Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 6/22 p. 14-15
  • Gerenuk—Ang Gasela na Mukhang Giraffe

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gerenuk—Ang Gasela na Mukhang Giraffe
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Mahabang-Leeg na Dalubhasa sa Pagkain
  • “Bawal Pumasok”
  • Pangangalaga ng Ina
  • Mga Giraffe—Matatangkad, Mahahaba ang Binti, at Elegante
    Gumising!—2000
  • Kung Bakit ang mga Giraffe ay Walang Problema sa Alta-Presyon!
    Gumising!—1987
  • Gasela
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Aking Ekspedisyon sa Aprika—Naroon Sila Noon Para sa Akin—Naroroon Pa Rin Kaya Sila Para sa Aking mga Anak?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 6/22 p. 14-15

Gerenuk​—Ang Gasela na Mukhang Giraffe

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kenya

KAPAPASOK pa lamang namin sa Samburu National Park sa gawing hilaga ng Kenya. Ang aming mga mata ay mabilis na tumitingin sa magkabi-kabila, pinagmamasdan ang pagtatanghal ng maiilap na hayop, hanggang sa mapansin nito ang kaakit-akit na tanawin ng sa wari’y isang batang giraffe na gutom na gutom na nanginginain sa isang punungkahoy. Subalit sa mas malapit na pagsusuri napansin namin na ito ay hindi giraffe.

“Ano ba iyon?” tanong namin sa aming nakangiting giya.

“Isang gerenuk,” sabi niya. Ang gerenuk, napag-alaman namin, ay galing sa wikang Somali at nangangahulugang “kasinleeg-ng-giraffe.” Ang hayop ay tinatawag na swala twiga sa Swahili, nangangahulugang “gaselang giraffe.” Isa itong nilikha na halos kasinlaki ng isang usa na may dalawang sungay na nakabaluktot palikod.

Nagmamasid kami habang ang kumakaing gerenuk ay nakatayo sa kaniyang mga paa sa hulihan, sinusuportahan ang sarili nito sa sanga ng isang punungkahoy ng mga paa nito sa unahan. Talagang para itong giraffe habang nababanat ang mahaba nitong leeg, pinangyayari itong kumain mula sa 1.8 hanggang 2.4 metro mula sa lupa. Anong gandang pagmasdan ang nilikhang ito, na may hugis-pusong ulo, malamlam na mga mata, at pagkalaki-laking mga tainga! Gayunman, ang mga lalaki lamang ang may sungay.

Isang Mahabang-Leeg na Dalubhasa sa Pagkain

Ang magandang kumilos na gaselang ito ay karaniwang nakatira sa mga kapaligiran na halos-disyerto. Tiyak na mayroon itong di-maampat na uhaw sa tubig. Gayunman, ang kamangha-manghang bagay ay na ang gerenuk ay bihirang uminom ng tubig. Nakakatas nito ang lahat ng tubig na kailangan nito buhat sa mga dahon, usbong, at mga siit na kinakain nito. At sapagkat ang gerenuk ay kumakain ng halos 80 iba’t ibang uri ng mga pulumpon at mga punungkahoy​—pati na ang mga halamang evergreen na iilang hayop lamang ang kumakain​—nabubuhay ito sa pinakatigang na mga rehiyon.

Sa kaniyang sariling paraan, ang gerenuk ay tila pihikan sa pagkain, yamang pinipili nito ang pinakamabuting bahagi lamang ng mga halaman, ang mga bahaging masustansiya. Kapuna-puna, gayunman, kinakain din ng gerenuk ang uri ng mga usbong at mga siit na kinakain ng giraffe at dik-dik, na siyang pinakamaliit na membro sa pamilya ng usa, halos ay kasinlaki ng isang kuneho. Gayunman, walang kompetisyon sa gitna nila kung tungkol sa pagkain. Bakit? Dahil sa iba’t ibang taas ng pinagkakanan nila: ang mga giraffe ay sa pagitan ng 4.6 at 5.5 metro, ang mga gerenuk ay halos 1.8 metro, at ang maliit na dik-dik ay sa mga 0.6 metro.

