Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 4/22 p. 5-8
  • Bakit Nakikialam ang Klero sa Pulitika?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Nakikialam ang Klero sa Pulitika?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Katayuan, Pakinabang, at Pulitika
  • Mula sa Nazing Alemanya Hanggang sa Ngayon
  • Mga Karapatang Sibil, Katarungan sa Lipunan
  • Ano ang Ginagawa ng Teolohiya sa Pagpapalaya?
  • Sumasang-ayon ba ang Diyos?
  • Teolohiya sa Pagpapalaya—Isang Lunas Para sa Third World?
    Gumising!—1987
  • Ang Iyo Bang Relihiyon ay Dapat na Nakikilahok sa Pulitika?
    Gumising!—1988
  • Ito ay Nasa Lahat ng Dako!
    Gumising!—1987
  • Teolohiya sa Pagpapalaya—Tutulungan Kaya Nito ang Mahihirap?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 4/22 p. 5-8

Bakit Nakikialam ang Klero sa Pulitika?

YAMANG ikaw ay apektado, may mabuting dahilan ka na magtanong, “Bakit?”

Maliwanag, walang isang motibo ang kumakapit sa lahat ng mga pari, ministro, at iba pang mga lider ng relihiyon na nakialam sa pulitika. Ang iba ay may mga pangganyak na hahatulan ng karamihan ng mga tao. Ang iba naman ay maaaring may kahanga-hangang mga dahilan, gaya ng pagkabahala sa mahihirap.

Ang pagkakaroon mo ng kabatiran sa kanilang mga motibo ay maglalagay sa iyo sa mas mabuting katayuan upang isaalang-alang ang pangmalas ng Diyos tungkol sa bagay na iyan at pahalagahan kung ano ang sinasabi niyang maaasahan sa hinaharap.

Katayuan, Pakinabang, at Pulitika

Upang maunawaan ang isang dahilan kung bakit nakikialam ang mga klerigo sa pulitika, isaalang-alang natin ang ilang lider ng relihiyon noong unang-siglo. Ang mga lalaking ito, ang mataas na saserdote at ang mga membro ng mga Fariseo at mga Saduceo, ang bumubuo ng mataas na hukumang Judio. Nababalisa dahil sa binuhay-muli ni Jesus si Lazaro, sila ay nangatuwiran: “Kung siya’y [si Jesus] ating pababayaang gayon, ang lahat ng mga tao ay magsisisampalataya sa kaniya, at magsisiparito ang mga Romano at pagkukunin ang ating lugar at gayundin naman ang ating bansa.”​—Juan 11:48.

“Ang ating lugar at gayundin naman ang ating bansa.” Oo, sila’y nag-aalala tungkol sa kanilang katayuan, impluwensiya, at awtoridad, at ang anumang nasyonalistikong kapakanan ay pangalawa lamang. (Mateo 23:2-8) Sa paglalangis sa mga pulitiko, ang ilang mga klerigo ay nagkaroon ng mahalagang katayuan. Para sa marami, ito rin ang daan para sa isang maluhong buhay. Sa katunayan, inilalarawan ng huling aklat ng Bibliya ang “isang babae” na tinatawag na “Babilonyang Dakila,” na kilala dahil sa “kapangyarihan ng kaniyang di-ikinahihiyang luho.” Ipinakikita ng Bibliya at ng kasaysayan na siya ay sumasagisag sa huwad na relihiyon sa buong lupa.​—Apocalipsis 17:1-5; 18:3.

Ipinalalagay ngayon na katibayan na ito ang dahilan kung bakit ang ibang mga klerigo ay nakikialam sa pulitika. Ang aklat na Religion and Revolution ay nagsasabi sa atin: “Sa pagitan ng 1774 at 1790, 173 ng 192 mga obispong Pranses ang kabilang sa mga maharlika. Halos kalahati ng mga obispo ay nakatira sa Paris at tinatamasa ang karingalan ng kabiserang Pranses. Si Kardinal Polignac ay namatay noong 1741 nang hindi man lamang nadadalaw ang archidiocesis kung saan siya nahirang labinlimang taon na mas maaga. Ang lumalagong espiritu ng pagiging maluwag sa disiplina ay nagpahirap din sa mga monasteryo na ang marami ay napakayaman.” Ang nakatataas na klero ay namuhay sa luho, samantalang ang maraming mga pari sa parokya ay namuhay sa karukhaan.

