Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 9/22 p. 23-24
  • Jade—At ang mga Kuwento sa Likuran Nito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Jade—At ang mga Kuwento sa Likuran Nito
  • Gumising!—1987
  • Kaparehong Materyal
  • Jade
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Tulungan ang mga Bible Study na Magkaroon ng Malapít na Kaugnayan kay Jehova
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2022
  • Turuan ang mga Bible Study na Magkaroon ng Personal na Pag-aaral
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2021
  • Gumamit ng mga Tanong
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2021
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 9/22 p. 23-24

Jade​—At ang mga Kuwento sa Likuran Nito

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Taiwan

“LIMITADO ang panahon ko,” sabi ng aming mahal na kaibigang si Jim, na sa unang pagkakataon ay dumadalaw sa Taiwan, “at nais kong makita ang isang bagay tungkol sa kultura ng mga Intsik. Ano ang maimumungkahi ninyo?”

Iminungkahi ko ang pagdalaw sa National Palace Museum.

“Isang museo?” tanong ni Jim.

“Bueno, maaaring hindi mo akalain, Jim,” paliwanag ko, “subalit, sa katunayan, ang isang pagdalaw sa National Palace Museum ay malamang na siyang pinakamabuting paraan upang matamo ang iyong tunguhin sa panahong mayroon ka. Ito’y koleksiyon ng mga gawang-sining ng Intsik​—halos sangkapat ng isang milyong mga bagay​—ay marahil ang pinakamarami sa daigdig, at inilalarawan ng mga gawa ng sining na ito ang katangian at saloobin ng mga Intsik sa mga paraang hindi madaling makita sa ibang paraan.”

Ang National Palace Museum ay nasa labas lamang ng Taipei. Habang patungo kami sa museo, ang mga mata ni Jim ay dilat na dilat.

“Anong pagkaganda-gandang gusali!” bulalas niya. “Ito’y isang gawa ng sining sa ganang sarili!”

Ang museo ay isang apat-na-palapag na gusali na itinayo sa istilo ng dating palasyo ng hari ng dinastiyang Ching (1644-1912). Pumasok kami sa pasukan sa ikalawang-palapag at nag-iisip kung ano ang makikita namin. Dapat ba namin bilisan ang paglalakbay at sikaping makita ang lahat, o dapat ba naming ituon ang aming pansin sa isang bagay na totoong kawili-wili?

Pagkatapos ng pagsulyap sa direktoryo, ipinasiya ni Jim na magsimula kami sa mga jade.

Mayroong dalawang uri ng jade​—ang nephrite at ang jadeite. Sa panukat na Moh, kung saan ang brilyante ay binibigyan ng grado sa katigasan na 10, ang mga jade ay nasa pagitan ng 6 at 7. Ang nephrite, karaniwang isang kulay sa buong piraso, ay may iba’t ibang kulay​—berde, rosas, puti, dilaw, at iba pa. Ang jadeite, sa kabilang dako, ay maaaring isang kulay lamang, o maaaring ito’y berde at puti, berde at itim, pula pa nga o iba pang kulay. Ang esmeraldang-berde na jadeite ang paborito para sa alahas ngayon.

Habang minamasdan namin ang mga piraso na nakadispley, napansin ni Jim ang isang hugis-cicada na kayumanggi-at-berdeng jadeite mula sa dinastiyang Han (206 B.C.E.-220 C.E.).

“Ano ba ang gamit niyan? Dekorasyon?”

“Hindi,” ang paliwanag ko. “Tiyak ko, alam mong ang larvae ng cicada ay nabubuhay sa ilalim ng lupa ng apat na taon at pagkatapos ay lumalabas at nagiging adultong cicada. Kaya ginagamit ito ng sinaunang mga Intsik bilang isang sagisag ng muling pagsilang. Bago pa ang panahon ni Kristo, sinusunod nila ang kaugalian na paglalagay ng hugis-cicadang piraso ng jade sa bibig ng namatay, na inaakala nilang makahahadlang sa pagkabulok ng katawan. Ginagawa nila ito sapagkat naniniwala sila sa reinkarnasyon ng walang kamatayang kaluluwa. Ngunit bukod diyan, ang malaman ang tungkol sa siklo ng buhay ng cicada, tiyak na sila’y mga listong estudyante ng kalikasan, di ba?”

Si Jim ay sang-ayon. Tiningnan namin ang isang piraso mula sa dinastiyang Ming (1368-1644). Ito ay nasa hugis ng isang dahon na inukit mula sa isang piraso ng puting nephrite.

