Ito ay Nasa Lahat ng Dako!
“Ang mga salitang ‘relihiyon’ at ‘pulitika’ ay magkaugnay sa mga balita noong 1984 sa lahat ng bahagi ng daigdig . . . Ang Anglicanong obispo na si Desmond Tutu [ay] isang sagisag ng labanan sa pagitan ng simbahan at ng estado tungkol sa pagtatangi ng lahi (apartheid) . . . Sa isang pagbasbas sa [isang pulitikal] na kombensiyon, tinukoy ni Jerry Falwell, pundamentalistang lider ng Moral Majority, si Reagan at ang Vise-Pres. George Bush bilang ‘mga instrumento ng Diyos sa pagtatayong-muli ng Amerika.’”—1985 Britannica Book of the Year.
“Mula sa Poland hanggang sa Pilipinas . . . may mga obispo at mga pari na nagsasalita laban sa Estado na kanilang pinamumuhayan. Ang Simbahan ay hindi lamang basta ang dako kung saan sinasamba ang Diyos, kundi dito rin sinusulsulan ang pagtutol o di-pagsang-ayon.”—Glasgow Herald, Enero 3, 1985.
NABASA mo na ba ang gayong mga ulat ng balita? Marahil nga, sapagkat napansin ng karamihan sa atin na ang relihiyon at ang pulitika ay kadalasang magkaugnay sa mga balita. Inaakala mo ba na tamang magsama ang relihiyon at ang pulitika?
Maaaring sabihin ng iba, ‘Ang relihiyon at ang pulitika ay mga paksang hindi ko pinakikialaman.’ Kahit na kung gayon ang palagay mo, para rin sa iyong pinakamabuting kapakanan na ipagbigay-alam sa iyo ang tungkol sa kung ano ang nangyayari sa relihiyon at sa pulitika at kung paano maaari nitong maapektuhan ang iyo mismong buhay. Isa pa, sa pagsangguni sa Bibliya tungkol sa bagay na ito, masusumpungan mo na ang Diyos ay may sinasabi tungkol sa pakikialam ng relihiyon sa pulitika at kung saan ito hahantong.
Isang Pandaigdig na Pakikialam
Makatutulong na alamin muna kung gaano nga kalaganap ang pakikialam na ito. Pansinin ang ilang mga ulat kamakailan.
◼ Abril 21, 1986: “Sa Pilipinas tinatamasa ng Iglesya Katolika ang mataas na prestihiyo sa pagpapabagsak sa dating-Pangulong Ferdinand Marcos. Ang Anglicano, Methodista at mga simbahang Katoliko sa Timog Aprika ay nagreklamo laban sa mga patakaran ng pamahalaan tungkol sa pagtatangi ng lahi sa loob ng maraming taon. Ang klerong Katoliko sa Latin Amerika, sa ilalim ng bandera ng ‘teolohiya ng pagpapalaya,’ ay lubhang kasangkot sa pagsisikap na alisin ang mga rehimen na waring mapang-api sa mahihirap.”
◼ Seoul, Republika ng Korea, Marso 9, 1986: “Ang Romano Katolikong obispo sa Timog Korea, si Stephen Cardinal Kim Sou Hwan, ay nagbigay ng kaniyang suporta ngayon sa mga kahilingan ng partido ng oposisyon para sa mabilis na mga pagbabagong konstitusyonal.”
◼ Agosto 18, 1986: ‘Ang kandidato ay isang ordenado at matapang na ministrong Protestante, na nangangampanyang agawin ang kaniyang partido mula sa mga kamay ng mga balimbing na kaniyang nililibak. Sino ang puwersang ito na nag-uudyok at nagbabaha-bahagi sa pulitikang pampanguluhan sa E.U.? Balintuna, ang paglalarawan ay kumakapit na maigi sa dalawang klero: si Pat Robertson sa konserbatibong Republicano at si Jesse Jackson sa radikal na Demokratiko.’ ‘Isang liham na nangingilak-pondo na tumutukoy sa tagumpay ng mga kandidatong delegado [ni Robertson] ay nagsabi na “Ang mga Kristiyano ay nagtagumpay! . . . Anong laking pagsulong para sa Kaharian!”’
◼ Brasília, Brazil, Hulyo 3, 1986: “Ang simbahan ay lumitaw na bilang ang pinakamalakas na kritiko ng bagong sibilyan na Pamahalaan . . . Bunga nito, magulo na naman ang mga kaugnayang simbahan-estado, na ang mga opisyal ay nagpaparatang sa mga pari ng pagbabago sa kalagayan sa bayan at ang ibang mga obispo naman ay nagpaparatang sa Gobyerno ng paggamit ng mga taktika ng ‘pag-uusig at paninirang-puri o maling bintang.’”
◼ Setyembre 25, 1984: “Si Khomeini ng Iran ay kumakatawan sa lakas o puwersa ng pundamentalismong Shia Muslim at nagtuturo na ang Islam ay dapat na magdikta sa pulitika, ekonomiya at estratehiyang militar.”
◼ Abril 7, 1985: “Inaakala ng karamihan ng mga Anglicano na ang Iglesya ng Inglatera ay hindi dapat makialam sa pulitika, sang-ayon sa isang surbey na pantanging isinagawa ng Gallup Poll para sa The Sunday Telegraph.”
◼ Oktubre 4, 1986: “Ang simbahang Romano Katoliko ng Mexico ay nasa likuran ng lumalagong oposisyon sa namumunong [partido] ng bansa. Ang simbahan ay nangahas na makipagsapalaran sa pulitika noong Hulyo . . . Iminungkahi ng mga obispo na kanselahin ang mga misa noong Linggo bilang pagprotesta sa pandaraya-ng-boto; subalit namagitan ng Papa.”
◼ Washington, D.C., E.U.A., Hulyo 6, 1986: “Ginagamit ng mga lider ng ebangheliko Kristiyano ang kanilang salapi, espirituwal na mga paniniwala at angaw-angaw na mga membro upang makipagbaka sa sekular na larangan—at nagiging higit at higit na maimpluwensiya sa pulitikang Amerikano.”
Bakit Gayon?
Oo, hindi maikakaila na ang relihiyon ay lubhang nasasangkot sa pulitika. Subalit ano ang nag-uudyok sa mga lider ng relihiyon na makialam sa pulitikal na mga bagay? Ang Diyos ba ay may anumang hatol sa pakikialam na ito? Saan hahantong ang lahat ng ito, at paano ka maaapektuhan?
[Kahon sa pahina 3]
“Ang pagkasangkot sa pulitika ay ipinahihiwatig sa Ebanghelyong Kristiyano, sabi [ni Peter-Hans Kolvenbach,] lider ng Society of Jesus, . . . na dati nang inakusa o pinaratangan ng Vaticano dahilan sa labis na pakikialam sa pulitikal na mga bagay.”—The Toronto Star, Mayo 31, 1986.