Ang Mexico ay isa pa ring halimbawa. Noong 1810 pinangunahan ng pari ng nayon na si Miguel Hidalgo ang isang digmaan para maging malaya sa Espanya. Si Propesor Guenter Lewy ay nagpapaliwanag: “Hinatulan ng papa sa Roma at halos lahat ng mga obispo [yaong Mexicanong] mga bayani. Ang mapaimbabaw na madaling pagbaling ng nakatataas na klero [nang dakong huli] sa pagiging masigasig na mga tagapagtaguyod ng kalayaan . . . ay napakaliwanag at ito ay tumulong sa paglikha sa larawan ng simbahan bilang isang grupo na may espesyal na interes na hindi mapagkakatiwalaan. . . . Ang simbahan ay mayaman sa mga lupain at mga gusali, tinataya ng ilan na naglalakip ng mahigit kalahati ng ari-arian ng bansa.”

Mga Protestante, Katoliko, Judio, o anumang iba pang relihiyon​—hindi ba sasang-ayon tayong lahat na ang mga klerigo ay hindi dapat makialam sa pulitika upang magkaroon ng mataas na katayuan? Gayunman, iyan nga ang kadalasang nangyayari.

Mula sa Nazing Alemanya Hanggang sa Ngayon

Ang panahon ng Nazi ay nagbibigay pa ng higit na kabatiran tungkol sa pakikialam ng relihiyon sa pulitika. Maraming nag-iisip na tao ang nagtatanong, ‘Paano nakitungo ang mga klerigong Katoliko at Lutherano kay Hitler at sa kaniyang malupit na mga Nazi?’

Pangunahin na, sa pamamagitan ng pagsuporta o sa paano man ay pakikipagpayapaan sa isa’t isa. Iilang relihiyon ang nagtaas ng tinig bilang pagtutol. Si Propesor T. A. Gill ay sumusulat tungkol sa isang eksepsiyon. “Nasumpungan [ng teologong si Dietrich] Bonhoeffer sa wakas kung ano ang sinasabi sa kaniya ng kaniyang ama at mga kapatid na lalaki sapol nang siya ay kinse anyos: ang simbahan ay hindi na gaanong mahalaga sa mga bagay na pinakamahalaga upang bigyan-matuwid ang pagbibigay niya ng kaniyang buhay rito.” Pinanghina ng pagsuporta ng simbahan kay Hitler o ng hindi pagtutol nito, si Bonhoeffer ay nakisama sa isang sabwatan na patayin si Hitler. Subalit si Bonhoeffer ay isang eksepsiyon.

Inilalarawan ng History of Christianity ni Paul Johnson ang pamantayan o karaniwan: “Sa pangkalahatan, ang kapuwa mga iglesya ay nagbigay ng malaking tulong o suporta sa rehimen. . . . Sa 17,000 pastor na Evangelical, wala pang limampu ang nagsilbi ng mahabang taning ng panahon [dahil sa hindi pagsuporta sa rehimen ng Nazi] sa anumang panahon. Sa mga Katoliko, isang obispo ang pinaalis sa kaniyang diocesis, at isa pa ang tumanggap ng maikling taning ng panahon dahilan sa mga kasalanan sa pananalapi.” Kung tungkol naman doon sa mga nanindigan sa kanilang mga prinsipyo, si Johnson ay nagpapatuloy: “Ang mga Saksi ni Jehova ang pinakamatapang, na hayagang ipinahayag ang kanilang pagsalansang mula pa sa pasimula at nagdusa dahil dito. Tumanggi sila sa anumang pakikipagtulungan sa estado ng Nazi.”

