Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 1/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • HINAMPAS NG MGA SAKUNA ANG ESTADOS UNIDOS
  • ‘UN GAGANAP NG ISANG PANGUNAHING PAPEL’
  • PANINIGARILYO BAWAL SA LAHAT HALOS NG “FLIGHTS”
  • PINAKAMAHUSAY ANG “MAY AUTORIDAD” NA MGA MAGULANG
  • ITINUTULAK NG KASAKIMAN ANG SANGKATAUHAN SA BINGIT
  • ELEPANTE​—ISA NANG NANGANGANIB MALIPOL NA URI
  • MGA LEONG KUMAKAIN-NG-TAO
  • KARAGDAGANG BANTA
  • SIBILISADO NGUNIT NANLULUMO
  • PINAMUMULAKLAK ANG MGA DISYERTO
  • KAUNA-UNAHANG MOSQUE SA ROMA
  • LOKAL NA MARIJUANA
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1989
  • Garing—Gaano Kahalaga Ito?
    Gumising!—1998
  • Mga Panganib sa Kalusugan Kahit sa Lugar na “Bawal Manigarilyo”
    Gumising!—1989
  • ‘Ang Lahat ay Humihitit ng Marijuana—Bakit Ako’y Hindi Puede?’
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 1/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

HINAMPAS NG MGA SAKUNA ANG ESTADOS UNIDOS

Dalawang sakuna ang nagwasak sa magkahiwalay na mga rehiyon sa Estados Unidos noong Setyembre at Oktubre 1989. Una, ang Bagyong Hugo, na may 220-kilometro-bawat-oras na hangin, ang dumaluyong sa timog-silangang bahagi ng Estados Unidos, iniiwan ang bakas ng pagkawasak. Noong Oktubre 17, isang lindol na may lakas na 7.1 sa Richter scale ang yumanig sa lugar ng San Francisco Bay, pumatay ng napakaraming tao at nagdulot ng pinsalang tinatayang umaabot sa libu-libong milyong dolyar sa kanlurang bahaging iyon ng bansa. Nagkataon naman, sa loob ng sumunod na dalawang araw (Oktubre 18, 19), isang serye ng mga lindol, na halos 6 sa Richter scale, ang umuga sa hilagang Tsina. Mga 29 katao ang namatay.

‘UN GAGANAP NG ISANG PANGUNAHING PAPEL’

Sinabi ng mga diplomatiko na dumadalo sa ika-44 na Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang mga Bansa na ang tatlong pinakamahahalagang isyu sa daigdig na humihingi ng solusyon ay ang mga utang ng umuunlad na mga bansa, kalakalan ng droga, at ang pangangalaga sa kapaligiran. Mayroong malawak na kasunduan na ang UN ay kinakailangang lumahok sa paglutas ng mga ito. Sinabi ng pangulo ng Pangkalahatang Kapulungan na “idiniin [ng lahat ng mga membro] ang pangangailangan para sa Nagkakaisang mga Bansa na gumanap ng pangunahing papel bilang huling pag-asa sa kapayapaan at katarungan ng sangkatauhan.”

PANINIGARILYO BAWAL SA LAHAT HALOS NG “FLIGHTS”

Ang mga mambabatas ng E.U. ay sumang-ayon na ipagbawal ang paninigarilyo sa lahat halos ng mga domestic commercial airline flights. Araw-araw may 16,000 flights sa loob ng Estados Unidos. Ipahihintulot ng batas ang paninigarilyo sa mga 20 sa flights na iyon, sabi ng isang lobbyist para sa Association of Flight Attendants. “Kami’y nasa punto kung saan halos lubusan na naming ipagbawal ang paninigarilyo sa mga eruplano,” sabi ng isang senador.

PINAKAMAHUSAY ANG “MAY AUTORIDAD” NA MGA MAGULANG

“Ang mga magulang na hindi marahas magparusa, subalit nagtatakda ng matatatag na mga hangganan at sinusunod ang mga ito, ay malamang na magkaroon ng mga anak na matatalino at mahusay makisama sa iba,” sabi ng U.S.News & World Report. Ang gayong mga magulang ay tinaguriang “authoritative” (“gawin mo ito sa dahilang ito”), kabaligtaran ng “authoritarian” (“gawin mo ito dahil ako ang magulang”) at “permissive” (“gawin mo anumang ibig mo”), mga istilo ng pagdidisiplina na lumilikha ng mga batang may pag-uugaling lubhang naiiba. Ang mga pag-aaral, na sumaklaw ng dalawang dekada, ay nagpakita na ang mga magulang na may autoridad ay mas malamang na magkaroon ng mga anak na matatag, kontento, may pagpipigil-sa-sarili, at may pagtitiwala-sa-sarili, at na mas malayong mag-eksperimento sa mga droga. “Ang mga magulang na may autoridad ay hindi naghahari-harian,” sabi ng sikologo ng University of California na si Diana Baumrind, na nagsagawa ng mga pag-aaral. “Pinagkakaabalahan nilang makilala ang kanilang mga anak, kumusta sila sa paaralan at sino ang kanilang mga kaibigan. Ang kanilang pangangasiwa sa bata ay matatag, at hindi sila natatakot na harapin ang bata.”

