Ano ang nagpangyari sa produksiyong Amerikano na tumaas mula 18 bilyong sigarilyo noong 1914 tungo sa 47 bilyon noong 1918? Ang kampaniya na libreng sigarilyo para sa mga sundalo! Ang narkotikong epekto ay ipinalagay na nakatutulong upang labanan ang kalungkutan sa larangan sa digmaan.
“Pack up your troubles in your old kit bag/While you’ve a lucifer [posporo] to light your fag [sigarilyo],” sabi ng Britanong awiting pandigma. Yamang ang mga ahensiya ng gobyerno at ang makabayang pribadong mga pangkat ay naglaan ng libreng mga sigarilyo para sa mga sundalo, hindi man lamang nagkaroon ng lakas ng loob kahit na ang mga tumututol sa sigarilyo na bumatikos.
Paghigpit sa Hawak
Ang bagong nakumberteng mga maninigarilyo ay naging mabuting mga parokyano pagkatapos ng digmaan. Noong 1925 lamang, ang mga Amerikano ay kumunsumo ng isang katamtamang bilang na halos 700 sigarilyo sa bawat tao. Ang Gresya pagkatapos ng digmaan ay kumunsumo ng kalahati pa na kasindami sa bawat tao sa Estados Unidos. Ang mga sigarilyong Amerikano ay naging popular sa maraming bansa, subalit ang iba gaya ng India, Tsina, Hapón, Italya, at Poland ay dumipende sa tabakong itinanim sa kanilang bansa upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang bansa.
Upang higpitan ang kanilang hawak sa mamimiling Amerikano, pinuntirya ng mga tagapag-anunsiyo ang mga kababaihan. “Ang pag-aanunsiyo sa tabako noong dakong huli ng 1920’s ay sinasabing ‘nabaliw,’” ulat ni Jerome E. Brooks. Subalit pinapanatili ng pag-aanunsiyo ang mga Amerikano sa pagbili ng mga sigarilyo sa panahon at pagkatapos ng pagbagsak ng kabuhayan noong 1929. Itinaguyod ng pagkalalaking mga badyet (halos $75,000,000 noong 1931) ang sigarilyo bilang isang tulong sa pagpapanatiling balingkinitan, isang mapagpipilian sa kendi. Mga pelikulang lumuluwalhati sa mga bituing humihitit-sigarilyo, gaya ni Marlene Dietrich, ay tumulong upang lumikha ng isang sopistikadong larawan. Kaya noong 1939, sa dapit-hapon ng isang bagong digmaang pandaigdig, ang mga babaing Amerikano ay nakisama sa mga lalaki sa pagkunsumo ng 180 bilyong mga sigarilyo.
Isa pang digmaan! Ang sundalo ay muling tumanggap ng libreng mga sigarilyo, kahit na sa kanilang mga rasyon sa larangan. “Lucky Strike Green Has Gone to War!” sabi ng isang popular na anunsiyo, sinasamantala ang makabayang saloobin noong panahon ng digmaan. Sa tinatayang 400 bilyong nakukunsumong sigarilyo sa Estados Unidos taun-taon sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II, sino ang mag-aalinlangan sa dako ng tabako sa daigdig?
Oo, sino ang mag-aalinlangan sa kahalagahan ng mga sigarilyo sa Europa pagkatapos ng digmaan, kung saan noong minsan hinalinhan ng mga pakete ng sigarilyo ang salapi sa black market? Ang mga sundalong Amerikano na nakadestino sa Europa ay bumibili ng mga sigarilyong subsidyo na kasingmura ng limang sentimos isang kaha at ipinambabayad ito sa lahat ng bagay—mula sa bagong sapatos hanggang sa mga kaibigang babae. Ang walang buwis na pagbibenta ng sigarilyo sa mga militar ay tumaas mula 5,400 sa bawat tao noong 1945 tungo sa 21,250 sa loob lamang ng dalawang taon.