Mula noon, iba pang mga klerigo ang nakipagtulungan sa malupit na rehimen upang mapanatili ang kanilang lugar ng katanyagan, kapangyarihan, at kayamanan. Isang editoryal sa National Catholic Reporter ang nagsabi: “Ang kuwento tungkol sa mga kabiguan ng iglesya Katolika sa Argentina ay yaong pagtahimik at pakikipagsabwatan sa malupit na rehimeng militar, isa sa pinakamasama sa kasaysayan kamakailan. . . . Ang mga obispo ng simbahan ay nasa katayuan na magsalita ng buong giting at baguhin ang kalagayan, marahil ay alisan pa ang rehimen ng relihiyosong pagbibigay-matuwid nito. Gayunman, halos hanggang sa kahuli-hulihang tao, hindi sila kumibo. Sinang-ayunan ng iba, pati na ng mga klerigo na nakauniporme ng militar, ang pagpapahirap at mga pagpatay.”​—Abril 12, 1985.

Mga Karapatang Sibil, Katarungan sa Lipunan

Gayunman, gaya ng nabanggit na kanina ang ibang mga lider ng relihiyon ay lubhang hinahangaan sa kanilang aktibong bahagi sa pulitika dahilan sa ibang mga kadahilanan.

Isang halimbawa mula sa Estados Unidos ay ang ministrong Baptist na si Martin Luther King, Jr., isang lider ng mga karapatang-sibil sa isang matagal na kampanya laban sa pagtatangi ng lahi. Iba pang mga klerigo ang nanguna sa mga pagpupunyagi para sa mga karapatan ng mga babae at ilang minoridad. Ang mga pari at mga ministro ay naging aktibo sa pulitika bilang pagsuporta sa mga usapin na gaya ng mga karapatan sa pagboto, karampatang suweldo para sa karampatang trabaho, at makatarungang mga pagkakataon sa trabaho. Kamakailan lamang, isang “teolohiya ng pagpapalaya” ay itinaguyod upang pawiin ang paghihirap ng mga dukha, gaya ng pagbabaha-bahagi ng lupa sa mga mahihirap.

Ano ang nadarama mo tungkol sa mga lider ng relihiyon na nakikisangkot sa pulitika upang itaguyod ang sosyal na pagkilos o “sekular na pagkamakatao,” gaya ng kung minsan ay tawag sa gayong mga isyu? Kahit na ang ilang mga klerigo ay asiwa sa nakikita nilang nangyayari. Si Keith Gephart, isang klerigong pundamentalista, ay nagkomento: “Nang ako’y lumalaki, lagi kong naririnig na ang mga simbahan ay hindi dapat makialam sa pulitika. Ngayon para bang halos isang kasalanan ang hindi makisangkot.” Isang manunulat sa pahayagan tungkol sa relihiyosong mga isyu ay nagsabi: “Simula noong maagang 1970’s, ang mga Kristiyanong pundamentalista ay unti-unting naniwala na ang pagiging aktibo sa pulitika ay isang tungkulin.”

Kahit na kung ang mga dahilan ay waring dapat sa papuri, isaalang-alang kung hanggang saan dinala ng gayong mga hakbang ang klero, at tingnan kung ikaw ay sumasang-ayon.

Ano ang Ginagawa ng Teolohiya sa Pagpapalaya?

Si Gustavo Gutiérrez, isang paring Katoliko sa Peru, ang kinikilalang siyang pasimuno ng “teolohiya sa pagpapalaya” bilang pagtugon sa suliranin ng mga mahihirap. Ang kausuhang ito ay laganap sa gitna ng mga klero sa Latin Amerika at saanman. Iniulat ng Manchester Guardian Weekly na inatake ng Obispo ng Durham ang pulitikal na pilosopya ng gobyerno at sa gayo’y hinimok ang “pagpapasulong sa panig ng isang ‘teolohiya sa pagpapalaya.’”

Ang gayon bang teolohiya ay isa lamang pagdiriin tungkol sa pagkabahala sa mga dukha, gaya ng hinihimok sa Bibliya? Hindi nga. Inamin ni Obispo Durham na “seryosong kukunin ng Britanong teolohiya sa pagpapalaya ang ilan sa mga rikonosi ng Marxismo.” Kasali rito ang pagbibigay-kahulugan sa pagpupunyagi ng mga mahihirap sa paggamit ng pangangatuwirang Marxista. Taglay ang anong mga resulta?