“Bawal Pumasok”

Di-gaya ng mga tao, na madalas ay nagdirigma dahil sa teritoryo, ang mga gerenuk ay karaniwan nang pinananatili ang kapayapaan sa gitna nila sa pamamagitan ng paggalang sa pag-aari ng isa’t isa. Itinatakda ng bawat isa ang mga hangganan nito sa pamamagitan ng paggamit sa anteorbital gland nito na nasa gilid ng bawat mata. Pinipili nito ang isang lugar na halos kalahating milya kuwadrado at sa pamamagitan ng glandulang ito ay nag-iiwan siya ng isang tulad-alkitrang sustansiya sa mga sanga at mga siit. Ang sustansiya ay may amoy, at sa ganitong paraan ang teritoryo ng gerenuk ay natatakdaan sa anumang kalapit na gerenuk.

Subalit kumusta naman ang tungkol sa mga nanghihimasok, gaya ng cheetah, ng leopardo, o ng leon, na walang gaanong paggalang sa paunawa na “Bawal Pumasok”? Ang gerenuk ay kailangang bumaling sa mga sekreto nito ukol sa kaligtasan. Halimbawa, mayroon itong kahanga-hangang kakayahang manatiling walang kibo at tumitig, ibinababa ang malalaking tainga nito na nakadikit sa kaniyang leeg. Dahil sa magandang kulay kayumanggi nito, ang kulay nito ay magandang humahalo sa likas na kapaligiran nito. Nananatili itong walang kibo hanggang sa makaalis ang mga bisitang di-naiibigan.

Gayunman, kung ito ay mapansin, tatakas ito upang iwasan ang mga maninila. Ang kaalaman nito sa lawak ng kaniyang tirahan, gayundin ang kakayahan nitong umilag labas-masok sa gitna ng matinik na mga palumpon, ay gumagawa ritong mahirap sundan ng karamihan ng mga maninila. Pagkatapos masdan ang mabilis at magandang kumilos na hayop na ito, madali naming naunawaan kung bakit ang Bibliya ay nagpapayo sa isang tao na takasan ang isang di-matalinong kasunduan taglay ang bilis ng isang gasela.​—Kawikaan 6:5.

Pangangalaga ng Ina

Sa pagsilang ang gerenuk ay walang mga kakayahan sa kaligtasan. Ang ina nito, samakatuwid, ang nagliligtas sa batang gerenuk sa unang mga araw ng buhay nito. Kapag ang isang gerenuk ay manganganak, humahanap ito ng isang tahimik na lugar. Ang karamihan ng mga bata ay ipinapanganak sa umaga, pinangyayaring sila ay lumakas bago dumating ang mapanganib na gabi. Kataka-taka, pagkaraan lamang ng sampung minuto, ang batang gerenuk ay tumatayo na sa nangangatog, mapayat na mga paang iyon! Pagsapit ng gabi ito ay napakaaktibo na, inaaliw pa nga ang Nanay sa pamamagitan ng mapaglarong kalikutan nito.

Sa maagang yugtong ito, ang batang gerenuk ay madaling hayop na sisilain. Kaya nililinis ng nanay ang kaniyang anak nang husto upang ito ay walang anumang amoy na nagsasabing ito’y bagong silang. At ang likas na pagbabalatkayo nito ay nagpapangyari rito na magtago nang ligtas samantalang ang Ina ay umaalis at naghahanap ng pagkain. Gayunman, paminsan-minsan, ang batang gasela ay lumilipat-lipat ng lugar. Yamang ang ina ay hindi maaaring umasa sa amoy bilang isang paraan upang matunton ang bata, ginagamit niya ang salitang gerenuk​—mababa ang tunog na “meee,” na malayo ang inaabot bagaman ito ay mahina sa pandinig ng tao. Ang bata ay tutugon dito sa pamamagitan ng pagtayo o sa pagsagot sa tawag, ipinaaalam kung saan siya naroroon. Pagkalipas ng dalawang linggo, ang batang gerenuk ay hindi na kailangang itago kundi maaari na itong sumama sa pamilya sa panginginain ng mga siit at mga dahon.

Ang gerenuk ay tinatawag na “isa sa pinakapambihirang nilikha sa Silangang Aprika.” At gaya ng sinasabi, batay lamang sa hitsura, ito ay pambihira. Datapuwat ang aming kaibigang gaselang-giraffe ay magandang kumilos, mapamaraan, at sa ganang kaniyang sarili ay maganda​—isa pang katunayan ng karunungan ng ating Dating Maylikha.

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Kuha ni Dino Sassi/​Karapatang maglathala​—Kenya Stationers Limited

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share