Ang Pakikinig sa Babala ay Maaaring Magligtas ng Iyong Buhay
ANG isang babala ay maaaring isang babala sa trapiko na nagsasabing “Slow,” “Caution,” o “Yield”; o maaaring ito’y isang kikislap-kislap na dilaw na ilaw. Ito’y maaaring masumpungan sa isang sisidlan ng gamot o lason. Ang pagsunod sa gayong babala ay hindi malaking kaabalahan, at maaari nitong iligtas ang iyong buhay.
Gayunman, sa ilang kalagayan ito ay maaaring mangahulugan ng isang pagkasira ng mga plano o kawalan ng materyal na mga pag-aari. Ang mga babala sa bagyo at unós ay maaaring humiling sa mga mangingisda na magbalik sa pampang o manatili sa daungan at huwag magtrabaho sa araw na iyon. Ang mga babala ay hindi lamang maaaring mangahulugan ng pagkasira ng mga plano kundi ng pag-iiwan ng tahanan at mga ari-arian, o pagtitiis ng mga kahirapan ng pansamantalang mga tirahan. Kung minsan ang gayong mga babala ay hindi pinakikinggan, na nagbubunga ng pagkawala ng buhay.
Halimbawa, noong tagsibol ng taóng 1902, ang lahat ng bagay ay ayos lamang sa magandang pulo ng Martinique sa Caribbean. Pagkatapos ang mga babala ng malaking kapahamakan ay lumitaw nang ang Bundok Pelée, isang bulkanikong bundok na mga limang milya (8 km) mula sa St. Pierre, ang pangunahing lunsod ng isla, ay naging aktibo. Sa wakas, habang ang usok, abo, at mga piraso ng bato ay bumubugá na may maaskad na usok, ang mga taong-bayan ay nangamba. Ang mga kalagayan ay patuloy na lumubha, at naging maliwanag sana na ang tunay na panganib ay nalalapit.
Mga Babalang Hindi Pinakinggan
Sapagkat ang pag-aani ng tubó ay nalalapit na, tiniyak ng mga negosyante ng St. Pierre ang taong-bayan na walang panganib. Ayaw ng mga pulitiko, na nababahala sa nalalapit na eleksiyon, na umalis ang mga taong-bayan, kaya gayundin ang kanilang sinabi. Ang mga lider ng relihiyon ay nakipagtulungan sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanilang mga tagaparokya na ang lahat ay pawang mabuti. Pagkatapos, noong Mayo 8, ang Bundok Pelée ay pumutok nang pagkalakas-lakas. Ang napakainit na mga ulap na itim ay pumailanglang patungo sa St. Pierre, at mga 30,000 katao ang nasawi.
Sa loob ng maraming salinlahi ang Bundok St. Helens, na nasa estado ng Washington, E.U.A., ay isang larawan ng kapayapaan at katahimikan. Ang lugar na iyon ay punô ng sarisaring maiilap na mga hayop at mga pananim at bagay na bagay sa mahabang paglalakad at pangingisda. Subalit noong Marso 1980, ang mga babala ng panganib ay dumating sa anyo ng maraming mga paglindol at maliliit na mga pagbugá ng singaw. Maaga noong Mayo ang pagyanig ng bundok ay tumitindi. Ang mga opisyal doon at ng estado ay nagbigay ng mga babala ng panganib sa lugar ng bulkan.
Gayunman, maraming tao ang nanatili sa dakong iyon, samantalang ang iba naman ay hindi pinansin ang mga paunawa na nagbababala laban sa pagtawid sa dakong mapanganib. Walang anu-ano, maaga noong Linggo ng umaga, Mayo 18, nagkaroon ng pagkalakas-lakas na pagputok na nagpasabog sa mga 1,300 piye (400 m) ng tuktok ng bundok at nagpaulan ng pagkawasak sa mga pananim at mga hayop, gayundin sa 60 mga tao na hindi nakinig sa ibinigay na babala.
Sa kabaligtaran, noong Nobyembre 1986, ang Bundok Mihara sa isla ng Izu-Oshima, Hapón, ay biglang pumutok, isinasapanganib ang buong isla pati na ang populasyon nito ng sampung libong mga tagapulo at mga turista. Nang ang babalang, “Lumikas na ngayon!” ay ipatalastas, nakinig sila sa babala. Isinasaysay ng sumusunod na artikulo mula sa kabalitaan ng Gumising! sa Hapón ang kuwento.