Pag-aanunsiyo—Ang Mabisang Sandata ng Kristiyanismo
PAGKAMATAY ni Jesu-Kristo, ang unang mga Kristiyano ay nangalat at pinag-usig. Ganito ang paliwanag ni Propesor K. S. Latourette sa kaniyang History of Christianity: “Sapagkat tumanggi silang makibahagi sa paganong mga seremonya ang mga Kristiyano ay binansagang mga ateista. Sa hindi nila paglahok sa . . . mga kapistahang pagano, mga libangang pangmadla na para sa mga Kristiyano ay punúng-punô ng paganong mga paniniwala, mga gawain, at mga imoralidad—sila ay pinagtawanan bilang mga napopoot sa lahi ng tao.”
Na ang Kristiyanismo ay nanatili at lumaganap sa buong nakikilalang daigdig noon sa kabila ng gayong pagsalansang ay totoong kataka-taka. Paano ito naging posible? Bahagi ng lihim ay nakasalalay sa pangangaral o publisidad!
Inilalarawan ang gawain ni Jesus bilang isang mapanghikayat na mangangaral at guro, ganito ang sulat ni Propesor C. J. Cadoux sa The Early Church and the World: “Ang gawain ng paghikayat ay isinagawa sa pamamagitan kapuwa ng mga salita at mga gawa. Samakatuwid, may malaking publisidad sa kaniyang buhay at turo. . . . Marami sa kaniyang mga turo noon—gayundin ang mga turo ng kaniyang mga alagad—ay ipinahayag sa madla.” Nagkukomento pa tungkol sa gawain ng mga alagad pagkamatay ni Jesus, ganito pa ang susog ni Cadoux: “Ang publisidad ay sinusuyo. Ipinahahayag ng mga saksi ang kanilang patotoo nang may tahasang pagkaprangka.”
Anong uri ng mga tao ang pinag-uusapan natin? Ganito ang paliwanag ni Edmond de Pressensé sa The Early Years of Christianity: “Ang turo . . . ay isang hindi pinag-aralang talumpati, na nagmumula sa puso. Hindi lamang ang mga Apostol ang mga tagapagsalita; ang iba pang mga Kristiyano ay malaya ring nagsalita na gaya nila tungkol sa kahanga-hangang mga gawa ng Diyos.” Ang mga Kristiyano ang kanila mismong mga ahente ng publisidad, masigasig na ibinabahagi nilang lahat ang kanilang pananampalataya sa iba sa kanilang pangangaral sa madla at gawaing pagtuturo.
Binabanggit ni Edward Gibbon sa kaniyang Decline and Fall of the Roman Empire, na “ang mga daang bayan, na ginawa para sa gamit ng mga hukbong [Romano], ay nagbukas ng isang madaling daan para sa mga misyonerong Kristiyano mula sa Damascus hanggang sa Corinto, at mula sa Italya hanggang sa dulo ng Espanya o Britaniya.” Sabi pa ni Gibbon: “May matibay na dahilan na maniwala na bago ang paghahari ni Diocletian at Constantino ang pananampalataya ni Kristo ay naipangaral na sa lahat ng lalawigan, at sa lahat ng malalaking lunsod sa imperyo.”
Upang palaganapin ang kanilang pananampalataya, sinamantala ng mga Kristiyano ang lahat ng magagamit na paraan. Gaya ng sabi ng tagasalin ng Bibliya na si Edgar Goodspeed sa kaniyang aklat na Christianity Goes to Press: “Sila ay mga taong bumibili-ng-aklat at bumabasa-ng-aklat. Sila rin ay mga taong nagsasalin at naglalathala. . . . [Noong 140 C.E.] ginamit ng mga tagapaglathalang Kristiyano . . . ang anyong pahinang-aklat, ang codex, at nasumpungang ito ay napakapraktikal . . . at kombinyente anupa’t ito ang naging anyo ng kanilang aklat.”
Ika-20 Siglong Pag-aanunsiyo
Ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay kasinsigasig at kasing-aktibo rin ng mga katulad nila noong unang-siglo sa paghahayag ng pananampalatayang Kristiyano sa buong daigdig—at sa paggamit ng modernong teknolohiya. Isaalang-alang ang sumusunod na mga tampok ng ika-20 siglo:
● 1914. “Photo-Drama of Creation.” Ang dramang ito ay binubuo ng mga larawang nasa slides at pelikula na may kasabay na mga plaka ng mga pahayag at musika. Ang proyekto ay isa sa mga nanguna sa larangan ng mga pelikulang may tunog.
● 1920. “Angaw-Angaw na Nabubuhay Ngayon ay Hindi Na Mamamatay.” Sa loob ng mahigit na dalawang taon, ibinalita ng mga paskilan at mga pahayagan, pati na ng malawakang personal na kampaniya ng pag-aanunsiyo sa buong daigdig, ang popular na lektyur na ito at ang kasunod na pulyeto.
