Mga Batang Walang Tahanan—Sino ang Dapat Sisihin?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Brazil
ISANG gabi isinama ni Francisco ang kaniyang asawa at mga anak sa lokal na pizzeria. Sa parking lot, isang nanlilimahid na batang lalaki ang nag-alok na babantayan ang kotse ni Francisco habang ang pamilya’y kumakain. Nang iwan ni Francisco at ng kaniyang pamilya ang restauran, sabik na sabik na isinahod ng batang lalaki ang kaniyang kamay upang tanggapin ang ilang barya para sa kaniyang serbisyo. Hanggang sa dis-oras ng gabi sa mga lansangan ng lunsod, ang mga batang gaya niya ay nagpupumilit na maghanapbuhay. Hindi naman sila nagmamadaling umuuwi, sapagkat ang lansangan ang kanilang tirahan.
ANG mga batang walang tahanan ay itinuturing na mga itinakuwil sa lipunan at ngayo’y tinatawag na “nobody’s children” o “throwaway kids.” Ang kanilang bilang ay nakasisindak at nakakatakot—marahil 40 milyon. Subalit, ang isang eksaktong bilang ay mahirap makuha. Gayumpaman, nakalulungkot sabihin, sumasang-ayon ang lahat ng mga dalubhasa na ang suliranin ay lumalago sa buong daigdig, lalo na sa Latin Amerika. Ang panooring mga batang walang tahanan na nagsisiksikan sa mga pintuan o namamalimos ay nakababagbag-damdamin anupa’t ginagawa sila ng lipunan na mistulang malalamig na estadistika sa isang listahan ng mga namamatay, pagkatapos ay nagkikibit-balikat, at nagpapatuloy. Subalit hindi na maaaring gawin iyan ng lipunan. Sang-ayon sa UNICEF (United Nations International Children’s Emergency Fund), 60 porsiyento ng mga walang tahanan sa pagitan ng 8 hanggang 17 taóng gulang ay gumagamit ng mga sangkap na nagdudulot ng mga guniguni, 40 porsiyento ang gumagamit ng inuming alkoholiko, 16 porsiyento ang mga sugapa sa ipinagbabawal na mga gamot, at 92 porsiyento ang gumagamit ng tabako. At dahil sa kawalan ng mga kakayahang magagamit sa trabaho, nabubuhay sila sa pamamagitan ng pamamalimos, pagnanakaw, o prostitusyon. Lumalaki bilang “nobody’s children,” sila ay nasa panganib na maging mga kriminal, at ang mga kriminal ay isang banta sa katiwasayan ng anumang pamayanan.
Ang pahayagan sa Brazil na O Estado de São Paulo ay nag-ulat tungkol sa isang tropa ng mga batang walang tahanan: “Wala silang pamilya, walang mga kamag-anak, at walang pag-asa sa hinaharap. Nabubuhay sila bawat araw na para bang iyon ang pinakahuli. . . . Ang mga bata . . . ay hindi nagsasayang ng panahon: Nangunguha sila, sa loob lamang ng ilang sandali, ng relong pambisig ng isang kabataan, nanghahablot sa leeg ng kuwintas ng isang babae, sinasalakay ang bulsa ng isang matandang lalaki. At hindi sila nagsasayang ng panahon na mawala sa karamihan. . . . Ang pagtatalik sa sekso ay nagsisimula sa isang maagang edad sa gitna ng . . . mga menor-de-edad. Ang mga onse anyos na dalagita at dose anyos na mga binatilyo ay tinatapos ang kanilang mga romantikong ugnayan sa loob ng isa o dalawang buwan, taglay ang kahawig na gaang ng loob nang pasimulan ito.”
Kung Bakit Sila Nakatira sa mga Kalye
Hindi madaling tumulong sa mga batang walang tahanan. Ipinakita ng isang ulat na 30 porsiyento ng mga batang lansangan ang natatakot anupa’t sila’y tumangging ibigay sa mga may-kapangyarihan ang anumang impormasyon tungkol sa kanilang mga sarili, maging ang kanilang mga pangalan. Subalit bakit sila nakatira sa mga lansangan? Dahil kaya ito sa kanilang pagnanais na magsarili? Ganito ang kaso ng isang kabataang taga-Brazil na nagsabing ayaw na niyang umuwi sapagkat hindi siya pinahihintulutan ng kaniyang ama na gawin ang ibig niya. Gayumpaman, ayon sa pahayagan ng Mexico na El Universal, ang pangunahing dahilan sa mataas na bilang ng mga batang lansangan ay ang pagtalikod sa kanila ng kanilang mga ama. Kung magkagayon, ang pagkawasak ng pag-aasawa ang maaaring sisihin bilang pangunahing sanhi ng pagtaas ng bilang ng mga batang pulubi sa lansangan.
Bilang karagdagan, ang ilang mga magulang ay iresponsable sa pangangalaga sa kanilang mga anak, ginugulpe sila, pinagsasamantalahan sa seksuwal na paraan, pinalalayas sila, o basta hindi lamang sila pinapansin. Bunga nito, ang inabuso o pinabayaang bata ay nakadarama na mas mabuti ang kaniyang kalagayang kung siya’y nag-iisa, kahit pa nga sa mga lansangan.
Subalit, ang mga bata ay nangangailangan ng maibiging pangangalaga at patnubay. Ito ay mahusay na ipinahayag ni James Grant, punong tagapagpaganap ng UNICEF. Sinipi sa isang editoryal ng Latin America Daily Post na pinamagatang “Kids and Tomorrow,” sinasabi niya: “Sa edad na tatlo o apat na taon, 90 porsiyento ng mga selula ng utak ng isang tao ay ugnay-ugnay na at ang pagsulong sa pisikal ay lumalago sa isang punto na ang padron ay inilalagay na para sa natitirang bahagi ng buhay ng isang tao. Ang maagang mga taóng iyon kung gayon ay nangangailangan ng pangangalaga, kapuwa upang ipagsanggalang ang karapatan ng isang bata na linangin ang buong kakayahan nito at upang makinabang sa pagsulong ng mga tao upang sila’y higit na makatulong sa mabuting kalagayan ng kanilang mga pamilya at ng kanilang mga bansa.”
Kung gayon, nababahala ang mga tagapagmasid, sinisisi ang ekonomiya, ang mga pamahalaan, o ang madla dahil sa mga batang walang tahanan. Pagpapatuloy ng editoryal: “Maging ang mga makatao ni ang kasong pang-ekonomiya sa ‘paglalaan para sa mga bata’ ay hindi nakagawa ng malaking pagsulong. . . . Ang ‘economic adjustment’ ay karaniwan nang nangangahulugan na ang mga subsidiya ng pagkain at pang-araw-araw na pangangailangan ay binabawasan. . . . Ang pagdating niyaon sa gitna ng lumalagong kawalan-ng-hanapbuhay at bumababang sahod, ang mga gayong pagbabawas ay nangahulugan na ang pinakamabigat na pasanin ng resesyon ay ipinamana na sa may pinakakakaunting kakayahang tustusan ito—ang pinakamahihirap na mga pamilya at ang kanilang mga anak.”
Walang alinlangan, ang mahirap na ekonomiya sa maraming mga bansa ay isa pang dahilan sa lumalagong bilang ng mga batang lansangan. Itinutulak tungo sa mga lansangan ng mga magulang ang kanilang mga anak upang kumita ng magkano mang halagang makukuha nila, sa paano mang paraan. Bakit, kung gayon, napakahirap lutasin ang suliranin ng mga batang walang tahanan?