“Nakikita mo ba kung paano ginamit ng manlililok ang mga depekto ng bato upang makaragdag sa kagandahan ng kaniyang obramaestra?” tanong ko.

Minasdang maingat ni Jim at napansin niya ang isang cicada at ilang marka sa ibabaw ng hugis-dahon na jade. “Para bang ang munting depekto sa bato ay ginawa niyang isang masiglang insekto na nginangatngat ang dahon!” bulalas niya. Ang sulat na nagpapaliwanag sa tabi ng eksibit ay nagsasabing gayon nga ang ginawa ng manlililok.

Pagkatapos ay tiningnan namin ang isa sa kilalang piraso sa museo​—isang jadeite mula sa dinastiyang Ching na hugis repolyong Intsik na may puting mga tangkay at berdeng mga dahon, na may dalawang tipaklong sa ibabaw. Dito muli, ginamit ng manlililok na may mahusay na guniguni ang natural na kulay ng bato upang likhain ang kaniyang gawa ng sining.

Nagpatuloy kami at tiningnan namin ang isang mangkok na yari sa abuhin-puting jade mula sa Hindustan, nililok na parang isang bulaklak ng krisantemo at inukit ang isang tula ng emperador ng dinastiyang Ching na si Ch’ien-lung (1735-96). Ang jade ay napakanipis anupa’t ito’y halos nanganganinag. Katabi nito ang isang napakagandang iskrin na binubuo ng maninipis na piraso ng masalimuot ang pagkakalilok na berdeng jade na nakalagay sa isang kuwadrong kahoy. Naaalaala ang katigasan ng jade at ang simpleng mga kagamitan na magagamit, nakalilito sa guniguni na isipin ang panahon at gawain na nasasangkot sa paggawa ng isa lamang gawang sining na gaya niyaon.

“Bukod sa kagandahan nito, mayroon pa bang ibang dahilan kung bakit ang jade ay laging nagugustuhan ng mga Intsik?” tanong ni Jim.

“Mula pa noong sinaunang panahon,” paliwanag ko, “ginawang ulirán ng kaisipang Confuciano at Taoista ang ilang moral na kagalingan, at ang jade ay itinuring na isang angkop na sagisag nito. Pinuring maigi ni Confucius ang mga kagalingan nito sa ganitong paraan: ‘Ito ay makinis, madulas at makintab​—katulad ng katalinuhan. Ang mga gilid nito ay parang matalim subalit hindi nakahihiwa​—katulad ng katarungan. Yumuyuko ito sa lupa​—katulad ng kapakumbabaan. Kapag nahampas, ito’y tumutunog​—katulad ng musika. Ang mga depekto nito ay hindi itinatago at nakadaragdag sa kagandahan nito​—katulad ng katapatan.’ Anong gandang imahinasyon!”

Sapagkat ang jade ay pinaniniwalaan na sumasagisag sa mga kagalingang ito, labis itong hinangaan at ginamit ng sinuman na nagnanais maging ‘maginoong tunay.’ Magsusuot siya ng mga palawit na jade sa paligid ng kaniyang baywang, at ang tunog nito kapag siya ay naglalakad ay umaayos sa kaniyang lakad. Kung siya ay mababalisa o magiging padalus-dalos​—sa lahat ng paraan ay dapat iwasan ng isang tunay na maginoo​—ang hindi magkakatugmang tunog ay magpapagunita sa kaniya ng kaniyang pagkalimot sa wastong pagkilos. Marahil ito ay nagbibigay ng kaunting liwanag sa maling palagay tungkol sa ‘hindi maintindihang taga-Oryente.’ Sa katunayan, ipinalalagay nga ng mga taga-Oryente na hindi magandang ugali ang hayagang pagtatanghal o pagpapakita ng kanilang mga emosyon!

“Maaari kong gugulin ang buong araw ko rito,” sabi ni Jim habang kami ay nagmamadali sa mga galerya palabas, sinusulyapan ang maraming mga displey ng mga ipinintang mga larawan, mga nililok, mga gamit na yari sa porselana at may barnis, at iba pa. “Salamat sa paghimok ninyo sa akin na pumarito. Talagang pinasasalamatan ko ang pagkakita sa magagandang

piraso ng jade na iyon at marinig ang kahali-halinang mga kuwento sa likuran nito.”

[Mga larawan sa pahina 24]

Sinaunang mga cicadang jade

Repolyong jadeite

Puting jade na brush washer, disenyong cicada at dahon

[Pinagmulan]

Mga larawan: Koleksiyon ng National Palace Museum, Taipei, Taiwan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share