Mga Batang Walang Tahanan—Bakit Napakahirap Tulungan?
NOONG Oktubre 14, 1987, nakulong ng 6.7 metro sa ilalim ng isang abandonadong balon ng tubig sa Estados Unidos ang munting si Jessica McClure. Sa loob ng 58 oras ng katakut-takot na hirap, dinurog ng mga tagapagsaklolo ang solidong bato upang makaabot sa kinaroroonan ng 18-buwang batang babae. Napukaw ng pangyayaring ito ang pansin ng mga ulong balita at ang puso ng buong bansa, at nabatubalani ng mga pag-uulat sa telebisyon ang mga manonood hanggang itaas si Jessica nang buháy mula sa madilim na hukay.
Subalit si Jessica ay may tahanan. Nakapagtataka, gayumpaman, na ang kalagayan ng mga batang walang tahanan ay hindi pumupukaw ng katulad na interes. Maaari kayang dahil ito sa kanilang kalagayang kaugnay ng pagdarahop? Habang sinusuri ang kalagayan ng mga nangangailangan, isang manunulat para sa World Health, ang magasin ng World Health Organization, ay nagpahayag: “Ang mahihirap sa mga siyudad ay hindi tunay na mamamayan ng kanilang sariling mga bansa, sapagkat wala silang mga pulitikal, sosyal, o ekonomikong karapatan. Ang mahihirap ay mabilis na tumatanda at namamatay nang bata.” Kung gayon, kailangan ng masidhing mga pagbabago sa paraan kung paano minamalas ng mga pamahalaan at mga tao ang mga mahihirap bago makapaglaan ang ekonomiya ng isang bansa ng sapat na pagkain, pananamit at tirahan para sa kanila.
Kung Paano Matutulungan ang Ilan
Ang mga layuning ipinahayag sa UN Declaration of the Rights of the Child ay tunay na kagalang-galang, subalit bakit ang mga ito ay tila hindi maaabot? (Tingnan ang kahon.) Karaniwan na, ang mga tao’y mahihilig sa mga bata at ibig ang pinakamabuti para sa kanila. Isa pa, ang mga bata ay mahalaga sa kinabukasan ng isang bansa. Sa Latin America Daily Post, si James Grant, punong tagapagpaganap ng UNICEF ay nagsasabi: “Kung sabagay, ang mga bata ang siyang sa dakong huli’y aakay sa kanilang mga bansa mula sa di-umuunlad na kabuhayan.” Ipinakikita ng isang ulat, pagpapatuloy ni Grant, “na ang paggastos sa pangunahing pangangalaga sa kalusugan at edukasyong primarya ay maaaring umakay sa mahahalagang pagsulong sa produksiyon at ekonomikong paglago.” Ang mga bansang gaya ng Brazil ay lubhang nakababatid ng negatibong larawang inihahatid ng mga kalagayan ng mga batang lansangan at ang kaugnay na karahasan. Mabuti na lamang, sa Brazil ay may mga pagsisikap na ginagawa upang malutas ang suliranin sa pamamagitan ng kawanggawa, mga foster homes, bahay-ampunan, at mga repormatoryo.
Ang ilang mga pamahalaan ay nakakaunawa ng kahalagahan ng pagsuporta sa mga pagkukusa ng mga mahihirap na pamilya at mga pamayanan na magtayo ng mga tirahan sa halip na basta lamang magpatayo ng mga bahay. Sa ganitong paraan, ang mga mahihirap mismo ang pinagmumulan ng pagbabago.
Kung gayon, maliban sa pagtanggap ng tulong mula sa iba’t ibang mga ahensiya, ang mga mahihirap na pamilya ay dapat na handang gumanap ng kanilang bahagi. Mas mabuti ang kalagayan ng pamilya sa pangkabuhayan at panlipunan kung ito’y nagsasama-sama at nilulutas ang sariling mga suliranin. Kung kinakailangan, lahat ng mga membrong may kakayahan ay makapagbibigay sa badyet ng pamilya.