ITINUTULAK NG KASAKIMAN ANG SANGKATAUHAN SA BINGIT

Sa isang komperensiya kamakailan sa Vancouver, Canada, si Digby McLaren, pangulo ng Royal Society of Canada, ay nagsabi: “Aming nakikita ang tao bilang isang maninira at tagapagpagulo ng ating buong daigdig.” Tinatangkilik ng UNESCO (United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization), nagpasiya ang komperensiya ng internasyonal na mga siyentipiko at mga iskolar na ang paghahangad sa materyal na kayamanan ay umakay sa sangkatauhan sa bingit ng pagkalipol. Idinagdag ni G. McLaren na pinasigla ng siyentipiko at teknolohikal na pagsulong ang pagtutuon ng isip sa materyal na kasaganaan, sa kapabayaan ng kultural at espirituwal na mga pamantayan. Nanawagan ang pangkat sa sangkatauhan na isantabi ang pambasa, panlahi, at relihiyosong mga hangganan upang makipagtulungan sa pagsasauli ng lupa.

ELEPANTE​—ISA NANG NANGANGANIB MALIPOL NA URI

Inilagay ng Convention on International Trade in Endangered Species, na nagtipon sa Lausanne, Switzerland, noong Oktubre, ang elepante sa Aprika sa listahan nito ng mga nanganganib malipol na uri. Ipinagbabawal ng aksiyong iyan ang pangangalakal ng garing. Umaasa ang kombensiyon na ang pagkilos na ito ay magwawakas sa ilegal na pangangaso ng mga mangangaso ng garing. Tinataya na ang populasyon ng elepante sa Aprika ay nangalahati sa nakaraang dekada. Noong 1979 may 1.3 milyong elepante sa kontinenteng iyon. Ngayon mayroon na lamang mga 625,000.

MGA LEONG KUMAKAIN-NG-TAO

Ang Kruger National Park ng Timog Aprika ay isang mahaba’t makitid na lupaing umaabot ng mga 320 kilometro sa hangganan ng Mozambique. Upang matakasan ang digmaang sibil, maraming taga-Mozambique ang tumakas tungo sa parke na isang malaking panganib sa kanilang buhay, sapagkat ang parke ay puno ng mga leon at iba pang mapanganib na mga hayop. Sa pangkalahatan, ang mga leon ay umiiwas sa mga tao. Inaakalang ang pagtungo roon ng mga takas ay nagbigay sa mga leon ng isang pagkagusto sa laman ng tao, yamang madali nilang madaig ang mga tao na hindi na makagalaw at bumabagsak sa pagod. Tatlo katao sa Timog Aprika ang pinatay ng mga leon, at dalawa sa mga pagsalakay na ito ay nangyari sa loob ng Kruger National Park. Kaya, ang mga park rangers ay inutusang tuntunin at patayin lahat ng mga leon na naging mangangain-ng-tao.

KARAGDAGANG BANTA

Isa na namang dimensiyon ang idinagdag sa kasalukuyang salot ng droga: ang pagkawasak ng mga rain forests. “Udyok ng pangangailangan ng Amerika at ng Europa para sa cocaine, kinalbo ng mga taga-Peru na nagtatanim ng coca ang malawak na Amazon rain forest at nagtatapon ng milyun-milyong galon ng nakalalasong kimikal sa matataas na lugar at mga headwaters nito,” ulat ng The New York Times. Sang-ayon sa ulat, ang mga nagtatanim ng coca “ay lumusob sa dalawang pambansang parke at dalawang pambansang gubat, kinalbo ang karamihan sa fragile cloud forest na kilala bilang ang ‘kilay ng kagubatan’ at sinira ang isang lugar na tinatayang mahigit sa 200,000 ektarya ng tropikong kagubatan.” Ang mga dahon ng coca ay siyang pinakamalawak na pananim sa Peruvian Amazon. Sa kanilang pagmamadaling magtanim ng cocaine, iniwan ng mga magsasaka ang kanilang dating gawi sa pagsasaka na humahadlang sa pagguho ng ibabaw na lupa.

