Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Dapat Akong Maging Halimbawa sa Aking Nakababatang mga Kapatid?
SI Darryl ang pinakamatandang anak sa pamilya. Noong isang mahirap na panahon, pinabayaan niyang bumaba ang kaniyang mga marka. Ang kaniyang mga magulang ay mabilis na kumilos. Nagugunita ni Darryl: “Pinatibay nila akong pasulungin ko ang aking gawa sa paaralan hindi lamang sa kapakanan ko kundi sa kapakanan ng aking nakababatang mga kapatid, ipinakikita sa kanila na ang mabubuting marka ay mahalaga.”
Kung ikaw ang pinakamatandang anak sa inyong pamilya, walang alinlangan na alam mo kung ano ang ibig sabihin kapag ikaw ay pinagsabihan, ‘Magpakita ka ng mabuting halimbawa sa iyong nakababatang mga kapatid!’ Gayunman, kadalasan ito ay pinagmumulan ng hinanakit. Sa kanilang aklat na Raising Siblings, sina Carole at Andrew Calladine ay nagsasabi: “Ang mga panganay ay nagrereklamo rin tungkol sa kahawig na mataas na mga inaasahan ng kanilang mga magulang. Nadarama nila ang panggigipit ng mga magulang na sila’y manguna, magtagumpay. Ang karaniwang paalaala sa mga panganay ay, ‘Napakatanda mo na upang gawin iyan,’ ‘Dapat mas marami kang nalalaman.’”
Gayunman, bakit ba napakaraming inaasahan ang mga magulang sa pinakamatandang anak? Sila ba marahil ay umaasa nang labis?
Kung Bakit Dapat Kang Maging Halimbawa
Mula sa pinakamaagang panahon, ang mga panganay na anak—lalo na ang mga anak na lalaki—ay lubhang inaasahan ng kanilang mga magulang. Bilang simula ng kapangyarihan ng kanilang ama na mag-anak, ang mga panganay na anak na lalaki noong panahon ng Bibliya ay kadalasang mahal na mahal. (Genesis 49:3; Deuteronomio 21:17) Aba, tinawag mismo ni Jehova ang bansang Israel na kaniyang “panganay” upang ipahayag ang kaniyang matinding pag-ibig sa kanila. (Exodo 4:22) Gayunman, marami ang inaasahan sa panganay na lalaki, yamang siya ang sa wakas ay hahalili sa kaniyang ama bilang ulo ng pamilya.
Kung gayon, hindi ka dapat magtaka kung waring mataas pa rin ang inaasahan ng mga magulang sa kanilang pinakamatandang anak—at may mabuting dahilan naman. Sa isang bagay, kung ikaw ang pinakamatanda, malamang na ikaw ay tumanggap ng higit na pagsasanay sa mga gawain sa bahay, sa mga pamantayang moral, at sa mga simulain ng Bibliya kaysa iyong mga kapatid (na lalaki at babae). Hindi ba dapat na asahang ipapasa mo sa kanila ang iyong natutuhan?
Isang 14-anyos na lalaki ang sa gayo’y sinabihan ng kaniyang mga magulang na tulungan ang kaniyang nakababatang mga kapatid na matuto ng mga gawain sa bahay. Natatandaan niya: “Ipinaliwanag ng aking mga magulang na ako’y nagkaroon ng higit na pagsasanay at karanasan kaysa aking mga kapatid na babae sapagkat ako ang pinakamatanda.”
Ang iyong pagtulong sa pagsasanay sa nakababatang mga kapatid ay maaaring lalong kinakailangan dahil sa mga kahirapan sa kabuhayan na nakakaharap ngayon ng maraming magulang. Kadalasan, ang mga ina gayundin ang mga ama ay kailangang magtrabaho sa sekular na trabaho, na nag-iiwan sa kanila ng kaunting panahon sa tahanan. At kung ikaw ay nakatira sa isang sambahayan ng nagsosolong-magulang, ang iyong magulang ay maaaring nagtatrabaho nang husto sa pagsisikap na magampanan ang bahagi ng ama’t ina. Ang pagbibigay mo ng halimbawa sa nakababatang mga kapatid sa sambahayan ay malaki ang magagawa upang pagaanin ang pasan. Isa pa, nalalaman ng iyong magulang na ang pagbibigay ng isang mabuting halimbawa sa iyong nakababatang mga kapatid ay tutulong sa iyo na maging isang responsableng adulto.