● 1922. “Ianunsiyo ang Hari at Kaharian.” Ito ang humahamon na paksa sa kombensiyon sa Cedar Point, Ohio. Ang masidhing panghikayat na “ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang Kaharian” ang simula ng mga Saksi ni Jehova bilang personal na ahente sa publisidad mula noon.
● 1924. WBBR, istasyon ng radyo ng Samahang Watch Tower. Itinayo upang samantalahin ang maagang paghahatid ng radyo. Noong 1933, ang pinakatugatog na taon, isang network ng 408 mga istasyon ang ginamit ng mga Saksi ni Jehova upang ianunsiyo ang mensahe ng Bibliya sa anim na kontinente.
● 1934. Nabibitbit na mga ponograpo at 78-rpm na mga plaka. Sa loob ng sampung taon ginamit ng mga Saksi ni Jehova ang noo’y sunod-sa-panahong paraang ito ng komunikasyon, gumagawa ng mga 20,000 ponograpo upang matugunan ang pangangailangan.
Isang Mabisang Pangwakas na Pagpapatotoo!
Habang ang Digmaang Pandaigdig II ay sumasapit sa wakas nito noong 1945, ang mga Saksi ni Jehova ay nakahandang pumasok sa larangan ng pangangaral sa isang walang-kaparis na lawak. Sinabi ni Jesus na taglay ang pananampalataya ang kaniyang mga tagasunod ay “gagawa ng lalong dakilang mga gawa” kaysa ginawa niya. Ito’y may kaugnayan sa lawak ng kanilang pangangaral. Anong pagkatotoo nga ng hulang ito!—Juan 14:12.
Noong taóng 1987, mga tatlong milyon apat na raang libong Saksi sa 210 mga bansa ay gumugol ng mahigit 700 milyong oras sa pangangaral at pagtuturo. “Saan ka mang dako sa daigdig nakatira, mahirap na hindi ka makatagpo ng mga Saksi ni Jehova,” sabi ng klerigong si Jack Roundhill ng Church of England, at sabi pa niya: “Isinasagawa nila ang kanilang pagpapatotoo sa mga pamilihang-dako at sa mga plataporma ng bayan at saanman na may masumpungan silang tagapakinig. Subalit ang likas na paraan ng mga Saksi ay dalhin ang kanilang mensahe sa bahay mismo ng sinuman na magpapatuloy sa kanila. Kadalasang hanggan doon na lamang sila sa baitang sa labas ng pinto, at kung gayon nga, ginagamit nila ang baitang sa labas ng pinto bilang kanilang pulpito.”
Ang pag-aanunsiyo sa pamamagitan ng bibig ay nagbubunga ng mayamang resulta, sapagkat mahigit na 230,000 bagong mga Saksi ang nababautismuhan sa loob ng isang taon. Sa taunang pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo, naakit nila ang halos siyam na milyong mga tao sa kanilang mga Kingdom Hall.
Mula sa kanilang maraming palimbagan sa buong daigdig, angaw-angaw na mga aklat, pulyeto at tracts ang patuloy na dumarami ang lumalabas, sa mahigit na 200 mga wika. Ang Bantayan at Gumising! ang pinakamalaganap na relihiyosong magasin sa daigdig ngayon, na may magkasamang sirkulasyon na 46 na milyong kopya sa isang buwan. Subalit ito ay hinding-hindi naglaman ng komersiyal na pag-aanunsiyo. At isa sa pinabalatang aklat ng mga Saksi, Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, ay may sirkulasyon ng mahigit na 106 na milyon sa 116 na mga wika! Ang sirkulasyon ng iba pa sa kanilang mga aklat na salig-Bibliya ay umaabot ng sampu-sampung angaw ang bawat isa.
Oo, ang mga Saksi ni Jehova ay handang-handang ianunsiyo ang Hari at ang kaniyang Kaharian, ang matuwid na pamahalaan na malapit nang humalili sa pamamahala ng tao. Taglay ang gayong pangganyak, ang kanilang masiglang pag-aanunsiyo ay tiyak na isang mabisang sandata ng Kristiyano!
[Mga larawan sa pahina 9]
Ang mga ponograpo ay ginamit sa pangangaral
Noong mga kaarawan nito, ang pag-aanunsiyo sa Photo-Drama ay umakit ng maraming mga tagapakinig
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang mga Saksi ngayon ay nangangaral sa mahigit 200 mga lupain
Sa mga 54,000 kongregasyon, inihahayag ng mga Saksi ang Kaharian ng Diyos
Sa buong daigdig, daan-daang angaw ng mga publikasyon tungkol sa Bibliya, sa mga 200 wika, ang lumalabas sa mga palimbagan na gaya nito