SIBILISADO NGUNIT NANLULUMO

Nagdudulot ba ng higit na kaligayahan sa mga tao ang makabagong sibilisasyon? Isang pag-aaral kamakailan ang nagsaayos ng mga resulta ng mga surbey mula sa buong mundo, at ipinakita nito na sa isang pangkat ng maunlad na mga bansa, ang mga antas ng panlulumo ay tumaas mula noong Digmaang Pandaigdig II, sa ilang mga kaso naging doble pa nga. Ang mga kabataan ang siyang madalas na napupuruhan. Sa kabilang dako, sa mahihirap na bansang taglay ang mas tradisyonal na kayariang panlipunan, ang antas ng panlulumo ay bahagya lamang ang itinaas sa katulad na yugto. Bakit? Sang-ayon sa The Boston Globe, naghihinuha ang mga mananaliksik sa pag-aaral na ang kausuhan tungo sa buhay sa siyudad sa mga maunlad na bansang ito, pati na ang mabilis na buhay, ay umakay sa mas maluluwag na buklod ng pamilya at panlipunang mga ugnayan. Ang autor ng pag-aaral ay naghinuha: “Ang panlulumo ay tila siyang kabayaran ng sibilisasyon.”

PINAMUMULAKLAK ANG MGA DISYERTO

Sa isang ambisyosong plano na makasapat sa sariling pangangailangan sa produksiyon ng pagkain, pinamumulaklak ng Saudi Arabia ang mga disyerto. Nananagana sa disyerto ng Saudi ang daan-daang mga luntiang bilog, bawat isa’y umaabot sa 80 ektarya ang laki, pinatutubigan ng tubig na binobomba mula sa kalaliman. Subalit ang halaga ng pagbabago sa disyerto tungo sa isang mabungang lupain ay magastos. Ang pamahalaan ay gumastos na ng libu-libong milyong dolyar sa proyekto. “Ang pagtatanim ng trigo sa Saudi Arabia ay singmahal ng pagtatanim ng mga pakwan sa ilalim ng salamin sa polong hilaga,” sabi ng The Economist. At bagaman ang salaping makukuha mula sa produksiyon ng petrolyo ay tila hindi nauubos, hindi gayon kung tungkol sa suplay ng tubig. Karamihan sa tubig na ginagamit ay mula sa malalalim na aquifers ng nakulong na mga tubig ng “fossil” na hindi na maaaring palitan. Kung ang konsumo ng tubig ay magpapatuloy sa kasalukuyang bilis nito, kinatatakutan na ang aquifers ay mauubos mula sa 10 hanggang 20 taon.

KAUNA-UNAHANG MOSQUE SA ROMA

Si Benito Mussolini, Fasistang pinuno ng Italya noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, ay iniulat na tumangging pahintulutan maitayo ang isang mosque sa Roma, sinasabing pahihintulutan lamang niya ito kung pahihintulutan ang isang simbahang Romano Katoliko sa Mecca. Nagbago na ang panahon. Hindi lamang itinatayo ang isang mosque mga lima at kalahating kilometro sa hilagang-silangan ng Vaticano kundi inilarawan pa ito ng kaniyang mga arkitekto bilang ang pinakamalaki sa Europa. “Kahit na hindi ito ang pinakamalaki, at walang pagtutol diyan, ito ang pinakamahalagang mosque sa Europa,” sabi ni Abdul Qayuum Khan, direktor ng Islamic Cultural Center sa Roma. “Ang payak na katotohanan ay na ito lamang ang masusumpungan sa sentro ng Kristiyanismo, sa Mecca ng Katolisismo, maaari mong sabihin.” Gayumpaman, ang opisyal na katayuan ng Vaticano ay sinasabing kaaya-aya.

LOKAL NA MARIJUANA

Ang mga pagsisikap na pahintuin ang paggamit ng marijuana sa Estados Unidos ay hindi lamang nabigo​—ang mga ito’y tumalbog. Iniuulat ng The New York Times na bagaman ang badyet ng pamahalaan upang ipatupad ang mga batas laban sa marijuana ay lumaki mula $526 milyon noong 1982 tungo sa $968 milyon noong 1988, hindi nabawasan ng lahat ng salaping iyan ang suplay ng droga o ang paggamit dito. Sa halip, ang paggamit sa mas matapang, lokal na marijuana ay lumalago. Sa The Medical Post ng Canada, nagbabala si Dr. Andrew Macnab na ang gayong lokal na marijuana ay maaaring magtaglay ng hanggang sa 350 nakalalasong mga sangkap.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share