Pagiging Responsable sa Kanila
Totoo, baka naaasiwa kang maging isang halimbawa. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang kabataang babae: “Napakahirap maging ang pinakamatanda sapagkat higit na pribilehiyo at mga pananagutan ang nakukuha ko.” Subalit ang totoo ay, ang iyong mga kapatid ay naiimpluwensiyahan ng iyong paggawi. Kadalasan nang tutularan nila ang iyong pananalita, pananamit, at ugali. Gaya ng sinabi ng isang kabataan sa kaniyang nakatatandang kapatid na lalaki: “Gusto kong siya ang unang gumawa ng mga bagay. Kung gayon nakikita ko kung paano ito gagawin.” Kaya, napakahalaga kung ano ang iyong ginagawa at sinasabi! Gaya ng binabanggit ng mga autor ng Raising Siblings: “Ang pagiging responsable ang hudyat ng mga magulang sa mga panganay.”
Si Miriam, ang mas matandang kapatid ni Moises, ay isang mabuting halimbawa sa pagkuha ng pananagutan sa isang kapatid. Magugunita mo na sinuway ng mga magulang ni Moises ang utos ng hari na patayin ang lahat ng bagong silang na anak na lalaki, itinago nila si Moises sa isang basket na yari sa papiro, o arka. Binantayan ni Miriam ang arkang iyon habang ito ay lumulutang sa Ilog Nilo, at nakita niya na ito ay maingat na kinuha ng anak na babae ni Faraon. May katapangan, si Miriam ay lumapit sa kaniya at ipinakipag-ayos na ang ina mismo ng bata ang magpasuso sa sanggol. Dahil sa kaniyang may tibay-loob na pagkilos alang-alang sa kaniyang batang kapatid na lalaki, si Moises ay hindi lamang nakaligtas kundi lumaki upang maging tagapagligtas ng Israel!—Exodo 2:1-10.
Ikaw ba’y nakadarama ng gayunding pananagutan sa iyong mga kapatid na lalaki at babae? Sa halip na maghinanakit sa kanila, sinisikap mo bang maging kanilang pinakamatalik na kasama at kaibigan? (Kawikaan 17:17) Halimbawa, marami kang magagawa sa pagbibigay sa kanila ng tulong at payo sa paglutas ng mga suliranin. Marahil ang isang kapatid mo ay mayroong hindi makasundo sa paaralan. Ang isa naman ay baka nababalisa sa ilang darating na pangyayari—ang paglipat sa isang bagong lugar, ang unang araw sa paaralan, pagpunta sa doktor—at baka nangangailangan ng pampatibay-loob at suporta. Kadalasan, naranasan mo na ang katulad na kalagayan at ikaw ay nasa posisyon na ibahagi ang iyong kaalaman at karanasan. Gaya ng sabi ng isang tin-edyer tungkol sa kaniyang nakatatandang kapatid na babae: “Para siyang giya sa akin. Nauunawaan niya ang nararanasan ko, sapagkat naranasan niya ito mismo.”
Gayunman, may panganib na pasobrahan naman ang mga bagay-bagay.
Alamin ang Iyong mga Hangganan!
“Akala niya siya na ang autoridad,” sabi ng isang 15-anyos tungkol sa kaniyang nakatatandang kapatid. “Nakipagtalo ako sa kaniya, sasampalin niya ako sa kabila ng mesa. Hindi kami magkasundo.” Isang tin-edyer na babae ang nag-uulat ng kahawig na problema sa pakikitungo sa kaniyang nakababatang mga kapatid na babae. “Naupo akong kasama nila at ipinakita ko sa kanila ang ilang mga kasulatan,” sabi niya. “Subalit nagalit sila! Kung minsan ang aming pagtatalo ay nagiging marahas anupa’t ito’y nauuwi sa suntukan.”