Sa loob ng maraming mga taon ang anumang masamang aspekto sa paggamit ng tabako ay matagumpay na itinago sa publiko—hindi pinasinungalingan kundi basta nadaig ng walang lubay na paglago ng isang popular na bisyo. Gayunman, pansarilinan ang mga katanungan ay nananatili: Nakapipinsala ba ang paninigarilyo? Ito ba ay malinis o ito ba’y nakapagpaparumi?
Noong 1952 ang mainit pa ring katanungan tungkol sa kalusugan ay biglang pumaibabaw. Inilathala ng mga Britanong doktor ang isang bagong pag-aaral na nagpapakita na yaong mga malakas manigarilyo ang nagiging mga biktima ng kanser. Kinuha ng Reader’s Digest ang istorya, at sumunod ang isang malawak na publisidad. Noong 1953 wari bang patungo na sa tagumpay ang kampaniya laban sa sigarilyo. Maihihinto ba ng daigdig ang bisyo?
Ang Mahirap Taluning Industriya ng Sigarilyo
Hayagan, iginiit ng industriya ng sigarilyo na ang kaso laban sa sigarilyo ay hindi napatunayan, estadistika lamang. Subalit walang anu-ano—at balintuna—isiniwalat nito ang sekreto nitong sandata, ang sigarilyong low-tar. Ang bagong produkto ay naglaan ng isang bagong ideya ng kaligtasan at kalusugan upang takutin ang mga maninigarilyo na ayaw huminto, samantalang pinatunayang muli ng pag-aanunsiyo ang kakayahan nito na ibenta ang isang ideya.
Sa katunayan, ang mga marka ng sigarilyo na low-tar ay higit na nakapagpapahinahon sa budhi ng maninigarilyo kaysa sa kaniyang kalusugan. Nang dakong huli nasumpungan ng mga siyentipiko na marami sa mga maninigarilyo ang bumawi sa pamamagitan ng paglanghap nang mas malalim at sa pagpapanatili ng usok sa kanilang mga bagà na mas matagal hanggang sa makuha nila ang pinakamaraming nikotina na gaya ng dati. Subalit lumipas pa ang dalawampu’t-limang taon bago nailarawan ito ng mga mananaliksik. Samantala, ang mga sigarilyo ay lumitaw bilang isa sa pinakamatubong industriya ng daigdig, na ang taunang benta ngayon ay nagkakahalaga ng mahigit $40 bilyong (U.S.).
Sa pangkabuhayang paraan ang industriya ngayon ay mas malakas kaysa kailanman. Patuloy na bumibili ang mga parokyano. Ang taunang kunsumo ay tumataas ng 1 porsiyento taun-taon sa industriyalisadong mga bansa at mahigit 3 porsiyento sa nagpapaunlad na mga bansa sa Third World. Sa Pakistan at Brazil, ang pagsulong ay anim at walong ulit ayon sa pagkakasunod na mas mabilis kaysa karamihan ng mga bansang Kanluranin. Sangkalima ng kita ng indibiduwal sa Thailand ay ginagamit upang bumili ng sigarilyo.
At, para sa maraming nag-iisip na indibiduwal ang mahigpit na hawak ng 100-taóng matinding interes ng daigdig sa sigarilyo ay hindi siyang wakas ng istorya. Maaari kayang mayroon pang higit kaysa nakikita ng mata sa pambihirang pagdami na ito sa paggamit ng tabako, lalo na mula noong 1914, at ang halos bulag na pagtanggap dito ng napakarami? Kumusta naman yaong mga katanungan na bihirang banggitin, gaya ng tuntunin sa moralidad ng bisyo? Ang paninigarilyo ba ay neutral sa moral na paraan o ito ba ay dapat sisihin? Ang aming susunod na artikulo ay naghaharap ng ilang kabatiran.
[Larawan sa pahina 7]
Ang pag-aanunsiyo at digmaan—ang dalawang pinakamahalagang pamamaraan sa pagpapalaganap ng paggamit ng sigarilyo