Kailan Magwawakas ang Lahat ng Ito?
ANG pagsasagawa ng nakarerepreskong pisikal na gawain ay kasiya-siya at nakalulusog. Subalit nakalulungkot, ang pagiging kalahok o kahit na ang pagiging manonood lamang sa isang laro ay kadalasang nangangahulugan ng pagpasok sa lubhang marahas, at kadalasan nang punô ng droga, na daigdig.
Ang modernong-panahong isport ay isang kapahayagan na lamang ng marahas na daigdig na iyon. Binabanggit ang mga insidente sa Belgium noong 1985 na naging dahilan ng kamatayan ng 39 katao sa mga tayuan sa isang istadyum ng football, ang pilosopong si Emanuele Severino ay nagsabi: “Sinasang-ayunan ng lahat na ang mga pangyayari na gaya niyaong sa Brussels ay nangyayari dahil sa lumalagong kakulangan ng pananampalataya ng mga tao sa ilang mahahalagang pamantayan sa ating lipunan.” Sabi pa niya: “Ang karahasan sa ating panahon ay hindi nagmula sa kawalan ng mga pamantayan kundi sa pagkakaroon ng bagong mga pamantayan.”
Bagong mga Pamantayan sa Isports
Ano ba ang bagong mga pamantayang ito na binanggit ni Propesor Severino? Ang isa ay ang pagkamaka-ako ng mga manlalaro na gumagawa sa mga kampeon na animo’y “mga diyos.”
Nariyan din ang nasyonalismo at ang bungang pulitikal na mga implikasyon. Ang magasing L’Espresso ay nagsasabi: “Ang isports ay naging isang malaking sasakyan para sa pagtataguyod ng lipunan. Mientras mas marami itong panalo, lalo namang nakikilala ang isang bansa.”
Ang salapi ay isa rin sa bagong mga pamantayan na naging bahagi ng daigdig ng isports. Di-mumunting pinansiyal at komersiyal na interes—mga karapatan sa paghahatid ng telebisyon, publisidad, loterya, at pagkatapagtaguyod—ay tumitiyak sa “walang prinsipyong kompetisyon,” kahit sa gitna ng mga manlalaro mismo. Isang dating manlalaro ng soccer ay nagsabi na ang soccer “ay hindi na isang laro. Ito ay isang negosyo lamang.”
Ang umiiral na simulain ay manalo anuman ang mangyari, at sang-ayon sa bagong mga pamantayan ngayon, ito ay nangangahulugan ng lahat ng bagay—mula sa karahasan kapuwa sa larangan ng laro at sa mga tayuan hanggang sa karahasan na dala ng mga tagahanga bago at pagkatapos ng laro, mula sa doping at sa nakamamatay na mga epekto nito hanggang sa kawalang-katarungan at kawalang prinsipyo. Ang diwa ng laro, ang tinatawag na malinis o walang dayang laro, ay waring naging isang nakalipas na bagay. Magbalik pa kaya ito? Kung hahatulan batay sa kung ano ang sinasabi, ang mga tao ay umaasa, subalit ang mga katotohanan ay hindi nakapagpapatibay-loob.
Droga at Karahasan—Magwawakas Ba?
Gaya ng inaamin ni Propesor Severino, ang karahasan sa isports ay isa lamang aspekto ng isang mas pangkalahatang karahasan na nagpapahirap sa makabagong lipunan. Ano ba ang sanhi ng labis-labis na karahasan? Isang hula sa Bibliya ay tutulong sa atin na maunawaan ang problema. Binabanggit ang tungkol sa mga huling araw ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, itinala ni apostol Pablo ang sumusunod na mga katangian: ‘Ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, di-tapat, walang pagpipigil-sa-sarili, mababangis, hindi maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan.’ At sabi pa niya: “Ang mga taong balakyot at mga magdaraya ay lalong sasama.”—2 Timoteo 3:1-5, 13.
Ang kasalukuyang sanlibutang ito, sabi ng Bibliya, “ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (1 Juan 5:19) Si Satanas na Diyablo ang “balakyot” na nagpapasama sa mabubuting bagay, gaya ng kaaya-ayang mga laro. Siya ang may pananagutan sa marahas na espiritu. Siya rin ang nagsusulsol sa nasyonalismo, kasakiman, at kaimbutan na nagpahamak sa lipunan at sa isports.
Ngunit bilang mga indibiduwal, hindi natin kailangang sumuko sa makademonyong espiritung iyon. Sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, maaari nating “hubarin” ang ating dating pagkatao kasama ang mga maling gawain nito, pati na ang mararahas na ugali, at isuot “ang bagong pagkatao,” na nagbubunga ng mapayapang bunga.—Colosas 3:9, 10; Galacia 5:22, 23.
Gayunman, magkakaroon ba ng wakas ang karahasan at doping sa isports? Tiyak iyan! Kailan? Kapag nagwakas na ang karahasan at pag-abuso sa droga sa lipunan. Ang kasalukuyang pag-unlad ng kabalakyutan ay nagpapahiwatig na ang panahon ay malapit na!—Awit 92:7.