Sa kasamaang palad, kung minsan naipagkakamali ng mga kabataan ang pagiging halimbawa sa pagiging isang amo. Bagaman ikaw ay maaaring maging isang kaibigan at isang tagapayo sa iyong nakababatang mga kapatid, ikaw ay hindi kailanman magiging magulang nila! Malamang pa nga, kaiinisan nila ang anumang pagsisikap sa iyong bahagi na pakitunguhan sila sa pamamagitan ng pagdidisiplina o pagpapayo sa kanila. Trabaho ng iyong mga magulang na ‘palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova’—hindi mo trabaho iyon! (Efeso 6:4) Kaya bagaman ang isang payo ay maaaring maging mahusay, kung ikaw naman ay nilalabanan, marahil makabubuti pang iwasan ito at hayaang lutasin ito ng iyong mga magulang.
Ang pagkilala mo sa iyong mga limitasyon tungkol dito ay hahadlang din sa iyo na makabangga ng iyong mga magulang. Maaaring hingin ng isang nakababatang kapatid na lalaki o babae ang iyong payo tungkol sa isang bagay na hindi mo kayang lutasin. O baka siya ay magtapat sa iyo ng ilang pagkakamali na dapat malaman ng iyong mga magulang. Sa halip na sikaping lutasin ang mga bagay-bagay sa iyong sarili, alalahanin ang mga salita ng Kawikaan 11:2: “Dumating ba ang kapangahasan? Kung gayon ay darating ang kahihiyan; ngunit nasa mga mapagpakumbaba ang karunungan.” May kahinhinang tiyakin na nalalaman ng inyong mga magulang ang kalagayan; oo, makabubuti na palakasin-loob ang iyong mga kapatid na lapitan nila mismo ang inyong mga magulang.
Binabanggit ng isang kabataan ang isa pang dako kung saan dapat mong tandaan ang iyong mga limitasyon, na ang sabi: “Naiibigan ko ang pagiging pinakamatanda, subalit kung minsan mahirap gawin ang lahat ng bagay nang tama.” Sa halip na madama na ikaw ay nasa ilalim ng mapaniil na pasan, tantuin na “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) Si Jesu-Kristo lamang ang sakdal na halimbawa! (1 Pedro 2:21) Kaya huwag kang masyadong seryoso.
Mga Pakinabang
Ang pagsisikap na magpakita ng mabuting halimbawa sa iyong nakababatang mga kapatid ay may mga problema, subalit mayroon din itong mga pakinabang. Sa isang bagay, sa pagpapakita na ikaw ay responsable, ikaw ay mas mabilis na magiging maygulang at tiyak na magtatamo ka ng karagdagan pang mga pribilehiyo. (Lucas 16:10) Magkakaroon ka ng mga kakayahan at mga kasanayan na magiging mahalaga sa dakong huli, kung ikaw ay magkaroon ng mga anak. Hindi rin dapat kaligtaan, ang epekto ng iyong halimbawa sa iyong nakababatang mga kapatid, pinakikilos sila na maging responsable, may takot sa Diyos na mga adulto.
Sa pagpapakita ng masigla, maibiging interes sa iyong mga kapatid, maaari mong makamit ang kanilang pag-ibig at paggalang. Tunay, nenerbiyusin ka paminsan-minsan. Subalit gaya ng sabi ng isang tin-edyer na babae: “Isang bagay ang pinasasalamatan ko, at yaon ay ang pagkakaroon ng dalawang kapatid na babae na nakikipag-usap sa akin tungkol sa personal na mga problema at niyayapos ako kailanma’t kailangan ko ito.” Ang buklod na ito ng pag-ibig, minsang nagawa, ay maaaring tumagal habang-buhay. Sulit ang pagsisikap na magpakita ng isang mabuting halimbawa.
[Larawan sa pahina 24]
Tulungan ang iyong nakababatang mga kapatid na matutong gumawa ng mga bagay-bagay
[Larawan sa pahina 25]
Ang isang nakatatandang kapatid na babae ay maaaring kainisan kung siya ay kumikilos na parang isang amo