Kung Paano Nagtagumpay ang Ilan
Ang ilang mga batang walang tahanan ay nakatakas mula sa gayong kalagayan. Kuning halimbawa si Guillermo. Bago siya isinilang, ang kaniyang pamilya ay nakatira sa isang maliit na baryo subalit dahil sa mahirap na kalagayang pangkabuhayan lumipat sila sa kabisera. Nang si Guillermo ay tatlong buwan pa lamang, pinatay ang kaniyang ama; pagkatapos ng ilang taon, namatay ang kaniyang ina, iniwan ang mga anak sa kanilang lola. Sa gayon, maaga sa buhay, naging batang lansangan si Guillermo. Sa araw-araw, sa loob ng limang taon, naghanap siya ng mga restauran at mga bar, nanghihingi ng pagkain at salapi upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya, naglalakad sa mga lansangan sa dis-oras ng gabi. Ang mga mabubuting tao na nakakilala sa kaniya sa mga lansangan ang nagturo sa kaniya ng mga saligan ng personal na kalinisan at paggawi. Nang bandang huli, siya’y kinuha mula sa lansangan ng isang ahensiya ng pamahalaan at inilagay sa isang tirahan ng mga bata, kung saan tumanggap siya ng pagkain at edukasyon. Tinulungan siya ng mga Saksi ni Jehova na maunawaang interesado ang Maylika sa kaniya bilang isang indibiduwal, at kanilang pinaglalaanan siya ng mga pangangailangan niya sa espirituwal. Napahanga sa kataimtiman at pagkapalakaibigan ng mga Saksi, sinabi ni Guillermo nang bandang huli: “Sino ang tutulong sa isang kabataang lumaking walang patnubay at disiplina? Tanging ang maibiging mga kapatid ang nagbigay sa akin ng gayong tulong, bukod pa sa tulong na salapi.” Binautismuhan si Guillermo sa edad na 18 anyos. Ngayon ay naglilingkod siya bilang isang manggagawa ng tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa kaniyang bansa.
At nariyan din si João, na nang bata pa’y pinalayas ng kaniyang lasing na ama mula sa kanilang tahanan kasama ang kaniyang mga kapatid na lalaki. Subalit inupahan siya ng isang may-ari ng groseriya. Dahil sa kasipagan, umunlad si João at nakamit ang pagtitiwala ng kaniyang mga kamanggagawa at iba pa. Ngayon isa siyang taong maligaya na may sariling pamilya. Bigyang-pansin rin ang 12-anyos na si Roberto. Siya ay pinalayas ng kaniyang pamilya. Nagtrabaho siya sa pamamagitan ng paglilinis ng mga sapatos at pagtitinda ng mga matamis at nang bandang huli siya’y nagtrabaho bilang isang pintor. Ang pagiging handang matuto at magtrabaho ang nakatulong kapuwa kina João at Roberto na mapagtagumpayan ang maraming mga hadlang. Naaalala nila ang mga sandali ng kabalisahan at kawalan-ng-katiwasayan bilang mga kabataang walang tahanan, subalit sila’y napatibay ng kanilang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ang ilang halimbawang ito ay nagpapakita na ang mga bata ay normal ng madaling turuan, at taglay ang tumpak na tulong, maaaring mapagtagumpayan sa bandang huli ang mga masamang kalagayan, maging ang pagkaabandonado.
Bilang karagdagan, kapag ang mga bata ay tumatanggap ng patnubay ng magulang na kasuwato ng Salita ng Diyos, ang bunga ay matatag na mga pamilya, at ang mga suliraning gaya ng pagkaabandonado at pag-abuso sa mga bata ay hindi bumabangon.
Kung Bakit Nabibigo ang mga Pagsisikap ng Tao
Gayumpaman, ang pag-iral ng milyun-milyong mga batang walang tahanan ay nagpapakita ng kabiguan ng tao na lutasin ang mabigat na suliraning ito. Ang direktor ng isang ahensiya para sa kagalingang-pambata ay sinipi sa magasing Time na sinasabing: “Ang isang taong may mga diperensiya sa isip at mahina ang pag-iisip, isang taong maysakit—isang maysakit, marupok na populasyon—ay hindi makakikilos bilang ahente ng pagsulong.” Inihula rin ng magasing iyon na bunga nito, ang isang bansang Latin-Amerikano ay “mabibigatan ng milyun-milyong mga adulto na hindi malulusog, walang mga kakayahan at hindi nakapag-aral anupa’t sila’y hindi tatanggap ng anumang pamamaraan upang maging sibilisado.”