Ganito ang paulong-balita ng National Catholic Reporter (Hulyo 4, 1986) “Pinag-aaway ng Labanan sa Lupa ng Brazil ang Simbahan Laban sa Estado.” Ang katotohanan tungkol sa labanang ito ay na isang maliit na bilang lamang ng “malalaking mga may-ari ng lupa ang kumukontrol ng 83 porsiyento ng lupain.” Ang mga rally at mga martsa na pinangungunahan ng klero ay bahagi ng “labanan sa lupa.” At “labanan” ay isang angkop na salita. Sinabi ng artikulo na “218 mga tao ang namatay sa mahigit 700 mga labanan sa lupa noong nakaraang taon, pati na si Padre Josimo Tavares, isang paring taga-Brazil at lider ng reporma-sa-lupa, na pataksil na pinatay noong Hunyo 11.”

Ang teolohiya sa pagpapalaya ay nagiging popular. Kinilala ng editoryal ng New York Times na ang opisyal na posisyon ng Vaticano ay na ang mga klerigo ay hindi dapat makisangkot sa pulitika na pabor sa isang partido pulitikal, subalit sinasabi pa nito na “tinatanggap din [ng Vaticano] ang pangunahing prinsipyo ng teolohiya sa pagpapalaya: na binibigyang-matuwid ng Ebanghelyong Kristiyano ang mga pagpupunyagi ng mahihirap para sa pulitikal na kalayaan at pagsupil sa kanilang mga buhay.”

Sa kahawig ding paraan ay ang paratang na pinalalaganap ng Maryknoll, isang misyonerong ordeng Katoliko, “ang ebanghelyo ng teolohiya sa pagpapalaya at mga patakarang sosyalista.” Isang pag-aaral noong 1985, ang The Revolution Lobby, ay nagparatang: “Matagumpay na nadala ng Maryknoll ang mensaheng Marxista-Leninista tungkol sa marahas na rebolusyon sa pagtanggap ng publiko sapagkat ito ay pinayagang kumilos bilang isang sangay ng Iglesya Katolika. Ang mensahe nito ay nakarating hindi lamang sa karaniwang nagsisimba, kundi gayundin sa nangungunang mga Amerikanong tagagawa ng patakaran.”

Sumasang-ayon ba ang Diyos?

Maliwanag, sa buong globo ngayon ang relihiyon ay nakikialam sa pulitika, at mayroong sarisaring mga kadahilanan dito. Gayunman, ano kaya ang palagay ng Diyos tungkol dito? Ipinakikita ng Bibliya na hindi na magtatagal kaniyang ipahahayag nang malinaw ang kaniyang katayuan. Paano ka maaapektuhan at ang iyong mga mahal sa buhay? At ano ang dapat na maging kaugnayan niyan sa iyong kasalukuyang saloobin at mga pagkilos?

[Kahon sa pahina 6]

“Ang iglesya Katolika sa Alemanya ay Aleman hanggang sa kaibuturan, at itinataguyod ang estado at ang awtoridad nito na gaya ng iglesyang Protestante.”​—The German Churches Under Hitler.

“Ginamit ng Russian Orthodox Church kahapon ang impluwensiya nito sa pagtaguyod sa mga mungkahi ni Mr Gorbachev tungkol sa disarmamento . . . Inilarawan nito [ang mga ito] bilang ‘lubusang kasuwato ng pamamaraang Kristiyano.’”​—The Guardian (London), Abril 9, 1986.

[Larawan sa pahina 7]

Si Martin Luther King, Jr., ay prominente sa gitna ng mga relihiyosong lider na kumakampanya laban sa pagtatangi ng lahi

[Credit Line]

UPI/Bettmann Newsphotos

[Larawan sa pahina 8]

Ang karalitaan at kawalang-katarungan ay nagpangyari sa teolohiya sa pagpapalaya

[Credit Line]

J. Viscarrs/WHO

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share