Ang Ating Magandang Daigdig—Gaano Nito ang Iiwan Natin sa Ating mga Anak?
SANG-AYON sa inilathalang mga ulat, 1.7 bilyong mga bata ang isinilang sa mundo mula noong taóng 1970. Kung sila’y bubuo ng isang bansa, ito ang magiging pinakamalaking bansa sa daigdig. Hindi ba makatuwirang itanong, Anong uri ng daigdig ang iniiwan natin sa kanila?
Mahigit na 25 taon na ang nakalipas isang kilalang doktor sa U.S. Public Health Service ang nagsabi: “Tayong lahat ay nabubuhay sa ilalim ng namamalaging takot na may isang bagay na maaaring sumira sa kapaligiran hanggang sa punto na roon ang tao ay sumasama sa mga dinosauro bilang isang lipás nang anyo ng buhay.”
Sa namagitang mga taon, ang takot na iyon ay lalo pang tumindi. Noong nakaraang taon isang pambansang miting, na pinagpahayagan ng halos isang daang mga biyologo, ang nagbabala na isang daluyong ng lansakang pagkalipol ang dumarating na gaya niyaong lumipol sa mga dinosauro, kaya lang nga sa ngayon ito ay hindi sa pamamagitan ng isang likas na pangyayari kundi “sa pamamagitan ng mga gawain ng tao.”
Sa taóng ito inilabas ng Worldwatch Institute ang report nito na State of the World 1987. Sabi nito: “Sinasapatan ng isang lipunan na may kayang tumustos ang mga pangangailangan nito nang hindi binabawasan ang mga pag-asa ng susunod na salinlahi. Sa pamamagitan ng maraming hakbang, hindi natutugunan ng kapanahong lipunan ang pamantayang ito. Mga suliranin tungkol sa ekolohikal na kakayahang tumustos ay bumabangon sa bawat kontinente. Pinagbabantaan ng maraming gawain ng tao ang kakayahan ng lupa mismo na panirahan.”
Sinasabi ng report ng Institute na nahihigitan ng mga pangangailangan ng mahigit 5 bilyon katao—at ang kanilang bilang ay dumarami ng 83 milyon isang taon—ang kakayahan na magpanibagong-buhay ng biyolohikal na mga sistema ng daigdig.
Pinaninipis ng kemikal na polusyon ang atmospheric ozone at maaaring humantong sa “pagdadala ng higit na mga kanser sa balat, pagsira sa sistema ng imyunidad ng tao, at paghadlang sa paglago ng ani.”
Kung magpapatuloy ang pag-ulan ng asido, hindi lamang mamamatay ang maraming lawa at kagubatan kundi ang lupa rin naman ay magkakaroon ng maraming asido at “maaaring kumuha ng mga dekada, kung hindi man mga dantaon, upang makabawi.”
Ang labis-labis na pagsasaka “ay nagpalala pa sa pagkaubos ng pang-ibabaw na lupa nang higit kaysa bagong nag-aanyong lupa.”
Ang pagkalbo sa gubat ay nagbabawas sa dami ng carbon dioxide na kinukuha sa atmospera at ang pagsusunog ng fossil fuels ay naglalabas ng higit na carbon dioxide kaysa kayang tanggapin ng natitirang mga halaman at mga karagatan. Ang resulta ay ang pag-init ng ibabaw ng lupa na sa wakas ay maaaring tumunaw sa mga niyebe sa bundok at magpabaha sa mga lunsod sa tabi ng dagat.
Ang kawalan ng tropikal na kagubatan ay nangangahulugan ng mas kaunting pagririsiklo ng tubig para sa pag-ulan at maaaring humantong sa paglikha ng mga disyerto.
Ang nakalalasong mga kemikal, mga basura, langis na krudo, mga aksidenteng nuklear, radon, mga microwave, asbestos—marami pang iba ang maidaragdag sa listahan ng mga kasalanan ng tao laban sa kapaligiran.
Ang State of the World 1987 ay nagbababala: “Kailanman ay hindi pa nagkaroon ng sabay-sabay na di pagkakatimbang-timbang ng napakaraming sistema na mahalaga sa kakayahan ng lupa na panirahan. Ang bagong mga suliraning pangkapaligiran ay sumasaklaw ng mga yugto ng panahon at heograpikong mga dako na lampas pa sa kapangyarihan ng umiiral na pulitikal at sosyal na mga institusyon. Walang isang bansa ang makapagpapanatili sa klima ng daigdig, pangalagaan ang ozone layer, ingatan ang latag ng mga kagubatan at lupa ng planeta, o baligtarin ang pagiging maasido ng mga lawa at mga sapa. Tanging isang tiyak na internasyonal na kasunduan lamang ang makasasapat.”
Ang kasunduang ito ay nagmamabagal, at paubos na ang panahon. Daan-daang bilyon ang ginugugol sa pagpapaligsahan sa armas; isang maliit na bahagi ang ginugugol sa pag-iingat sa kapaligiran na sumusustini sa atin at na ang pagpapabaya rito ay maaaring pumatay sa atin. Mula noong 1983 ang Estados Unidos lamang ay nanata ng $9 na bilyon sa Strategic Defense Initiative na pananaliksik at nagnanais ng $33 bilyon pa para sa pananaliksik na ito mula 1986 hanggang 1991—subalit nagiging kuripot sa pagbibigay para sa kapaligiran. Gayundin ang ginagawa ng iba pang industriyalisadong mga bansa. Ganito ang sabi ng State of the World 1987 sa maikli tungkol sa krisis: “Dumating na ang panahon upang makipagpayapaan sa isa’t isa upang tayo’y maaaring makipagpayapaan sa lupa.”
“Isang kinabukasan na may kayang tumustos,” sabi ng report na ito, “ay humihiling sa atin na sabay-sabay na sugpuin ang pagdami ng carbon dioxide, pangalagaan ang ozone layer, ibalik sa dating kalagayan ang mga kagubatan at lupa, ihinto ang pagdami ng populasyon, dagdagan ang kakayahan ng enerhiya, at gumawa ng nababagong pinagmumulan ng enerhiya. Kailanman wala pang salinlahi ang nakaharap sa gayong kasalimuot na mga problema na humihiling ng kagyat na pansin. Ang naunang mga salinlahi ay laging nababahala tungkol sa hinaharap, subalit tayo ang kauna-unahang napaharap sa mga pagpapasiya na titiyak kung baga ang lupang mamanahin ng ating mga anak ay maaaring panirahan.”
Ipinakikita ng sumusunod na artikulo ang krisis na nagmumula sa nakalalasong mga kemikal.
Isinasapanganib ng polusyon sa kapaligiran ang kakayahan ng lupa na panirahan