JADE
Isang batong pampalamuti na matigas, matibay, at kadalasan ay kulay berde at ginagamit sa mga alahas at mga kagamitang inukit; sa Hebreo, ya·shephehʹ. Ito ay alinman sa dalawang magkaibang mineral, ang “nephrite” o ang “jadeite.” Ang pinakapangkaraniwang uri ay ang nephrite. Ang iba nito ay napaglalagusan ng liwanag samantalang ang iba naman ay hindi; matatagpuan ito sa mga kulay na gaya ng matingkad na berde, itim, abuhin, dilaw, at puti. Ang jadeite ay mas mamahalin kaysa sa nephrite dahil mas magaganda ang kulay nito at bibihira ito. Ang jade ay angkop na angkop sa gawaing paglilok dahil sa komposisyon nito.
Isang magandang batong jade na may lilok na pangalan ng isa sa 12 tribo ng Israel ang nakapalamuti sa “pektoral ng paghatol” na isinuot ng mataas na saserdoteng si Aaron, anupat ito ay nasa ikatlong posisyon sa ikaapat na hanay ng mga bato. (Exo 28:2, 15, 20, 21; 39:9, 13, 14) Kabilang din ang jade sa mahahalagang bato na nakapalamuti sa “pananamit” ng hari ng Tiro.—Eze 28:12, 13.