Sa liwanag nito, sa palagay mo ba ang mga epekto ng malnutrisyon, seksuwal na pag-abuso, at karahasan ay malulutas ng mga pamamaraan lamang ng tao? Nadarama mo ba na may anumang gawang-taong programang makapag-aalis sa lahat ng mga batang lansangan matapos na ang mga ito ay nagpumilit na mabuhay sa mga lansangan sa gitna ng mga agresibo, malulupit na mga tao? Maaari mo bang isipin ang isang programa na magtuturo sa mga magulang na kumilos nang responsable sa kanilang mga anak? Nakalulungkot sabihin, ang mga pagsisikap ng tao, gaano man kataimtim, ay hindi makalulutas nang ganap sa suliranin ng mga batang walang tahanan.
Bakit? Mayroong isa o isang bagay na humahadlang sa paglutas sa suliraning ito. Nakakawiling malaman, kinilala ni Jesus ang isang persona na kaniyang tinawag na “pinuno ng sanlibutan.” (Juan 14:30) Siya ay si Satanas na Diyablo. (Tingnan ang pahina 12.) Ang kaniyang tusong impluwensiya sa sangkatauhan ang pangunahing hadlang sa paglutas ng mga suliraning ito at pagtatamasa ng tunay na kaligayahan. (2 Corinto 4:4) Kung gayon, ang pag-aalis sa di-nakikitang mga kinapal na ito ay mahalaga upang ang mga matuwid na kalagayan ay umiral para sa lahat ng mga batang walang tahanan at mga taong kapus-palad. Kung gayon, maaari ba tayong umasa sa isang daigdig na walang mga batang lansangan at kahirapan? Mayroon bang tunay, namamalaging pag-asa para sa mga batang walang tahanan?
[Blurb sa pahina 6]
‘Sino ang tutulong sa isang kabataang lumaking walang patnubay at disiplina?’
[Kahon sa pahina 7]
Ang UN Deklarasyon ng mga Karapatan ng Bata:
◼ Ang karapatan sa isang pangalan at nasyonalidad.
◼ Ang karapatan sa pagmamahal, pag-ibig, at pag-unawa at sa katiwasayan sa materyal.
◼ Ang karapatan sa sapat na nutrisyon, tirahan, at serbisyo medikal.
◼ Ang karapatan sa pantanging pangangalaga kung may kapansanan, maging sa pisikal, mental, o sosyal.
◼ Ang karapatang maging isa sa mga unang tatanggap ng proteksiyon at saklolo sa lahat ng mga pagkakataon.
◼ Ang karapatang mapangalagaan mula sa lahat ng uri ng pagpapabaya, kalupitan, at pagsasamantala.
◼ Ang karapatan sa lubos na pagkakataon ng paglalaro at paglilibang at patas na pagkakataon para sa libre at sapilitang edukasyon, upang mapangyari ang isang bata na linangin ang kaniyang indibiduwal na mga kakayahan at upang maging isang kapaki-pakinabang na membro ng lipunan.
◼ Ang karapatang linangin ang kaniyang buong kakayahan sa mga kalagayan ng kalayaan at dignidad.
◼ Ang karapatan na palakihin sa isang espiritu ng unawa, pagpapahintulot, pagkakaibigan sa gitna ng mga tao, kapayapaan, at pandaigdig na pagkakapatiran.
◼ Ang karapatan na tamasahin ang mga karapatang ito anuman ang lahi, kulay, kasarian, relihiyon, pulitikal o anupamang kuro-kuro, pambansa o panlipunang pinagmulan, at pag-aari, kapanganakan, o ibang katayuan.
Ang buod halaw sa Everyman’s United Nations
[Picture Credit Line sa pahina 5]
Reuters/Bettman Newsphotos